Mariing tinutulan ng mga residente ng Taytay, Rizal ang demolisyon sa lumang munisipyo para bigyang-daan ang pagpapatayo ng Rizal Provincial Hospital Annex. Sa 60-taong pagkakatayo ng lumang gusali, itinuturing na itong pamana ng kasaysayan.
Protektado ng Batas Republika 10066 o National Cultural Heritage Act of 2009 ang mga istrukturang nakatayo sa loob ng higit 50 taon at idinedeklara ang mga ito bilang isang “Important Cultural Property” o ICP, kung saan ipinagbabawal ang anumang uri ng modipikasyon at paggiba. Pinagtibay ito ng isang liham mula sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) noong ika-20 ng Nobyembre kung saan isinaad na dapat ipagbigay-alam sa NHCP at sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang anumang panukalang pagbabago sa istruktura nito.
Ngunit, sa kaparehong araw, sinimulan ang demolisyon na pinangunahan ng lokal na Pamahalaan ng Taytay at tila ipinagsawalang-bahala ang babalang ito ng NHCP.
Sa kabila ng pagpabor ng Taytay Advocates of Cultural Heritage (TACH) sa proyekto, di umano’y pilit iniiba ng kanilang mga kritiko ang kanilang pinaglalaban, kung saan ipinalalabas na hindi sila sang-ayon sa pagpapatayo ng ospital.
Nilinaw ng TACH na hindi sila tutol sa pagpapatayo ng ospital. Ang hindi sinasang-ayunan ng grupo ay ang lokasyon ng proyekto, lalo’t higit ang pagsira sa lumang munisipyo na nagsilbi nang sentro ng bayan sa mahigit anim na dekada nitong pagkakatayo.
“Tini-twist pa rin [ng Taytay LGU] yung stand [ng grupo] namin, na we’re against the hospital. Sa tingin ko, wala kang makakausap na taga-Taytay na kumokontra sa ospital, everybody is in favor of the hospital,” ayon kay Brgy. Sta. Ana Kagawad John Tobit Cruz, miyembro ng adbokasiya.
Maaari umanong gawan ng paraan ng Pamahalaang Bayan ng Taytay ang paghahanap sa lugar na pagtatayuan ng pinaplanong ospital, ngunit napili ito ng Sangguniang Bayan dahil ang lumang munisipyo ay wala na umanong “pakinabang”.
“There is no more historical value when it comes to that building, because it has been transformed into a modern building,” ani Mayor George Ricardo Gacula II sa isang panayam sa Daily Tribune.
Bakas ng nakaraan
Sa kabila ng pahayag ni Mayor Gacula, malaki pa rin ang halaga ng lumang gusali sa taumbayang nakagisnan na ang munisipyo. Lingid sa kaalaman ng marami, itinuturing na itong isang “ancestral home” ng mga mamamayan ng Taytay. Ito ay dahil sa naging ambag nito sa paghubog sa karamihan. Ang lumang munisipyo, bago naging sentro ng bayan, ay naging tahanan ng edukasyon, kung saan nakatayo ang unang primary school sa Taytay.
Ayon kay Jose Fernandez na local historian at miyembro ng TACH, sa makasaysayang lugar na ito namahay ang unang paaralan ng bayan na nakatayo na sa loob ng mahigit isang siglo.
“That makes the entire site—building, monument, every piece of material in the surrounding heritage [site] of the town—which endured 120 years,” pahayag ni Fernandez.
Dagdag naman ni Kagawad Cruz, sa isang panayam ng Perspective, na parte ng pagkatao ng bawat Taytayeño ang gusaling tinitibag.
“[Ito] yung sinasabi namin na ‘it’s more than just a physical structure, it tells so many stories of our leaders’, and ito yung sumisimbolo ng gobyernong humubog sa pagkatao namin, mapa-proyekto ‘yan ng pangkalusugan, pang-edukasyon, pangkalinisan, lahat ng mga batas na lumabas dahil sa munisipyo na ‘yan, hinubog niya kami bilang tao, bilang Taytayeño, so mabigat sa amin na nakikita na ginaganito lang yung […] na tinitibag lang siya basta-basta, nang hindi man lang tinanong yung taumbayan [kung] ‘okay lang ho ba sa inyo?’”, pahayag ni Cruz.
Ayon din sa Kagawad, magmula nang simulan ang demolisyon, marami sa kanyang mga kababayan ang nagkukuwento ng mga karanasan at istorya ng kadakilaan na naging bahagi na rin na kanilang kinalakhang kasaysayan.
“Ang daming nagpadala sa amin ng mga lumang larawan nila sa munisipyo, ang daming lumalapit sa amin na nagkukuwento na noong araw, nag-aalay pa sila ng bulaklak [sa istatuwa ni Gat Jose] Rizal, ‘yung mga lolo, lolo ng lolo nila, tatay ng lolo nila, nagtrabaho doon sa lumang munisipyo, so may koneksyon yung mga tao doon sa gusali”, ani Cruz.
Dagdag pa ni Cruz, hindi na lang ito usapin ng pagiging ‘sentimental’ ukol sa istruktura na gigibain, pero napagtatanto ng mga mamamayan ng Taytay na may koneksyon ang kanilang pagkatao sa lumang gusali.
“Ngayon, nararamdaman ng mga tao [ang ideya] na ‘may koneksyon ako dito, at ginigiba mo ‘yan, at habang ginigiba mo ‘yan, parang binalewala mo rin yung koneksyon na mayroon ako sa gusaling ito’”, giit ni Cruz.
Kahina-hinalang pagpili
Dahil patuloy pa rin ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa, walang sinumang makatatanggi sa binabalak na proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal na magkaroon ang bawat bayan sa probinsya ng ospital sa ilalim ng isang hospital system.
Sa kasalukuyan, iisang ospital lang ang pinatatakbo ng Taytay Local Government Unit (LGU) na matatagpuan sa kanilang Poblacion; ang Taytay Emergency Hospital. Ito ay may nine-bed capacity na tumututok sa mga kasong kinakailangan ng agarang paggamot.
Sa pinaplanong pagpapatayo ng Rizal Provincial Hospital System-Annex (RPHS-Annex) sa bayan, madaragdagan ang mga mapagsisilbihan nitong residente bunsod ng 245-bed capacity ng panukalang proyekto. Inihambing ni Kagawad Cruz ang kakulangan ng pasilidad ng Taytay sa bayan ng Cainta na may mga ospital nang itinayo na pinatatakbo ng kanilang Pamahalaang Bayan.
“Ang Cainta, mayroong dalawang public hospital na mina-manage ng [kanilang] munisipyo, kami [rito sa Taytay], wala [pa] kaming ganon”, ayon kay Cruz.
Bunsod nito, nanawagan ang Lokal na Pamahalaan ng Taytay na magkaroon ng pagpapatayo ng RPHS-Annex sa kanilang bayan. Inaprubahan ito ng Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal Setyembre ng nakaraang taon.
Nabanggit sa Perspective ni Cruz na base sa mga panayam kay Mayor Gacula, naglaan umano ang Rizal Provincial Government ng hindi bababa sa 300 milyong piso, at hindi lalagpas sa 400 milyong piso.
Sa kabilang banda, wala umanong badyet ang lokal na pamahalaan ng Taytay para sa pagbili ng lupa, kung kaya’t nagsumite sila ng tatlong posibleng lokasyon ng pagtatayuan ng ospital: (1) ang lumang munisipyo sa Brgy. Dolores, kasama ang San Juan Gym at ang Taytay Emergency Hospital, (2) Kalayaan Park sa Brgy. Dolores, at (3) lumang dumpsite sa Brgy. Muzon. Sa tatlong ito, napagkasunduan ng Sangguniang Bayan na ang lokasyon ng pinaplanong pagamutan ay sa lumang munisipyo.
Hindi lang ang pagiging ICP ng lumang gusali ang argumento ng mga tumututol sa demolisyon nito. Kuwento ni Kagawad Cruz, hindi idinulog ng Sangguniang Bayan sa mga residente ng Taytay ang naging desisyong ito.
Ayon sa Section 11, Paragraph C ng Local Government Code of the Philippines, ang anumang opisina at pasilidad ng lokal na pamahalaan ay hindi maaaring ibahin ang paggamit o ilipat ang lokasyon nang walang nagaganap na pampublikong konsultasyon o referendum. Ito ang kinukwestyon ni Cruz at ng TACH, dahilan upang punain ang kahina-hinalang desisyong ito ng Sangguniang Bayan.
“Ang nagdesisyon lang talaga na ipagamit [ang lumang municipal hall] ay yung mga nakaupo [sa puwesto]”, ani Cruz.
Pabor sa proyekto, hindi sa puwesto
Nang tanungin ng Perspective kung may rekomendasyon ang kanilang grupo sa ibang mga lugar ng pagtatayuan, suhestyon ni Cruz; ang lokasyon sa lumang dumpsite sa Brgy. Muzon ang pinakamainam, dahil aniya, mas madali itong mapupuntahan ng mga mas nangangailangan ng atensyong-medikal, lalong-lalo na ng mga Taytayeñong nasa “laylayan”.
“Yung Muzon site na ‘yon, government property na siya, at malaking lupa yung nandoon, at hindi na rin natin kailangang gumastos kasi [nga] property na natin ‘yon. Tinutulak namin ‘yon, also for the reason na mas malapit [ang Muzon site] sa mas maraming nasa ‘laylayan’, even yung mga nasa outskirts, ‘no, mas malapit siya sa maraming mas mahihirap na taga-Taytay”, pahayag ni Cruz.
Kung ilalagay umano ang RPHS-Annex sa lokasyon ng lumang munisipyo, pangamba ng TACH at ni Cruz na magdudulot ito ng problema sa daloy ng trapiko sa paligid ng Poblacion.
“Nagwo-worry lalo kami na kung diyan nila ilalagay ‘yan sa gitnang-bayan, sa puwesto ng lumang munisipyo, paano niyan maaapektuhan ang traffic dito sa amin? Kinonsider kaya nila ‘yung mobility ng mga tao? Kung may emergency, makakarating ba kaagad sa lugar na ‘yan ‘yung mga pasyente?” pahayag ni Cruz.
Dagdag pa ni Cruz, makaaapekto rin ang pagtatayo ng ospital sa puwesto ng lumang gusali sa mga tradisyon ng simbahan, lalo’t higit ang palagiang pagbabaha sa paligid ng bayan.
“Maaapektuhan ba ng pagkakaroon ng ospital dyan ang mga prusisyon [ng simbahan], ang mga tradisyon ng simbahan at ng bayan na doon dati ginagawa sa lugar na ‘yan? [Kapag] ba nagkaroon ng sakuna, pupunta ba diyan ‘yung mga tao? Kasi sinasabi nila hindi daw flood-prone dahil medyo on top of the hill yung pagtatayuan, pero lahat ng surrounding areas doon sa lugar na ‘yon ay flood-prone, like highly-susceptible sa baha,” giit ni Cruz.
Patuloy ang operasyon
Mula nang magkaroon ng bagong gusaling pang-munisipyo ng Taytay noong taong 2009, nagsilbi itong extension office building ng ilan sa mga tanggapan ng Pamahalaang Bayan.
Ayon kay Cruz, mayroon pa ring mga opisina ang matatagpuan sa lumang gusali tulad ng National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration, GoNegosyo Center, Tech For Ed Center ng Department of Information and Communications Technology (DICT), Gender and Development (GAD) Office, at isang lock-up detention facility.
Hanggang sa araw ng demolisyon, may 250 hanggang 300 preso pa rin umano ang nakakulong sa lumang munisipyo at kamakailan lang sila nailipat.
Higit pa rito, laking-dismaya sa mga tao ang demolisyon dahil wala umanong pasabi mula sa Lokal na Pamahalaan ng Taytay na gigibain na pala ang kanilang kinagawiang opisina ng transaksyon, at kung saan-saan inilagay ang mga opisinang ito.
Sa mismong araw ng demolisyon, may ilan pa ring residente na pumunta sa lumang munisipyo dahil dito namamalagi ang iba’t ibang government businesses tulad ng pagpo-proseso sa NBI Clearance at pag-asikaso sa mga kliyente ng Bureau of Immigration. Giit ni Cruz, hindi napaghandaan nang maayos ang magiging relokasyon ng mga opisinang ito lingid sa binabanggit ng Pamahalaang Bayan.
“So ‘yun din ‘yung kinukuwestyon namin, talaga bang pinlano niyo itong maigi? Kasi, kung pinlano natin ito [nang] maigi, bakit kung saan-saan tinatapon [ng Taytay LGU] ngayon ‘yung mga opisina na ‘to? Sobrang ‘disservice’ sa mga tao yung ginagawa nila,” saad ni Cruz.
Mga hakbang para mapigil
Ang TACH ay patuloy na lumalaban para mahinto ang tuluyang pagwasak sa lumang gusali, kabilang na ang ilang legal na aksyon para sa pagpapatigil ng demolisyon.
Inihain ang reklamo sa Antipolo Regional Trial Court (RTC) noong Nobyembre para ipawalang-bisa ang Municipal Board Resolutions no. 74 at 84 na nagsasaad ng paglalaan sa lugar ng lumang munisipyo ng Taytay bilang lokasyon ng RPHS-Annex, gayundin ang kahilingang maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) at Preliminary Injunction laban sa demolisyon.
Nagsampa na rin ang kanilang grupo ng formal complaint sa Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa Pamahalaang Bayan ng Taytay.
Makalipas ang ilang araw, hindi ipinagkaloob ng Antipolo RTC ang TRO dahil ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) umano ang may “primary jurisdiction” sa usapin ng cultural heritage.
Nitong ika-11 ng Disyembre, naglabas ng Cease and Desist Order (CDO) ang NHCP na nagpapahinto sa anumang uri ng demolisyon, renobasyon, o modipikasyon sa nasabing gusali. Kinumpirma ni Cruz ang pagtalima rito ng mga contractor ng demolisyon.
“Around 9:30 [ng umaga ng ika-15 ng Disyembre] lang sila tumigil na mag-demolish, at hanggang ngayong araw [noong ika-16 ng Disyembre] ay tumigil na sila. Sa tingin ko ay nakatanggap na talaga sila ng kopya ng CDO,” pahayag ni Cruz.
Sa mga huling ulat, itinuloy nitong Sabado, ika-19 ng Disyembre, ang paggiba sa lumang munisipyo, sa kabila ng CDO na inisyu ng NHCP. Makikita rin sa post ng TACH na tinanggal na ang rebulto ni Jose Rizal at ni “Inang Bayan” na nagsilbing mga simbolo ng gusaling naging bahagi na ng Kulturang Taytayeño.
Magsilbing-aral
Pahayag ni Cruz, mahalagang makita na ang mga pamana ng kasaysayan ay isang indikasyon ng identidad bilang mamamayan ng isang kultura at komunidad.
“Hindi lang ito physical structures, hindi lang ito building, pero isa itong simbolo ng ating bayan na bahagi ng pagkatao natin […] Kung iniisip [natin] na building lang ang lumang munisipyo, para na rin nating sinabi na isang punit lang ng tela at kapirasong kahoy ang watawat ng Pilipinas, dahil hindi lang naman ito [isang] materyal na bagay, maraming bagay ang sinisimbolo nito, at ‘yung connection nito sa mga tao ay napakahalaga,” ani Cruz.
Ipinaalala rin ni Cruz na kahit ang ordinaryong mamamayan ang magsalita, magiging makapangyarihan ito para maiparating sa pamahalaan na mahalaga ang mga ito sa atin.
“Sana, hangga’t maaari ay mapangalagaan natin ang mga bagay na ‘to, maipa-realize sa atin kung hindi nare-realize ng gobyerno, sana taumbayan ‘yung magsalita. Pabor tayo sa development pero maaari naman tayong magkaroon ng development na hindi naisasaalang-alang yung mga mahahalagang bahagi ng ating komunidad at ng ating kultura,” ani Cruz.
Sa huli, mahalaga rin umanong mamulat ang mga mamamayan sa kahalagahan ng mga pamana ng kasaysayan sa kasalukuyang henerasyon, dahil ito ang indikasyon ng tunay na pagmamahal sa bayan.
“Hindi isyung-burgis ang pagpapahalaga sa cultural heritage, isyu ito ng pagiging Pilipino natin, isyu ito ng pagmamahal natin sa bayan, kasi everytime na napo-protektahan, naa-appreciate natin, nakikita natin ‘tong mga ‘to, natutulungan nitong mas mapalalim yung pagmamahal natin sa bayan natin, at kapag malalim yung pagmamahal natin sa bayan natin, lahat ng ikinikilos natin at lahat ng gagagwin natin ay laging patungo sa kung paano natin mas mapapaganda ang ating komunidad at mapapangalagaan yung ating bayan,” payo ni Cruz. [P]
Litrato mula sa Taytay Advocates of Cultural Heritage / Facebook
0 comments on “Mga residente ng Taytay, Rizal, pinapatigil ang paggiba sa isang ‘Important Cultural Property’ na munisipiyo”