Higit dalawang libong taon na ang lumipas nang ipinanganak si Hesus, at hanggang sa kasalukuyan ay patuloy nating ipinagdiriwang ang araw na iyon.
Di pa man din nailuluwal ang batang Hesus ay napasailalim na siya sa kapangyarihan ni Haring Herodes – isang pasista. Nasa sinapupunan pa lamang ay biktima na siya ng pang-aapi at pangha-harass.
Ang buong buhay ni Hesus ay kanyang ginugol hindi para sa pansariling kasiyahan, bagkus ibinuhos nya ang kanyang buhay para sa mga maralita at kapus-palad. Hindi ko malilimutan ang laging sinasabi sa amin sa simbahan—na mamuhay katulad ni Hesus. Mamuhay ng simple at may pagpapahalaga sa kapwa.
Kung nabubuhay si Hesus sa panahon ngayon, tiyak na maaakusahan siyang isang terorista tulad ng mga taong lumalaban para sa kapakanan ng mga api at masa. Gayun na lamang kadaling magbigay ng pasya ng mga kinauukulan sa ngayon. Tila iisa na ang ibig sabihin ng radikal, aktibista, at terorista.
Kung babalikan natin ang naging buhay ni Hesus, hindi siya nagdalawang-isip na mamuhay kasama ang masang pinanggalingan niya. Mga taong may sakit, mga taong nasa laylayan, at mga taong itinataboy ng lipunan. Nag-oorganisa rin siya ng mga pagtuturo at hindi kailan man natakot magsalita at magalit sa kamaliang kanyang nasasaksihan.
Isang tunay na imahe si Hesus ng aktibista. Isang Diyos na nagkatawang tao upang makisalamuha sa mga taong hindi pinapakinggan ang boses. Hindi siya natakot kalabanin ang mapang-aping batas ng imperyalistang Romano at hindi nanginig sa harap ng lahat ng pananakot at intimidasyon.
Si Hesus ay isa ring biktima ng may kinikilingang hustisya. Siya ay pinahirapan at ipinako sa krus dahil sa pagiging radikal, dahil sa pagiging matapang, dahil sa paglaban sa mga may kapangyarihan. Namatay siya dahil sa mga opisyales na inuuna ang pansaraling interes, at dahil sa isang sistemang panghustiyang nakahilig sa mayayaman at may kapangyarihan. Isang patunay na hindi kailan man magiging makatarungan ang bitay bilang parusa dahil sa hindi pantay na paglatag ng batas para sa mga mahihirap.
Hindi nalalayo ang sitwasyon ni Hesus noon at sa kadilimang nangingibabaw sa ngayon. Patuloy na kinikitil ang mga taong namumuhay para sa mga taong nangangailangan tulad ni Hesus. Patuloy ang pandarakip at pagiintimida sa mga taong hindi natatakot isigaw at ituro ang mga maling sistemang nagpapahirap sa bansa. Hindi pa rin tapos ang paghalik ng dugo ng mga aktibista sa lupa. Nagpapatuloy pa rin ang pang-aapi at pasismo.
Nais kong makita ng mga kapwa ko Kristyano at Pilipino na hindi hiwalay sa pangalan ni Hesus ang paghilig sa maralita at paglaban sa nagmamalabis. Hindi siya tumigil hanggang sa kanyang huling hininga sa paglaban laban sa isang bulok na sistemang pumapatay, nagpapahirap, at sakim. Hindi mga aktibista at radikal ang kalaban kundi ang mga taong walang alinlangang namamaslang, silang mga lulong sa kapangyarihan, at mga ganid sa yaman.
Ngayong Pasko matuto sana tayong lumubog sa masa at masadlak sa hirap na kanilang hinaharap sa araw-araw. Tulad ni Hesus mamuhay sana tayong lumalaban para sa mga taong higit na nangangailangan nang walang bakas ng takot at pangamba. Alalahanin natin ang turo ng simbahang mamuhay katulad ni Hesus. Mamuhay kasama ang taumbayan. [P]
Mga larawan mula kila William-Adolphe Bouguereau, Deadlo M. John Prather, Galyna Shevchencko, Vera Todorovska
Paglalapat ni Michael Ian Bartido
Kennlee Orola is an Agricultural Biotechnology sophomore student who loves photography, hiking, and reading novels. In his free time you may see him walking around freedom park at night or reading on a bench around campus.
The UPLB Perspective is accepting opinion articles that touch on relevant issues concerning news, politics, culture, and personal experiences. Send your articles or queries to opinion.uplbperspective@gmail.com
0 comments on “Hindi Terorista ang Messiah”