Sa halip na sa kanilang mga tahanan, sinalubong ng mahigit kumulang 80 pamilyang Tumandok indigenous people (IP) ng Brgy. Lahug, Tapaz sa Capiz ang bagong taon sa day care center ng kanilang barangay. Ilan sa kanila’y dinadalamhati pa ang pagkamatay na kanilang mga kamag-anak.
Ito ay matapos pinaslang ang siyam na Tumandok IP sa kasalukuyang isinasagawang Synchronized Enhanced Managing of Police Operations (SEMPO) sa kanilang mga komunidad sa Tapaz, na kung saan nagsama ang mga miyembro ng 12th Infantry Battalion at mga pulis ay nagsama sa pagtotortyur at pagpapatay sa mga katutubo. Ito lamang ang isa sa mga naganap na atake sa mga IP sa taong 2020.
Dagdag ng Anakbayan na nagsimula ang operasyon sa oras ng 4 AM, at ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay naglabas ng 25 na search warrant sa mga katutubo. Ang pagkilos nila’y nasabing walang mabuting basehan, ayon sa grupo.
Ang mga pinaslang ay kilalang mga pinuno ng mga organisasyong IP at mariing tumututol sa pagtayo ng Jalaur Mega Dam sa Calinog, Iloilo, na sinabing may halaga ng halos P11.2 bilyon, kung kaya naging biktima sila ng pang-reredtag.
Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), habang nilalaban ng mga katutubo ang Jalaur River Multipurpose Project – Stage II (JRMP II), sapilitang pinapaalis ang mga Tumandok IP na may Certificate of Ancestral Domain Title sa pagsusuhol sa kanila ng P50,000, habang binibigyan ng mas mababang halaga sa mga wala.
Kabilang sa mga napaslang ay ang chairperson ng organisasyong Tumandok nga Mangunguma nga Nagapangapin sa Duta kag Kinabuhi (TUMANDUK) na si Roy Giganto, at miyembro ng konseho ng TUMANDUK na si Eliseo Gayas na nabalitaang tinorture muna bago pinatay.
Ilan pa sa pinaslang ay ang council member ng Brgy. Lahug na si Mario Aguirre at ng Brgy. Nayawan na sina Reynaldo Katipunan at Rolando Diaz; kapitan ng Brgy. Nayawan Dalson Catamin; Mauro Diaz ng Brgy. Tacayan; Arcelito Katipunan ng Brgy. Acuña; at Jomer Vidal ng Brgy. Daan Sur.
Walang dalang armas ang mga biktima noong sila ay sinugod sa kanilang mga bahay at pinagpapapatay ng mga kapulisan. Ayon sa Panay Today, binaril sina Aguirre at Giganto habang sila ay tulog, habang pinalabas muna ang mga kapamilya ni Gayas bago siya pinagbabaril.
“Paano magiging rebelde ang isang tulog. Paano magiging rebelde ang araw-araw nasa pamayanan, na walang ibang ginawa kundi ipagtanggol ang mga kasamahang Tumandok laban sa karahasan ng Armed Forces of the Philippines na nandoon mismo sa Lahug?” ani Kakay Tolentino na tagapagsalita ng Katribu at National Council of Leaders ukol sa pag-aakusa ng mga kapulisan na mga rebelde umano ang komunidad ng mga Tumandok.
Samantala, umaabot na sa 18 na residenteng IP ang inaresto na sampu mula sa Calinog, at pito sa Iloilo at Tapaz. Sila’y sinasampahan ng mga kaso ng iligal na pagaari ng mga armas at pampasabog, ngunit sinasabi ng kanilang mga kamag-anak at mga kasama nila sa kanilang mga komunidad, lahat ng mgs sinasabing ebidensya ay tinanim ng mga pulis at sundalo
Hindi pa ibinibigay sa kanilang pamilya ang bangkay ng mga nasawi. Bukod dito, pinagbabantaan din ang mga residente na aarestuhin umano sila kapag sila ay tumakas mula sa kanilang mga barangay.
Kasalukuyang inililikas ang mga Tumandok sa Brgy. Lahug sa town proper ng Tapaz.
Base sa panibagong ulat ng Panay Today, lumilikas ngayon ang mga katutubo sa iba’t ibang evacuation center matapos ang mga sunod-sunod na atake sa kanilang mga komunidad. Habang may mga lumikas sa Tapaz Municipal Civic Center, higit 70 na Tumandok na taga-Brgy. Garangan, Calinog ay bumabalik sa kanilang mga tahanan bawat umaga habang nakikitira muna sa mga barangay hall at health center.
Sila ngayo’y umaapila sa medya upang maibalita ang mga nangyayari, at sila’y humihingi ng mga donasyon upang mabuhay sa kanilang sitwasyon.
Samantala, patuloy pa ring pinapaligiran ng mga kapulisan ang mga komunidad ng mga Tumandok. [P]
Litrato mula sa College Editors Guild of the Philippines / Facebook
Pingback: 2 lider-unyon sa Laguna, inaresto sa magkaparehong araw – UPLB Perspective
Pingback: Lima ang patay, apat ang arestado matapos ang ‘Bloody Sunday’ sa Timog Katagalugan – UPLB Perspective
Pingback: LIST: Human rights watch (June 5 – 12, 2021) – UPLB Perspective
Pingback: LIST: Human rights watch (August 8 – 14, 2021) – UPLB Perspective
Pingback: Mga progresibong grupo, ipinamalas ang tunay na pagkakaisa sa kilos-protesta sa inagurasyon ni Marcos Jr. – UPLB Perspective