News Southern Tagalog

Banta sa laban para sa karapatan: Grupong maralita sa Rizal, patuloy na ginagambala ng red-tagging, militarisasyon

Sa gitna ng pandemya at iilang bagyo na naganap noong nakaraang taon, ang SIKKAD-K3 Village sa Rodriguez, Rizal ay patuloy na lumalaban sa kaliwa’t-kanang isyu ng red-tagging na ilang buwan nang kinakaharap ng kanilang mga residente.

“Sana naman ay maging patas ang pamamaraan ng pamahalaan para sa lahat. Sana po ay tamang proseso lang ang kanilang igawad sa amin.”

Ito ang panawagan ni Dolor [hindi niya tunay na pangalan], isang miyembro ng San Isidro Kasiglahan, Kapatiran, at Damayan para sa Kabuhayan, Katarungan, at Kapayapaan (SIKKAD-K3), matapos ang pamamaratang ng pamahalaan sa kanilang organisasyon, na idinadawit ang kanilang mga miyembro sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP – NPA – NDF).

Noong Mayo ng 2020, 80 miyembro ng SIKKAD-K3 ang inimbitahan ng ilang representante ng National Task-Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa isang pagpupulong upang linawin umano ang pagkakadawit ng organisasyon sa mga makakaliwang grupo.

Para sa SIKKAD-K3 at iba pang human rights organizations, ang mga ginagawang aksyon ng NTF-ELCAC ay salungat sa kanila mismong ikinakampanya.

“Ang tingin ba nila sa mga mamamayan ng Kasiglahan Village ay mga rebelde? Ano ba talaga ang kanilang gusto, kasuhan sila o tulungan sila? Ano ba ang nais iparating ng mga berdugong ito?” pahayag ni Kyle Salgado, tagapagsalita ng Karapatan Timog Katagalugan (TK) ukol sa naganap na insidente noong Mayo.

Nito namang ika-6 ng Disyembre, ang mga miyembro ng SIKKAD-K3 na dadalo sana sa isang protesta ay hinadlangan ng mga sundalong naka-istasyon sa kanilang lugar. Ang nasabing protesta ay isa sanang panawagan upang humingi ng tulong, matapos na lubhang maapektuhan ng Bagyong Ulysses ang kanilang nayon.

Ayon kay “Dolor,” ipinag-utos ng mga sundalo na magtungo muna ang mga miyembro sa pamunuan ng barangay. Giit naman ng SIKKAD-K3 na kinakailangan na nila ng agarang tulong upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga miyembro. Anila, palagi umanong natatagalan ang tugon ng pamahalaan sa kanilang mga pangangailangan.

“Hinaharang [kami] ng mga sundalo, at pinapapunta sa barangay para maging legal. Sana ay ipadiretso na lang po [ang pamamahagi ng ayuda], sapagkat itutulong lang din naman ‘yon. Kaso ang ginagawa nila ay hinaharang, hino-hold. Paano naman ang mga umaasa na walang trabaho, [at] umaasa lang sa mga ayuda?” pahayag ni “Dolor.”

Sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap ng SIKKAD-K3 laban sa kahirapan at mga nagdaang kalamidad, hindi pa rin tinantanan ang kanilang grupo ng pamamaratang ng mga awtoridad. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang paggambala ng mga sundalo sa kanilang lugar.

Banta ng militarisasyon, bunga ng maling akusasyon

Ayon kay “Dolor,” higit 20 sundalo ang kasalukuyang naka-istasyon sa SIKKAD-K3 Village.

“Ang mga militar ay patuloy na nagmo-monitor, nagbabahay-bahay, at nagtatanong-tanong kung sino ang ‘ganitong tao’ [miyembro ng CPP-NPA-NDF],” kuwento ni Dolor tungkol sa kasalukuyang sitwasyon na nararanasan ng kanilang mga miyembro.

Minsan nga’y nililihis pa raw ng mga sundalo ang paksa sa kanilang mga tanong, gayong alam naman ng mga residente kung ano talaga ang kanilang tunay na pakay–ang hanapan ng butas at ebidensiya ang mga residente na siyang makapagtitibay ng pamamaratang laban sa SIKKAD-K3 bilang mga umano’y rebelde.

Sinasabing binasag ng rutinaryong ito ng mga sundalo ang pang-araw-araw na mapayapang pamumuhay ng mga residente, na nangangambang baka sa kinabukasan o sa mga susunod pang araw ay sila naman ang katukin at kapanayamin ng mga alagad ng batas.

Dagdag pa ni “Dolor,” ilan sa mga militar ay nanirahan na sa mismong loob ng village upang makapag-ikot-ikot. Dahil dito, lubos na ipinangangamba ng mga residente ang kanilang seguridad.

“Nagbahay na sila sa mismong loob ng village. Nag-iistasyon sila; supposed to be do’n [lang] sila sa kampo nila [sa labas], at hindi rito sa loob,” giit ni “Dolor.”

Ang mga taong dapat sana’y nakapagpaparamdam ng seguridad ay sila ngayong nagiging dahilan upang matakot ang mga residente ng SIKKAD-K3 Village para sa kanilang sariling kaligtasan.

“Ang purpose dapat ng mga militar [dito sa aming lugar] ay to protect us from COVID. Pero parang ang nangyayari ay ‘di ‘yon ang binabantayan nila, kundi ‘yung mga tao rito. Kesyo sumusuporta kami sa mga maka-kaliwang grupo, which is wala naman silang ebidensiya,” pahayag ni “Dolor.”

Makalipas ang pitong buwan, wala pa rin naman umanong maipakitang ebidensiya ang militar na ang SIKKAD-K3 ay sangkot nga sa mga maka-kaliwang grupo.

“Wala naman silang nakikita o nahuhuli. Basta ang alam namin, taos-puso kaming tumutulong sa kahit sino. Haka-haka lang ng mga namumuno na ang ilan sa amin ay mga ‘taong loob’ [sangkot sa CPP-NPA-NDF]. Ako mismo, wala namang nakikita [ritong] namumundok,” ani “Dolor.”

Hiling ng mga residente na kung wala namang ebidensiya ay tigilan na ang pamamaratang at pananakot sa kanila.

“Sana po ay tamang proseso lang ang igawad sa amin. Kung mapaparatangan man, sana ay tama ang proseso at may mga ebidensiya. May mga tao na ini-interrogate na mula sa NPA raw, pero wala namang nakuhang ebidensiya. Tama na po. Bigyan [niyo] na po kami ng kapayapaan,” pahayag ni “Dolor.”

Kamakailan din ay kinapanayam ng mga pulis ang mga miyembro ng SIKKAD-K3, kaugnay naman ng pagkakapasa ng Terror Law, na kinikilala ng marami bilang isang mapang-abusong batas na maaaring gamitin ng mga awtoridad upang paratangan ang sinuman bilang mga “terorista”.

“Nasabihan na rin ako na puwede akong hulihin dahil sa pagsama sa mga rally,” banggit ni “Dolor,” gayong ang tanging dahilan lang naman ng kanilang pagpoprotesta ay upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

Takot lamang ang naidudulot ng mga sundalo sa kanilang lugar. Dagdag pa ni Dolor na ang mga bata ay ang higit na apektado ng pamamasok na ito ng mga militar.

“Ang mga bata [ay] natatakot na sa mga sundalo [kaya] nagtatakbuhan na [patungo] sa loob [ng kanilang mga bahay], kapag nakikita sila. Dahil nga kasi sa pandemic, nanghuhuli [ang militar] ng mga paslit na nasa kalsada,” kuwento niya.

Giit niya na dapat “malaya” pa rin ang mga bata, gayong hindi naman lumalabas ang mga ito sa kanilang village at sa ganoo’y malayo naman sa pagkakasakit.

Mga laban para sa karapatan

Sa kabila ng pamamaratang ng awtoridad, iginigiit ng SIKKAD-K3 na ang mga miyembro ng kanilang organisasyon ay hindi mga rebelde, bagkus ay mga simpleng mamamayan lang na naghahangad at nananawagan para sa maayos na pamumuhay para sa kani-kanilang mga pamilya.

“Ang SIKKAD-K3 ay lehitimong organisasyon ng mga mamamayan sa Rodriguez na pinagtagumpayan ang kanilang karapatan para sa libreng pabahay at iba pa nilang kahilingan,” pahayag ni Salgado, matapos ang pamamaratang sa SIKKAD-K3 noon pang Mayo.

Para sa maayos at libreng pabahay

Ang tanging ninanais lang naman talaga ng SIKKAD-K3, ayon kay Dolor, ay ang magkaroon ng libreng pabahay, at makapagbigay ng tulong sa kanilang mga miyembro. Gayunpaman, sadyang napakatagal na raw ay ayaw pa ring gawing ligal ang kanilang pabahay at tinatanggihan silang gawaran ng mga opisyal na papeles.

Iginigiit umano ng awtoridad na magbigay ang mga miyembro ng SIKKAD-K3 ng monthly dues. Subalit, karamihan sa kanila ay lugmok sa kahirapan at walang kakayanang makapagbayad, kaya libreng pabahay ang kanilang pangunahing ipinaglalaban.

“Nakikipag-usap po kami sa Mayor’s Office, sa mga [mayroong] mataas na katungkulan, sa NHA [National Housing Authority], para po maging ligal na ang pabahay. Wala namang taong nag-aasam na hindi magkaroon ng bahay. Pero maraming hadlang kaya ayaw ibigay sa amin,” pahayag ni Dolor.

Isa sa mga maaaring hadlang sa ligalisasyon ng kanilang pabahay ay ang matagal nang banta ng pagbaha sa village. Sa katunayan, umaani ng batikos ang SIKKAD-K3 dahil sa kanilang paninirahan sa isang danger zone.

“Kami ang napupuntahan ng tubig sa creek. Dito po lahat ang bagsak ng tubig at walang magandang lalabasan dahil sa walang maayos na drainage,” dagdag pa ni “Dolor.”

Ayon sa kaniya, matapos ang Bagyong Ulysses ay may mga naghukay raw malapit sa kanilang lugar upang gumawa ng kanal na daanan ng tubig. Gayunman, iniwan na ito at sinabing babalikan na lang ang pagpapagawa sa susunod na taon.

Sa kabila ng mga inaani nilang batikos, iginigiit ng SIKKAD-K3 na hindi dapat sila ang sisihin sa paninirahan nila sa kanilang komunidad, sapagkat naghahangad lang naman sila ng masisilungan para sa kani-kanilang pamilya.

Ang tunay na salarin ng pagbaha, anila, ay ang mga kompanyang ipinagpapatuloy ang pagsasagawa ng quarrying sa Rizal, at ang mga awtoridad na nagpapahintulot ng mga gawaing ito.

Sa pagpapatigil ng quarrying sa Rizal

Ang quarrying sa Rizal, na bagaman matagal nang isyu, ay nananatili pa ring mainit na usapin lalo na para sa mga higit na apektado ng gawaing ito. Para sa SIKKAD-K3, ito ang nakikita nilang sanhi ng pagkasira ng kabundukan.

“Hiling po namin ay itigil na ang iligal na quarrying, para hindi na mangyaring ganitong binabaha ang aming lugar,” pinapanawagan ni “Dolor,” matapos banggitin ang kanilang takot sa mga pinsalang maaari pang idulot ng mga darating pang kalamidad.

Sa katunayan, sa isang liham para sa dating Pangulong Benigno Aquino III noon pang 2010, ipinahayag ng mismong pamahalaang lokal ng Rizal na ang pagmimina at quarrying sa kanilang probinsya ay tiyak ngang nagdudulot ng deforestation, na siyang nagiging sanhi ng malawakang pagbaha.

Sa gayong dahilan, kumbinsido ang mga residente ng SIKKAD-K3 Village na “hindi [nila] kasalanan” ang mabilis na pagtaas ng baha sa lugar na kanila mismong tinitirhan. Giit nila, hindi dapat sila ang pinauulanan ng mga batikos ng ibang mamamayan.

“Silang mga nasa posisyon, mga kapitalista, at kung sino-sino pang indibidwal ang dapat na sisihin sa pagkasira ng kabundukan natin. Kayo ang nagpakasasa sa salapi kapalit ang pagkasira ng kalikasan,” pahayag ng organisasyon sa isang Facebook post.

Sa kabila ng mga panawagan ng mga residente na ipatigil na ang quarrying, marami pa rin umano ang kasalukuyang nakakasaksi ng mga sasakyan na nanggagaling sa kabundukan at naglalaman ng mga dinurog na bato.

“Itigil na po sana [ng mga kompanya] ang illegal quarrying. Landslide ang talagang mangyayari roon, kung hindi titigil. Wala nang sumisipsip [ng] baha. Marami na [ang] nasasalanta,” giit ni “Dolor,” na kumbinsidong ang mga “makakapangyarihan” ang nagpapahintulot ng pagpapatuloy ng kanilang suliranin.

Sa ayuda sa mga mahihirap at naapektuhan ng kalamidad

Pagpapatunay sa suliraning dulot ng quarrying ang dinanas ng mga residente noong pananalasa ng Bagyong Ulysses, kung saan umabot hanggang bubong ang baha. Dahil sa sinapit ng munisipalidad mula sa bagyo, isinailalim ang Rodriguez, Rizal sa state of calamity noong ika-14 ng Nobyembre.

Makalipas ang halos dalawang buwan, hindi pa rin tuluyang nakakaahon ang mga miyembro ng SIKKAD-K3 mula sa pinsalang dulot ng kalamidad.

“Hindi pa nakaka-recover [ang karamihan sa amin] mula sa bagyo. Giba pa rin at wala pang bubong ang [bahay ng] iba. Nagpa-panic ang mga tao. Hindi na mapakali ang mga tao rito at binabantayan na lamang ang ilog,” kuwento ni Dolor.

Hiling ng mga residente na mabigyang aksyon na at maipagawa ang mga bahay, gayong ilan sa kanila ay kasalukuyan pa ring nasa mga evacuation center.

“Sana po ay bigyang-tugon [ng gobyerno] ang mga problema rito sa amin, katulad ng mga drainage, linya ng tubig, at kuryente,” panawagan ni “Dolor.”

Dagdag pa niya, bagaman paminsan-minsang nakapagbibigay ng tulong, bihirang-bihira ang mga pagkakataong sa gobyerno nakatatanggap ng ayuda ang mga miyembro ng SIKKAD-K3. Mas aktibo pa umano ang mga pribadong organisasyon sa pagpapaabot ng tulong sa kanila.

Ayon kay “Dolor,” imbis na walang-basehang pamamaratang at pananakot ang ginagawa ng mga awtoridad, dapat na mas binibigyang pansin ng gobyerno ang pagbibigay ng tulong at ayuda sa mga mahihirap, lalo na sa mga lubhang naapektuhan ng mga nakalipas na kalamidad.
“Sana naman ay maging patas ang pamamaraan ng pamahalaan para sa lahat. Sana [ay] ibigay [nila] ang nararapat para sa mga tao, lalo na sa aming nangangailangan ng mga bahay na masisilungan para sa aming mga anak at mga apo.” [P]

Litrato mula sa SIKKAD Montalban / Facebook

8 comments on “Banta sa laban para sa karapatan: Grupong maralita sa Rizal, patuloy na ginagambala ng red-tagging, militarisasyon

  1. Pingback: Long live the banners: The significance of the student movement – UPLB Perspective

  2. Pingback: Lima ang patay, apat ang arestado matapos ang ‘Bloody Sunday’ sa Timog Katagalugan – UPLB Perspective

  3. Pingback: Life outside the margins: Through the eyes of the Filipino urban poor – UPLB Perspective

  4. Pingback: Peasant month protests; Cristina Magistrado arrest – UPLB Perspective

  5. Pingback: 11 farmers’ homes demolished on Peasant Day; farmers call for land distribution, genuine agrarian reform – UPLB Perspective

  6. Pingback: Progressives express support as DOJ sues 17 cops for the murder of labor leader Ka Manny Asuncion – UPLB Perspective

  7. Pingback: A revolutionary’s perspective: What an ex-NPA’s narrative reveals about the roots and aims of the armed struggle – UPLB Perspective

  8. Pingback: Red-tagging laban sa UPLB human rights volunteers, kinondena – Tanglaw

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: