News

6 na magsasaka na ‘nag-ani ng sariling pananim,’ kinasuhan ng pagnanakaw

Kagabi lamang sa ika-18 ng Enero, anim na Bulakenyong magsasaka na pinalayas sa kanilang lupang-sakahan ang inaresto ng Philippine National Police (PNP) Norzagaray, ayon sa National Network of Agrarian Reform Advocates (NNARA) – Youth

Kabilang sila sa 14 na kinasuhan ng pagnanakaw ng Royal Mollucan Realty Holding, Inc. (RMRHI), matapos silang mahuling “nag-ani ng sariling pananim.”

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), kinilala ang mga inaresto bilang sina Salvacion Abonilla, John Jason Abonilla, Jenny Capa, Marilyn Olpos, Catherine Magdato, at Eden Gualberto. Matapos hainan ng arrest warrant, dinala sila sa istasyon ng PNP Norzagaray.

Ayon sa kasong isinampa, naabutan daw umano ng mga guwardiya ng RMRHI ang mga magsasaka na nangunguha ng mga bunga ng niyog at saging sa loob ng 75.5-ektaryang lupain sa Sitio Compra, San Mateo, Norzagaray, Bulacan. Ang bawat isa sa mga kinasuhan ay pinagpipiyansa ng tig-₱6000 ng Office of the Provincial Prosecutor ng Bulacan.

Gayunpaman, ayon sa KMP, “hirap at walang kakayahan [ang mga magsasaka] na maglabas ng ganitong halaga. Lalong wala rin silang kasalanan dahil sarili nilang mga pananim ang pinag-anihan nila ng mga produktong bukid.”

Ayon sa mga magsasaka, ang isinampang kaso ay walang katotohanan, at ginawa lamang upang patuloy silang takutin. Anila, nais pigilan ng RMRHI ang pagkakaisa ng mga magsasaka sa paglaban upang muling mapasakanila ang lupang inagaw ng nasabing kumpanya.

Giit din ng KMP, dahil naman sa binakuran ng RMRHI ang kanilang lupang sakahan, na gumagawa na lang ng paraan ang mga magsasaka para maani at makuha ang bunga ng kanilang mga pananim. Rason ito upang pagbintangan sila ng nasabing kumpanya bilang mga magnanakaw.

“Nagtambak [ang RMRHI] ng maraming armadong [guwardiya] at goons sa pangunguna ng sangganong si Salvador Dumagtoy,” dagdag pa ng KMP, na sinabi ring halos tatlong taon nang hindi nababalikan ng mga magsasaka ang kanilang lupain, dahil sa pagbabakod at pagbabanta ng nasabing kumpanya.

Dinepensahan ng KMP ang mga pesante kaugnay ng insidente ng pagkakaso.

“Hindi nagnakaw ang mga magsasaka. Sila ang napalayas sa lupa, na-demolish at sinunog ng Royal Mollucan ang kanilang mga bahay; sila ang nawalan ng kabuhayan,” pahayag nila.

Samantala, karagdagan pa sa kaso ng pagnanakaw, noong Hulyo naman ng nakaraang taon, sinampahan na rin ng RMRHI ang mga magsasaka ng kasong grave threat, bagaman naibasura ito sa korte.

Dahil sa serye ng pagkakaso at mahabang kasaysayan na rin ng panghaharas na kanilang nararanasan, patuloy pa rin ang paglaban ng mga magsasaka para sa kanilang karapatan, ngunit nananawagan silang tulungan ang kanilang kampanya.

“Nananawagan kami ng anumang suporta, tulong at pakikiisa para sa mga magsasaka,” pahayag ng KMP.

Patuloy rin ang panawagan ng grupo sa mga awtoridad, hinggil sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang siya namang karapat-dapat na magmay-ari ng mga ito.

“Itigil ang harassment sa mga magsasaka ng Sitio Compra! Kagyat na ipamahagi ang 75.5 ektaryang lupa sa mga magsasaka ng Sitio Compra, San Mateo, Norzagaray! Ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa!” panawagan ng KMP.

Lehitimong pagmamay-ari

Ang mga kinasuhang pesante, na miyembro ng Samahang Magsasaka sa San Mateo (SAMA-SAMA), ay higit tatlong dekada nang nagsasaka sa nasabing lupain.

Noong Nobyembre ng 2005, binili ng RMRHI ang lupain, na balak umanong gawing expansion ng Golden Haven Memorial Park, na sinasabing pagmamay-ari ng mga Villar.

Karagdagan pa, umapila ang RMRHI na mapawalang-saklaw ang lupa sa repormang agraryo. Gayunpaman, giit ng KMP, “Nabigo ang Royal Mollucan sa legal na pagmaniobra nito na iiwas ang lupa sa repormang agraryo.”

Sa katunayan, protektado ang lupain sa Sitio Compra ng Notice of Coverage (NOC) ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Sa nasabing mandato, ang mga lugar na napapasailaliman ng NOC ay lupaing kabilang sa pamamahagi para sa pagmamay-ari ng mga benepisyaryong magsasaka.

Dagdag pa rito, ipinagpasiya na rin ng Hukuman ng Apelasyon, mula sa kautusan ng pangulo, na ibigay ang lupa sa mga miyembro ng SAMA-SAMA.

Subalit, giit ng KMP, “Makupad pa sa pagong ang Municipal Agrarian Reform Office at Provincial Agrarian Reform Office ng DAR [Department of Agricultural Reform]-Bulacan na i-proseso ang nasabing order.” Dahilan ito upang patuloy na makaranas ng panghaharas ang mga magsasaka.

Mahabang kasaysayan ng pangangamkam at panghaharas

Sa kabila ng mga mandatong nagpoprotekta sa karapatan ng mga magsasaka, ilang taon na silang nakararanas ng panghaharas mula sa RMRHI, na pilit kinakamkam ang pinagtatamnan nilang lupain.

“Noong Pebrero 2018 at Oktubre 2019 ay ilegal na dinemolish ng mga [guwardiya] at goons ng Royal Mollucan ang kabahayan ng mga magsasaka sa loob ng 75.5-ektaryang lupa,” pahayag ng KMP tungkol sa mga naranasang panghaharas ng mga pesante sa Sitio Compra.

Ayon naman kay Jovita Torres, lider ng SAMA-SAMA, tatlong bahay ang sinunog at labindalawa pa ang sinira noong Oktubre 2019, bagaman wala namang naipresentang court order ang nagpuntang demolition team. Dagdag pa roon, pinagnakawan pa umano ng goons ng ₱ 28,000 ang magsasakang si Violeta Palparan, perang gagamitin sana niya sa pagbili ng kalabaw.

“Sinira ang [kanilang] mga pananim, sinunog ang mga kagamitan, at marahas na pinalayas ang mga magsasaka sa lupang sinasaka,” dagdag pa ng KMP.

Samantala, noon namang Abril ng nakaraang taon, dalawang ektarya ng taniman ng saging ang winasak ng armadong grupong mula rin sa RMRHI.

Patuloy na pag-abuso sa mga Bulakenyong pesante

Hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa ring nakararanas ng pang-aabuso ang mga magsasaka sa kalakhan ng Bulacan.

Nito lamang ika-8 ng Enero, winasak ang mga pananim sa mahigit dalawang ektaryang lupa sa Sitio Dalandanan, Brgy. Tungkong Mangga, San Jose del Monte (SJDM) City, Bulacan, gamit ang backhoe ng Peace and Order Safety Office (POSO) ng SJDM. 

Ang nasabing lupa ay sinasaka ng pamilya Ajose, na wala na umanong nagawa kundi manood habang sinisira ang kanilang mga puno at tinatabunan ng lupa ang aabot sa sanlibo nilang pananim na pinya at talong. 

“Hindi na nga nakatanggap ng ayuda mula sa LGU ng SJDM ang mga magsasakang binagyo, sinira pa ang kanilang sakahan,” taghoy ng KMP

Si Obet Robes, ang kapatid ng alkalde ng nasabing lungsod, ang umano’y nag-utos na wasakin ang mga pananim. Nabili na raw umano ni Robes ang lupa, bagaman wala namang maipakitang legal na dokumento ang kaniyang mga tauhan sa mga magsasaka, maliban sa isang kanseladong Certificate of Land Ownership. 

Ayon sa KMP, “Matagal nang ginigipit ang mga magsasaka sa SJDM dahil sa napakaraming proyektong real estate development sa lungsod. Nagsasalimbayan ang mga proyekto ng mga Villar, Ayala Land Inc., SMDC at iba pa sa San Jose Del Monte City.”

Nananawagan ang mga organisasyon ng mga pesante na ibigay ang lupain sa mga magsasakang karapat-dapat na nagmamay-ari nito.

In these trying times, what the farmers need is support and assistance to help them survive the pandemic,” pahayag ni Zen Soriano, tagapagsalita ng Amihan Women, isang pederasyon ng mga babaeng pesante. 

Lubos ding kinondena ng KMP ang mga insidente ng pangangamkam at panghaharas.

“Itigil ang landgrabbing! Ayuda sa magsasaka, ibigay na! Lupa [ay para] sa magsasaka, hindi sa dayuhan at kapitalista!” pahayag ng grupo. [P]

Litrato mula sa KMP/Facebook

0 comments on “6 na magsasaka na ‘nag-ani ng sariling pananim,’ kinasuhan ng pagnanakaw

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: