Ngayong araw ay ginugunita ang Mendiola massacre, isang masalimuot na pangyayari na kumitil sa buhay ng 13 na magsasaka at lumapastangan sa karapatang pantao at demokratikong kalayaan ng mga mamamayang lumalaban para sa kanilang kinabukasan at kaligtasan.
Ika-22 ng Enero, 1987. Isang kilos protesta ang kinasa upang isulong ang karapatan ng mga magsasaka sa kanilang lupang sinasaka at sa tunay na agraryong reporma. Humigit kumulang 10,000-15,000 na magsasaka ang nagmartsa patungo sa Malacañang upang maka dayalogo si dating pangulong Corazon Aquino ngunit bago pa man sila makarating sa kanilang destinasyon, sila’y binati na ng samu’t saring mga baril. Dinispersa nang marahas ang protesta na nagresulta sa kapahamakan at pagpaslang sa mga magsasakang walang laban sa katakot-takot na mga armas at sandata.
Hanggang ngayo’y hindi pa rin nananagot ang mga may sala na nagdulot ng pagdanak ng dugo sa lansangan ng Mendiola. Inirekomenda ng House Committee on Human Rights na bigyan ang mga kaanak ng mga biktima ng danyos dahil sa kanilang sinapit. Tila’y nilalagyan ng presyo ang buhay ng mga indibidwal na nagsusulong lamang ng kanilang mga hinanaing at adbokasiya. Buhay na inutang dahil sa kainutilan at kapabayaan ng estado.
Lumipas ang humigit tatlong dekada ngunit hindi pa rin nagbabago ang kalagayan ng ating mga agrikultural na manggagawa. Talamak pa rin ang despotismo, pananamantala at opresyon ng mga panginoong maylupa na hinahayaang mamayagpag ng macho-pyudal na pamumuno ni Duterte.
Sa mga salita ni Ka Eddie, isang lider magsasaka mula sa Timog Katagalugan, “Sa panahon ngayon, sa dalawaang paraan nalang kami mamamatay. Gamit ang bala o dahil sa matinding gutom.”
Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, ginigipit ang hanay ng mga magsasaka sa pamamagitan ng patong-patong na buwis, gawa-gawang kaso, pananakot, at pagpatay. Dahil dito’y napipilitan sila na sumunod na lamang sa mapaniil na sistema. Hindi rin ligtas ang mga agrikultural na manggagawa sa bagsik ng mga kalamidad na humahagupit sa ating bansa tulad ng mga bagyo at sakuna na sumisira sa ilang buwang pinagpagalan na pananim.
Dagdag pa ang mga neoliberal na batas tulad ng Rice Tarrification Law (RTL) na pumapanig sa pandaigdigang merkado at sa mga karatig na bansa imbes na sa mga Pilipinong magsasaka. Balewala rin ang mga batas ukol sa reporma dahil ito’y hindi epektibong iniimplementa ng gobyerno.
Noong ika-30 ng Marso, 2019, naganap ang pagpaslang sa Negros 14 na kung saan 14 na magsasaka na kabilang sa Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA) mula sa Negros Oriental ang pinaslang. Sila’y binansagan bilang mga miyembro ng NPA na “nanlaban.”
Pinatay ng mga militar mula sa 2nd Infantry Division at PNP Region IV-A ang limang magsasaka na pinagsususpetsahan na miyembro ng NPA sa Baras, Rizal noong Disyembre 17, 2020. Ipinahayag ng Karapatan Timog Katagalugan (TK) na kilala ang mga biktima bilang mga manggagawa sa sakahan ng mangga at hindi bilang mga miyembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Kadalasang naratibo ng mga militar sa mga “engkwentro” ay ang pagtalaga sa mga magsasaka bilang mga miyembro ng NPA na sa mata ng estado’y mga terorista. Sa pamamagitan ng red-tagging, nagagarantisahan sila ng kapangyarihan upang kumitil ng inosenteng buhay alang-alang sa “pagsugpo” sa nagbabadyang komunismo sa bansa. Inimplementa ang Executive Order no.70 (EO 70) at Anti-Terror Law (ATL) na nagbigay buhay sa militarisadong de facto Martial Law at nagpahintulot sa estado na hulihin at paslangin ang sinumang kumalaban o kumwestyon sa administrasyong Duterte. Hindi ligtas rito ang mga magsasaka na sa katunuyan, isa sila sa mga sektor na pinaka naaapektuhan ng malapyudal at pasistang pamalalakad ng gobyerno.
Hindi lingid sa ating kaalaman na umaanib ang ibang mga magsasaka sa hukbo ng mga mamamayan, ng komunistang partido. Sila’y humahawak na ng armas at nakikiisa sa demokratikong rebolusyon para sa kanilang seguridad at upang puksain ang kapitalismo’t namamayaning neoliberalismo sa lipunan na siyang nagpapahirap sa antas ng pamumuhay.
Ngayong taon lamang ay winasak ang kabahayan ng 60 pamilyang naninirahan sa Sitio Bangad, Orion, Bataan. Matagal nang pinagbabantaan ng mga panginoong maylupa ang mga magsasaka na lumikas sa lupain at kung hindi ay tuluyang gigibain ang kanilang mga tirahan. Inaangkin ni Federico Pascual, dating pangulo ng Government Service Insurance System o GSIS, ang nasabing lupa na kung saan Marso pa lamang ng taong 2020 ay pinapalayas na niya ang mga residente kahit nakapaloob ang bansa noon sa kwarantina bunsod ng pandemya.
Ang kumbersyon ng mga lupain para sa pagpapaunlad ng komersyo ay isa lamang sa mga balakid na nararanasan ng ating mga manggagawang bukid. Nariyan ang reklamasyon na pinahihintulutan ang pagkamkam sa mga lupain na kung minsan ang estado pa mismo ang pumoprotekta at nagraratsada nito. Tinatakot at ginigipit ang mga magsasaka o di kaya’y pinapatawan ng matataas na buwis na lubos na nagpapalubha sa kanilang kasulukuyang sitwasyon.
Kasuklam-suklam isipin na ang mga nagpapagal upang may maihain tayo sa ating mga hapag-kainan ang mismong walang makain. Nagtyatyaga sa tira-tirang butil ng bigas, kumakalam ang mga sikmura. Nagpapakahirap sa ilalim ng matinding sikat ng araw ngunit hindi pa rin mabigyan ng sapat na pagkain ang buong pamilya.
Nakikiisa ang UPLB Perspective sa pagtawag ng hustisya para sa mga biktima ng Mendiola massacre pati na rin sa libo-libong magsasaka at aktibista na binawian ng buhay kapalit ng panawagan para sa agraryong reporma. Sa mga indibidwal na inabandona ng estado upang pagsilbihan ang mga burgesya kumprador, panginoong maylupa, at burukratang kapitalista. At sa mga mamamayan na patuloy na binabalewala ng administrasyon upang unahin ang interes ng naghaharing uri.
Kalampagin natin ang mga nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihang opisyal. Ipamahaging libre ang mga lupain sa mga magsasakang nagpapagal nito, itigil ang mga atake’t pagpaslang, at ang hindi makatarungang pagpataw ng amortisasyon. Singilin at pagbayarin ang pasistang rehimen sa dugo’t pawis na dumanak sa lupang tinubuan kapalit ng mga pananim na inihahain sa merkado. Palayain mula sa rehas ng dahas at pagmamalabis ang mga magsasakang pinagbabantaan gamit ang bala o gutom. Patalsikin ang nakaluklok na diktador upang maani ng mga kabukiran ang inaasam na katarungan.
Sapagkat, lupa ang pinagmumulan at nagsusustento ng buhay. Bagkus itinuturing na balakid ang panawagan ng mga magsasaka sa pansariling interes ng estado at ng mga panginoong maylupa, hindi kailanman matitinag ang tinig ng kampanya tungo sa tunay na repormang agraryo at pagbagsak ng naghaharing pyudalismo. Darating ang araw na bubuwagin ang bawat hasyenda ng pagsasamantala. [P]
Dibuho ni Lindsay Anne Peñaranda
0 comments on “Pag-ani ng katarungan”