Noong ika-12 ng Enero, dalawang beses namataan ang kapulisan sa paligid ng pambansang opisina ng labor center na Kilusang Mayo Uno (KMU) sa Quezon City.
Unang namataan ang hinihinalang sarbeylans bandang 9:30 AM kung saan isang tinted na van ang pumarada sa harap ng headquarters ng nasabing grupo. Ang parehong van ay nakita umano ng mga residente na naglilibot sa paligid ng lugar bago umalis bandang 10 ng umaga.
Bandang 4:00 PM noong parehong araw ay isang mobil naman ng pulis ang namataan kung saan nasa anim na kapulisan ang naglilibot at nagtatanong sa mga residente sa lugar. Umalis din umano ang mga ito makalipas ang sampung minuto.
Ayon sa pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay, ang mga pulis umanong namataan ay naghahanap ng isang opisyal sa barangay na mayroong listahan ng “loose firearms.”
Ikinaalerto ng KMU ang pagiging pamilyar ng naratibo dahil matatandaang ginamit na ito bilang pangangatwiran sa pag-aresto sa HR Day 7 kung saan anim sa pitong inaresto ay unyonista o kasapi sa samahan ng mga progresibong gawain (BASAHIN: Labor center blasts ‘Search Warrant Factory Queen’ judge for HR Day 7 arrest).
Labis na ikinababahala ng grupo ang mga insidenteng ito matapos ang sunod-sunod na pag-uusig at pagtatanim ng ebidensya ng PNP na humantong sa iligal na pag-aresto.
Naniniwala ang KMU na ito ay bahagi ng pagsubaybay at pananakot na naglalayong patahimikin ang kilusan ng mga manggagawa.
Mga isinagawang diyalogo at inspeksyon
Bilang aksyon sa mga nasabing insidente ay nagsagawa ang KMU ng diyalogo noong sumunod na araw, ika-13 ng Enero kung saan ito ay dinaluhan ng mga pinuno ng KMU at mga opisyal ng Brgy. Amihan.
Sa nasabing diyalogo ay kinumpirma ng barangay ang naganap na sarbeylans patungkol sa “loose firearms” kung saan ipinahayag naman ng grupo ang matindi nilang pagkabahala sa mga nasabing uri ng operasyon lalo na sa gitna ng panahon ng panunupil sa mga progresibong grupo.
Dagdag pa sa ikinababahala ng grupo ang impormasyon na binasagan umanong “Bahay ng NPA” ang kanilang headquarters na mariin nilang itinanggi. Kanilang binigyang linaw na sila ay isang lehitimong organisasyon na naglalayong pahalagahan ang kapakanan ng mga manggagawa at sinisigurong wala silang ikikubling armas sa kanilang opisina.
Bandang 1:00 PM noong parehong araw ay nagsagawa ng inspeksyon ang Komisyon ng Karapatang Pantao (CHR) at mga opisyal ng Brgy. Claro sa pambansang opisina ng KMU sa 63 Narra St., Brgy. Claro, Project 3, Quezon City upang bigyang patunay ang kanilang pahayag na hindi himpilan ng anong klaseng armas tulad ng baril, bomba, at granada ang kanilang opisina.
Walang natagpuang kahina-hinala ang mga imbestigador ng CHR taliwas sa paratang ng kapulisan.
Bandang 4:00 PM ay tumungo naman sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang chairperson ng KMU na si Elmer Labog at KMU Secretary for Human Rights nitong si Eleanor de Guzman kung saan nagkaroon ng diyalogo sa pagitan nila at ni kalihim DOLE Silvestre Bello at pangalawang kalihim Benjo Benavidez.
Kanilang isinalaysay sa nasabing dayalog ang mga insidente ng sarbeylans sa KMU HQ kasabay ng pagsumite ng ulat ng mga insidente ng tangkang pagrerekrut ng mga ahente ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa mga gwardya ng Wyeth para manmanan ang mga unyonista sa loob ng pagawaan. Sila ay pinangakuan ng ahensya na ito ay tutugunan at magsasagwa ng imbestigasyon kasabay ng pagtawag ng pansin sa QCPD at PNP Cabuyao patungkol sa mga isinumiteng ulat.
Ang mga isinagawang dayalog at inspeksyon ay mga hakbang umano ng KMU upang wakasan ang patuloy na pananakot at pagpapatahimik sa mga lehitimong organisasyon tulad nila na naglalayon at nagsusulong ng mga lehitimong pakikibaka lalo na sa kasagsagan ng matinding krisis.
“Malinaw ang aming tindig laban sa mga ganitong gawain. Hindi dapat hayaang magpatuloy ang anumang pakana upang patahimikin ang paglaban ng mamamayan sa kahirapan at inhustisya,” paghahayag ng Kilusang Mayo Uno sa kanilang Facebook post bilang tugon sa mga insidente ng sarbeylans sa kanilang opisina
Mariing kinondena ng KMU ang mga ganitong klase ng pangyayari at humihiling ng pananagutan sa kinauukulan imbis na inuuna ng mga puwersa ng estado ang pananakot upang maalis ang paglaban sa gitna ng kahirapan. [P]
Litrato mula sa KMU / Facebook
0 comments on “Labor center, kinundena ang mga insidente ng sarbeylans sa kanilang opisina”