News Southern Tagalog

Dalawang bahay ng mga magsasaka, sinunugan ng mga goons isang araw pagkatapos makipagdiyalogo

Sa pagsasara ng gate sa mga nagpoprotesta, sa pagsusunog at paggigiba ng kanilang mga bahay, nagbagong taon na, ngunit patuloy-tuloy parin ang mga atake sa Hacienda Yulo.

Sinunog ‘di umano ng mga goons ng Seraph Security Agency ang mga bahay ng mga magsasakang Fredie Cacao at Mario Mangubat sa Sitio Buntog, Brgy. Canlubang sa Hacienda Yulo, Laguna noong ika-23 ng Enero bandang 4:20 PM.

Ayon kay Shirley Marasigan, isa sa mga nasunugan ng bahay, habang siya at ang kanyang pamilya ay nasa loob ng kanilang bahay, pumasok ang mga goons, binuhusan ito ng gasolina at sinindihan. Nasunog ang lahat ng kanyang mga gamit kabilang na ang ₱40,000 na halaga ng salapi na kanyang matagal na inipon upang makauwi sa kanilang probinsiya. Bukod pa rito, habang nagsusunog, tinutukan ng goons ang mga biktima ng baril, pinadapa, at ninakaw ang kanilang mga cellphone.

Ang natitira sa bahay ni Mario Mangubat at ng kanyang pamilya. (mula kay Ralph Frederick Patag)

Dagdag ni Marasigan, balak pa sana ng mga goons na itali ang isang biktima habang sinusunog ang kanyang tahanan.

Ito ay hindi bababa sa ika-4 na beses na pag-atake sa mga bahay ng mga magsasaka at residente ng Sitio Buntog. Ito ang ikalawang beses na winasak ang mga bahay nina Cacao at Mangubat matapos wasakin ang mga ito noong ika-6 ng Enero.

Kinabukasan, bandang 5:00 PM, tumungo ang mga humanitarian volunteers mula sa iba’t ibang sektor sa mga bahay na sinunog upang imbestigahan ito, ngunit hinarang sila ng mga tauhan ng Seraph Security Agency ayon sa Defend Yulo Farmers.

Dagdag ng grupo, bukod sa panghaharang, tinatakot pa ng mga pribadong security ang mga lokal na nasa kabilang bakod na makakatanggap sana ng ayuda.

Ngayong araw, bandang 1:00 PM nagpadala ng pulis ang local government unit (LGU) ng Canlubang upang mamagitan sa mga magsasaka at goons na nakapalibot ngayon sa Hacienda Yulo. Subalit, pati ang mga pulis ay hinigpitan ng mga goons at hindi agad-agad nakapasok.

Samantala, kinundena ng BAYAN Laguna ang pagsunog sa dalawang bahay at ang hindi pagbigay-pansin ni Justin “Timmy” Chipeco, ang alkalde ng Calamba.

“Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagiging bingi at bulag ni Mayor Timmy Chipeco sa kalagayan ng mga magsasaka. Ginigiit pa rin ng opisina niya na labas na sila sa usapan ng di umano’y pribadong lupa ng mga Yulo. Ano ba ang katotohanan – walang pangil ang batas ng Calamba pagdating sa mga asyendero’t komprador, o tuluyan nang nabayaran si Mayor Chipeco?”

Mga magsassaka ng Sitio Buntog, hinaharang ng mga gwardiya ng Calamba Municipality Hall (mula kay Kristine Paula Bautista).

Ayon kay Bokal Christian Niño Lajara ng Laguna Board, nais ng developer na kumontrata sa mga ahente ng San Cristobal Realty Development Corporation (SCRDC), na ipagkait sa magsasaka ng Sitio Buntog ang kanilang karapatan.

“Ang panununog at harassment sa Sitio Buntog ay senyales ng pagmamadali ng developer na agawin sa mamamayan ang panalo na inilabas ng Korte Suprema na ibigay ang nararapat para sa mga magsasaka at manggagawang bukid ng dating Hacienda Yulo,” sabi ni Lajara

Dagdag ni Lajara, dating naghain ng petisyon sa Korte Suprema ukol sa laban sa lupang agraryo ang mga magsasaka, trabahador, at mga pamilyang naninirahan sa Canlubang. Ayon sa naging desiyon ng Korte Suprema, sila ay kwalipikadong kuhanin ang benepisyong napagtagumpayan laban sa SCRDC na nais silang palayasin sa loob ng lupain ng Sitio Buntog.

“Iginagawad ng Korte Suprema sa mga lehitimong manggagawang bukid ng azucarera ang bahay, danyos perwisyo o disturbance fee, at oportunidad sa trabaho na magmumula sa San Cristobal Realty Development Corporation. Pinatutunayan ng desisyong ito na ang mga pamilya ng mga manggagawang bukid at mga magsasaka ng Canlubang ay lumahok sa produksyon, naglinang ng lupa, at nagpayabong ng isang komunidad na kinalauna’y pinagkakitaan ng panginoong may lupa at kanilang mga kasapakat na mga kumpanya at korporasyon,” iginiit ni Lajara.

Ang bahay ni Fredie Cacao at ng kanyang pamilya matapos ‘di umano sunugin ng mga tauhan ng Seraph Security Agency (mula kay Ralph Frederick Patag)

Laban para sa karapatang panlupa

Noong ika-22 ng Enero, sa araw ng ika-34 na paggunita ng Mediola Massacre, ay nagsagawa ng kilos protesta sa harap ng Laguna Provincial Capitol Extension sa Calamba ang mga magsasaka ng Hacienda Yulo. Ito ay sa kabila ng kanilang pagtanggap ng banta na sasalisihan sila ng mga goons upang wasakin ang kanilang mga tahanan ayon sa Defend Yulo Farmers.

Inimbititahan ni Chipeco ang mga magsasaka na makipag-dayalogo sa araw na iyon ukol sa kalapastanganang nagaganap sa Sitio Buntog. Ito matapos ay siya mabatikos dahil sa kanyang pagtanggi na makipag-dayalogo noong ika-18 ng Enero at sinabi na lamang: “Bakit kailangan pa ng usap?”

Subalit, muling hindi humarap si Chipeco sa mga magsasaka. Nabalitaan lamang na isinara ang gate sa harapan nila, at ang kamay ng isa sa mga lider ay naipit sa pagsara ng gate.

Sa kabila nito, naipasa ng mga magsasaka ang kanilang lihim ng kanilang mga kahilingan sa Calamba LGU. Ayon sa isa sa mga magsasaka na si Jojo de Leon, sinabi ng chief ng Public Order and Safety Office (POSO) ng Calamba LGU na si Jeffrey Rodriguez sa mga magsasaka na ang kanilang liham ay “ire-relay kay mayor.”

Sa kanilang lihim, nananawagan ang mga magsasaka na itigil ang kalapastanganan ng Seraph Security Agency at iba pang mga ahente, at itigil ang operasyon ng SCRDC sa Sitio Buntog pati na rin sa mga karatig na sitio.

Hinihiling rin nila na pagbayarin ang mga Yulo at Ayala ng danyos perwisyo at na magkaroon ng ayuda para sa kanila na apektado ng nasabing panggigipit ng Seraph Security Agency na pandagdag hirap sa pandemya.

Bukod pa dito, nais nila na magkaroon ng diyalogo sa pagitan nila, mga Yulo, mga Ayala ang Kagawaran ng Repormang Pansakahan (DAR), at ang lokal na pamahalaan, sa ika-27 ng Enero. 

Kanilang hinihingi rin ang mga papeles na may kinalaman sa Hacienda Yulo.

Lihim ng mga magsasaka ng Sitio Bantog sa Calamba LGU (mula kay Kristine Paula Bautista).

Bagong taon, parehong kalaban

Ang Sitio Buntog, isang bahagi ng tinatayang 7,100-hectaryang Hacienda Yulo ay isang hotspot para sa pananagkam ng lupa at karahasan.

Mula pa noong 1911, iginiit ng mga residente ang kanilang mga karapatan sa kanilang mga lupang ninuno sa harap ng mga pribadong korporasyon na nais sakupin ang kanilang mga tahanan para sa kanilang mga proyekto.

Ang pagsunog sa dalawang bahay ang pinabago sa serye ng mga atake sa mga magsasaka ng Hacienda Yulo.

Noong ika-28 ng Agosto ng nakaraang taon, sinunog ng mga goons ang tatlong bahay sa Sitio Buntog.

Makalipas ng tatlong buwan, noong ika-12 ng Disyembre ng nakaraang taon, nagbigay ng “huling abiso ng pagalis” para kay Cacao, Mangubat, de Leon, pito pang residente ng Hacienda Yulo, at “ang lahat ng taong nakatira sa Sitio Buntog.” Ang abiso na pirmado lamang ng kinatawan ng SCRDC ay sinasabihan ang mga residente na lumisan sa loob ng 15 na araw. Bukod sa abiso na ito, walang naipakitang court order o opisyal na dokumento ang kumpanya.

“HULING ABISO NG PAGALIS” ng San Cristobal Development Corporation (mula kay Kristine Paula Bautista).

Noong ika-3 ng Enero, winasak ng mga goons ang dalawang bahay sa Sitio Buntog. Makalipas ng tatlong araw, dumating ang higit-kumalang 30 na lalaki na may dalang malalaking armas ang winasak ang dalawa pang bahay ayon kay de Leon.

(MGA NAG-UUGNAY NA BALITA: Matapos ang harassment sa mga residente, tatlong bahay sinunog sa Hacienda Yulo, Several Hacienda Yulo homes wrecked, residents fired on by armed men)

“Noong January 9, paggitan ng ala-una ng hapon, dumating naman sa aming bahay ang mga security guard at may mga dalang maso, mga pansundot sa bubong.,Hinarang ko sila at sinabi ko: ‘nasaan court order niyo?’ Bigla na lang nila akong pinadapa. Tatlo nakatutok sa aking baril, meroon pa sa ulo. May umaapak pa sa ulo ko at sa likod,” pinaliwanagi ni De Leon sa Perspective.

Nabanggit din ni De Leon na ang kanyang mga kapamilya ay hanggang ngayon ay natatakot parin matapos ang mga insidente.

“Kitang kita ko na na nagmamakaawa na ang nanay ko, ang kapatid ko, ang pinsan ko na kababaihan. Yung isa ngang bata na siyam na taon ay iyak na iyak, traumang trauma. Hanggang sa ngayon, may trauma parin yung bata,” ani De Leon

Dagdag ni De Leon, noong ika-11 ng Enero ay nagsampa na siya ng kaso sa Komisyon ng Karapatang Pantao (CHR), habang noong ika-12 naman ay sinamahan niya ang mga kababaihan na binastos raw ng mga goons na magsampa ng kaso sa CHR.

Noong ika-21 ng Enero, matapos ang nakaraang pagbabakod, isinara nang tuluyan ang daanan ng mga magsasasaka sa Hacienda Yulo.


Sa ngayo’y, nananawagan na ng mga donasyon para sa mga magsasaka n Sitio Buntog. Sila ay humigingi ng mga pagkain, damit, kumot, banig, tarapal, pera at maging suportang moral. Maari ding tumulong o magboluntir para sa pag-aayos ng relief mission para sa mga magsasaka.

Para sa mga katanungan, maari niyo pong i-contact ang numero na ito: +63 930 914 6435. [P]

Mga litrato mula kay Paula Bautista, Ralph Patag, at mula sa Defend Yulo Farmers

4 comments on “Dalawang bahay ng mga magsasaka, sinunugan ng mga goons isang araw pagkatapos makipagdiyalogo

  1. Pingback: UPLB events, initiatives to look forward to this week – UPLB Perspective

  2. Pingback: More Hacienda Yulo homes ransacked, residents harassed by ‘hired goons’ as farmers hold ground against onslaughts – UPLB Perspective

  3. Pingback: Panawagan ng mga Katutubo, ibinasura ng DOT; operasyon ng mga Ayala sa lupain, kanselado – UPLB Perspective

  4. Pingback: Sta. Rosa woman waited by the rubble of her ruined home for her jailed husband – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: