Opinion

122 taong bilanggo ni Uncle Sam

Sa pag-upo ni Joseph Biden bilang ika-46 na pangulo ng Estados Unidos, mukhang nabunutan na ng tinik ang mga Democrat at Amerikanong hindi nabiktima ng disinformation at QAnon conspiracy theories. Sa wakas ay napalayas na nila sa White House ang populistang si Donald Trump.

Ang pagkatanggal sa pwesto ng isang racist at sinungaling na presidente ay maituturing na tagumpay ng mga mamamayan ng United States (US). Kinikilala natin kung gaano kahalaga sa kanila ang unti-unting panunumbalik ng demokrasya lalo na’t bago na ang namumuno sa ehekutibo. Umaasa nga tayong ibig sabihin din nito ay pagbaba ng mga insidente ng diskriminasyon, inhustisya, at pang-aabuso ng kapulisan sa Estados Unidos.

Alam din nating tagumpay ito ng mahigit apat na milyong Pilipino at Filipino-Americans na nakatira sa US — na itinuturing din na minorya at persons of color. Pinalala pa kasi ng coronavirus ang diskriminasyong nararanasan ng ating mga kababayan. 

Hindi-hinding ko nga makakalimutan ang footage ng news team ng ABS-CBN, kung saan nakuhanan yung diskriminasyong naranasan nila habang nagre-report sa California noong Hulyo 2020. Sinigawan ang mga Pilipino ng isang puting lalaki at tinawag na ‘pigs’ at ‘disease carriers.’

At ano ang dahilan? Dahil lamang sila ay Southeast Asian

Bukod dito, mukhang mas magiging bukas na rin ang tinaguriang ‘Land of the Free’ sa pagtanggap ng mga imigrante at refugee na tinatakasan lamang ang malubhang sosyo-ekonomikong kalagayan nila sa kani-kanilang bansa. Malayong-malayo sa anti-imigranteng polisiya ni Trump. 

Pero hindi tulad ng ‘bars’ ng Fil-Am rapper na si Ez Mil sa viral hit niya na ‘Panalo,’ na nagsasabing “‘Wag nang pag-usapan ang mga negatibong pangyayari,” papalag kami. Pipiliin naming buksan ang diskurso dito.

Sa totoo lang, kung ang ibig sabihin kasi ng pagbabalik ng demokrasiya sa Amerika sa ilalim ni Biden ay ang pag-preserba sa status quo ng Pilipinas, hindi namin ito agad-agad na tatanggapin at lulunukin.

Unang putok

Siguro ay kailangan natin ng isang crash course sa kasaysayan ng bansa. Balikan natin ang gabi ng Pebrero 4, 1899, Sta Mesa, Manila. Ang sabi ng kasaysayan, pinaputukan ng militar ng US ang dalawang hindi armadong Pilipinong sundalo sa ngayo’y Sociego Street. Isa sa mga binaril noong gabing iyon ni Private William Walter Grayson ay si Corporal Anastacio Felix ng 4th Morong Battalion ng Philippine Revolutionary Army. 

Ito ang kumalabit sa gatilyo ng Digmaang Pilipino-Amerikano.

Tatagal ang tunggaliang ito mula 1899 hanggang 1902 (hanggang 1902 nga lang ba?), at kikitil sa humigit-kumulang 250,000 sibilyang Pilipino (250,000 nga lang ba?).

Isang linya lang ‘yan sa mahabang resibo ng mga masaker sa kasaysayang handog ng Amerika. At ngayong araw nga, taong 2021, ay ginugunita natin ang ika-122 anibersayo nito. Pero, mahigit isang siglo na ng una tayong pinutukan ni Uncle Sam ay patuloy pa rin niya tayong pinagsasamantalahan.

Huwad ang kasarinlang binigay ng Amerika dahil kapalit nito ay pangsasamantala ng mga dayuhang imperyalista, mga malalaking Amerikanong burgesyang komprador, sa murang lakas-paggawa ng mga manggagawang Pilipino.

May mga inisyatiba raw sila sa usapin ng climate change pero kibit-balikat naman sa iniwang trahedya sa kalikasan ng mga multinational mining corporation sa Pilipinas.

Wala na nga ang mga base militar sa Subic at Clark, pero malayang naglalabas-masok ang mga Amerikanong sundalo sa bansa sa bisa ng Visiting Forces Agreement. Patambay-tambay lang din sa Mindanao ang U.S Special Forces para daw sa umano’y counter-terrorism activities nila. Tapos, mula 2016 hanggang 2019 ay niregaluhan pa nila si Pangulong Duterte ng $550 milyon o mahigit P26 bilyong military assistance. 

Isang malaking katarantaduhan para sa isang estadong pinaparangalan ang simbolismo ng Statue of Liberty ay patuloy na nagpapaulan ng ayudang suporta sa isang pasistang kumikitil sa libo-libong biktima ng anti-mahirap na giyera kontra-droga at nanghaharass at pumapatay ng mga kritiko, aktibista, at human rights defenders sa akusasyong terorista daw sila.

Pero sa bagay, ano nga bang pinagkaiba ng Pilipinas sa bansang ginagawang video game at pampalipas oras ang maglunsad ng drone strike sa mga inosenteng sibilyan sa Gitnang Silangan?

Gayunpaman, mabuti na lamang ay may ilan tayong kaalyado sa Kongreso ng US na nagpanukala sa Philippine Human Rights Act. Kung makakalusot, sususpendihin nito ang suporta ng Amerika sa pulis at militar ni Duterte hangga’t hindi napapanagot ang mga paglabag sa karapatang pantao ng kaniyang administrasyon. Inuudyok namin ang mga mambabatas ng US na agarang ipasa ito.

Ang PSA

Pero syempre, hindi sapat ang paglatag lang ng mga ganitong foreign policy na kung sa dapat ay bare minimum. Ipinapaalala namin na ang pangunahing panawagan pa rin ay paglaya.

Patuloy pa rin kasi ang impluwensiya at pagkontrol ni Uncle Sam sa ating lipunan: sa ekonomiya, pulitika, at kultura sa ating kasaysayan. Nakakaumay na nga minsang marinig ang chant na ‘Imperyalismo Ibagsak’  — na tila signature buzzword na ng mga national democrats sa bawat kilos-protesta.

Nakakasawa man minsan pero ito kasi yung reyalidad. Paulit-ulit kasi ‘di naririnig. Paulit-ulit hanggang marinig. Sana naman kasi, pagkatapos mong basahin ‘to ay medyo gets mo na kung bakit tayo mga bilanggo ng imperyalismo. Ulitin ko ha, mga bilanggo pa rin kasi tayo. [P]

Litrato mula Official Gazette


The UPLB Perspective is accepting opinion articles that touch on relevant issues concerning news, politics, culture, and personal experiences. Send your articles or queries to opinion.uplbperspective@gmail.com

0 comments on “122 taong bilanggo ni Uncle Sam

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: