News Southern Tagalog

Matapos masara ang planta ng Nissan sa Sta. Rosa, Laguna, higit 133 manggagawa ng Nissan ay nanganganib na mawalan ng trabaho

Isa pang pagawaan ng sasakyan ay nagsara sa Sta. Rosa, Laguna, at sa ngayo’y wala paring konretong plano mula sa pamamahala ng Nissan.

Ngayong darating na buwan ng Marso, 133 na manggagawa ng Nissan Philippines Inc. ang inaasahang mawawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng lokal na planta ng Nissan sa Sta. Rosa, Laguna.

Pangatlo ang lokal na planta ng Nissan sa Sta. Rosa, Laguna sa mga pagawaan ng sasakyan na nagsara sa lalawigan sa loob ng tatlong taon. 

Taong 2019 nang ipasara ng Isuzu Philippines ang kanilang pagawaan sa Biñan at isang taon makalipas ay sumunod naman ang Honda Cars Philippines, Inc. (HCPI) sa pagsasara ng kanilang planta sa Santa Rosa kung saan tinatayang 600 na manggagawa sa nasabing planta ang nawalan ng trabaho. Ngunit, sila’y nagtagumpay sa welga, kung kaya’y sila ay nakakuha ng 280% separation pay (BASAHIN: Union wins negotiations, Honda workers to receive 280% separation pay).

Ayon sa liham ng pangulo ng Nissan Philippines Inc. na si Atsushi Najima, napagdesiyunan nilang ituloy ang pagsasara matapos ang pag-expire ng kontrata nito kasama ang kasosyo nitong Filipino vehicle assembly na Univation Motor Philippines Inc. (UMPI).

Ayon sa labor center na Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU), ang malawakang tanggalan sa mga manggagawa ay dahil “tali ang ekonomiya ng bansa sa dayuhang pamumuhunan, kapital at industriya.” Dagdag ng PAMANTIK-KMU, lalawig pa ang kawalan ng trabaho sa bansa gawa ng pinaplanong full foreign ownership ng mga kumpanya sa bansa sa ilalim ng administrasyong Duterte.

“Sa pag-asa ng bansa sa dayuhang puhunan, palagi pa rin tayong talo dahil ang antas ng produksyon at halagang nalilikha nito ay parehong mababa, at siya ngayong ikinakatwiran sa pagbibigay ng mababa at di-nakabubuhay na sahod sa manggagawa,” ayon sa PAMANTIK-KMU.

Matatandaang Marso noong nakaraang taon nang ideklara ang lockdown sa Metro Manila upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng COVID-19 sa bansa. Ipinagbawal ang mga pagtitipon at paglabas-masok sa Kamaynilaan, sinuspinde ang face-to-face classes, at inabisuhan ang mga mamamayan na manatili sa kanilang mga tahanan.

Nilimitahin o pansamantala namang itinigil ang mga operasyon ng ilang mga negosyo at establisyemento, kung saan isa sa mga lubusang naapektuhan ay ang sektor ng pagawaan ng mga sasakyan.  

Tinatayang 4.5 milyong Pilipino ano ang nawalan ng trabaho sa taong 2020. Naabot din sa taon gito ang pinakamataas na unemployment rate ng bansa sa loob ng 15 taon, na umaabot sa 10.4 porsyento. 

Habang bumaba ang unemployment rate sa 8.7% noong Oktubre kasabay ng pagluwag ng mga quarantine protocols at unti-unting pagbukas ulit ng ilang mga negosyo, hindi pa rin umano ito matutuing na tunay na pag-ahon ng sitwasyong ekonomikal ng bansa, ayon sa mga organisasyon para sa mga manggagagawa. 

Sa kabila ng pagbaba ng unemployment rate, tumatayaang 3.8 milyong Pilipino pa rin ang walang trabaho. 

Marami pa ring humahadlang sa mga mamamayan upang sila’y makahanap ng at pumasok sa trabaho. Ilan sa mga tinukoy ng estadistikang nasyunal na si Dennis Mapa ay ang kakulangan ng transportasyon. 

Inapela din ng PAMANTIK-KMU ang pagbibigay ng sapat na ayuda para sa mga manggagagawa ng Nissan. Isang beses lamang nakatanggap ng ayuda na nagkakahalagang 5,000 piso ang mga nasabing manggagawa. 

Ang Kagawaran ng Paggawa at Empleo (DOLE) ay nagbibigay ng one-time cash assistance para sa mga manggagawang natanggal ng trabaho sa ilalim ng kanilang COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP). 

“Unang una ‘yung employer ang magbibigay samin ng notice at ibibigay sa’min yung listahan ng mga empleyado nila na mawawalan ng trabaho. On the basis of that submission, ipapadala namin ‘yung pera at ‘yun ang magdedeliver sa mga manggagawa nila. Pero kung halimbawa hindi nila gagawin yun, ang mangyayari diyan yung mismong empleyado ang magnotify sa’min at ibibigay namin sa kanila yung cash assistance,” pahayag ng kalihim ng DOLE na si Silvestre Bello III

Matatandaan din noong Marso 2020, naantala ang pamimigay ng pinansyal na ayuda dahil sa mga hindi naklarong panuntunan sa kung sino ba ang nararapat makakakuha ng mga ito.

(MGA NAG-UUGNAY NA BALITA: DSWD miscommunication frustrates quarantined residents at Stranded UPLB studes still await DSWD financial aid)

Dagdag benepisyo para sa mga manggagawa

Daan-daang empleyado ng HCPI na natanggal sa trabaho ang nagtagumpay sa negosasyon nila at ng HCPI na mabigyan sila ng makatarungang separation package. Ito ay matapos ang pagsara ng pagawaan ng sasakyan na ayon sa mga manggagawa, ay masyadong “biglaan at ilegal.”

“There was no advance notice to us, nor did they show any proof that Honda was losing money within the past consecutive years,” ayon sa vice president ng Lakas Manggagawang Nagkakaisa sa Honda (LMNH-OLALIA-KMU) na si Christopher Oliquino. 

Sa kanilang negosasyon, tiniyak ng kumpanya na ang mga manggaggawang natanggal sa trabaho ay makatatanggap ng higit sa minimum na separation pay. Dagdag dito, tiniyak din sila na mayroon silang mas mahabang panahon para makatanggap ng medikal na benepisyo. 

“Sa ganitong sitwasyon, palaging kailangan ng mga manggagawa na mag-organisa para bigkisin at ipaglaban ang nakabubuhay na sahod, maayos na benipisyo at kaseguruhan sa trabaho.”pahayag ng LMNH-OLALIA-KMU. 

Tiniyak naman ng pamunuan ng Nissan Philippines Inc. sa Kagawaran ng Kalakalan at Industriya (DTI) na mabibigyan ng makatwirang kompensasyon ang lahat ng manggagawang apektado ng pagsasara ng planta at tutulungan din silang makahanap ng trabaho sa parehong sektor. 

Sa  kasalukuyan, ay wala pang inilalabas na pormal na pahayag ang kumpanya tungkol sa kanilang pagsasara at sa mga benepisyong nasasaklaw ng “reasonable compensation package” na kanilang tinutukoy para sa kanilang mga manggagawa. 

Hindi rito natatapos ang pagtatanggol ng mga manggagawa ng Nissan sa kanilang kabuhayan. Ayon sa PAMANTIK-KMU, handa silang tumulong sa pagsulong ng mas makatarungang kompensasyon para sa mga mangggagawang biktima ng serye ng pagtatanggal ng trabaho sa kasagsagan ng pandemya. [P]

Litrato mula sa website ng Dezeen

0 comments on “Matapos masara ang planta ng Nissan sa Sta. Rosa, Laguna, higit 133 manggagawa ng Nissan ay nanganganib na mawalan ng trabaho

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: