Deka-dekada na ang kasaysayan ng agawan ng lupa sa parteng ito ng Timog Katagalugan. Ilang saling pamilya na rin ang naging may-ari ng Hacienda Yulo. Pero pare-pareho lang ang kanilang ginawa–manakot at mang-agaw ng lupa.
Ang hacienda Yulo ay mayroong kabuuang lawak na 7,100 na ektarya na matatagpuan sa bayan ng Calamba, Cabuyao, at Santa Rosa sa probinsya ng Laguna. Naunang ginamit ang lupaing ito bilang primaryang taninam ng asukal at kalauna’y napunta sa pagmamay-ari ni Jose Yulo na dating Punong Mahistrado ng Korte Suprema noong panahon ng administrasyong Quezon. Ang kanyang pamilya rin ang kasalukuyang nagmamay-ari ng San Cristobal Realty Development Corporation (SCRDC) na siya ngayong nang gigipit sa mga magsasaka ng Hacienda Yulo.
Hindi na bago ang usaping agawan ng lupa sa bansa. ‘Di na rin mabilang ang mga magsasakang pinalayas sa mga lupang sakahan, ‘di na rin alam ang dami ng mga magsasakang namatay na animo’y mga hayop. Karumaldumal man kung isipin ngunit patuloy na nangyayari ang ganitong mga siwatsyon.
Taong 2010 pa lamang ay ‘di umanong nagsimula nang mang-harass ang SCRDC sa mga magsasaka ng Hacienda Yulo kung saan sampung indibidwal at tatlong menor de edad ang ikinulong upang tuluyang mapaalis sa lupaing sakop ng hacienda. Noong Agosto naman ng nakaraang taon ay nanunog security agents ng SCRDC ng tatlong bahay at maski sa taong ito ay patuloy silang naninira ng mga tahanan at nanakit ng mga residente.
Nakakatakot kung tutuusing malaman na may sariling security agents na mayroong matataas na kalibre ng baril ang umaatake sa komunidad na ito. Hindi ko lubos maisip kung gaanong takot ang mararamdaman ng mga magsasaka habang nakikita nilang nasusunog ang kanilang mga bahay at nakatunghay sa kanilang mga mukha ang mga baril. Isang gatilyo lamang ang naghihiwalay sa kanilang buhay at kamatayan.
Hindi man mamatay sa bala ay unti- unti namang mamamatay ang mga magsasaka sa nagtataasang presyo ng bilihin dahil sa implikasyon ng TRAIN law. Gayun din ang pagbaba ng presyo ng palay na dulot ng Rice Tarification Law na nagpalawak ng importation ng bigas sa bansa.
Hindi ko rin maintindihan ang kawalan ng aksyon ng lokal na gobyerno ng Calamba sa usaping ito. Ilang beses nang nagsagawa ng kilos-protesta ang mga magsasaka at iba’t-ibang makamasang organisasyon ngunit hindi pa rin pumapayag sa diyalogo ang alkalde ng bayan. Mapapaisip ka tuloy kung bahag ba ang kanyang buntot o sadyang wala siyang pakialam sa kalagayan ng kanyang nasasakupan.
Ganoon nalang ba kahirap na ibigay ang lupang dekada nang sinasaka ng magsasaka ng Hacienda Yulo? O sadyang bulok lamang ang land granting system ng pamahalaan upang tugunan ang ganitong hinaing. Kakatwang isipin na kung sinong naghahatid ng pagkain sa mesa ng bawat pamilyang Pilipino, sila na ngayong nagugutom at naghihirap, na ni mesa ay wala na sila.
Ang paghihirap ng mga magsasaka ng Hacienda Yulo ay isang manipestatsyon ng kalagayang agrikulural ng bansa. Dekada na nating ipinaglalaban ang karapatan ng mga magsasaka sa lupang sakahan ngunit hanggat may mga buwayang korporasyon, mga nanamsam ng lupa, at duhapang na mga politiko ay hindi uusad ang ating pakikibaka at patuloy na maghahari ang mga kapitalista. Ngunit, hindi ibig sabihin nito ay tatalikuran na natin ang ating ipinaglalaban, bagkus, mas lalo nating ipapakita na pagod na ang ating sektor sa mga pangakong ipinako sa hangin at mga salitang huwad sa katotohanan.
Ang tahasang pang-aagaw ng lupa, militarisasyon sa kanayunan, at kawalang paki ng mga nakaupo sa pwesto ang syang nagtutulak sa sektor na ito upang maghangad ng agrarian revolution at genuine agrarian reform na kung saan ay maisasakatuparan na ang matagal nang pangakong lupa para sa magsasaka. Sa paraang ito hindi lamang tataas ang antas ng seguridad ng pagkain bagkus gayun din sa kita ng mga magsasaka.
Nasa gitna man tayo ng pandemya ay patuloy tayong maglulunsad ng mga kilos-protesta upang paingayin ang ginagawang kabulastugan ng SCRDC laban sa mga magsasaka. Hindi tayo mapapagod na isulong ang kanilang karapatan at patuloy tayong uusad para makamit ang hustisya para sa kanila. Hindi mapaparam ang hangarin ng mga pisanteng kumalas sa paghihirap na dulot ng naghaharing- uri. Tayo ay titindig. [P]
Litrato mula kay Kristine Paula Bautista
The UPLB Perspective is accepting opinion articles that touch on relevant issues concerning news, politics, culture, and personal experiences. Send your articles or queries to opinion.uplbperspective@gmail.com
Pingback: Mga Nakakubling Usapin sa Likod ng SONA 2022 – UPLB Perspective