Features

Balik-tanaw: Unang 100 araw ni Chancellor Camacho

Ni Emerson Espejo

Isang malaking hamon para kay Chancellor Jose V. Camacho, Jr. bilang ika-sampung tsanselor ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB), ang pagsisimula ng kanyang termino sa gitna ng banta at panganib na dulot ng pandemya. 

Nagsimula ang administrasyong Camacho noong Nobyembre 1, 2020, matapos siyang ihalal ng Board of Regents (BOR) sa kanilang ika-1354 na pagpupulong na ginanap noong ika-24 ng Setyembre, 2020. Si Camacho ang humalili kay dating Tsanselor Fernando C. Sanchez, Jr, isa rin sa kaniyang mga naging katunggali upang makuha ang nasabing posisyon. Matapos ang 100 na araw sa kanyang pag-upo sa pwesto, ano na nga ba ang estado ng ating unibersidad?

Bago pa man magsimula ang termino ni Chancellor Camacho, kinakaharap na ng unibersidad ang matinding isyu ukol sa daan-daang nakabinbin na kaso ng Maximum Residency Rule (MRR) at readmission. Matagal nang idinadaing ng mga estudyante ang burukrasya na sinasabing lalong pinaigting ng mga anti-mag aaral na polisiyang ipinatupad noong pamamalakad ni Sanchez. (Basahin: Singko-Worthy Service: UPLB admin’s handling of MRR/Re-ad cases) Mula sa diyalogong dinaluhan ni Chancellor Camacho at ni Vice Chancellor for Student Affairs (VCSA) Dr. Janette Malata-Silva, kasama ang University Student Council (USC) noong Oktubre 16, 2020, nakapaglatag sila ng mga plano upang maresolba ang matagal nang patong-patong na mga kaso ng MRR at readmission. Ipinaalam din ni VCSA Malata-Silva, sa nasabing usapan, ang kanilang mga ginagawang hakbang, kasama si Vice Chancellor for Academic Affairs (VCAA) Jean Loyola upang suriin ang mga kasong ito.

Mula sa pahayag ni Chancellor Camacho sa isang [P] Live episode noong Oktubre 3, 2020, ipinaliwanag niya na kailangan pa nilang mangalap ng impormasyon patungkol sa mga estudyante tulad ng: kung sinu-sino ang mga estudyanteng may kaso ng MRR at readmission, kung saan sila nagmula, anong kurso ang kanilang kinukuha, at mga kondisyon na nakapaloob sa kanilang mga kaso. Ipinahayag ng tsanselor na gagawin nila ito sa pamamagitan ng kanilang pakikipagtulungan sa mga pinuno ng sangkaestudyantehan. Nangako rin siya na sa oras na maupo na siya sa opisina, tatagal lamang ng dalawa o tatlong linggo ang pagresolba sa mga kasong ito; sa ngayon ay may usap-usapan na mayroon nang inaprubahang mga kaso ng MRR at readmission ngunit wala pang nailalabas na pormal na anunsyo ukol dito. 

Mga palibot-liham at pahayag

Kinaharap din ng administrasyon niya ang problema sa pagimplementa ng epektibong remote at modular learning bunsod ng pandemya na naghigpit sa pagdaraos ng klaseng pisikal. Napilitan ang unibersidad na makisabay sa online classes kahit hindi pa man handa ang kalakhan ng mga estudyante, guro at kawani.

Sa nagdaang semestre, naglabas si Camacho ng ilang mga memorandum at administrative order ukol sa isinasagawang remote learning. Naglunsad rin ng mga konsultasyon upang pakinggan ang suliranin at hinaing ng mga nasasakupan. 

Isa sa mga palibot-liham na inilabas ni Chancellor Camacho ay ang Memorandum No. 161 noong Nobyembre 13, 2020 upang sumunod sa inilabas na memorandum ng Office of the Vice President for Academic Affairs (OVPAA). Ito ay ang “Clarification on Suspended Academic Rule and Processes in the First Semester AY 2020-2021,” na naglalaman ng (1) suspensyon ng deadline para sa Leave of Absence (LOA) at course dropping hanggang ika-9 ng Disyembre, (2) ang pagtanggap ng 12-unit course load bilang regular load, (3) ang hindi pagbilang sa naturang semestre sa MRR, at (4) ang hindi pagbilang sa attendance bilang course requirement.

Bunsod ng mga nagdaang kalamidad ay mas tumindi pa ang hamon para sa mga estudyante upang makasabay sa virtual learning. Nagkaroon ng diyalogo noong Disyembre 2, 2020 sa pagitan ni Chancellor Camacho at ng USC upang ilatag ang mga naging hirap at balakid sa nagdaang semestre, rehistrasyon sa klase, at plano para sa susunod na semestre. Tiniyak naman ni Chancellor Camacho na suportado ng administrasyon ng UPLB ang mga apila para sa mas flexible na pag-aaral sa kabila ng mga suliranin na nailatag sa pag-uusap. Ngunit sinabi rin niya na hindi ganoon kadali gumawa ng desisyon para sa unibersidad dahil ito ay bahagi ng UP system at ito’y nasa ilalim ng mga resolusyon na binubuo ng nakatataas na administrasyon ng UP.

Sa gitna ng kaliwa’t kanan na panawagan ng mga estudyante upang ihinto ang nakaraang semestre dahil sa naging matinding pinsala nito hindi lamang sa pisikal na kalusugan pati na rin sa kalusugang pangkaisipan, nagpatuloy pa rin ang semestre. (Basahin: UPLB students try to ‘stay afloat’ amid recent calamities) Sa kabila ng malawakang strike na ikinasa bilang pakikiisa sa mga mag-aaral na wala ng kapasidad upang magpatuloy pa sa pag-aaral, binigo pa ring pakinggan ng BOR ang hiling ng mga estudyante. Matatandaan na hindi ito ang unang pagkakataon na binalewala ng BOR ang hinaing ng mga estudyante sa pamamagitan ng kanilang mga ginawang desisyon. 

Manipestasyon ang mga memorandum, tulad ng pagbawas sa kinakailangan na rekisito sa mga asignatura, na sinusubukang pagaanin ng administrasyong Camacho, sa abot ng kanilang makakaya, ang mga paghihirap na nararanasan ng kanilang mga nasasakupan. Gayunpaman hindi pa ito sapat upang maresolba ang mga problema katulad ng kawalan ng access sa internet ng ilang mga mag-aaral at ang mga problemang kaugnay ng remote learning na nangangailangan nang agarang solusyon lalo’t hindi pa tiyak kung kailan babalik sa dati ang lahat.

Pagtindig sa atake’t represyon

Hindi lang mga isyung pang kampus ang hinarap ng UPLB, nariyan din ang tangka ng opresyon mula sa mga puwersa sa labas ng unibersidad.

Nagulantang hindi lamang ang buong komunidad ng UP, pati rin ang mga estudyante mula sa ibang pamantasan, matapos ipawalang bisa ng Department of National Defense (DND) ang UP-DND Accord nitong Enero 18. Ang nasabing kasunduan ang nagbabawal sa pagpasok ng militar at kapulisan sa loob ng mga UP kampus ng walang pahintulot mula sa mga opisyal ng unibersidad. Nauna nang ipinaalam ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagpapawalang bisa sa kasunduan noong ika-15 ng Enero sa pamamagitan ng ipinadalang liham kay UP President Danilo Concepcion. 

Kaugnay nito ay naglabas ng pahayag si Camacho noong Enero 19, na nagsasaad ng kanyang pagkadismaya sa pagpapawalang bisa sa kasunduan at tila ito’y isang “pag-atake sa kalayaan ng UP bilang isang institusyon.”

Kasama rin sa kanyang pahayag ang pakikiisa niya sa komunidad sa pagkondena sa hakbang na isinagawa ng DND, “We will not back down. We will continue with our duty to defend the freedom of our people guaranteed under the Constitution – the right to life and liberty, the freedom of speech, of expression and the right of the people to campaign against graft and corruption.”

Pinabulaanan naman ni Chancellor Camacho na nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng UPLB at Laguna Police matapos kumalat ang isang Facebook post ng Philippine National Police (PNP) nitong Enero 29, na nagsasaad ng pagsang-ayon ng magkabilang panig para sa “paglulunsad ng mas pinagtibay na kooperasyon at pang-unawa sa kapayapaan at ordenansa, at seguridad sa loob ng unibersidad.” Ito ay matapos bumisita si Camacho kasama ang iba pang mga opisyal ng UPLB sa Laguna Police Provincial Office (LPPO) para pag-usapan ang seguridad sa kampus sa kabila ng pagwawakas sa UP-DND Accord. Binigyang-diin ng kasulukuyang administrasyon na ang kanilang pagbisita ay upang igiit ang tindig ng unibersidad sa pagtataguyod ng UP-DND accord sa kabila ng ipinahayag na pagwawalang-bisa nito ng DND.

Mayroon pang halos tatlong taon si Chancellor Camacho upang pamunuan ang pamantasan; bagamat hindi pa masusukat sa nagdaang mahigit tatlong buwan ang kahihinatnan ng administrasyong Camacho, marami pa siyang maaaring patunayan bilang tsanselor ng UPLB. Marapat mang banggitin na sinasabing naging makabuluhan ang kanyang mga naging unang hakbang para sa komunidad, nariyan pa rin ang hamon, hindi lamang sa kaniya, ngunit para na rin sa mga opisyal na kanyang kaagapay sa panunungkulan. Hamon na patuloy na unahin ang interes ng kaniyang mga nasasakupan at tumindig sa lumalalang abuso’t pananamantala sa karapatang pantao at pang-akademikong kalayaan. 
Sa unang ika-100 na araw ni Camacho bilang tsanselor ng UPLB, ngayong ika-9 ng Pebrero, patuloy nating singilin at kalampagin ang “future-proof” na unibersidad na “maka-estudyante” at “makatao” na ipinangako niya sa simula ng kaniyang termino. [P]

Litrato ni Kristine Paula Bautista

2 comments on “Balik-tanaw: Unang 100 araw ni Chancellor Camacho

  1. Pingback: SAKBAYAN USC wins SC elections with clean sweep, vows to uphold academic freedom, national sovereignty in first virtual MDA – UPLB Perspective

  2. Pingback: Lone USC slate attains complete win, Severino appointed as chair – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: