Wanted: Trolls. Sagot na ang internet at load, commitment lang at loyalty sa administrasyon ang kailangan. Active dapat sa social media. Handang ipagtanggol si tatay — always, in all ways.
Words by Shane Del Rosario
Troll army
Ang salitang ‘troll’, ayon kay Griffiths (2014), ay nagsimula sa isang pamamaraan ng pangingisda kung saan gumagamit ng kawit at tali na siyang hinahatak ng mga mangingisda sa tabi ng kanilang mga bangka. Naglalaan rin ng iba’t ibang mga klase ng pain at metodo upang makapanghuli sa samu’t saring lalim o parte ng dagat. Sa pamamagitan nito, makakapang-”troll” o maaakit ang mga isdang sumusunod sa naturang mga patibong.
Sabi naman nina Herring, Job-sluder, Schekler, at Barab (2002), maihahalintulad ang mga ‘trolls’ sa mga mitolohikal na nilalang na nagtatago sa ilalim ng mga tulay habang naghihintay ng pagkakataon para umatake. Kaparehas ng depinisyon ng mga ‘Internet trolls’ na nagpapatungkol sa mga anonymous na indibidwal na sadyang nagpapakalat ng mga hindi kaaya-aya at nakakainis na mga mensahe sa mga online communities, nakaangkla ang naturang salita at gawain sa kasinungalingan, panloloko, patibong, at pagpukaw ng atensyon.
Sa kasalukuyan, hindi na lang sadyang pagpukaw ng atensyon at pambubully ang layunin ng naturang mga trolls. Maging ang mga politiko, ginawang patibong ang kahiligan ng mga tao sa Internet at ang kagustuhang kumita ng pera. Simple lang naman kasi ang gagawin: gagawa ng iba’t ibang mga pekeng social media account, tatambay sa mga comment section, at magpopost ng mga detalyeng nakaangkla sa pagsusulong ng isang agenda o upang mapabanguhan ang pangalan ng isang indibidwal.
Troll-in-Chief
Sa isang pag-aaral nina Jonathan Corpus Ong at Jason Vincent Cabanes na pinamagatang ‘Architects of Networked Disinformation’, ipinaliwanag kung paano nagiging mekanismo ang social media sa mga diskurso, pagpapalaganap ng iba’t ibang mga propaganda at ang parte nito sa politika. Sa katunayan, sinasabing nakatulong sa pagkapanalo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga trolls na tinagurian ring ‘Dutertards’ noong 2016. Sinuportahan din ito ng isang pag-aaral ng University of Oxford noong 2017 na nagsasabing nasa tinatayang 10 milyon ang naging gastos ni Duterte at ng kanyang partidong PDP-Laban sa pagkukuha ng mga online commenters. Kalaunan, sa isang press conference noong Hulyo 24, 2017, inamin ni Duterte na totoo ngang kumuha siya ng mga trolls upang makatulong sa kanyang kampanya noong eleksyon.
‘Protecc Tatay Digs’
Bukod pa rito, napag-alaman din ng naturang pag-aaral na kadikit ng pagsusulong ng mga agenda ng animo’y ‘Troll-in-Chief’ at ng kanyang pamamalakad, pulos mga pang-haharass rin ang kaakibat ng mga komento ng mga trolls sa mga kritiko ng administrasyon. Nariyan ang paggamit ng ad-hominem, red-tagging, at kung ano pang mga uri ng hate speech.
Ginamit rin ng mga Diehard Duterte Supporter (DDS) ang lengguwaheng Ingles sa pagmamanipula ng opinyon at perspektibo ng mga ‘netizens’. Isang halimbawa ay si Jessica Ann Mancao Magno o mas kilala bilang si ‘Jam Magno’, na siyang gumagawa ng mga TikTok videos na layong magpaliwanag at magbigay ng kumento sa iba’t ibang mga isyu sa bansa sa kasalukuyan na mas pumapabor sa pamamalakad ni Pangulong Duterte.
Dahil sa pagiging isang ‘universal language’ o ‘language of business’, nananatiling sukatan ng kaalaman at edukasyon ang Ingles. Bunsod nito, ibinababa ng mga ‘non-speakers’ o mga indibidwal na hindi gaanong bihasa sa pagsasalita nito ang kanilang mga sarili.
Ang pagsasalita ni Magno ng Ingles, na sinabayan pa ng kanyang ‘accent’, ay mas nakapagbibigay ng impresyon na siya ay isang intelektuwal at edukadong tao kung kaya, katanggap-tanggap agad ang kanyang argumento. Mission accomplished, kumbaga.
Fake news
Noong Enero 2020, ayon sa We Are Social, tinatayang nasa 73 milyon na ang mga internet user na Pilipino. Bukod pa rito, napag-alaman ring isa sa apat na tao, o 15.7 milyong mga Pilipino rin ang gumagamit ng Facebook upang makakalap ng iba’t ibang mga impormasyon at balita. Sinamantala ito ng mga DDS na nasa naghaharing-uri upang makapagmanipula ng iba’t ibang mga impormasyon sa social media para sa kanilang pansariling-interes. Maging ang mga kilalang artista o personalidad ay nakatutulong rin sa pagpapakalat ng propaganda ng administrasyon tulad nina Thinking Pinoy blogger RJ Nieto, at si Mocha ‘Fake News Queen’ Uson, isang kontrobersyal na artista.
Sa katunayan, sinampahan ni dating Senador Antonio Trillanes IV si Nieto ng kasong ‘cyber libel’ noong 2017 matapos ipakalat ang impormasyon na tinawag umanong ni Dating US President Donald Trump na isang ‘drug lord’ si Trillanes. Noong Mayo 2020 rin ay napatawag na si Uson ng National Bureau of Investigation dahil sa pagpopost niya sa kanyang Facebook page ng mga protective personal equipment na binili at ibinigay umano ng Department of Health. Kalaunan, nalamang galing pala ito sa isang pribadong organisasyon.
‘1st commandment: Thou shall not be known’
Bagamat simple lang kung tutuusin ang naturang trabaho, prinsipyo rin at pagkatao ang nakataya kung kaya’t hindi dapat lumabas ang pagkakakilanlan ng tao sa likod ng screen. Kahit sino, pwede silang maging — nanay, tatay, bagets, o intelekwal na tao — pawang mga pekeng persona, animo’y malaya, ngunit tunay na nakatali sa pagitan ng mundong pinaiikot ng pera at kapangyarihan.
Bagamat maituturing na suspek ng disinformation, sa katunayan, tulad ng mga netizens na nahuhulog sa patibong ng kanilang mga pekeng propaganda posts, parehas lang silang biktima ng sistema. Ang isa’y kailangang maghanap-buhay at kumapit sa patibong makaahon lamang sa kahirapan, habang ang huli’y pinagkaitan ng katotohanan, kinakahon at patuloy na nilulunod sa paniniwalang kadikit dapat ng pagmamahal sa bayan at masa ay napapalitan ng pagmamahal sa mga opresibo at mapangsamantalang lider nito.
Sa huli, ang katanungan hinggil sa ‘sino nga ba ang tunay na dapat protektahan?’ at ‘sino nga ba ang tunay na suspek?’ ang nananaig. Ugaliing maging mapagmatyag at huwag mangambang ipagpatuloy at palawakin ang diskurso na makabuluhan para sa interes ng masang-api. Nararapat lang na mas ibaling ang atensyon sa tunay na estado ng bansa na pinapatahimik ang sinumang ilantad ang mga kademonyohang ginagawa ng mga nakaupo sa puwesto.
Sa sahol ng mga inhustisya’t kamalian ng mga politikong mapagsamantala sa sariling mga pinaglilingkuran, darating rin ang araw na hindi na kakayaning itago ng kanilang ‘troll army’, ‘keyboard warriors’ at ng kanilang pinag-isipan at pinagplanuhang script ang baho ng kanilang katauhan at tunay nilang layunin sa bayan dahil mas mananaig pa rin ang kolektibong boses at militanteng aksyon ng masa. [P]
Graphics by Jermaine Valerio
Pingback: Feed the trolls to abolish the troll farms – UPLB Perspective