Pagkatapos ng mga iligal na aresto at panghaharas sa mga sibilyan, ngayon naman dinadamay ang iilang pamilya at indibidwal sa pagbobomba sa Quezon.
Tinatayang 26,000 na katao sa lalawigan ng Quezon ang kasalukuyang nasa peligro buhat ng patuloy na militarisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ito ay pagkatapos ng engkwentro sa pagitan ng puwersa ng estado at New People’s Army (NPA) noong ika-5 ng Pebrero kung saan nasawi ang umano’y mataas na kumander ng NPA sa Quezon na si Ronnel Batarlo.
Ayon sa pahayag ng alyansang Tanggol Quezon, nasa higit isang libong pinagsamang pwersa ng 59th at 85th Infantry Batallion ng Philippine Army ang patuloy na nagsasagawa ng mga aerial bombing at pag-strafing kung saan iilan ang apektado sa 19 na mga barangay sa lalawigan ng Quezon partikular sa mga bayan ng Lopez, Catanauan, Buenavista, Mulanay, at San Narciso.
Naninindigan din ang alyansa sa International Humanitarian Law na nararapat na protektahan laban sa iba’t ibang uri ng karahasan ang lahat ng indibidwal at siguraduhing makatao at pantay-pantay ang pagtrato sa bawat isa sa lahat ng pagkakataon.
“Civilians under the power of enemy forces must be treated humanely in all circumstances, without any adverse distinction. They must be protected against all forms of violence and degrading treatment including murder and torture,” ani Tanggol Quezon.
Nabubuhay sa takot
Kasunod ng pagpaslang kay Ronnel Batarlo na kinilala bilang rebolusyonaryo ng NPA, mahigit sa 14 sundalo ang nanatili sa kanyang bahay sa Macalelon, Quezon kung saan nakaburol ang kanyang mga labi.
Labis na takot ang dala ng mga sundalo sa mga kamag-anak at indibidwal na nais lamang makiramay sa pagkamatay ni Batarlo.
Dulot ng pagpapatuloy ng operasyong militar sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Quezon ay lubhang napinsala umano ang kabuhayan ng maraming magbubukid at sibilyan.
“Lubos po kaming nababahala sa kalagayan ng mga komunidad at kabuhayan ng mga magsasaka na naapektuhan ng mga pambobomba at operasyong militar ng AFP, lalo na sa ganitong panahon na sinusubukan pa lamang nilang bumangon mula sa epekto ng pandemya at ng mahigpit na lockdown,” pahayag ni Jonabelle Almeyda, tagapagsalita ng Tanggol Quezon.
Bukod sa pinsalang dala ng mga pag-atake ng militar sa mga lupain ay isa pang panganib sa kabuhayan ng mga magsasaka ang patuloy na mga proyektong pang-imprastraktura na nakapapinsala sa kapaligiran. Sa katimugang Quezon, nananatiling talamak ang mga proyekto tulad ng commercial logging at quarrying.
Matatandaan na sa Quezon din nagaganap ang paggawa ng kontrobersyal na Kaliwa Dam na tinatayang magdudulot ng maraming panganib sa kapaligiran tulad ng pagbaha at pagguho ng lupa. Dagdag pa rito ang pagkasira ng tirahan ng ilan sa mga nanganganib na hayop at halaman. (BASAHIN: Defending Makidyapat’s land: Dumagats continue fight against Kaliwa Dam project)
Pinatindi umano ng pandemya ang paghihirap ng mga magsasaka sa lalawigan dahil sa mga quarantine protocol kung kaya’t hindi nila lubos na maipagpatuloy ang kanilang mga kabuhayan dagdag pa ang panggugulo ng militar sa kanilang lalawigan na nagdala ng takot sa mga sibilyan at nakaabala sa kanilang paghahanap-buhay.
Tuloy-tuloy na pagyurak ng karapatang pantao
Matatandaang ang mga operasyon ng militar sa lalawigan ay nag-udyok sa ilang mga pamilya na lumikas mula sa kanilang mga komunidad, o kaya naman ang iba ay pinaghihinalaan at binabansagan bilang mga tagasuporta ng NPA.
Noong nakaraang Setyembre 2020, walong indibidwal na iimibestiga sa isang nabalitang engkwentro sa lugar na hinarang at inaresto ng PNP San Narciso sa diumano’y paglabag sa mga quarantine protocols kung saan sila’y pinalaya makalipas ang tatlong araw.
Dagdag pa rito ang pagsampa ng gawa-gawang kaso ng attempted homicide sa kalihim-heneral ng Karapatan Quezon na si Genelyn Dichoso na nakararanas na umano ng red-tagging bago pa man naupo sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
(MGA NAG-UUGNAY NA BALITA: HR group call to drop Karapatan Quezon sec-gen’s trumped-up homicide case at Progressive groups denounce rampant Quezon red-tagging)
Bukod dito ay ang ginawang panggigipit sa pamilya ng dating miyembro ng NPA na napaslang sa Catanauan na si Eduardo “Ka Resty” Torrenueva kung saan sila ay isinailalim sa interogasyon ng mga militar sa isang covered court ngunit walang naging konkretong detalye ukol sa pagbabalik ng mga labi. (BASAHIN: Mga pamiliya ng mga nadakip na NPA, nanawagang pabayaan ng mga militar sila na makiramay)
Noong ika-18 ng Nobyembre, hinarang naman ng 20 armadong militar sa Brgy. San Ignacio, General Luna ang sasakyan ng humanitarian team ng Karapatan Timog Katagalugan na nais magbahagi ng relief goods sa mga nasalanta ng Bagyong Ulysses. Sila rin ay inakusahan na kasapi sa NPA na balak magbaba ng sugatang miyembro galing sa bundok.
Sa parehong buwan ay iniulat ang pamamaril ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa lider ng lokal na sangay ng Coco Levy Fund Ibalik sa Amin (CLAIM) na si Armando Buisan.
Bago pa man umano ang pagkamatay ni Buisan ay ilang beses na itong nakatanggap ng death threat at ilang beses na rin itong binisita ng militar sa kanyang tahanan (BASAHIN: Humanitarian team na may relief goods, hinarass ng mga militar sa Quezon).
Noon namang Disyembre 2020, dalawa pang magsasaka na sina Ruben Istokado at Renante de Leon ang iligal na inaresto dahil sa paghihinalang sila umano ay lider ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) kung saan iginigiit ng binansagang “Atimonan 2” na walang katotohanan ang nasabing paratang.
Dagdag pa rito ang pagbansag sa kanila bilang incommunicado ng Southern Luzon Command (SOLCOM) kung saan sila’y binagbawalan makipagkita sa kanilang mga kamag-anak. (BASAHIN: 2 magsasaka sa Quezon, pinagbawal ng militar makipagkita sa pamilya)
Nanawagan ang Tanggol Quezon bilang isang alyansa na naglalayong itaguyod ang karapatan ng mga tao sa Quezon na wakasan ang patuloy na mapanirang operasyon ng militar sa lalawigan.
Ang Tanggol Quezon ay nagtatag ng isang araw na sesyon ng psycho-social debriefing, at ecumenical worship sa Catanauan para sa mga pamilyang nakakaranas ng pagkabalisa sanhi ng nagpapatuloy na operasyon ng militar sa kanilang mga komunidad.
“We are very much concerned on the well-being of distressed families affected by such grave events, especially in these trying times that we are just recovering from the crisis brought by the pandemic,” saad ni Almeyda. [P]
Graphics by Gerard Laydia
Pingback: In a summit about Youth Empowerment for Social Change, three speakers call to oust Duterte now. – UPLB Perspective
Pingback: Progressive organization Tanggol Quezon harassed by military, linked to CPP-NPA despite being lawfully-registered – UPLB Perspective
Pingback: Intensified Quezon militarization draws fear on residents, relatives of slain farmers – UPLB Perspective
Pingback: 15-year old peasant files multiple charges of kidnapping, torture, rape against state forces – UPLB Perspective
Pingback: Impyerno sa paraiso: Ang Quezon sa gitna ng panghaharas at militarisasyon – UPLB Perspective