Ilang araw matapos ang Bloody Sunday, hinarangan ng iilang militar ang mga pamilya ng mga napaslang ang apat sa Rizal 6 sa isang puneraria.
Matapos mabinbin ang mga labi sa loob ng apat na araw, ang mga bangkay ng apat na pinaslang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) noong ‘Bloody Sunday’ ay tuluyan nang inilabas mula sa Antipolo Funeral Homes at naiuwi na sa pamilya ang dalawa sa Rizal 6.
Sa mga nakaraang araw, sa kabila ng pakikiusap at pagsasaayos ng mga dokumentong kinakailangan upang makuha ang mga labi ng kapamilya, nagmatigas pa rin ang mga awtoridad at nagawa pa nilang takutin ang pamilya ng mga biktima at ang mga umaagapay ngayon sa kamag-anak ng mga napaslang.
Ayon sa isang ulat mula sa alyansang Karapatan Timog Katagalugan (TK), dumating lamang ang Municipal Social Welfare Development (MSWD) ng Tanay para ikulong ang mga pamilya ng dalawang katutubong napaslang na sina Randy at Puroy dela Cruz upang sila ay makausap nang “masinsinan”
Dito rin sa Antipolo Funeral Homes matatagpuan ang mga labi ng dalawang miyembro ng grupong maralita ng San Isidro Kasiglahan, Kapatiran at Damayan para sa Kabuhayan, Katarungan at Kapayapaan (SIKKAD-K3) na nakabase sa Montalban, Rizal. Sina Melvin “Greg” Dasigao (na una’y nabalita bilang kanyang buhay na kapatid na si Michael) at Mark Lee “Makmak” Bascano ay napatay rin noong Bloody Sunday.
Bago nangyari ang panggigipit sa mga pamilya, nakuha na ang mga labi ng magkapatid na Ita na sina Abner at Edward Esto, mga magsasaka ng saging mula sa Rodriguez, upang ma-autopsy na ng mga eksperto.
Ngunit nabigong mabawi ng pamilya ang kanilang mga bangkay nang umalis ang MSWD nang hindi nareresolba ang isyu. Nag-iwan lamang ng kataga ang mga staff na pumunta sa punerarya na sa mga pulis na lamang makipag-usap dahil ang tanging trabaho lang ‘di umano nila ay magbigay ng counseling sa mga pamilya.
Batay sa pahayag ng alyansa, “Wala na pong dapat ipaliwanag ang mga pamilya ng dalawang katutubo sa mga pulis at sundalo. Sila po ang biktima, sila ang naulila. Sila ang naghihinagpis ngunit hindi po ito iginagalang ng kapulisan. Sa halip, ginagamit pa ito ng AFP-PNP upang higit na maliit ang katuyaan ng ating mga kapatid na katutubo.”
Ayon pa sa ulat na galing muli sa alyansa, maayos na ang mga dokumentong hawak ng kaanak at ‘for release’ na sana ang mga labi ng dalawang dela Cruz, ngunit pilit na ginigipit ng mga awtoridad ang mga walang kalaban-labang pamilya at sinabing kailangan pa ng requirement na ‘magbigay ng clearance’ gayong ‘for release’ na dapat ang mga bangkay
Pasado 10:00 PM, ika-10 ng Marso, hinarang ng mga pulis at militar ang pamilya ng mga pinaslang noong ‘Bloody Sunday.’ Isang firetruck ang ipinarada sa tapat mismo ng punerarya upang harangin ang sino mang maglakas loob na maglabas-masok sa nasabing lugar.
Humingi ng tulong ang mga taong nakaantabay sa lugar na bigyan ng media coverage ang nangyayari sa kadahilanang ang pamilya ng mga biktima at ang kasama nilang paralegal team ay maaaring mapasailalim sa panliligalig at pananakot ng mga pulis, ito ay mula sa update na ibinigay ng Karapatan-TK.
Dagdag pa rito, hinarang din ng mga pulis at militar ang midya at mga madre mula St. Scholastica Academy na ang tanging nais lamang ay ang maghatid ng tulong sa pamilya. Sa kadahilanang ito, hirap din ang midya na makapanayam ang mga kaanak ng mga biktima. Subalit paglipas ng ilang mga minuto, bagaman ayaw silang papasukin, nagawang makapanayam ng CNN at ng ABS-CBN ang isa sa miyembro ng pamilyang nakulong sa harap ng tarangkahan ng funeral parlor.
Isang balita rin ang dumating na namataan ang dalawang 6×6 na trak, tatlong mobil ng PNP, at mga motor na halos lahat ay walang plaka sa labas pa rin ng Antipolo Funeral Homes.
Panawagan naman ni E.B Cortez, ang Secretary General ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ay ibigay na ang mga labi ng biktima sa mga kaanak nito.
“Ano pa kinatatakutan nyo. Patay na sila. Pang-apat na araw na ito matapos niyo sila patayin na parang hayop. Apat na araw nang naliligalig ang kanilang kaanak. Hayaan nyo na sila na makuha ang bangkay at magluksa. Pinagkaitan nyo na sila ng kaanak, huwag niyo naman ipagkait ang pagkakataon na ito sa kanila,” ani Cortez.
Pagkulong at panggigipit sa pamilya ng mga biktima
Pagsapit ng 6:00 AM sa sumunod na araw, hindi pa rin natitinag ang mga pulis at militar at nagawa pa nilang ikulong ang mga kaanak ng biktima na tila sila’y mga hostage.
Ang Antipolo Funeral Homes ay pilit ding nagmamatigas dahil ayaw nitong papasukin ang mga abogado at paralegal team ng pamilya. Ang may-ari ng nasabing funeral parlor na kinikilala lamang bilang si “Gng. Sarte” ay ayaw ring harapin ang mga abogadong pumunta sa nasabing lugar na tila baga’y nais pa nitong mas mapatagal ang proseso sa pagkuha ng mga bangkay.
Sa isang Facebook Live ng Karapatan-TK, galit na ipinahayag ng mga pamilya ng mga pinatay ang kanilang pagka-dismaya sa may-ari ng punerarya. Makikita rin sa Live na galit na kinalampag ng mga nagnanais na makuha ang mga labi ng mga napaslang at ang nakulong na pamilya ang harap ng tarangkahan.

Ipinagsigawan din ng mga abogado ng pamilya na kidnapping ang ginagawa nila sa pamilya ng mga napatay na biktima. Nakausap ng isang abogado at ang kasama nilang support team ang isa sa mga nakulong sa loob ng punerarya, at ayon sa kanila, sila’y kinulong sa loob ng
punerarya pasado 7:00 PM, ika-10 ng Marso. Humigit kumulang 12 na oras nang nakakulong ang magkakamag-anak sa loob ng punerarya.
Dismayado at galit ding kinausap ng nasabing abogado ang isa sa mga uniformed personnel na humarap sa kanila, ngunit tinalikuran lamang ito ng sundalo at ipinagsawalang-bahala ang tanong na ibinato sa kaniya. Yamot silang sinigawan ng abogado at sinabing sila ang harapin ng mga pulis at ang may-ari ng punerarya at huwag nilang gipitin ang pamilyang kinulong sa loob ng nasabing lugar.
Malalaman ding walang kaalam-alam ang punong-bayan ng Tanay na si Rex Manual Tanjuatco na ginagamit na pala ng mga pulis ang kaniyang pangalan upang mas bumagal ang pagkuha sa bangkay ng kanilang mga pinatay, kahit na bayad at isina-ayos na ang prosesong kailangan upang makuha ang kanilang mga labi.
Ipinakita ng mga biktima ang resibo na nagpapatunay na bayad na sila sa punerarya at iba pang ebidensyang magpapatunay na tapos na nila ang mga prosesong dapat tapusin at pagkuha sa bangkay na lamang ang kanilang hinihintay; ito ay matapos makumpirma ng Quick Response Team (QRT) ng alyansa na walang kamalay-malay ang mayor sa nangyayaring pagdamay ng mga pulis sa kaniyang pangalan.
Sa ulat ng isang staff ng alyansa, simula kahapon ay hindi pinayagan ng mga kapulisan na kunin ang mga bangkay mula sa Antipolo Funeral Homes gayong kumpleto na ang mga dokumento at naisaayos na rin ang mga bayarin sa punerarya.
Bandang 8:00 AM, dumating na ang mga kawani mula sa Commission on Human Rights (CHR) – Investigation Office Central upang tingnan ang kasalukuyang nagaganap sa loob ng funeral home.
Pagkukulong sa patay
Hindi na bago ang ganitong insidente, matatandaang hindi lamang isang beses nangyari ang pagpigil sa pagkuha ng mga bangkay ng mga pinaslang ng mga pulis mula sa Antipolo Funeral Homes. Nang patayin ng mga berdugong pulis ang mag-asawang Magpantay-Topacio matapos palabasing sila ay “nanlaban”, sa Antipolo Funeral Homes din unang dinala ang kanilang mga bangkay.
Ang limang kinitil sa Baras na napatunayang inosente at kinilala lamang bilang mga tagapag-alaga ng manggahan sa lugar ay dito rin dinala. Si Vilma Salabao, kabilang sa Baras 5, ay inabot ang labi sa puneraryang ito nang humigit kumulang tatlong linggo at hindi na nabigyang pagkakataon ang pamilya nito na makapag-luksa nang maayos sa pagkamatay ng kaanak.
(MGA NAUUGANAY NA BALITA: Labi ng isa sa Baras 5, binigay na sa pamilya matapos hinostage nang 3 linggo at Five ‘NPA’ Slain by AFP-PNP actually mango farm workers – HR group)
Hindi pa rin matukoy ang tunay na dahilan kung bakit nagmamatigas ang mga awtoridad na ibigay ang mga bangkay na kanila namang pinaslang gayong ang mga ito ay mga wala ng buhay. Higit ding nakapagtataka na sa iisang lugar lamang inilalagak ang mga bangkay na pinaslang ng mga pulis at militar gayong ang mga ito ay mula sa iba’t ibang lugar.
Nangyari ang karumal-dumal na pagpaslang sa mga aktibista mula sa rehiyon ng CALABARZON simula nang inilunsad ang COPLAN-ASVAL, isang ‘collaborative effort’ kasama ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Ito ay inilunsad dalawang araw matapos ang miting ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang NTF-ELCAC at sinabing “patayin sila [o ang mga tinuturing na kalaban ng estado].” [P]
Litrato mula sa Karapatan Timog Katagalugan / Facebook
Pingback: 3 dead in Sta. Rosa ‘summary execution’; UPLB alum KI Cometa still missing a week after the incident – UPLB Perspective