News Southern Tagalog

Mga manggagawa ng Wyeth, nakaranas ng patuloy na pananakot mula sa NTF-ELCAC

Ilang araw lamang pagkatapos ng COPLAN ASVAL, patuloy parin ang pananakot sa mga unyon ng manggagawa.

Mula noong Nobyembre pa lang ng nakaraang taon ay nakaranas na umano ng pananakot ang ilang mga opisyal at miyembro ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU).

Ito ay naganap sa pamamagitan ng sunod-sunod na pagbisita ng mga nagpakilalang mga kasapi ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa bahay ng mga miyembro ng nasabing unyon. Ayon sa WPPWU, ang mga hakbang umano na ito mula sa mga elemento ng NTF-ELCAC ay nagtutulak sa kanilang mag-disaffiliate sa Kilusang Mayo Uno (KMU).

Ang unyon ay nakatulong sa pagsasama ng mga manggagawa ng kumpanya. Ilan sa mga naging bunga ng kanilang pagkakaisa ang pagpapataas ng sahod at pagkakaroon ng mga benepisyo tulad ng libreng pagpapaospital, at libreng bigas at shuttle, at pagkakaroon ng pakikipag-ugnayan ukol sa kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA).

Maging ang ibang opisyales ng unyon ay hindi nakaligtas mula sa paniniktik kung saan ang pinakabagong ulat ay ang sunod-sunod na pagbisita noong ika-6 ng Marso, at sumunod-sunod mula ika-9 hanggang ika-11 ng Marso sa mga miyembro ng unyon sa iba’t ibang lugar sa Cabuyao, Laguna.

Tinatayang umabot na sa siyam na bahay ang napuntahan ng NTF-ELCAC kung saan sila umano’y nagtatanong-tanong tungkol sa unyon at sa paparating nilang eleksyon.

Hindi ito ang unang beses na tinakot ang mga unyonista. 

Noong Nobyembre ng 2020, pumunta ang isang nagpakilalang kasapi ng NTF-ELCAC sa harapan ng planta ng Wyeth sa Canlubang, Laguna upang hingin ang pangalan ng mga opisyales ng WPPWU at linawin kung may kaugnayan ang unyon sa KMU.

Sumunod na insidente ay noong ika-16 ng Pebrero kung saan binisita ng anim na kasapi ng NTF-ELCAC ang pangulo ng nasabing unyon. Bago pa man umano ang naganap na pagbisita maging pagkatapos nito ay namataan ang ilang motor na walang plaka na pabalik-balik sa labas ng tahanan ng pangulo ng unyon.

Ang mga iniulat na pananakot at intimidasyon ay nagtutulak sa mga miyembro at lider ng WPPWU na itigil ang pakikipag-ugnayan sa KMU ngunit hindi umano sila “mag-didisaffiliate” sa KMU lalo na at sila ay magkahalintulad ng adbokasiya sa pagpapataas ng sahod at benepisyo ng kanilang mga manggagawa.

“Tuwiran itong paglabag ng mga pwersa ng estado sa aming batayang kalayaang sumapi sa anumang samahan. Dagdag pa rito, ang KMU kagaya ng aming unyon ay may adhikaing pataasin ang sahod, benepisyo at karapatan ng mga manggagawa. Bakit, kung gayon, kami magdi-disaffiliate?,” paliwanag ng unyon.

“Bloody Sunday” at patuloy na paghahasik ng lagim ng NTF-ELCAC

Nananawagan ang unyon sa mga manggagawa na manindigan at ipagpatuloy ang pagkakaisa pati na rin sa management ng Wyeth-Nestle na sila’y tulungan at bigyan ng proteksyon laban sa sa NTF-ELCAC sa kanilang patuloy na pangha-harass.

Hinihiling din nila ang suporta ng Commission on Human Rights (CHR) na magsagawa ng imbestigasyon at protektahan sila mula sa pag-atake lalo na matapos ang kamakailangang naganap na Bloody Sunday, pormal na tinatawag na COPLAN ASVAL (BASAHIN: 5 patay, 7 arestado matapos ang ‘Bloody Sunday’ sa Timog Katagalugan).

Dito, siyam ang itinalang nasawi at kabilang sa apat na inaresto si Eugene Eugenio, miyembro ng Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (COURAGE)-Rizal.

Iilang araw bago naganap ang insidente, naaresto si Ramir Corcolon, miyembro ng COURAGE National Executive Council matapos ang isinagawang operasyon ng NTF-ELCAC sa Timog Katagalugan, kasama si Arnedo Lagunais, dating opisyales ng Lakas ng Manggagawang Nagkakaisa sa Honda (LMNH-OLALIA-KMU) sa magkaparehong araw. (BASAHIN: 2 lider-unyon sa Laguna, inaresto sa magkaparehong araw)

Ayon sa chairperson ng KMU na si Elmer “Ka Bong” Labog, ang mga pag-atakeng naganap noong “Bloody Sunday” ay maaaring hindi pa ang huling pag-atake na mararanasan lalo na sa mga ulat ng patuloy na intimidasyon at panreredtag sa mga manggagawa ng mga kumpanyang tulad ng Wyeth, kasama ang mga kumpanya ng Supreme Steel at Nexperia.

Dagdag pa sa ikinababahala ng unyon ang kamakailang pag-utos ng Department of Interior and Local Government (DILG)  sa mga regional director nito na ilista ang mga pangalan ng mga empleyado ng gobyerno na napatunayan na miyembro ng Alliance of Concerned Teacher (ACT) at ng COURAGE at italaga ang mga lehitimong unyon bilang mga Communist Terrorist Groups (CTG).

Humingi rin ang Philippine National Police (PNP) mula sa Calbayog City Court ng listahan ng mga pangalan ng mga abogado na kumakatawan sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao na mariing kinundena ng hanay ng mga abogado.

“There is more than enough proof that these attacks are planned and implemented by the NTF ELCAC with Duterte at the helm. Workers are publicly branded as terrorists, followed by these visits aimed at silencing them, which either lead to illegal arrests and in the worst form, an extrajudicial killing.” dagdag pa ni Labog.

Nananawagan ang Kilusang Mayo Uno sa Korte Suprema na itigil ang pag-iisyu ng mga kaduda-duda at walang basehang mga search warrant at warrant of arrest.

Balik-tanaw sa pilit na pagpapasuko sa mga manggagawa ng Coca-Cola

Noong 2020 sa kasagsagan ng lockdown ay nagkaroon ng pekeng pagpapasuko sa 16 na manggagawa ng Coca-Cola Sta. Rosa na pinabintangan bilang kasapi ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Ika-30 ng Abril ng gabi noong nakaraang taon nang mahigit 10 manggagawa ng Coca-Cola ang  inabangan ng AFP-PNP sa labas ng planta matapos ang kanilang trabaho at inanyayahan sa isasagawang “programa” kinabukasan kung saan dinala ang mga ito sa Camp Vicente Lim.

Bago pa ito ay siyam na manggagawa ang sapilitang inilabas kahit hindi pa nila tapos ang kanilang shift at dinala sa Camp Macario Sakay sa Los Baños Laguna. Naghihintay umano sa kanila ang kinilala bilang si Rey Medellin na ginagamit ng PNP-AFP laban sa unyon ng manggagawa kasama ang mga elemento ng PNP-AFP at pinangakuan na gagawing regular sa kompanya huwag lamang sumama sa mga pagkilos ng unyon (BASAHIN: Nine Coca-Cola workers face harassment amid pandemic; workers alliance criticizes state forces’ intimidation).

Sa araw ng ika-1 ng Mayo, 2020, ibinalita na sila’y “sumukong mga miyebro ng NPA”.

Iginiit ng Sta. Rosa Plant Coca-Cola Employees Union–Independent (SRPCCEU-Ind) na sila ay  ligal na  organisasyon ng mga manggagawa sa Coca-Cola Sta. Rosa.

Sa kabila ng pandemya at panganib ng COVID-19 ay hindi tumigil ang mga manggagagawa ng Wyeth sa pagtrabaho sa kagustuhang tulungan ang ekonomiya na makabangon.

Kung kaya’t sila’y nananawagan sa pamahalaan na unahin ang pag-tugon sa pandemya at paghahatid ng bakuna, ayuda at karagdagang sahod imbis na unahin ang pananakot sa hanay ng mga manggagawa.Dagpag pa nilang panawagan ang pagtanggal ng badyet at pagbuwag sa NTF-ELCAC at mas bigyang pansin ang pagbigay ng badyet sa sektor ng kalusugan upang makatulong sa pagsugpo ng pandemya. Patuloy nilang isinusulong ang paggalang sa kanilang karapatang pantao at karapatan sa pag-uunyon. [P]

Litrato mula sa WPPWU / Facebook

5 comments on “Mga manggagawa ng Wyeth, nakaranas ng patuloy na pananakot mula sa NTF-ELCAC

  1. Pingback: Mga grupo ng manggagawa, nanawagan sa DILG na tigilan ang panghaharas, pananakot sa mga unyonistang Wyeth – UPLB Perspective

  2. Pingback: 21 Wyeth unionists illegally dismissed after being lured to ‘team building activity;’ labor groups call for immediate reinstatement – UPLB Perspective

  3. Pingback: 21 Wyeth unionists illegally dismissed after being lured to ‘team building activity;’ labor groups call for immediate reinstatement – UPLB Perspective

  4. Pingback: Mga prominenteng dinastiya sa CALABARZON, nanguna sa Halalan 2022 – UPLB Perspective

  5. Pingback: Harassment, death threats alarm union leader ahead of CBA negotiations – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: