Itinatag ang konseho ng UPLB sa panahon ng matinding pangangailangan – sa panahon ng pasismo at represyon, sa panahon ng Martial Law.
Ang kawalan ng representasyon kasabay ang mga atake ni Marcos sa mga mag-aaral ay nagdulot ng isang krisis sa edukasyon at kalayaang pangtalisikan. Hirap makapag-aral ang mga estudyante dahil kulang-kulang ang mga libro sa silid aklatan. Ang pondo na dapat inilaan para sa mga batayang serbisyong panlipunan at mga paaralan ay binulsa ng administrasyon. Sinunog ng mga militar ang gusaling Student Union, na siyang pinapatakbo ng mga mag-aaral. Sa pamamagitan din ng General Order 5, ipinagbawal ang pagtipon ng higit sa dalawang tao, kasama rin ang pagproprotesta. Kung sino man ang hindi sumunod ay ikukulong ng konstabularyo.
Ngunit naging militante ang mga mag-aaral. Sa pamamagitan ng Council of Student Leaders, itinatag nila ang unang konseho ng mga mag-aaral sa Pilipinas mula noong ipinasara ni Marcos ang lahat ng mga ito kasama ang mga publikasyon ng mga mag-aaral. Binuo ng USC ang Textbook Exchange and Rental Center upang matulungan ang mga estudyante sa kakulangan sa libro. Nagkasa sila ng malawak na kilos-protesta bilang pagkundena sa diktadurang sa ngayo’y tinatawag na Freedom Park. Nagpakilos ng libo-libong mag-aaral sa Malacanang at EDSA at nagpanawagan sa pagpapatalsik ni Marcos.
Ngayong panahon ni Duterte, higit na mas matindi na ang kahirapan na nararanasan ngayon ng sambayanan, partikular sa sangkaestudyantehan, mainit sa mata ng estado ang mga lider-estudyante na pinaglalaban ang mga batayang karapatan sa edukasyon ng mga kabataan, dahilan sa pagwawakas ng mga pwersa ng estado sa UP-DND accord. Maaalala noong 2019 ang panghimasok ng mga pulis at militar sa DL Umali Hall na nang-redtag sa isang NSTP porum at ang pagsagawa ng recruitment operations ng AFP sa mga gusali ng kampus. ‘Di mabilang-bilang na rin ang walang paalam na paglibot ng mga sasakyan ng pulis at militar sa kampus.
Ilang kabataan na rin ang hinaras at tinangkang arestuhin sa mga nakaraang buwan ng pulis at militar. Kamakailan lang sa Mendiola, sa isang kilos-protesta bilang pagkundena sa militaristang pagtugon ni Duterte sa pandemya, sinubukan ng PNP hulihin ang ilang-lider estudyante mula sa NCR. Ilang banta sa buhay rin ang natanggap ng maraming kabataan mula pa noong nagsimula ang pandemya.
Kasabay nito, sakal na sakal na sa hindi makataong remote learning setup na ipinipilit ng Commission on Higher Education dahil sa kawalan ng pagresponde ng rehimen sa pandemya. Dalawang estudyante ng UPLB na rin ang binawi ang kanilang sariling buhay dahil umano sa hirap ng remote learning. Ito ang reyalidad ng neoliberal na edukasyon na ayaw aksyunan ni Duterte – wala sa kanilang isip ang kapakanan ng mag-aaral, ang mahalaga ay may mapagsasamantalahan pagkalabas nila ng paaralan.
Sa gitna nitong lahat, kailangan natin ng konseho na kayang patnubayan ang masang estudyante, magsakripisyo, at hindi magpapatinag sa kahit anong pananakot sa de facto martial law ng estado. Isang konsehong ipagpapatuloy ang militanteng tradisyon ng mga naunang hinalal – mga lider-estudyanteng handang ipagpatuloy ang laban at mga kampanya para sa makabayan, makamasa, at siyentipikong edukasyon.
Pawis at dugo ang sinakripisyo ng mga lider-estudyante upang itatag ang unang konseho sa ating bansa alang-alang sa mga demokratikong karapatan ng mga mag-aaral. Ilang estudyante na ang nawala, kinulong, at pinatay, dahil sa hangarin para sa mapagpalayang edukasyon at malayang lipunan. Hindi maaaring mawalan ng representasyon ang mga mag-aaral lalo na sa panahon ng krisis. [P]
Dibuho ni Jermaine Valerio
0 comments on “Pawis at dugo”