News Southern Tagalog

Mga kabataan sa Hacienda Yulo, nananawagan para sa ligtas, de-kalidad na edukasyon sa gitna ng patuloy na panghaharass

Ibinahagi ng mga estudyante sa Hacienda Yulo ang walang-awang karanasan nila sa gitna ng pandemya at patuloy na panghaharas.

“Paigtingin ang ligtas, demokratiko, abot-kaya, at de-kalidad na edukasyon. Singilin si Briones at si Duterte!”

Ang panawagang ito, kasabay ng mga tinig ng napakaraming mag-aaral sa buong bansa, ang siya ring isinisigaw ng mga kabataan ng Sitio Buntog sa Hacienda Yulo, Calamba City.

Ayon sa kanila, ang kawalang-konsiderasyon ng kanilang mga paaralan sa gitna ng pandemya ay pinalala lamang ang panghaharas na kanilang nararanasan mula sa mga umano’y bayarang goons ng angkan ng mga Yulo at Ayala Corporation (BASAHIN: More Hacienda Yulo homes ransacked, residents harassed by ‘hired goons’ as farmers hold ground against onslaughts).

Kabilang sa mga panghaharas na ito ang pagsunog ng goons sa kabahayan ng mga residente ng Sitio Buntog noong ika-19 ng Enero. Dahil sa insidenteng ito, ibinahagi ng isang Grade 8 na estudyante na si Niña, hindi niya tunay na pangalan, na marami sa kaniyang mga aklat ang nasira at naabo.

“Ilang libro ang nasunog [na pagmamay-ari nina Niña], bawat magkakapatid. Tatlo sila eh [na magkakapatid]. ‘Yung mga bagong libro pa talaga ‘yung nadamay,” kuwento ng kaibigan ni Niña.

Dahil doon, higit isang buwan na umano silang hindi nakapagbabasa at nakapagsasagot ng mga modular lesson. Ang bunga nito: “blangko” pa ang lahat ng kanilang mga grado sa ikalawang markahan.

Ang mas malaking problema, ayon kay Niña, ay sila pa mismong magkakapatid ang magbabayad ng mga pinsalang hindi naman sila ang may kasalanan.

“Pababayaran pa sa kanila [ang mga libro]. Diyan sa Buntog [National High School], ‘pag nagpabayad, triple ang bayad… Mga bagong [libro] yata ‘yun ngayon, kaya nasa 1000 yata [ang halaga] ng isang libro doon,” dagdag pa ng kaibigan ni Niña.

Samantala, higit pa sa pinansiyal at pang-akademikong mga suliraning hinaharap ng mga kabataan ng Sitio Buntog, lubha ring naapektuhan ang kanilang pang-kaisipan at emosyonal na aspeto.

“No’ng nagsimula ang kaguluhan dito, ang pinaka-natakot talaga ay ang mga kabataan … Sabi niya [alyas “Kamatayan”], ‘Dumating na! Nandito na si Kamatayan – kamatayan niyo!’ Nagtakbuhan [kami], siyempre natakot … Marami sa’min ang mga na-trauma,” pahayag ng isa sa mga miyembro ng Kabataang Nagkakaisa sa Buntog (KNB), isang organisasyong naglalayong tumulong sa mga mag-aaral ng nasabing nayon.

Inalala rin niya kung paano sila pinadapa o kaya’y iginapos, habang sinusunog ng goons ang kanilang mga kabahayan at kagamitan.

“Inilayo [ang mga residente] habang ginigiba [ang kanilang mga bahay] … Dinukot talaga [ang mga residente], hinuhubaran talaga sila ng damit – pati ‘yung mga babae do’n. Wala na [silang] nagawa kasi giniba na nga, hanggang sa mangyari naman yung sunugan,” bahagi pa ng miyembro ng KNB.

Ang mga testimonyang ito ay ilan lamang sa mga pang-araw-araw na karanasan ng mga kabataan ng Sitio Buntog – na sa kabila ng hamon ng pandemya at panggigipit sa lupa, ay pilit pa ring inuunawa kung paano nila tunay na matatamasa ang karapatan sa edukasyon.

Mga pagsubok ng remote learning

Isa sa mga pangunahing idinadaing ng mga mag-aaral sa Sitio Buntog ay ang pagpapasa ng kanilang mga module. Anila, napakalayo at napakahirap umano ng mga daan, na mas pinalala pa nang bakuran ng goons ang mga ito.

“Hinaharang na yung mga napasok … wala nang halos daanan. Kung may daanan man, sobrang layo – dalawang ilat pa yung tatawirin bago makababa do’n sa pinaka-sentro para makapasok…tapos kahit iyon, hinaharang pa nila eh,” kuwento ng isang estudyante.

Bukod pa rito, madalas ay hindi rin alam ng mga mag-aaral kung saan ba dapat ipasa ang kanilang mga takdang-aralin, dahil sa kakulangan ng impormasyon.

“Dati, pinapadala lang, isang dalahan na lang [para sa lahat ng mga mag-aaral]. Pero ngayon, ‘di namin alam kung saan kami magpapasa. Nag-chat kami sa teacher namin na sana picture-an na lang kung puwede. Sabi niya, parang hihingi pa raw muna ng permit kung puwedeng gawin ‘yun,” bahagi ni Abby, hindi niya tunay na pangalan, isang estudyante ng high school.

Kuwento naman ng isang senior high school na estudyante na si Alyssa, hindi niya tunay na pangalan, nagsimula na raw ang ikalawang semestre nila sa pag-aaral, ngunit hindi pa rin niya naipapasa ang mga takdang-aralin noon pang unang semestre. Dahilan ito upang hindi rin niya matanggap ang kaniyang mga aklat at gawain para sa susunod na markahan.

“Magbibigay na ulit ng mga libro ng second sem, e hindi makukuha gawa ng gan’to nga, hindi makakapagpasa. Hindi namin alam saan makakapagpasa ng mga [module] sa first sem pa namin,” bahagi ni Alyssa.

Ikinuwento rin ng mga estudyante ang hindi patas na pagbibigay ng marka. Kadalasan ay mas mataas umano ang gradong ibinibigay sa mga online na mag-aaral, kahit tumatalima rin naman sa mga gawain ang modular learners.

“Madadaya ‘yung grades nila – ‘pag modular ka, pinakamataas na sayo ang 80, 85 [na grado]. ‘Pag online class, nakaka 90 – kahit nakikinig lang, walang pinapasa, gano’n ang grade,” hinaing ng isang mag-aaral sa high school.

Dagdag pa niya, madalas daw na ibinabalik ang kanilang modules na wala pang marka. Kapag naman umano nahuli sa pagpapasa, pinakamataas na ang 75 o 80 na markang natatanggap nila. Gayunpaman, kahit na gustuhin ng mga mag-aaral na makinig sa online class ay hindi rin naman nila magawa, dulot ng kahinaan ng signal sa nayon.

“Nago-online class kami nang halos two months, one month na [akong] absent kasi ‘diba, ang hirap ng signal dito,” pahayag ni Maya, hindi niya tunay na pangalan, isang kolehiyala. 

(MGA KAUGNAY NA BALITA: Distanced Learning: How Philippine socioeconomic realities increase the gap to education and Youth in Peril: Faults and hopes of the Philippines’ educational system)

Kawalang-epektibo ng sistema ng pag-aaral

Nang tanungin ang mga kabataan kung mayroon ba silang natutunan sa kasalukuyang sistema ng edukasyon, sabay-sabay nila itong sinagot ng “wala.” Kuwento nila, sa isang araw lamang, limang iba’t-ibang gawain umano ang kailangan nilang tapusin para sa iisang asignatura. Karagdagan pa rito ang lingguhang pagsusulit na kailangan nilang masagutan.

“Wala talaga akong natututunan, lalo na sa Computer [na subject],” bahagi pa ni Alyssa. “Doon, puro basa-basa lang, ‘di talaga ginagawa sa totoong computer. May computation nga sa programming na hindi ko nasagutan, tapos tinanong ako kung ba’t walang sagot. Sabi ko, ‘Paano ko gagawin ‘to? Wala nga akong [sariling] computer. Hindi ako marunong gumawa.’”

Dagdag pa niya, mas komportable siyang mayroong nagtuturo sa kaniyang harapan, sapagkat hindi siya natututo kung siya lang mismo ang magbabasa.

Dulot ng pagsubok na ito ng ng remote learning, ilan sa mga mag-aaral mula sa Sitio Buntog ang natanggalan ng scholarship. Ayon kay Maya, napakalaking bagay na nawalan siya ng P2000 na allowance para sa online class.

“Iskolar ako [dati] ni mayor [Justin “Timmy” Chipeco] at gov [Ramil Hernandez], kaya malaki ang panghihinayang ko talaga noong nakakuha ako ng 80 [na grado]. Tanggal ako ngayon sa scholar, kasi 80 pinakamababa ko,” aniya.

Bahagi pa ni Maya, pangarap niya sanang makapag-aral ng agham panlipunan sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD). Nakahanda na ang kaniyang dormitoryo at mga kagamitan, ngunit nasira ang kaniyang mga plano pamula nang magkaroon ng pandemya.

Samantala, dahil din sa kahirapan ng mga gawain, inamin ng mga kabataan na ang ilan sa kanila ay “nagpapasagot” na lamang ng kanilang mga asignatura. Ang iba naman, kinokopya na lamang ang mga sagot sa correction key ng kanilang mga module.

Dulot ng kahirapan ng pag-aaral, at kasabay na rin ng pandemya at pangangamkam ng lupa, ang ilan umano sa mga estudyante sa Sitio Buntog ay nagbabalak nang tumigil sa kanilang pag-aaral.

“‘Yung ibang kabataan, this year, kapag modular pa rin at online class, mag-iistop na. Ayun ang problema eh, kasi kapag nag-stop sila ngayong year, sayang naman,” bahagi ng isang boluntaryo ng KNB.

Giit pa ng mga nasabing boluntaryo, “mekanikal” na lang umano ang estilo ng pag-aaral ng mga kabataan. Ginagawa na lamang nilang tumalima sa mga atas na gawain, bagaman wala naman sila talagang natututunan.

“Puro task, for the sake lang na mag-comply nang mag-comply. ‘Yung naging style ng semestre ay naging mekanikal para sa mga estudyante – makapagpasa lang nang makapagpasa, kahit wala namang naa-absorb,” anila.

Pagpapakilala ng executive committee ng Kabataang Nagkakaisa sa Buntog. Litrato mula kay Sophia Lorena Pugay.

Panawagan para sa makatao at mapagkonsiderang edukasyon

Dahil sa hirap na dinaranas sa remote learning, sinubukan na raw ng mga mag-aaral at ng kanilang mga magulang na makipag-negosasyon sa mga guro para sa konsiderasyon. Gayunpaman, hindi raw pumayag ang mga ito dahil sa umiiral na polisiya mula sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), na iminamandatong linggo-linggong magpasa ng module ang mga estudyante.

Ang ibang mga guro pa nga, anila, ay hindi umano nauunawaan ang kanilang sitwasyon.

“‘Yung ibang mga teacher rito, hindi sila nakakaintindi. Special mention pa talaga mga kabataan dito, ‘Three days na kayong late sa pagpapasa ng module, may minus na kayo.’ Minsan nga, ‘pag ‘di pa nakakapagpasa, zero-based [ang batayan ng pagmarka], tapos 75 ang ibinibigay na grade,” kuwento muli ni Alyssa.

Kapag naman umano nananawagan sila sa kanilang mga guro na tulungan sila sa pag-intindi at pagsagot ng kanilang mga takdang-aralin, iginigiit lang daw ng mga ito na “‘wag na [silang] magreklamo.”

“May isa akong kaklase na nagsabi na marami na nga ‘yung ginagawa namin, sobrang dami na, kaya nahingi siya ng two days na [extension] ng deadline. Sabi ng prof e, hindi naman daw kami nagko-compute ng grades niya, e nagrereklamo pa raw kami,” kuwento muli ni Maya.

Gayunpaman, sa kabila ng mga hinaing ng mga mag-aaral tungkol sa kanilang mga guro, ipinaalala ng mga boluntaryo ng KNB, “Hindi ang mga titser ang tunay na kalaban. Sila rin mismo ang nagigipit, dahil sila ang hinahapan [ng output] ng administrasyon.”

Dagdag pa nila, maraming mga guro na ang nagsasabing nahihirapan sa kasalukuyang sistema ng pagtuturo, samantalang hindi rin sila nakatatanggap ng sapat na benepisyo. Sa isang Facebook post, ibinahagi ng kaguruan ng Buntog National High school ang kanilang karanasan sa pagpapaabot ng modules sa mga mag-aaral, kung saan sinuong nila ang “magubat, maputik, madulas, at peligrosong daan” para lamang maibigay ang mga learning material ng mga estudyante.

Dulot ng mga ganitong karanasan, binigyang-diin ng mga boluntaryo na ang tunay na kalaban ay hindi ang mga guro, kundi ang pamahalaang nagbibingi-bingihan sa kalagayan ng kanilang mga nasasakupan.

“Lahat ng mga titser at estudyante ay nahihirapan na, pero sila [administrasyon] ay go lang nang go, dahil nakaupo lang naman sila sa mga opisina,” giit ng mga boluntaryo. “Admin mismo ang pinaka-masisisi rito, dahil sila ang nag-push ng online classes kahit ‘di naman talaga prepared.”

Samantala, kaugnay naman ng kampanya para sa balik-eskuwela, kinikilala ng mga estudyante na pinaka-epektibo pa rin ang pagsasagawa ng physical classes. Ngunit anila, maging ang ganoong sistema ay nararapat pa ring mas mapabuti.

Banggit nila na noon pa man ay napakahirap nang sustentuhan ang pag-aaral, dulot ng “bulok na sistema” at matataas na gastusin. Pinalala pa ito ng kasalukuyang pandemya, at ng patuloy nilang laban para sa kanilang lupain.

Dekada ‘90 pa ipinananawagan ng mga magsasaka sa Hacienda Yulo ang lehitimong reporma sa lupa, kasabay ng pagkokondena sa pangangamkam dito ng mga pribadong kumpanya. Gayunpaman, hanggang sa mga unang linggo ng Pebrero ay patuloy na dumaranas ng panghaharas ang mga mamamayan ng Sitio Buntog – panununog at paggigiba ng kabahayan, pambubugbog sa mga residente, at pagbabanta ng kamatayan (BASAHIN: Matapos ang harassment sa mga residente, tatlong bahay sinunog sa Hacienda Yulo).

Ipinahayag ng mga kabataan sa Sitio Buntog ang poot na kanilang nararamdaman dulot ng serye ng panghaharas.

“Sabi nga, buhay pa sila [nangangamkam ng lupa], nasa impiyerno na’ng kaluluwa nila, sinusunog na kasama ni Satanas. Sana, habang may oras pa, magbago-bago na sila,” mensahe ng isa sa mga mag-aaral.

Tugon ng kabataan ng Buntog

Dala ng samu’t saring suliraning kanilang kinakaharap, ninais ng mga kabataan sa Sitio Buntog na makatulong sa mga nakatatandang primaryang nagtatanggol sa kanilang pagmamay-aring lupain – dahilan upang bumuo sila ng samahan.

“Binuo po namin ‘yung KNB para may makatuwang ang mga samahan dito ng matatanda sa amin, para makatulong kami. Kasi sa mga nangyayari dito, hindi naman po pwedeng wala nang gagawin ‘yung kabataan,” pahayag ni Andrea, hindi niya tunay na pangalan, vice chairperson ng KNB at isa ring estudyante ng kolehiyo.

Aniya, sa kabila ng mga nakalulunos na karanasang kanilang sinapit, hindi maaaring hindi gagawa ng anumang paraan ang mga kabataan upang maipaglaban ang kanilang mga karapatan sa lupa.

“Mahirap, pero ‘di porke’t mahirap ay hindi na gagawan ng paraan … Mas gusto kong maipaglaban ‘to [lupain] – na makuha namin ang dapat na sa’min kasi hindi na makatao yung ginagawa nila [Yulo at Ayala],” dagdag pa niya. 

Kaugnay naman ng edukasyon, nais din ng KNB na maibalik ang dating sigla ng mga kabataan para sa pag-aaral, na “nawalan na ng gana” dulot ng pandemya at serye ng mga panghaharas. Pangarap nilang makapagtapos upang makapag-abot ng tulong sa kanilang mga pamilya, at sa buo nilang nayon.

“Ang una’t-una talagang papasok s’amin, kung ‘di kami magtatapos, papaano naman ‘yung kinabukasan namin? … Sabi nga ng tatay ko, hindi sila nakapagtapos, pero hindi nila hahayaang pati anak nila ay hindi makakapagtapos din,” pahayag ni Andrea.

Ipinapanawagan ng mga kabataan na gumawa ng paraan ang DepEd para matulungan ang mga mag-aaral mula sa Sitio Buntog.

“Sana gumawa sila [DepEd] ng way na mas mapadali ‘yung pagpapasa ng mga bata dito ng module … Sayang naman yung pagsisikap nila kung hindi rin sila tutulungan,” panawagan ng grupo.

Nananawagan din ang KNB para sa mga kabataang boluntaryong nais magpaabot ng tulong sa kanilang nayon.

“Sana patuloy pa rin silang sumuporta kasi maraming kabataan yung umaasa na tutulungan kami dito … Sila yung nagiging basehan para tumindig pa rin. Sana patuloy pa rin silang tumulong, sumuporta sa’min hanggang sa matapos na ‘tong [laban] namin [para sa lupa],” pahayag ng grupo. 

Sa huling datos mula sa KNB, humigit-kumulang 20 estudyante mula sa Sitio Buntog ang kasalukuyan nilang mga miyembro, at sila-sila ring nagtutulungan sa kanilang pag-aaral. Dagdag pa sa kanilang laban para sa lupa, patuloy rin ang panawagan ng mga kabataan ng Sitio Buntog para sa isang ligtas, demokratiko, abot-kaya, at de-kalidad na edukasyon.


Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakapagbibigay ng pahayag ang Buntog National High School, kaugnay ng umano’y patakaran nilang pagbayarin ang kanilang mga mag-aaral, matapos masira ang learning materials ng mga bata dulot ng panghaharas ng goons. Ang Ayala Corporation naman ay hindi rin nakakapagbigay ng pahayag ukol sa patuloy na harassment sa mga magsasaka.

Magbibigay ng karagdagang impormasyon ang Perspective tungkol sa balita, sa panahong makuha ang panig ng nasabing paaralan at ang Ayala Corporation. [P]

Litrato mula kay Sheryl Castillo

2 comments on “Mga kabataan sa Hacienda Yulo, nananawagan para sa ligtas, de-kalidad na edukasyon sa gitna ng patuloy na panghaharass

  1. Pingback: Progressives reflect on Terror Law 1 year since passage – UPLB Perspective

  2. Pingback: In SONA week, progressive groups, Caviteños slam human rights violations, West Philippine Sea sale under ‘traitorous’ Duterte – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: