Hindi na mabilang ang pagkilala’t gantimpala na nakamit ng lalawigan ng Palawan dahil sa natatangi nitong ganda at yaman; mula sa mga malilinaw at asul na karagatan, sa barayti ng mga hayop, halaman at kinaiinggitang kalikasan, hanggang sa kanilang mayayaman na kultura.
Bilang pinakamalaking probinsya sa bansa, nagawa nitong tumabo ng mga internasyonal na pagkilala. Kamakailan lamang ay tinanggap nito ang pagkilala ng Travel + Leisure Magazine bilang “Best Island in the World” sa ikalimang pagkakataon noong 2020. Itinanghal din ng Commission on Audit (COA) bilang ika-9 na pinakamayamang probinsya sa Pilipinas ang Palawan noong taong 2020 na may kabuuang yaman na P13.04 bilyon.
Bunsod ng tinatamasang tagumpay sa larangan ng turismo at ang patuloy na pag-usbong ng ekonomiya ng Palawan, tila nagiging mainit sa mata ang lalawigan na nagdadala ng mga di kanais-nais na balak, tulak na rin ng pansariling interes.
Kamakailan lamang ay nasangkot ang isang mataas na opisyal ng kapulisan sa isang kaso ng pagtutok ng baril sa mga opisyal ng Department of Energy and Natural Resources (DENR) at City Anti-Squatting Office. Ang mga nasabing opisyales ay maghahain sana ng vacate notice sa mga ilegal na naninirahan sa mga bakawan at upang imbestigahan ang laganap na pamumutol sa mga ito, natigil lamang ang kanilang operasyon nang sila ay pwersadong patigilin ni Colonel Marion Balonglong. Ang mga putol na bakawan di umano’y pinoprotektahan ni Balonglong para sa interes ng isang pulitiko at tila ba ito’y kanilang inaangkin. Ayon sa National Integrated Protected Areas System Act (NIPAS) labag sa batas ang ano mang uri ng paninira, pamumutol o pag angkin sa anumang uri ng bakawan.
Ang indibidwal na kasong ito ay isa lamang sa mga problemang kinakaharap ng Palawan. May mas malaking hamon at pagsubok ang mga mamamayan ng Palawan sa kasalukuyan at ito’y ang paghahati sa nasabing lalawigan sa tatlong bahagi.
Alinsunod sa R.A No. 11259 na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong ika-5 ng Abril, pinapasinayaan na hatiin sa tatlong probinsya ang Palawan — Palawan Del Norte, Palawan Oriental at Palawan Del Sur. Kabilang ang mga munisipalidad ng Busuanga, Coron, Culion, El Nido, Linapacan at Taytay sa Palawan Del Norte. Sa kabilang dako, sakop naman ng Palawan Oriental ang mga bayan ng Araceli, Agutaya, Cagayancillo, Cuyo, Dumaran, Magsaysay, Roxas at San Vicente. Ang mga bayan ng Aborlan, Balabac, Bataraza, Brooke’s Point, Espanola, Kalayaan, Quezon, Rizal at Narra ay kabilang sa Palawan Del Sur. Samantalang, hindi naman isinama ang Puerto Princesa sa hatian dahil ito ay isang independent city na hindi kasama sa pinamumunuan ng provincial government ng Palawan.

Bago pa man aprubahan ang nasabing batas, tinutulan na ito ni Senador Risa Hontiveros sapagkat ang nasabing paghahati ay hindi raw makabubuti para sa interes ng mga Palaweño, kundi interes ng bansang China. Ayon kay Hontiveros, ito ay magbibigay ng oportunidad sa Tsina upang mas mapalawak ang sakop at impluwensya nila sa ating bansa. Dahil sa pagkabuwag ng lalawigan, mas mapapadali di umano ang pananakop dala na rin ng mas mahinang kapasidad ng mga nahating lugar.
Sa panayam ng TV Patrol Palawan sa 3rd District Congressman ng Palawan na si Gil Acosta Jr., sinabi niya na masyadong malawak ang lalawigan ng Palawan at kadalasang nahihirapan ang mga local government unit (LGU) na magpaabot ng tulong sa mga isla, dahil na rin sa rason na 12 sa mga munisipalidad ay mga isla at malayo sa kabihasnan.
Ayon kay Cynthia Del Rosario, miyembro ng Save Palawan Movement, isang non-government organization (NGO) na naglalayong pangalagaan ang kapakanan ng Palawan, “The division of Palawan is not the appropriate answer to the existing weak governance, corruption, and natural resource use issues in the province.”
Disgrasya sa ekonomiya
Magiging salungat ang lagay ng ekonomiya at antas ng pamumuhay sa Palawan dulot ng paghahati nito sa tatlong lalawigan. Ayon sa Department of Finance (DOF) Undersecretary at Chief Economist na si Gil Beltran, hindi maganda ang magiging kinabukasan ng ekonomiya ng lalawigan kung sakali man na manalo sa plebisito ang para sa 3-in-1 Palawan. Tataas ang mga gastusin dahil sa pagpapatayo ng mga esensyal na pasilidad gaya ng mga paaralan, ospital, kapitolyo, at iba pang tanggapan; tinatawag itong mga “overhead expenses” na tiyak na lolobo matapos mangyari ang dibisyon.
Hindi garantisado ang pag-unlad ng lalawigan taliwas sa naging pahayag ng gobernador ng Palawan na si Jose Alvarez na aabot ng P6 bilyon ang budget ng tatlong probinsya na nangangahulugan na lalaki ng hanggang 100% ang internal revenue allotment (IRA). Ang IRA ay ang pondong nakukuha ng isang bayan mula sa pambansang gobyerno; ito ang pinagmumulan ng badyet upang sustentuhan ang mga lokal na bayan pati na rin ang pagpapatayo ng mga proyekto at paglulunsad ng mga programa. Salungat sa ipinahayag ni Gobernador Alvarez, ayon sa inilabas na ulat ng Department of Budget and Management (DBM) noong Mayo 20, taong 2020, 29% lamang ang itataas ng P3 bilyong internal revenue allotment (IRA) ng lalawigan na aabot sa humigit kumulang P800 milyon.
Base sa komentaryo ni Finance Secretary Sonny Dominguez sa programa ng One News na The Chiefs, “In other countries, rather than split things up, people want to put them together to be more economically viable.” Hindi napapanahon ang paghahati lalo na at titriple ang gastusin ng Palawan habang wala namang magiging pagbabago sa kakayahan nitong umunlad. Noong nakaraang 2019 at 2020 lamang ay mayroong pinagsamang P1.26 bilyon at P1.8 bilyon na utang ang lalawigan.
Ayon sa R.A 7160 o ang Local Government Code, 45% ng pondong inilatag ay mapupunta sa mga munisipalidad na sakop ng probinsya, ngunit sa bagong batas na naghahati sa Palawan, ay 24% na lamang ang matatanggap ng mga ito. Tila ba ang progresong inaasam na makuha sa batas ay siya pang magpapahirap sa mga mamamayan.
Napuna ng mga komentarista ng DZRH sa programang ‘Exclusive Session’ ang ‘gerrymandering’ sa likod ng paghahati o ang pagmamanipula ng mga hangganan ng munisipalidad. Sinasabing hinati ang mga bayan ayon sa interes. Ayon sa komentaryo ni dating Partylist Congressman Jonathan Dela Cruz sa nasabing programa, hindi dapat pinipili ang mga bayan na mapapasama sa isang partikular na lalawigan bagkus ay dapat istratehikal ang pamamahagi. Imbis na umunlad ang isang bayan o munisipalidad ay maaaring mas lalo itong maghirap sakaling hindi angkop ang dibisyon na isasagawa.
Wala pang dibisyon ng probinsya sa Pilipinas ang nagdulot ng kaunlaran. Ayon sa panayam kay Ferdie Blanco, isang strategic planning specialist, sa isang online forum na inorganisa ng Oceana Philippines at Save Palawan Movement, “In every divided province, there is a laggard province. Even though the internal revenue allotment (IRA) increased, it will not be felt by all.” Inaasahang matutulad ang Palawan sa mga nahating lalawigan ng Davao na nagtala ng mataas na antas ng kahirapan dahil sa nangyaring hatian.
Banta sa kalikasan
Kung mayroong katangian ang Palawan na dapat ingatan, walang duda, ito ang kalikasan at ang mga likas na yaman. Hitik ang pamumuhay ng mga buhay-ilang sa lalawigan, isama mo pa ang mga mayabong na halaman na sa Palawan lamang masasaksihan. Kabilang sa mga ito ay ang Palawan treeshrew (Tupaia palawanensis), Palawan stink badger (Mydaus marchei), the Palawan binturong (Arctictis binturong whitei), at ang Sunda tree squirrel (Sundasciurus rabori) na ayon sa International Union for Conservation of Nature (IUCN) ay “vulnerable” o nanganganib na.
Ayon sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), humigit kumulang 1,000 ang mga uri ng buhay-ilang na matatagpuan sa buong Pilipinas at 232 dito ay mamamataan lamang sa Palawan. Ngunit dahil sa napipintong paghahati, nasa panganib at nalalagay sa alanganin ang kalagayan ng mga ito. Batay sa komentaryo ni Dr. Aldrin Mallari, presidente ng Center for Conservation Innovations, sa isang online forum, magiging delikado ang mangyayaring hatian dahil mag-uudyok ito ng pananamantala sa mga buhay-ilang pati na rin ang pagkakalbo ng mga kagubatan.
Bilang probinsya na sagana sa biyaya mula sa kalikasan, hindi nakakawala sa mga mapaminsalang gawain ang lalawigan. Giit ni Mallari, 13,323 ektaryang puno mula sa kagubatan ang nakakalbo taon-taon at maaaring maubos ang mga ito sa loob ng 30 taon kung magpapatuloy ang mga ilegal na gawain. Mas lalala lamang ang sitwasyon ng mga ilegal na gawain dahil mawawala ang “central priority” bunsod ng paghahati sa Palawan.
Ang paghahati ay magdudulot lamang ng mabilis na pagkasira ng kalikasan, isang bagay na marapat nating paglaanan ng proteksyon para na rin sa tunay na konserbasyon ng ating mga likas na yaman.
Pinsala sa mga komunidad
Hindi lang ekonomiya at kalikasan ng mga Palaweño ang may negatibong banta dahil sa paghahati ng Palawan kundi ang kabuhayan din ng mga mangingisda. Ayon kay Diuvs de Jesus ng Oceana Philippines, isang organisasyon para sa pangkapaligiran na pangangalaga, magkakaroon ng kompetisyon sa larangan ng pangingisda sa mga mahahating probinsya. Dagdag pa ni de Jesus, sa paghahati ng Palawan ay mas mapapadali at maaari nang makarating sa kanayunan ang mga barko ng Tsina dahil sa mahina at desentralisadong proteksyon.
Isang malaking hadlang sa pangingisda ang kapangyarihan ng Tsina sa West Philippine Sea na pangunahing pinangingisdaan ng ilang munisipalidad ng Palawan, gaya ng Kalayaan. Isa sa mga biktima nito ay ang mangingisdang si Larry Hugo na hinadlangan ang karapatan upang maghanapbuhay dahil sa pang-aabuso ng barkong galing sa Tsina.
Ayon sa Europe-based political analyst na si Anders Corr, interes ng Tsina ang pinagsisilbihan sa desisyon ng paghahati sa Palawan. Giit ni Corr, kung nanaisin man ng Tsina na magtayo ng base malapit sa Palawan, pati na rin ng lisensya sa pagmimina at pangingisda, ay hindi malabo na mangyari ang mga ito dahil maaaring suhulan ng salapi ang mga nakaupo sa lokal na pamahalaan.
Sa ginanap na forum tungkol sa 3-in-1 Palawan na ginanap sa Western Philippines University noong ika-5 ng Marso, 2020, napag-usapan ang legalidad ng R.A 11259 at ang mga plano nito sa mamamayan. Subalit, walang nabanggit ukol sa mga indigenous people (IP) ng Palawan. Ang mga IP ng Palawan ay binubuo ng mga tribo ng Kagayanen, Tagbanwa, Palawano, Taaw’t Bato, Molbog, at Batak na naninirahan sa mga kabundukan at ang iba nama’y sa mga komunidad na malapit sa dalampasigan.
Kung matutuloy ang paghahati ay maaari silang mawalan ng tirahan dahil sa mabilisang industriyalisasyon at pagpapatayo ng mga gusali sa mga bagong probinsya. Tila ba’y walang pakialam ang pamahalaan sa kanila at mistulang hindi isinama sa mga prayoridad na programa kahit na karapatan nila ito bilang mga mamamayan ng Palawan.
Bago pa man gawan ng batas, umalma na ang ilang Palaweño sa kawalan nito ng pampublikong konsultasyon. Ayon kay Atty. Anda, abogado ng Save Palawan Movement, mistulang ipinupuslit ang batas na nagresulta ng gulat at batikos mula sa hanay ng mga mamamayan dahil sa kawalan ng transparency ng pamunuan. Ayon naman kay Board Member Rama na nagsusulong ng dibisyon, ang itinuturing nilang “public consultation” ay ang plebisito mismo dahil dito malalaman ang pulso ng bayan.
Noong Marso 13, 2021, matagumpay na pinag-botohan ng mga Palaweño ang plebisito na magdidikta sa kapalaran ng Palawan sa mga susunod na henerasyon. Isinulat ng mga Palaweño ang mga salitang “No/Hindi” na tanda ng hindi pagsang-ayon at “Yes/Oo” naman para sa pagpabor sa paghahati. Matapos ang tatlong araw, tinapos na ng Commission on Elections Provincial Plebiscite Board of Canvassers ang bilangan at ipinroklama nang nanalo ang oposisyon.
Kahit na may banta mula sa pandemya at kahit na bumubuhos ng malakas ang ulan ay nagkaroon pa rin ng 60.9% voter turn-out ang plebisito at tuluyang nanaig ang tinig ng masa na huwag hatiin ang probinsya; nagkaroon ng 122,223 na boto ang “Yes/Oo” at 172,304 na boto naman para sa “No/Hindi” na tuluyang nagpanatili sa Palawan bilang isang probinsya.
Ang plebisito ng mga Palaweño ay salamin na mayroong pag-asa sa paggapi ng isang sistemang pinamumunuan at pinapalakad ng iilang mga indibidwal lamang. Kolektibong aksyon ang nagpapanalo sa mga mamamayan ng Palawan at dahil dito’y matatamasa nila ang isang kinabukasan na nakaangkla sa kanilang mga panawagan at adbokasiya.
May kamalayan sila na ang paghahati sa lalawigan ay may mga kaakibat na negatibong epekto gaya ng nagbabadyang pagbagsak ng ekonomiya, malawakang pagkasira ng kalikasan at kapaligiran, paglaganap ng pansariling interes at korupsyon, at ang pinsala sa buhay at seguridad ng mga mamamayan ng Palawan.
Kung mayroon mang dapat matutunan ang Pilipinas at ang mga Pilipino mula sa plebesitong isinagawa kamakailan sa Palawan, ito’y sa darating na halalan sa taong 2022 ay dapat na tayo’y tumindig at gamitin ang ating karapatang bumoto. Na kapag iba ang interes at mga layunin ng mga namumuno ay mas paigtingin natin ang tinig ng sambayanan. [P]
Litrato ni Mike Allen Gabinete
Ang plebisito ng mga Palaweño ay salamin na mayroong pag-asa sa paggapi ng isang sistemang pinamumunuan at pinapalakad ng iilang mga indibidwal lamang. Kolektibong aksyon ang nagpapanalo sa mga mamamayan ng Palawan at dahil dito’y matatamasa nila ang isang kinabukasan na nakaangkla sa kanilang mga panawagan at adbokasiya.
May kamalayan sila na ang paghahati sa lalawigan ay may mga kaakibat na negatibong epekto gaya ng nagbabadyang pagbagsak ng ekonomiya, malawakang pagkasira ng kalikasan at kapaligiran, paglaganap ng pansariling interes at korupsyon, at ang pinsala sa buhay at seguridad ng mga mamamayan ng Palawan.
Kung mayroon mang dapat matutunan ang Pilipinas at ang mga Pilipino mula sa plebesitong isinagawa kamakailan sa Palawan, ito’y sa darating na halalan sa taong 2022 ay dapat na tayo’y tumindig at gamitin ang ating karapatang bumoto. Na kapag iba ang interes at mga layunin ng mga namumuno ay mas paigtingin natin ang tinig ng sambayanan.