News Southern Tagalog

Mga residente ng Agoncillo, Batangas, nangamba sa muling pagbabadya ng Bulkang Taal 1 taon makalipas ng pagsabog

Habang bumabanggon ang mga Batangueño na apektado sa pagputok ng Bulkang Taal noong 2020, nangangamba sila sa muling pagbabadya ng bulkan.

Ulat ni Glen Christian Tacasa

Noong ika-12 ng Enero ng nakaraang taon, itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Alert Level 2 ang kondisyon ng Bulkang Taal. Ikinagulat ng marami ang namataang mataas na maiitim na ulap-abo sa kalangitan dulot ng isang phreatic eruption o pagbuga ng abo at steam mula sa bunganga ng Bulkang Taal. 

Hindi na bago ang steam o singaw at maging ulap-abo o ash cloud mula sa aktibong Bulkang Taal ngunit ang hindi pangkaraniwan sa paningin ng mga Batangueño ay ang isang napakalaking ulap-abo. 

Noong araw rin na iyon, ika-12 ng Enero, 2020, sumunod ang pagbagsak ng makapal na abo o ash fall na nakarating pa hanggang sa Hilagang Luzon na nagdulot din ng mga paglindol na may lakas na Intensity I o paglindol na bahagyang napansin hanggang sa Intensity 3 o mahihinang pagyanig.

Bandang 2 AM hanggang 4 AM ng madaling araw noong ika-13 ng Enero, 2020 ay itinaas na sa Alert Level 4 o matinding ligalig ang Bulkang Taal at tuluyan na ngang nag-alburoto ang bulkan sa pamamagitan ng isang magmatic eruption o pagputok bunsod ng magma sa ilalim ng lupa. 

Nakapagtala rin ang PHIVOLCS ng mga matitinding paglindol na may lakas na Intensity 5 o malakas na paglindol na aabot sa 5.5 hanggang 6 magnitude at mga lava fountains o pagsirit ng napaka-init na tunaw na bato mula sa bunganga ng bulkan. 

Kinaumagahan ay ikinagulat ng marami ang sitwasyon kung saan halos wala nang makita at hindi na madaanan ang lansangan bunsod ng makapal na ashfall na umabot ng lagpas talampakan ang kapal ng abo sa kalye.  

Maraming residente ang napilitang lumikas at iwan ang kanilang mga tahanan. Ilang linggo rin silang nanatili sa evacuation centers bago muling makabalik sa mga bayan nilang nagkabitak-bitak at nalubog sa makapal na abo.

Isang linya ng Lemery-Agoncillo Road sa gilid ng Lawa ng Taal hindi pa rin nakukumpuni lagpas isang taon makalipas ang pagputok ng Bulkang Taal. Kuha ni Glen Christian Tacasa.

Isang taon matapos ang pagputok ng Bulkang Taal

Lagpas Isang taon na ang nakalipas ngunit bakas pa rin sa kalye at sa ilang mga gusali ang mga bitak na dulot nang malalakas na paglindol dahil sa pagputok ng Bulkang Taal. 

Maraming bahay ang nagiba, nalubog sa abo at kinain na ng lawa, o di kaya’y mga bahay na hindi na mababalikan ng mga residente.

Sa bayan ng Agoncillo, Batangas, mahigit sampung kilometro ang layo mula sa Bulkang Taal at isa sa mga pook na nakapalibot sa lawa ng Taal ay hindi na nagagamit ang ilan sa mga gusali sa munisipyo. 

Ang mga palaisdaan sa lawa ay nasira at ang ilang mga bahay na nakapalibot sa lawa ay nilamon na ng tubig. 

Apartment Building sa Town Proper ng Agoncillo hindi na ligtas tirahan dahil sa mga bitak nito.
Kuha ni Glen Christian Tacasa.

Sa nasabing bayan ay higit sa 1,650 na bahay ang lubhang nasira dahil sa pagputok ng Bulkang Taal habang 5,000 bahay naman ang itinalang bahagyang napinsala.  

Sa kabuuan ay umabot ng 1.3 bilyong piso ang halaga ng nawasak na mga kabahayan at 500 milyong Piso ang halaga nang pinsala sa imprastraktura. 

Habang sa mga kabuhayan ay umabot sa halagang 800 milyong piso ang pinsala na idinulot ng bulkan. 

Ayon sa alkalde ng  Agoncillo, Batangas na si G. Dan Reyes, base sa National Economic and Development Authority (NEDA) ay aabot sa mahigit 2 bilyong piso ang kakailanganin upang lubusang makabangon muli ang nasabing bayan mula sa pinsalang idinulot ng Bulkang Taal.

“Nandoon na kami sa rehabilitation [at] recovery process, at inuumpisahan na namin ‘yung mga housing project, tuloy-tuloy ‘yung proyekto namin sa shelter program, nagbibigay kami ng moving assistance sa mga tao natin,” dagdag pa nang alkalde.

Bagamat nagkaroon na nang inisyatibo ang lokal na pamahalaan ng Agoncillo ay kulang pa rin ang kanilang pondo para matulungang makabangon ang buong bayan. Kung kaya’t sila ay patuloy umanong umaasa sa mga programa at tulong na maibabahagi ng pamahalaan.

Sa kasalukuyan, nabanggit ng alkalde ng Agoncillo na 70-80% pa lamang ang nakakabangon mula sa kalamidad na ipit din sa krisis bunga ng pandemya kung kaya’t marami pa rin umano ang nakadepende sa tulong ng gobyerno.

“”Sa ngayon tinatantsya namin, siguro mga 70%, 70-80 [porsyento], ang nakapagpatayo na sila ng bahay, naayos na nila ang sari-sarili nilang bahay, pero marami pa rin [ang ano] mostly ay nagdedepende pa rin sa tulong ng gobyerno,” ani Reyes.

Karagdagang problema rin umano sa lokal na pamahalaan ang mga fissures o mga bitak sa lupa na karaniwang malaki at malalim na bunga ng malalakas na paglindol. Dahil dito ay hindi na maaring magtayo ng gusali sa ibabaw ng fissures na sadyang ikinabahala ng mga residente, ilang mga kabahayan ang nasa ibabaw ng fissures at lubha itong mapanganib.

Hanggang ngayon ay 50 na pamilyang mula sa Agoncillo pa rin ang nananatili sa mga evacuation center at kasalukuyang naghihintay ng muling matitirhan dahil wala na umano silang mababalikang bahay sa kanilang bayan.

Ayon sa alkalde, kawalan ng oportunidad at kawalan ng hanapbuhay ang pangunahing hadlang sa pagbangon ng mga mamamayan sa Agoncillo. Hanggang sa ngayon ay tulong pinansyal mula sa pamahalaan pa rin ang daing ng alkalde para sa lubusang pagbangon ng bayan ng Agoncillo dahil limitado lamang ang kayang maitulong ng lokal na pamahalaan sa mga komunidad. 

Sa kasalukuyan ay napilitan ang mga estudyante nalumipat sa modular set-up sa ilalim ng distanced learning

Mga buhay, bahay, at hanapbuhay na apektado 

Ang sahig ng bahay ni Ginang Gina Alcantara na nagkabitak-bitak na. Kuha ng Agoncillo Municipal Office.

Isa si Ginang Gina Alcantara sa malubhang napinsala ng pagputok ng Buklang Taal kung saan ang bahay niya ay nagkabitak-bitak at nilamon ng lawa.

Sa loob ng isang taon na nakalipas ay hirap pa ring makabangon ang kaniyang pamilya mula sa sakuna.

“Hanggang ngayon hindi pa rin totally nakabangon, kasi nga na-totally damaged ‘yung bahay namin, sa ngayon wala kaming [stable na] pinagkikitaan kung hindi nag-oonline business ng kaunti,” pahayag ni Alcantara kung saan ang kasalukuyan niyang pinagkakakitaan ay ang pagbebenta ng puto at iba pang kakanin.

Harapan ng bahay ni Ginang Gina Alcantara kung saan nilamon na ng tubig lawa ng Taal.
Kuha ng Agoncillo Municipal Office.

Ang bahay ni Alcantara ay hindi na mababalikan ng kaniyang mag-anak dahil ang kondisyon ng kanilang itinuring na tahanan ay hindi na matitirahan, nagkabitak-bitak ang sahig at pader at inabot na ito ng tubig ng Lawa ng Taal. 

Katulad ng kanilang alkalde, tulong pinansyal rin ang kaniyang daing upang makabangon sa pinsala na dinulot ng Bulkang Taal at mairaos ang kasalukuyang krisis na dulot ng pandemya.

Nang tanungin kung ano ang paghahanda na kanilang ginagawa sa kasalukuyang kondisyon ng Bulkang Taal ay inihayag ng ginang na mayroon silang nakahandang mga damit na madali nilang bitbitin kung nangyari man ang hindi inaasahang pagputok muli ng bulkan.

Natuto na umano ang mga residente at lokal na pamahalaan sa trahedyang idinulot ng Taal noon ngunit hindi pa rin maiwasan makaramdam ng kalungkutan dahil isang taon man ang nakalipas ay hindi pa lubusang nakababangon ang bayan ngunit nagbabadya muli ang Bulkang Taal na mag-alburoto.

Alert Level 2 muling itinaas sa Bulkang Taal

Simula noong ika-9 ng Marso muling itinaas ng PHIVOLCS mula Alert Level 1 patungo sa Alert Level 2 ang Bulkang Taal bunsod ng pagtaas sa mga naitatalang paggalaw at aktibidad ng bulkan.

At nitong ika-24 ng Marso naman ay naglabas ng Taal Volcano Advisory ang PHIVOLCS, kung saan binibigyan abiso ang publiko sa mga naitalang malakihang pagtaas ng seismic activities ng Bulkang Taal, tulad ng mga mabababaw na paglindol sa Taal Volcano Island bunsod ng paggalaw ng magma sa ilalim ng bulkan. Dahil rito ay inabisuhan rin ng PHIVOLCS ang publiko sa mataas na posibilidad ng isang magmatic eruption. Sa kasalukuyan, nakataas pa rin ang Alert Level 2 sa Bulkang Taal.

Muling nagbabala ang PHIVOLCS sa posibilidad ng muling pagputok ng Bulkang Taal dahil may mga naitala na volcanic tremors at low-frequency volcanic earthquake o mabababaw na paggalaw ng lupa na dulot ng volcanic fluids tulad ng magma, steam, o maging hydrothermal fluids o mainit na likido sa ilalim ng bulkan. 

Nilinaw ni Dr. Maria Antonia Bornas, hepe ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction division ng PHIVOLCS, na ang mga aktibong paggalaw at iba pang aktibidad ng Bulkang Taal ay bunsod ng magma na naiwan o nandoon na sa ilalim ng Bulkang Taal mula sa pagputok nito noong nakaraang taon, o maaari rin ang degassing ng magma o ang paglalabas nito ng maraming gas o hangin. 

Muling nagpaalala si Dr. Bornas na mapanganib kung magkakaroon ulit ng phreatic eruption, “When we have the phreatic eruption na, mahirap na ‘yun kasi once na na-open up na ‘yung system nagkakaroon ka na nang depressurization, nag-dedepressurize na ‘yung very deep magma.” 

Nang tanungin kung ang nagbabadyang muling pagputok ng Bulkang Taal ay kasing lakas ng pag-aalburoto nito noong nakaraang taon ay binigyang diin ni Dr. Bornas ang kaibahan sa kondisyon ng Bulkang Taal noon sa kasalukuyang lagay ng bulkan ngayon.

Paliwanag ni Dr. Bornas ay matagal na umanong hindi pumuputok ang Bulkang Taal magmula noong huling magmatic eruption nito noong 1969 kung saan limampu’t isang taon na ang nakalilipas. 

Malaki umano ang pagkakaiba nito sa kasalukuyang kondisyon ng Bulkang Taal dahil wala nang pressure at sa kasalukuyan ay wala na ring nakikita ang PHIVOLCS na mga ebidensya ng malalim na pinagmumulan ng magma sa ilalim ng bulkan.

“We are not very worried, kung magkakaroon man ng eruption, it won’t be a big one, siguro it will be a minor phreatic eruption or ‘yung worst case we will have a small eruption,” pahayag ni Dr. Bornas. [P]

Litrato kuha ni Glen Christian Tacasa

0 comments on “Mga residente ng Agoncillo, Batangas, nangamba sa muling pagbabadya ng Bulkang Taal 1 taon makalipas ng pagsabog

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: