News Southern Tagalog

Lider manggagawa Dandy Miguel, patay matapos pagbabarilin sa Calamba

Editor’s Note (March 30, 2021): The article previously mentioned that labor center PAMANTIK-KMU has always been branded as a “left-leaning” group by the government. This has since been corrected, in that they are being branded as fronts for CPP-NPA-NDF.


Habang hinihipan ni Duterte ang kandila para sa kanyang kaarawan, natapos naman ang buhay ng isang lider manggagawa sa Laguna.

Patay si Ka Dandy Miguel, vice chairperson ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU), matapos pagbabarilin sa kalsada ng Asia 1, Canlubang sa lungsod ng Calamba, Laguna, noong gabi ng ika-28 ng Marso.

Si Miguel, na siya ring pangulo ng Lakas ng Nagkakaisang Manggagawa ng Fuji Electric – Organization of Labor Associations in Line Industries and Agriculture (OLALIA-KMU), ay sinasabing pauwi na mag-aalas-9 ng Linggo mula sa kanyang trabaho, nang siya ay patayin. Nakasakay si Miguel sa kanyang motorsiklo nang biglang binaril ng mga hindi kilalang salarin, dahilan upang magtamo siya ng walong tama ng bala.

Ayon sa mga kasamahan ni Miguel, bago siya paslangin, nagsabi umano itong wala naman siyang direktang natatanggap na pagbabanta o surveillance mula kaninuman. Noon nga’y pinangangambahan pa umano nito na baka isang araw ay bigla na lamang siyang pagbabarilin.

Bagaman walang inisyal na pagbabanta sa buhay ni Miguel, iginiit sa isang virtual press conference ni Casey Cruz, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan – Southern Tagalog (BAYAN-ST), na dapat na mas bigyang-diin sa imbestigasyon ang extrajudicial killing ng administrasyong Duterte. Aniya, higit na nakakatakot ang kawalan ng paghahain ng mga search warrant, dahil katumbas nito ang kawalan ng pagkakakilanlan ng mga pananaguting perpetrators.

“Ang ginagawa na nila ngayon, parang vigilante killing na. Sa byahe mo pag-uwi, doon ka babarilin, doon ka papaslangin, at wala kang kalaban-laban. Hindi mo alam sino ang maaaring panagutin,” ani Cruz.

Si Miguel ang ikatlong miyembro ng PAMANTIK-KMU na pinaslang sa extrajudicial na paraan, ayon kay Paul Carson, public information officer ng nasabing organisasyon.

Hanggang sa mga huling sandali ni Miguel, bitbit niya ang kanyang panawagan: suot-suot ang pulang union shirt na sa likuran ay may mga salitang “Sahod, Trabaho, Karapatan – Ipaglaban!” Kinikilala ni Mia Antonio, miyembro ng Liga ng Manggagawa para sa Regular na Hanapbuhay (LIGA), na simboliko ito sa buong-buhay na panawagan ni Miguel.

“‘Yun ‘yung nakikita ko kung bakit nakadapa si Dandy [nang siya ay mamatay], para ipakita na, ‘Ito ‘yung gusto ko – kung bakit ako nagpapatuloy sa gawain, bakit ko kailangang ipagpatuloy ang pagiging isang lider – ito ang gusto ko,’” pahayag ni Antonio.

Nangyari ang pamamaslang tatlong linggo matapos ang COPLAN ASVAL, o mas kilala bilang “Bloody Sunday massacre”, kung saan siyam na labor organizer at lider-aktibista ang namatay (BASAHIN: 5 patay, 7 arestado matapos ang ‘Bloody Sunday’ sa Timog Katagalugan).

Samantala, ayon kay Menardo Guevarra, kalihim ng Department of Justice (DOJ), iimbestigahan pa ng nasabing ahensya kung tunay bang labor-related ang pamamaslang kay Miguel. Gayunpaman, giit ni Cruz, ang pahayag na ito ng DOJ ay isang insulto sa biktima at sa mga kakilala nito.

“Nakakainsulto po talaga na tanungin pa kung ito ay labor-related, habang naroo’t nakahandusay si Kasamang Dandy, suot-suot ang damit na nakasulat [ang kaniyang panawagan],” ani Cruz.

Giit nila, hindi na nangangailangan pa ng karagdagang pag-iimbestiga, gayong kilalang-kilala naman si Miguel bilang isang labor organizer, na pangunahing pinamumunuan ang laban ng mga manggagawa.

Boses ang tangi kong armas.

“Nangunguna lagi si Pang. Dandy sa mga pagkilos, sa kampanya ng rehiyon ng Timog Katagalugan, at higit sa laban ng mga manggagawang kontraktwal,” ani Antonio. Dagdag pa niya, mas lamang pa ang oras ni Miguel para sa sambayanan at sa mga manggagawa, higit sa kanyang sarili.

Sa katunayan, noong ika-16 ng Marso, kabilang pa si Miguel sa mga progresibong nagprotesta sa Crossing, Calamba upang ipanawagan ang hustisya para sa mga pinaslang noong Bloody Sunday.

“Hindi terorismo ang mapayapang sama-samang pagkilos sa mga pagawaan at lansangan,” ani  Miguel noong araw ng protesta, matapos makailang ulit na makaranas ng red-tagging ang mga kinabibilangan niyang organisasyon.

“Lalong ‘di terorismo ang paglunsad ng welga. Ipinapakita lamang nito na ang ating gobyerno ay inutil,” dagdag pa niya.

Ilang ulit inakusahan ni Pangulong Duterte ang mga progresibong organisasyon bilang “front organizations” ng Communist Party of the Philippines (CPP). Ani pa ng Defend ST, ilang pagkakataon nang pinagbantaan ng mga militar ang PAMANTIK-KMU, na umabot pa sa mga insidente ng panghaharas.

Sa kabila ng mga paratang ng estado, sinabi noon ni Miguel na ang tangi lang naman nilang nais ay ang makatanggap ng makatwirang sahod, at ang mawakasan ang contractualization sa bansa. Sabi pa ni Miguel, isyung pang-manggagawa ang kanilang ipinaglalaban – wala silang kinalaman sa armadong pakikibaka.

Noong araw ng welga, napabalitang kinuhaan ng larawan ng ilang pulis ang mga protestor, kabilang si Miguel. Sa kabila ng pagbabanta, hindi sila nagpatinag. Ang pagwewelga, ayon kay Miguel, ay simbolo ng paniningil sa isang pabayang rehimeng tinalikuran ang responsibilidad sa mamayang Pilipino.

“Hindi titigil ang manggagawa hangga’t ‘di napapatalsik si Duterte. Tuloy-tuloy ang manggagawa sa pag-oorganisa at pagkilos hangga’t ‘di nakakamtan ang tunay na hustisya,” pahayag ni Miguel.

Hustisya ang aking hiling.

Ayon sa KMU, kasama pa noon si Miguel ng mga labor leaders at pamilya ng mga biktima ng Bloody Sunday, upang magsampa ng kaso laban sa mga namaslang. Noo’y hindi ipinagkaila ni Miguel ang takot, nang makatanggap siya ng sunod-sunod na mensahe noong ika-7 ng Marso, na ipinapasabing ang ilan sa mga kapwa niya labor leaders ay inaresto at pinatay.

“Kinabahan ako. Syempre natakot, kasi kabi-kabila. Sinabihan ako ng aking mga kasamahan na umalis muna ako ng bahay,” pahayag ni Miguel sa isang interview ng Rappler. Inalala niya ang takot na paano kung siya ang nalagay sa ganoong sitwasyon – lingid sa kaalamang siya rin mismo ang magiging susunod na biktima ng pamamaslang.

Sa kabila ng takot, hindi nagpatinag si Miguel sa patuloy na paglaban sa kawalang-hustisya, at sa patuloy na panawagan para sa makatwirang benepisyo para sa mga manggagawa.

“Sa kabila ng mga banta sa buhay at seguridad, nasa unahan pa rin si Ka Dandy para ilaban ang karapatan at kagalingan ng mamamayan,” pahayag ng KMU.

Para sa kanyang mga kasama, mahirap paniwalaan ang ginawang pamamaslang, lalo na kung aalalahanin ang kanyang kabutihan.

“Hindi ko alam kung bakit pinaslang si Pang. Dandy, kung bakit walo ‘yung tama ng [bala] sa kanya,” pahayag ni Antonio.

Sa Facebook live ng Defend ST, inalala ng mga kasamahan ni Miguel kung gaano kabait at kalambing ang kanyang kilos at tinig. Binigyang-diin nila kung gaano kabuti ang pakikitungo nito sa kanyang kapwa, na ang mga karapata’y matapang niyang ipinagtanggol.

Ani pa ng KMU, “Magandang huwaran si Kasamang Dandy sapagkat hindi lamang siya nakaluklok sa kanyang lokal, kundi ang kanyang puso at damdamin ay malinaw na sumisigaw at nananawagan na magkaroon ng tunay na kapayapaan batay sa panawagan ng batayang sektor ng ating bayan – lalong-lalo na ng mga sektor ng mga manggagawa, magsasaka, at maralita.”

Isang kabalintunaang ang taong minsang humiling ng hustisya para sa mga manggagawa, ang siya ngayong ipinaghihiling ng hustisya ng kaniya mismong mga kasamahan.

Ang sigaw ng KMU: “Nanawagan kami sa lahat ng mamamayan na bigyang hustisya ang kamatayan ni Ka Dandy at pagbayarin ang mamamatay-taong si Duterte!”

Kailan kami mapayapang pakikinggan?

“Kailanman ay hindi talaga interes at kapakanan ng mga mamamayan ang nasa tuktok ng prayoridad ng rehimeng ito. Mas uunahin pa nitong patahimikin ang mga manggagawa na humihingi lamang ng sahod at karapatan bago pa ito [pamahalaan] tutugon sa pangangailangan [ng mga manggagawa],” pahayag ni Charm Maranan, tagapagsalita ng Defend ST.

Dagdag pa niya, imbes na tugunan ang panawagan at pangangailangan ng iba’t-ibang sektor sa gitna ng krisis pangkalusugan, o kahit maging ang mga usaping pangkapayapaan, mas inaatupag pa ng administrasyong Duterte ang pamamaslang sa mga progresibo – mga mamamayang walang ibang hangad kundi ang makamit ang kanilang mga pangangailangan.

Bagaman sa kasalukuyan ay hindi pa kumpirmado ang pagkakakilanlan ng mga pumaslang kay Miguel, kumbinsido si Maranan na responsable ang pamahalaan sa insidenteng ito. Aniya, hindi “iwas” ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa pamamaslang, sapagkat “direkta [nilang] ipinahamak” si Miguel.

Tanong ng PAMANTIK-KMU: “Pamamaslang ba ang regalo kay Duterte sa kanyang kaarawan?”

Hindi na maitatanggi, pahayag ng KMU, na may dugo nga sa mga kamay ni Pangulong Duterte, na ipinagdiwang din ang kaniyang kaarawan kahapon sa Davao, sa kabila ng pagsasailalim ng “NCR Plus” sa enhanced community quarantine (ECQ).

“Habang nasa piging si Duterte sa kanyang kaarawan, umatake ang mga pasista batay sa kanyang utos na patayin ang mga ‘kaliwa’. Matapos ang Bloody Sunday, panibagong kaso ito ng brutal na pagsalakay sa mga lehitimong lider at kasapi ng organisasyon na biktima ng red-tagging,” ani ng grupo.

Sa kabila ng takot sa gitna ng pagbabanta, nagpapatuloy ang laban para sa mga manggagawa – isang marangal na pag-alala sa laban ni Ka Dandy Miguel.

“Bagaman nawala na ang katawan ni Pang. Dandy, naniniwala ako […] bitbit ng masang-api, bitbit ng mga manggagawa, bitbit ng sambayanan, ang puso, prinsipyo, at paninindigan ni Pang. Dandy bilang isang lider-aktibista,” pahayag pa ni Antonio ng LIGA. Dagdag pa niya, huwag nawang kalimutan ng mga manggagawa na lagi’t-laging bitbitin ang boses, puso, at pagiging militante ni Miguel.

Kaninang alas-5 ng hapon, nagtirik ng kandila ang mga nakikiramay kay Miguel, bilang isang unified condemnation protest laban sa pamamaslang sa nasabing labor leader

Paalala ng KMU: “Hanggang sa huling hininga, suot ni Ka Dandy ang ating panawagan para sa sahod, trabaho at karapatan. Sa kabila ng banta sa buhay, nanguna siya sa maraming laban para sa interes ng manggagawa at mamamayan!” [P]

Photo by Pola Rubio

0 comments on “Lider manggagawa Dandy Miguel, patay matapos pagbabarilin sa Calamba

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: