Sa lipunang na-nanaig ang pyudal na relasyon sa lupa, realidad para sa mga magsasaka ang mamatay dahil sa gutom o kung hindi man sa karahasan na itinaguyod ng estado, bunsod ng mga polisiya nito na kontra mahirap at may pagkiling sa interes at dikta ng mga makapangyarihang bansa.
Sa Pilipinas, mas matindi ang pagdurusa ng mga pesante dahil bukod sa mga naunang nabanggit, isa ang ating bansa sa mga pinaka-bulnerable dulot ng pagbabago ng klima at walang pagsandig sa gulugod ng ekonomiya. Bilang ang karamihan ng nasa poder ay mga garapal at ganid, nalalagay sa peligro ang publiko lalu’t lalo na ang mga nasa laylayan tuwing tinatamaan tayo ng sakuna.
Ang pagiging manhid ng pamahalaan sa krisis panlipunan at kawalan ng tunay na reporma sa lupa, ang siyang nagtutulak sa taumbayan upang magwelga nang sa gayon ay makamit nila ang inaasam na kaunlaran at lehitimong pangangailangan.
Ang Masaker sa Kidapawan noong taong 2016 ay isa lamang manipestasyon ng tunay na kalagayan at panganib na kinakaharap ng ating mga magsasaka. Nagsagawa ng kilos-protesta ang libu-libong mamamayan ng Kidapawan at karatig bayan dahil sa kabagalan ng gobyerno na maibigay ang ayuda sa mga nasalanta ng matinding tagtuyot, sa kabila ng banta ng El Niño. Mabagal rin ang usad ng hustisya para sa dalawang namatay at daan-daang nasugatan at ilegal na kinulong noong marahas na binuwag ang linya ng mga mapayapang demonstrador, dahil makalipas ang apat na taon ay wala pa rin nahahatulan ng parusa sa pangyayari bagamat malinaw ang ebidensya na pinaputukan sila ng pulisya.
Noong taong din iyon ay nasubaybayan ang pagpalit ng administrasyon mula sa panginoong-maylupa na si Aquino patungo sa brutal at pasistang si Duterte. Kilala ang angkan ni Noynoy Aquino bilang parte ng pambansang burgesya, kung kaya’t ang pananatiling tahimik niya sa insidenteng ito ay patunay lamang sa nakasanayan ng kanyang pamilya na balewalain at gamitan ng dahas ang mga magsasaka. Sa ilalim ng kasalukuyang rehimen ay walang pagbabago sa kalagayan ng sektor ng agrikultura; sa katunayan ay mas tumindi ang impunidad ng gobyerno dahil sa kaliwa’t kanang paglabag sa mga karapatang pantao at sistematikong pagpilay sa mga magsasaka at kaalyadong manggagawa sa pamamagitan ng mga neoliberal na polisiya.
Mabigat na pasanin para sa mga mamamayan ang mga naisabatas ng rehimeng Duterte, sa ilalim ng ilusyong pagbibigay reporma sa buwis, pagtatayo ng mga bagong imprastraktura, at pagsusugpo sa mabilis na implasyon ng ekonomiya at kawalan ng seguridad sa pagkain. Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law, naging taliwas ang epekto nito sa nakasaad nitong hangarin. Dahil sa pagpataw ng excise tax sa petrolyo at asukal, tumaas ang presyo ng mga produkto at serbisyong nangangailan ng mga nasabing kalakal, kung kaya’t lumiit ang kapangyarihan ng mga mamamayan bumili ng mga pangunahing pangangailangan. Hindi pa rin sapat ang natatanggap na unconditional cash transfer ng mga pinaka-naaapektuhan sapagkat patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng iba pang produkto at serbisyo at walang batayang kaseguraduhan ang kanilang hanap-buhay. Nariyan din ang Rice Tariffication Law kung saan nagdulot ito ng pagbaba ng presyo ng palay dahil sa pagbaha ng bolyum ng bigas sa merkado noong inalis ang quantitative restriction sa pag-aangkat nito. Napilitan ang karamihan sa mga magsasaka na mabaon sa utang dahil hindi kaagad nailabas ang Rice Competitiveness Enhancement Fund o ang pondong nakalaan upang protektahan at patibayin ang industriya ng bigas. Nakapanlulumong isipin ngunit patuloy pa rin ginagamit ang mga karag-karag na kagamitang pansaka sa kabila ng pangakong agarang paglabas ng mga makabagong makina, makalipas ang isang taon ng implementasyon.
Naging matunog rin ang pagkamkam ng lupa sa kanayunan sa ilalim ng programang BUILD BUILD BUILD ng administrasyon. Lumisan ang mga mamamayan pati na rin ang mga katutubo sa kanilang mga lupain dahil bukod sa hindi na ito nagiging produktibo ay pinuprunterya at ginigipit sila ng mga naglalakihang real estate developer na pagmamay-ari ng mga politiko at ayaw nilang maipit sa militarsasyon sa kanilang lugar. Dahil dito dumami ang mga naitalang kaso ng pag-abuso sa karapatang pantao sa iba’t-ibang bayan sa Pilipinas kasabay ng paglunsad ng Oplan Kapanatagan at pagbuo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Patunay rito ang mga pinalayas na mga Aeta sa kanilang lupaing ninuno sa Pampanga upang magbigay daan sa pagtatayo ng New Clark City.
Makikita natin sa mga pangyayaring ito kung gaano ka huwad ang mga institusyon na dapat sana ay nangangalaga para sa kapakanan ng mga maralita. Ang mismong paglobo ng paglabag sa karapatang pantao ay nangangahulugan lamang na ang kapangyarihan at batas ay naka-sandal lamang sa iilan. Ngunit hindi kailanman masisindak ang masang nagkakaisa, kahit na sa mukha na ang instrumento ng dahas ay armas.
Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, bumabaluktot ang mga politiko tuwing sila ay napupuna kung kaya’t mahalaga ang pagiging kritikal sa mga oras ng kagipitan o kung hindi man araw-araw. Subalit hindi matatapos ang ganitong problema hangga’t hindi natin sila tuluyang mapaalis sa puwesto at mapanagot sa pagkakasala.
Sa pagiging makupad ni Duterte sa pagtupad ng kanyang pangako, lumalabas lamang na hungkag ang kanyang mga pagpapahalaga at mistulang sinasadya niya ang pagkitil sa tanging ikinabubuhay at pinagkukunan ng buhay ng karamihan sa mga Pilipino. Sa oras ng kalamidad, wala tayong maasahan sa isang pamahalaan na ang naiisip na kaagyat na aksyon ay militarisasyon, kundi ang tanglaw ng ating pag-asa ay nasa kolektibong pagkilos at tuluyang pagtalikod sa kapitalismo. [P]
Dibuho ni Aynrand Galicia
0 comments on “Mga aral at gunita ng Kidapawan Massacre sa panahon ng krisis”