₱20 milyon ang ibinigay na pabuya para sa 11 barangay sa Batangas, ngunit inaalala ng iba ang nangyari noong ‘Bloody Sunday’.
Matapos ideklara ang mahigit 11 barangay mula sa Batangas City bilang “Leftist Insurgent-Free”, nagtakda ang Department of Interior and Local Government (DILG) at National Task Force To End Local Communist Armed Conflict (NTF- ELCAC) na mamigay ng pabuyang nagkakahalagang aabot sa P20 milyon kada barangay.
Ito’y matapos maaprubahan kamakailan ng pamahalaan ang pondo na umaabot sa mahigit P16.4 billion ng NTF-ELCAC para sa layuning pagsupil ng mga rebelde, sa kabila ng pangangailangang pinansyal ngayong pandemya.
Ayon sa isang Facebook post mula sa Batangas Provincial Information Office noong ika-13 ng Marso, ilan sa 11 na barangay na tinutukoy na kabilang sa bibigyan ng pabuya ay ang Barangay Patugo at Sukol, Balayan; Barangay Coral ni Lopez at Taklang Anak, Calaca; Barangay Talibayog, Calatagan; Barangay Lumaniag, Lian; Barangay Toong, Tuy; at Barangay Bulihan, Kaylawa, Looc, at Papaya, Nasugbu.
Gayunpaman, sa likod ng pagtukoy bilang maka-kaliwang rebelde ng mga awtoridad sa ilang indibidwal, may mga nakapag-ulat na hindi umano malinaw at kulang ang ebidensya na hawak ng mga awtoridad na magdidiiin sa mga akusado.
“NTF-ELCAC’s 20 million ‘grant’ for local government units is definitely another E-clip profiteering of the state forces. Instead of addressing the root cause of armed struggle which is poverty, the Duterte administration deceives local government officials with millions of grants through Community Service Program under the E.O[.] [Executive Order] 70 — a delusionary tactic to end insurgency in the country,” paliwanag ni Casey Cruz, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan – Timog Katagalugan (TK) sa isang panayam sa Facebook kasama ang Perspective.
Nabanggit din ni Cruz ang Davao, ang rehiyon na natagpuang makakatanggap ng P1.64 bilyon mula sa pondo ng NTF-ELCAC, at ipinaliwanag niya kung paano maaaring gastusin ang mga ito.
“The bulk of [the] budget granted by the NTF-ELCAC to Davao province will surely be corrupted by the Duterte dynasty. The Duterte faction has been very busy in its politicking and corruption of government funds for its early campaign for the upcoming 2022 elections with its running slogan ‘Run, Sara Run!’ despite [the] worsening crisis brought by Covid-19 [sic] pandemic,” ani Cruz. (BASAHIN: ‘Run Sara Run?’ LB residents say no).
Mula sa pakikipanayam ng Perspective kay “Deng” [hindi tunay na pangalan], isang miyembro ng Panday Sining Batangas na isang progresibong organisasyon sa lalawigan, natuklasan na wala pa umanong nakikitang ebidensya laban sa ilang indibidwal na naturingang “Leftist-insurgent” ng mga awtoridad.
“Nagdeklara ang Batangas Provincial Information Office na ‘leftist insurgent free’ na raw ang iba’t-ibang barangay sa mga munisipalidad sa probinsya ng Batangas kahit pa wala silang nai-presentang materyal na ebidensya tungkol dito,” pahayag ni Deng
Kinukundena ng mga progresibong grupo tulad ng PSB ang pagpapairal ng communist witch hunting at ang pagbibigay ng pabuya na maaari sanang gamitin sa pagsugpo ng pandemya.
“Sa halip na gamitin ang pondo ng gobyerno sa pagtugon sa mga krisis ng pandemya ay ginagamit pa ito ng estado upang tugisin na parang mga kriminal ang mga lider-aktibistang humahadlang at tumututol sa mga pakanang development aggression sa mga komunidad sa lalawigan!” pagsasaad ni Deng.
Patuloy na pamamasista
Ayon kay Deng, ang taktika umano ng NTF-ELCAC ay ang paglilibot sa kinalulugaran ng mga progresibong indibidwal kung saan pwersahang ipinapalista ang kanilang mga pangalan bilang mga sangkot sa pagiging maka-kaliwang rebelde at matapos ay sapilitang pinapasuko.
“May mga nag-ikot din sa komunidad at nagpalista ng mga pangalan na di umano’y sumuko na raw sila. Pero sa parehong kaso, mga ordinaryong magsasaka at mangingisda lamang ang kanilang pinasusuko,” pagsasalaysay ni Deng.
Matatandaang noong ika-7 ng Marso na tinaguriang “Bloody Sunday,” na kilala din bilang “COPLAN ASVAL,” ay kabilang sa mga pinaslang ang mag-asawang sina Ariel at Chai Lemita-Evangelista ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwawasak ng Kalikasan at Kalupaan (UMALPAS KA). Bago pa man ang pangyayari ay kabilang ang kanilang mga kasama sa UMALPAS KA sa mga pangalang ipinalista ng mga awtoridad at ayon kay Deng, matagal na umanong ni-reredtag ang mag-asawa at binansagang terorista.
“Talagang pinagsulat lamang sila [Chai at Ariel Evangelista] ng pangalan. [Pero] nariyan ang kanilang pinaslang na mag-asawang Chai at Ariel Evangelista at ang muntik na nilang pataying si Lino Baez. Nariyan din ang mas lumalang surveillance sa mga komunidad na lumalaban para sa karapatan nilang maghanapbuhay at mabuhay,” dagdag ni Deng. Sa pahabol na mensahe sa publikasyon, nilinaw ni Deng na ni-raid at nilusob si Baez. (BASAHIN: 5 patay, 7 arestado matapos ang ‘Bloody Sunday’ sa Timog Katagalugan).
Dagdag pa umano sa laganap na pan-reredtag ng mga awtoridad ang naganap na pag-aresto sa anim na magsasaka na tinaguriang “Calaca 6” noong nakaraang taon matapos sampahan ng kasong Illegal Possession of Firearms and Explosive na kalaunan ay ibinasura ng korte dahil sa kakulangan ng ebidensya.
“In the Southern Tagalog region, prov govt [sic] of Batangas declared its province as insurgency-free after the Bloody Sunday Killings. […] It seems that the Batangas LGU is more than willing to enda[n]ger their constituents due to their principled beliefs rather than listen to their demands along with farmers and fisherfolks in the province,” ani Cruz, habang binibigyang pansin ang posibilidad ng pagkakaroon ng “conspiracy” pamahalaan ng Batangas (BASAHIN: Court dismisses Calaca 6 charges, 4 peasants now released).
Tulad lang kay Cruz, pinaliwanag ni Deng na ang umiiral umanong Terror Law at EO 70 sa bansa ang nagiging sanhi ng mga sunod-sunod na pagsugpo sa ilang aktibista kung saan nailalagay sa panganib ang mga mamamayan dahil malayang nakakapanredtag ang mga awtoridad.
Saan aabot ang P20 milyon mo?
Sa kabila ng pangangailangang pinansyal sa panahon ng pandemya, umabot sa halagang P16.4 bilyon ang alokasyon ng pamahalaan sa NTF-ELCAC para lamang sa layuning sugpuin ang maka-kaliwang rebelde sa bansa. Ito’y matapos aprubahan ng pamahalaan kamakailan ang bilyong-bilyong halaga na magsisilbing pabuya kung saan kada barangay na maituturing na “leftist insurgent-free”ay mabibigyan ng P20 milyon.
Ayon kay Deng, bagamat ang nasabing pabuya ay mapupunta sa pagpapatayo ng ilang mga imprastraktura na layuning pumailalim sa Barangay Development Program (BDP), hindi umano maganda ang epekto ng programa kung saan patuloy ang pangangamkam ng ilang mga lupain mula sa magsasaka.
“Hindi lamang hinihikayat ng proyektong ito ng lokal na pamahalaan ang karahasan, kundi ay ninanakawan pa nito ng karapatan para sa maayos na buhay ang ibang mamamayan.”
Dagdag pa umano rito ang itinayong Batangas City Pier na naging sanhi ng kawalan ng hanapbuhay ng mga maliliit na tindahan.
“Mas pinipili nilang maglaan ng pondo para sa mga ganitong proyektong walang malinaw na guidelines at limitasyon. Isa na itong uri ng pang-aabuso sa kapangyarihan.”
Natugunan nga ba ang layuning kapayapaan?
Kamakailan ay binansagan ang ilang barangay sa lalawigan ng Batangas na isa sa mga nabibilang sa “Stable Internal Peace and Security.” Taliwas naman ito sa paniniwala ni Deng dahil sa mga magsasakang ninakawan ng lupa at mga mangingisdang inagawan ng dagat. Dagdag pa ng grupo ang sunod-sunod na pagpaslang at pagpapakulong sa mga walang sala.
“Kapayapaan ba ito kung lagi kang nangangamba sa iyong buhay kahit pa ikaw ay simpleng mamamayang lumalaban para sa batayang karapatang pantao o basic human rights?” pag-aalinlangan ni Deng (BASAHIN: Nasugbu fishers’ homes ‘trashed’ by Henry Sy-linked company men).
Nabanggit din ng grupo ang ilan sa mga posibleng epekto ng nagaganap na “communist-witch hunt”, tulad ng korapsyon, matinding paglaganap ng karahasan, pagkakaroon ng hati sa pagitan ng mga komunidad, pang-aabuso ng kapangyarihan na maaaring magdulot ng takot at pangamba sa mga mamamayan.
“Ang panunupil sa paglaban para sa karapatan ng mga mamamayan, diktadoryal na pagtatalaga kung ano ang terorista at hindi, at ang sapilitang opresyon sa mga kritiko ay mga batayan upang mabansagang pasista ang isang estado,” dagdag pa ni Deng.
Nananawagan ang organisasyong tulad ng Panday Sining na bigyan pansin ang mga kagyat na isyu tulad na lamang ng sa mga sakahan, palaisdaan, at maralitang lungsod at ipagtanggol ang mga progresibong indibidwal at grupo laban sa red-tagging.
“Kung pakikinggan po ninyo ang hinaing ng mga komunidad, mauunawan po ninyong ang paglaban para sa karapatan ay hindi terorismo. Tugunan po natin ang hinaing ng mga mamamayan sa halip na i-antagonisa sila upang makamit ang tunay na stabilidad at kapayapaan sa ating lalawigan.”
Bilang pagtatapos, hinamon naman ni Cruz ang mga opisyal na ilantad ang mga plano ng NTF-ELCAC, at magbigay halaga sa mga karapatang pantao.
“Bayan ST challenges all local chief executives to expose the profiterring [sic] scheme of NTF-ELCAC under the cover of battle against insurgency. […] If the Duterte admin is serious in implementing development and progress, it must not be in exchange [for] civil and democratic rights of Filipinos,” ani Cruz. [P]
Litrato mula sa Batangas PIO / Facebook at kina Pola Rubio at Dianne Sanchez
Pingback: LIST: Human rights watch (August 22 – 28, 2021) – UPLB Perspective
Pingback: Kabataan Partylist slams disqualification case, reiterates student demands – UPLB Perspective
Pingback: Ang laban ng Batangas para sa makataong pamamahala – UPLB Perspective