News

Barangay captain sa Camarines Sur, pinatay ‘di umano ng pulis sa sariling bahay

Isang Barangay captain sa Camarines Sur ang naging bagong biktima ng hinihinalang na EJK.

Sa gitna ng pandemya, patuloy pa rin ang mga operasyon ng estado sa tokhang, raid, at iba pang karahasan at pamamaslang. Mga operasyong malimit mangyari sa kalaliman ng gabi –katulad ng isang magnanakaw subalit buhay ang tudlaan. 

Isang search warrant mula sa San Jose, Camarines Sur Regional Trial Court (RTC) na may kaugnayan umano sa droga at mababang kalibre ng baril ay ang dapat ihahain ng kapulisan kay Brgy. Captain Elmer Casabuena ng Brgy. Niño Jesus, Iriga City, Camarines Sur. Ngunit ayon sa isang fact-finding report ng alyansang karapatang pantao ng Karapatan Bikol. Ito ay nauwi sa isang raid, pamamaslang, at pati pagnanakaw noong ika-26 ng Marso, bandang ala-una ng madaling araw.

Sa parehong fact-finding report na nilabas noong ika-12 ng Abril, isiniwalat din ng Karapatan Bikol ang pagkasawi ni Kapitan Elmer na mula umano sa gantsilyo ng baril ng mga kapulisan. Dagdag pa rito ay may namataang hindi hihigit sa 30 na armadong pwersa ng Camarines Sur Provincial Police kasama ang Drug Enforcement Agency (DEA) sa bahay ng Kapitan na nasa kahabaan lamang ng isang hindi pinangalan na national highway

Sapilitang tinulak si Kapitan Elmer sa kwarto nilang mag-asawa habang ang mag-inang sina Elvie Casabuena, at ang dalagang anak na si Mervi ay hiniwalay sa kabilang kwarto. Sinundan ito ng mga putok ng baril kung saan nakatamo si Kapitan Elmer ng apat na tama ng bala sa may tagiliran, sa tiyan, at sa hita, habang pilit namang pinapatahimik ng mga pulis sa kabilang kwarto ang lubos na pagtangis ng mag-ina. Hindi nagtagal ay tuluyan nang binawain ng buhay ang nasabing kapitan.  

Makalipas ang dalawang oras matapos maganap ang insidente, sinundo ng limang sibilyang nagpakilalang miyembro umano ng Provincial Police ang dalawang kagawad sa nasabing barangay upang sumama sa gagawing “search operation” sa bahay ni Kapitan Elmer. Napilitang sumunod at sumama ang dalawang kagawad patungo sa bahay ng kanilang kapitan, lingid sa kaalamang pinaslang na ang hahainan nila ng search warrant na si Kapitan Elmer. 

Lubos na ikinagulat ito ng dalawang kagawad, lalo pa’t, naabutan nila ang hindi bababa sa sampung motorsiklo at tatlong sasakyan ng pulis ang nasa harapan ng bahay ni Kapitan Elmer. Ayon sa Karapatan Bikol, malinaw ang nangyaring pamamaslang ng mga awtoridad kung saan inilagay ng pulisya sa kanilang mga kamay ang hatol sa isang sinasabing inosenteng kapitan na hindi pa napatunayang may sala sa mata ng batas.

Sinamsam rin ng mga umatakeng elemento ng pulisya ang naipong higit P230,000 na salapi ni Kapitan Elmer na ibabayad sana sa mga utang ng mga magsasaka sa maisan sa kanilang lugar. Bukod pa rito ay kasamang nasamsam ang mga relo, kwintas, at salamin ng kapitan, mga ng mag-asawa, anim na panabong na manok, at pati ang ilan sa pananim na mais sa harapan ng bahay ni Kapitan Elmer, base sa iniulat ng Karapatan Bikol. 

Ang mga operasyon ng pagpaslang ng pwersa ng estado ay hindi na bago sa rehiyong Bikol, ngunit sariwa pa sa mata ng mga taga-siyudad ng Iriga Mula sa naunang fact-finding report ng Karapatan Bikol noong ika-22 ng Oktubre, 2020, naiulat ang isang pagpaslang kay Joan Mapirga, isang construction worker at residente ng Brgy. Mangga, Bato, Camarines Sur kung saan ni-red-tag at pinaratangang miyembro ng New People’s Army (NPA) si Mapirga na sangkot umano sa naganap na ambush sa kanilang lugar noong 2018.

Kapareho kay Kapitan Elmer, hahainan rin dapat si Mapirga ng warrant ng hindi hihigit sa 30 na armadong kapulisan, ngunit nauwi sa pamamaslang bandang 2:30 ng madaling araw. Tulad sa nangyari kay Kapitan Elmer, sinamsam rin ng kapulisan ang dalawang cellphone ng pamilya at ang pitong manok ni Mapirga na aabot sa halagang P35,000.

Ang Kapitan na inilarawan ng mga kamag-anak, kapitbahay, at kakilala niya mula sa kanilang barangay bilang matulungin, malumanay at mapagmahal ay hinatid na sa kanyang huling hantungan nitong ika-12 ng Abril. Lubos ang pagdadalamhati ng mga kaanak ni Kapitan Elmer kasabay ang pagpanawagan sa hustisya ng sinapit nito.

Sa gitna ng pandemya hirap na hirap ang mga Pilipino sa kani-kanilang kalagayan bunsod ng problema sa kalusugan at pinansyal na pangangailangan. Subalit sa kabila ng pandemya ay patuloy pa rin ang panggigipit at pambubusabos ng estado sa karapatang mabuhay at karapatan sa pamumuhay ng mga Pilipino. Manipestasyon lamang ito na walang kinikilalang panahon, sitwasyon o oras ang estado para magahis ang masa sa ilalim ng pasismo. [P]

[P] File Graphics

1 comment on “Barangay captain sa Camarines Sur, pinatay ‘di umano ng pulis sa sariling bahay

  1. Pingback: Military ‘abducts’ CamSur farmer, still missing – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: