Features

Hikbi ng inang Kalikasan: Ang pinsala sa apat na elemento ng daigdig

Mga salita ni Vince Villanueva

Hindi natin mapagkakailang masagana ang pinapamahaging regalo sa atin ng kalikasan. Mula sa mga mineral ng kabundukan, mga likas na yaman sa ating mga karagatan, at mula sa lupa na pinagkukunan natin ng mailalaman sa ating mga sikmura.

Sa kabilang banda, kung ating sisipatin, ang pandemya‘t mga inhustisya sa ating kalikasan ay salamin na patuloy ang pananamantala at pamemeste hindi lamang sa kalikasan, kundi pati na rin sa mga mamamayan na nagbubunsod ng perwisyo at kahirapan. 

Kasabay ng pagdiriwang ng International Earth Day, ating balikan ang apat na elemento na nagpapatakbo sa daigidig. Ang lupa, tubig, apoy, at hangin na tuluyang napipinsala buhat nang matinding pananamantala at pasismong pamamalakad.  

Lupang pinagsasamantalahan

Sa katunayan, mayaman ang ating bansa sa usapin ng kalikasan dahil tirahan ito nang sandamakmak na species. Kung kaya’t nakuha natin ang ikalimang pwesto bilang “megadiversity country” sa buong mundo kasama ang Ecuador, Brazil at iba pa. 

Subalit, kasama din ang Pilipinas sa mga bansang itinuturing na “biodiversity hotspot” o ang mga dapat mabigyan ng prayoridad sa proteksyon at konserbasyon. Kasabay nang pagiging tirahan ng libo-libong uri ng hayop at halaman, ang mga banta sa pagkasira at “habitat alteration” tulad ng overexploitation, pagbaba ng “forest cover,” at pagtaas ng populasyon ang mga nakikitang pangunahing dahilan upang tayo’y mapabilang dito. 

Habang patuloy na lumolobo ang ating populasyon, umaariba din ang ating mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, at hilaw na materyales tulad ng kahoy at “non-timber forest products” na ginagamit naman sa pagpapatayo ng mga imprastraktura. Taong 2015, naitala na may natitirang pitong milyong ektaryang kagubatan na lamang ang bansa. 

Idagdag pa na habang mas nangangailangan tayo ng mga matitibay na batas na pumoprotekta sa ating kalikasan, patuloy ang pamahalaan sa pag implementa ng polisiyang nagpapahamak dito. Taong 2012, ipinasa ni dating Pangulong Benigno Aquino ang Executive Order (EO) 79 na naglalayong magkaroon ng pagrerebisa sa Philippine Mining Act noong 1995. Nagkaroon ng mga bagong polisiya para masiguro ang pangangalaga sa ating kalikasan at sa responsableng pagmimina at paggamit ng mga “mineral resources.”

Samantala, ngayong Abril 14 lamang, tuluyan nang natanggal ang siyam na taong “moratorium” ng EO 79. Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang EO 130 na bagong “mining order” ng bansa. Nakasaad sa bagong kautusan ang pagbibigay permiso sa pamahalaan at mga pribadong sektor na mahimasok sa mga bagong “mineral agreements.” Ang pagkakasangkot ng pamahalaan ay upang magkaroon tayo ng diumanong significant economic benefits lalo na sa mga proyektong Build, Build, Build, Balik Probinsya, at Bagong Pag-asa Program sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Pinapayagan na rin ng kautusang ito ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na patuloy na maglabas ng “exportation permit” sa mga mining companies. Sa madaling salita, mas binigyan din ng pagkakataon ang mga dayuhang korporasyon na 100% na magpatakbo ng mga “mineral lands” at kabilang na rito ang sobra-sobrang exportation ng nickel, copper, ginto at iba pa. Tila ba’y ang yaman na dapat napupunta sa kaban ng bayan ay dumederetso sa bulsa ng mga dayuhang kompanya. 

Sa katunayan, ayon sa industry-wide audit na isinagawa noong panahon ni DENR Secretary Regina Lopez, 68% sa mga mining companies ay napatunayang lumabag sa batas at polisiya na nagbunga ng perwisyo sa mga komunidad na malapit sa minahan. 

Kalakip ng pagpapalakas sa sektor ng pagmimina, napatunayan na nakadagdag lamang ang sektor ng 0.89 na porsyento sa kabuuang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa. At ayon kay Sonny Africa, direktor ng IBON Foundation, ang nakukuhang 15 bilyong buwis at “mining fees” ay balewala at hindi gaanong nagagamit sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act.

Tubig na binabahiran

Isinasaad ng Kalikasan People’s Network for The Environment, isang organisasyon na nangangalaga at nagtataguyod sa kalikasan, na ang mga mining companies ay nagbabayad lamang ng P50 kada tonelada ng basura sa mga “unauthorized areas” at wala pa sa isang piso ang ibinabayad para sa kada tonelada ng “mine waste” at sa mga “mine tailings” o mga kemikal pulbos na itinatapon matapos ang proseso, sa ating mga kabundukan, gubat at ilog.

Patunay dito ang mga delubyong naganap noong taong 2020. Sunod-sunod ang mga bagyong tumama sa bansa noong Oktubre at Nobyembre na nagdulot nang malalang pagbaha at problema sa kalusugan. Isa na rito ang Barangay Didipio sa Kasibu, Nueva Vizcaya na nakaranas ng pagbaha na may kasamang “toxic elements” na nakaapekto sa kanilang pamumuhay at kalusugan. Gayundin ang pagbaha sa lungsod ng Marikina at sa probinsya ng Rizal at Cagayan. Ayon sa pananaliksik ng Advocates of Science and Technology for the People (Agham), ang pangunahing naging sanhi nito ay ang pagkasira ng watershed dahil diumano sa tatlong kompanya ng minahan sa probinsya ng Rizal.

Idagdag pa rito ang patuloy na pabago-bagong panahon o climate change. Sinasabi na ang pag-aangkat o “shipping” ng mga kargo ng iba’t ibang produkto’t hilaw na materyales, ay nakadadagdag ng mahigit isang bilyong toneladang “carbon dioxide” (CO2) kada taon. Mahigit 90% ng kalakalan ay naihahatid sa pamamagitan ng karagatan na kung saan karamihan sa mga ginagamit na barko ay naglalabas ng maraming CO2 na labis ang perwisyo, hindi lamang sa mga anyong tubig, pati na rin sa iba pang likas na yaman. Ilan lamang sa makikitang bunga nito ay ang ang pagkasira ng mga “coral reefs,” panunuyo ng Aral Sea sa Kazakhstan at Uzbekistan at ang pagkatunaw ng Colombia glacier sa Alaska, United States.

Apoy sa mga kabahayan

Samantala, muling binuhay ng DENR ang pagbibigay ng Environmental Compliance Certificate (ECC) para sa Pamahalaang Lungsod ng Bacoor na layuning masimulan ang “land reclamation project” na nagreresulta sa pagkawala ng hanapbuhay at tirahan ng mga pamilyang umaasa lamang sa pangingisda. Unti-unti ring nagsasagawa ng mga “infrastructure projects” tulad ng expressway at LRT 1 extension project na tiyak na sisira sa libo-libong tirahan.

Kung kaya’t hindi maitatangging labis-labis ang naging pagtutol ng mga mangingisda pati na rin ng ilang mga organisasyon tulad ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) ukol dito. Subalit, dahil sa pagpupumiglas ng mga residente ng Brgy. Sineguelasan, Bacoor Cavite, sinasabing ang mga sunod-sunod na pagkasunog sa lugar ay isang paraan ng lokal na pamahalaan upang mabilis silang mapaalis sa lugar.

Gayundin, ayon sa PAMALAKAYA – Cavite, ang ilang “reclamation projects” ng Manila Bay ay planong sakupin ang ilang lugar sa Cavite na magreresulta lamang sa kawalan ng kabahayan ng humigit kumulang 335 libong residente sa 95 na barangay sa may tabing dagat. 

Malaki ang magiging epekto nito para sa mga lokal na residente, at malinaw na ang binuhay na mga proyekto’t programa ay pinagana ng mga polisiyang isinasantabi ang kapakanan ng mga mamamayan. Kapansin-pansin din na noong taong 2019, nabanggit mismo ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na ang mga “reclamation project” sa Manila Bay at sa kabuuan ng bansa ay magreresulta lamang ng kapahamakan at pagkasira ng ating kalikasan.

Hanging nadudungisan

Samantala, dahil sa pagpapatupad ng “community lockdown” noon pang nakaraang taon, animo’y naging kalmado ang polusyon sa ating hangin. Unti-unting napagtanto ng mga Pilipino na tanaw pala sa Metro Manila ang Sierra Madre mountain range dahil nawalan ng mga pribado at pampublikong sasakyang dumadaan sa mga kalye. Naging malaking kontribusyon din ang “lockdown” para bumaba ng 40 hanggang 66 porsyento ang lebel ng PM2.5, isang uri ng pollutant na sa sobrang liit ay hindi nakikita ng ating mga mata; sinasabing nagreresulta ang pollutant na ito ng kanser sa baga. 

Sa kabilang banda, ayon kay Dr. Gerry Bagtasa ng the University of the Philippines’ Institute of Environmental Science and Meteorology (IESM), ang kasalukuyang krisis ay walang malalim na kontribusyon sa pagbabawas ng ating polusyon sa hangin sapagkat  ang CO2 na ating nailabas na’y tumatagal ng ilang siglo at ito’y hindi nawawala sa loob lamang ng ilang buwan. At hindi lang din sa mga sasakyan nanggagaling ang ating polusyon bagkus ang 20% ay mula sa mga kompanya at pabrika. Mayroon ding tinatawag na “open burning,” o ang tradisyonal na pagsusunog ng lupain upang madaling tamnan, sa ilang bahagi ng Central Luzon at Cagayan Valley. Kaya patuloy na ipinapaalala ng mga eksperto na maging “environment-friendly” ang ating mga aksyon at magkaroon ng striktong implementasyon sa mga polisiya na naglilimita sa mga malalaking kompanya’t pabrika na sirain ang ating kapaligiran.

Bukod sa mga epekto ng direktang pagmamalabis sa ating kalikasan, ang una ring sumasalo ng atake’t represyon ay ang mga taong nangangalaga at nagtataguyod ng ating kapaligiran tulad ng ating mga aktibistang pangkalikasan. Ayon sa London-based environmental watchdog na Global Witness, pumangalawa sa buong mundo ang Pilipinas bilang pinakadelikadong lugar para sa mga environmental activist. Ito’y dahil mahigit 43 katao ang kinitil ang buhay noong 2019 lamang na kung saan karamihan ay nagmumula sa sektor ng agrikultura at pagmimina. 

Tila bang ang mga indibidwal na nagpapalakas ng mga adbokasiya para sa kalikasan ay pinipigilang makamit ang pagbabago sa isang sistemang nananamantala sa yaman ng ating inang bayan. 

Ang paghahangad ng labis-labis ay hindi kailanman nagdulot ng mabuti; dahil kapag ang kalikasa’y tuluyan nang naubos, paano na lamang ang mga susunod na henerasyon?Hindi dapat pinagsasamantalahan ang kalikasan upang unahin ang pansariling interes. Ang gobyerno’y dapat magpatupad ng mga tunay na proyekto at polisiya na mangangalaga hindi lamang sa kapaligiran, kundi pati na rin sa kapwa nating kumakapa pa sa pagbangon. Alisin ang dayuhang kontrol sa ating mga likas na yaman upang hindi mahadlangan ang pagsagana ng kalikasan at buhay ng mga mamamayan. [P]

Dibuho ni Gabriel Algar

1 comment on “Hikbi ng inang Kalikasan: Ang pinsala sa apat na elemento ng daigdig

  1. Pingback: Remembering Jimmy: A father, leader, and desaparecido – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: