News Southern Tagalog

Hustisyang 18 taong bimbin: Pag-alala sa ika-18 na anibersaryo pagkamatay nina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy

18 na taon matapos ang pagpaslang kina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy noong 2003, ang hustisya at katarungan para sa kanila ay pinapanawagan pa rin.

Inaalala ng iba’t-ibang progresibong grupo, partikular sa Timog Katagalugan, ang pagmarka ng ika-18 na anibersaryo ng pagkamatay sa dalawang progresibong lider-pesante sa rehiyon noong nakaraang ika-22 ng Abril. 

Taong 2003 pa noong naganap ang pagpaslang kina Eden Marcellana na secretary-general ng alyansang karapatang pantao Karapatan Timog Katagalugan (TK) at kay Eddie Gumanoy na dating pinuno ng Kasapian ng mga Samahang Mambubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK). 

Ika-22 ng Abril noong namataan ang mga sinabing karumal-dumal na estado ng walang buhay na mga katawan nina Marcellana at Gumanoy sa Bansud, Oriental Mindoro. Maaalalang parehong nagtamo hindi ng mangilan-ngilang sugat mula sa pagkakabaril ang mga katawan ng lider kasama ang malilimutang wasak na mukha ni Marcellana na tila ba’y isang mabigat na materyales ang ibinagsak rito o ginamit sa paghampas.

Pag-alala sa pagpaslang

Isang araw bago ang insidente noon, nagsagawa ng fact-finding mission sa ilang parte ng Oriental Mindoro ang mangilan-ngilang miyembro ng magkakaibang progresibong grupo. Ang nasabing misyon ay upang siyasatin ang mga insidenteng hinggil sa mga paglabag sa karapatang pantao dala ng 204th Infantry Battalion. Ang retiradong heneral ng Hukbo na si Gen. Jovito Palparan, Jr., ang namumuno pa sa nasabing batalyon noong taong iyon.

Matatandaan noon na si Palparan ay nahatulan noong ika-17 ng Setyembre, 2018 sa ‘di umano’y pagdukot nina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan, dalawang aktibista mula sa at mga estudyante ng UP Diliman na nawala sa Hagonoy, Bulacan noong 2006.

Habang sa kalagitnaan ng biyahe, pinahinto ng mga armadong kalalakihan ang sinasakyan kung saan lulan ang grupo at hinanap si Marcellana. Noong nakilala na kasama sa sasakyan si Marcellana ay pilit isinakay ang buong team sa isang panibagong dyip. Sa gitna ng biyahe ay biglang inatasan sina Marcellana at Gumanoy na bumaba ng dyip habang ang iba ay ibinaba rin sa iba`t ibang bahagi ng Bongabong, Mindoro Oriental. Hindi na muling namataan sina Marcellana at Gumanoy hanggang kinabukasan kung kailan natagpuan na lamang ang kanilang bangkay sa munisipalidad ng Bansud, Oriental Mindoro — tatlumpu’t-limang kilometrong layo mula sa kung saan sila sapalarang pinababa.

Ayon sa mga pamilya ng mga biktima, pinaghihinalaang ang mga pumaslang kina Marcellana at Gumanoy ay mga lalaking nakamaskara at umaangkin bilang mga miyembro ng “Alsa Masa”, isang anti-komunistang vigilanteng grupo na itinatag sa Davao noong taong 1980s. Gayunpaman, nilinaw at iginiit ng Karapatan maging ng Bagong Alyansang Makabayan na ang mga militar ng Pilipinas ang responsable sa pagkamatay ng dalawang progresibong lider.

Hustisyang lampas na sa taning

Noong taong 2013, sinabi ng kasalakuyang secretary-general ng Karapatan na si Cristina Palabay na mahigit 10 na taon na mula nang pinaslang ang dalawang lider-pesante na sina Marcellana at Gumanoy ngunit patuloy pa rin na nananawagan ang pamilya ng parehong lider, maging ang sambayanang Pilipino, na maihain na ang hustisya hinggil sa karumal-dumal na paglabag sa karapatang pantao na kinahinatnan ng dalawa.

“It has been ten long years since the killing of human rights defender Eden Marcellana and peasant leader Eddie Gumanoy in 2003 but the families of both Marcellana and Gumanoy, and the rest of the Filipino people still await for justice to be served,” sabi ni Palabay.

Idinagdag rin ni Palabay sa hindi magkahiwalay na mensahe ang pagbanggit sa kasalukuyang administrasyon noon. 

The Aquino administration may not be directly accountable for the killing of Eden Marcellana and Eddie Gumanoy, but the Aquino government is responsible for the continuing impunity in the country that keeps the military killers out of jail,” dagdag ni Palabay.

Minamarka nitong taong 2021 ang ika-18 taong pagkamatay ng dalawang progresibo ngunit bingi pa rin ang administrasyon sa pagbigay ng hustisya sa pagkakapaslang sa kanila. 

Sa inilabas na opisyal na pahayag ng iba’t ibang progresibong grupo tulad ng Karapatan TK at Panday Sining Batangas hinggil sa nasabing anibersaryo, marangal na inaalala nila ang dalawang lider-pesante at ang kanilang mga kabutihang nagawa lalo sa aspeto ng hindi pag-aatubiling paglaban para sa karapatan ng nasasakupan nito. 

Pinuna rin ng Karapatan TK ang kasalukuyang administrasyong Duterte lalo na sa katotohanang higit na dumadami pa ang bilang ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao at sa kultura ng impyunidad na umiiral at pinapairal sa ilalim ng nasabing rehimen.

“Hindi man ang administrasyong Duterte ang may direktang kinalaman sa walang habas na pag-tortyur at pagpaslang kina Eden at Eddie, dapat pa rin itong managot sa pagpapanatili ng papalalang kultura ng impyunidad at hindi pa rin nananagot ang mga berdugong militar na may gawa ng karumal-dumal na mga krimen hanggang sa kasalukuyan,” sinabi ng Karapatan TK.

Sumasang ayon sa Karapatan TK at kinundena at patuloy na terorismo na isinasagawa ng mga pwersa ng estado.

“Mapipintuhong noon pa man, sukdulan na ang kasahulan ng lahat ng rehimen at ang kabulukan ng mga alaga nareng halangang kaluluwa […] Naiba laang ang pangalan ng mga pinaslang, subalit parehas pa rin ang mukha at taktika ng mga pasistang salarin. Malinaw na are’y walangiba kundi ang mga berdugong AFP PNP na nangakong paglilingkuran ang bayan ngunit sila mismo ang kumikitil dine!,” sinabi ng Panday Sining Batangas.

Kasabay nito ay binanggit rin ng parehong alyansa ang karumal-dumal na “Bloody Sunday” noong ika-7 ng Marso na isinagawa ng mga armadong pwersa ng mga kapulisan maging mga alagad ng militar ng Pilipinas sa ilalim ng COPLAN ASVAL. Sunud-sunod na madugong atake sa hanay ng mga aktibista, mga progresibong grupo, at mga lider ng mga komunidad ang naging resulta ng operasyon na humantong pa sa pagkakapaslang ng ilang indibidwal na nasangkot (BASAHIN: Families, friends reiterate demand for justice a month after COPLAN ASVAL’s Bloody Sunday).

Ninakaw na buhay

Dalawa lamang sina Marcellana at Gumanoy mula sa limang aktibista ng karapatang pantao na dinakip noong araw na iyon. Ang natirang tatlo na sinasabing nakaligtas sa pamamaslang ay sina, Virgillo Catoy, mangpe-pelikulang si Francisco Saez at si Melvin Jocson na lahat kabilang sa parehong hanay ng mga lumalaban kontra sa mga paglabag ng karapatang pantao.

Sa kabila ng mga naka-ambang kapahamakan at mga banta sa kanilang kaligtasan maging bilang parehong tagapagtaguyod at taga-sulong ng karapatang pantao ng mamamayan, hindi nagdalawang-isip na ialay nina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy ang kanilang buhay at lakas sa pakikibaka, pagkondena, at paglaban kasama at para sa mamamayan. 

Para sa iilang progresibo ngayon, ang naturang pagpaslang ay manipestasyon ng mga na-abuso at sadyang tinatapakan na sektor sa Timog Katagalugan na hanggang ngayon ay nakararanas ng hirap at paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Patuloy ang panawagan ng mga progresibong grupo, hindi lang sa labing-walong taong bimbin na hustisya para kay Marcellana at Gumanoy, bagkus sa lahat ng lider-pesante, aktibista at masang ninakawan ng buhay dahil sa mga kalabagan sa karapatang pantao na dala ng mga mapagsamantalang-uri. [P]

Litrato mula sa Anakbayan Southern Tagalog / Facebook
Disenyo ni Daynielle Loren

0 comments on “Hustisyang 18 taong bimbin: Pag-alala sa ika-18 na anibersaryo pagkamatay nina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: