Editorial

Pandayin ang bagong tipo

Samu’t saring mga pagsubok ang dinaranas ng mga manggagawa sa panahon ng pandemya, at lalo itong pinapahirap dahil sa pasismo ng anti-manggagawang rehimeng US-Duterte.

Bunsod ng mga striktong health protokol upang hindi kumalat ang virus at ang makasaysayang pagbagsak ng ekonomiya, lagpas isang buwan lang noong nagsimula ang quarantine ay mahigit dalawang milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho. Tuluyang lumobo at dumoble ang bilang ng mga walang trabaho isang taon mula rito, at umabot ang tindi ng kawalang-trabaho sa 8.8%. Ilan lamang sa mga natanggalan ng trabaho sa kahabaan ng pandemya ay ang mga manggagawa ng Zenith Foods, Corp. at Nissan Philippines.

Ang malala pa rito, siyam sa 10 manggagawang tinanggal ay mga kontrakwal. Hindi na nga sila nakaranas ng disenteng sahod, ayuda, at mga benepisyo, sila pa ang mga naunang matanggal sa trabaho. Hindi na sana humantong sa ganito kalabis na malawakang tanggalan kung inaksyunan agad ang administrasyon sa pagkontrol ng virus.

Maliban pa, ang mga manggagawa ay nakararanas ng ‘di makataong polisiya na “no work, no pay,” nang tila bang sapat ang sahod nila upang magkaroon ng disenteng pamumuhay. Sa Timog Katagalugan pa lang ay damang-dama na ang barat na sahod kumpara sa presyo ng mga bilihin sa kasulukuyan. Habang pumapalo ang presyo ng baboy sa P400 kada kilo, sa ilalim ng Wage Order 18 ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay nananatili sa maliit na P294-P400 ang sahod ng mga manggagawa. Ang kasulukuyang sistema ng sahod na ito ay ang dahilan sa mala-aliping karanasan nila, sa paglipat ng mga trabahador patungong Maynila upang magtrabaho, sa paghihiwalay ng mga miyembro sa pamilya para sa mga oportunidad sa ibang bansa.

Kahit trabaho nilang pagaanin ang sitwasyon, halos hindi maramdaman ang gobyerno sa pagpapamigay rin ng ayuda sa mga manggagawa. Maliban pa sa matunog na kabagalan o kawalan ng ayuda sa Social Amelioration Program, isa rin sa mga programang hindi pa naaayos ngayon ay ang pagpapamigay ng DOLE ng tulong-pinansyal sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program.

Maraming salik na nag-ambag sa hindi pagtanggap ng mga manggagawa ng ayuda, katulad ng hindi pagsumite ng aplikasyon para sa ayuda ng mismong kumpanya. Hindi rin nakatutulong na wala pa ring nilalabas na ulat ang kagawaran para sa transparensiya. Sa ganitong lagay, mistulang mas maraming naitulong pa ang mga community pantry sa loob ng ilang linggo kaysa sa mismong gobyerno sa isang taon. Mabuti nga na nakatatanggap ang mga tao ng pagkain para sa ilang araw upang mabuhay, kumpara sa iilang delata, noodles, at ilang kilong bigas mula sa gobyerno na ibinayad ng buwis ng tao.

Kinaiinitan din ngayon sa mata ng gobyerno ang mga manggagawa, lalo na ang mga unyonista. Kahit may pandemya ay naging walang pahinga ang pasistang militar at kapulisan sa lantarang panre-redtag at panggigipit sa mga samahan ng mga manggagawa sa ano mang oras o panahon. Naging sunod-sunod ang mga pagpropropaganda at pagmamatyag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na umiwas ang mga manggagawa sa mga unyon dahil umano sa “apilyasyon sa mga rebeldeng grupo,” kahit na ang ginagawa lamang ng mga militanteng unyon ay igiit ang mga lehitimong panawagan ng kanilang mga kasamahan sa trabaho sa mga pamunuan at pamahalaan.

Dahil dito, nagiging malinaw kung saan pumapanig ang interes ng estado. Hindi sa mga aping obrero, kundi sa mga kaalyado nilang kapitalista na minsa’y sila rin ang nakakaupo sa kapangyarihan.

Higit sa lahat, maraming manggagawa na rin ang pinatay ng estado at mersenaryo dahil sa paglaban para sa sahod, trabaho, at karapatan. Pinagpupugayan ng publikasyon ang mga katulad ni Ka Manny Asuncion at Pang Dandy Miguel, parehas na dakilang organisador ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan. Pareho silang pinatay noong Marso, pati na rin ang walong iba pang aktibista mula sa rehiyon.

Hindi makatarungan ang nararanasan ng mga manggagawa. Marapat lang na durugin na ang ganitong mapang-aping sistema.

Sa daan-taong pag-aapi sa mga manggagawa, lalong lumalakas ang antagonismo sa uri, at tumitindi ang suporta sa rebolusyon na siyang yayanig at magpapabagsak sa naghaharing-uri – ang mga imperyalista, burukratang kapitalista, at pyudalista.

Malayo pa ang lakbay sa pagpapalaya ng lipunan dahil sa mga kontradiksyon na kinakaharap ng pinakaabanteng uri ng lipunan, ngunit hindi nito mapipigilan ang paghakbang-pasulong ng sambayanan patungo sa hustisya. Darating ang araw na babagsak ang salot na naghaharing-uri at mababawi ang mga salik sa produksyon.
Matatapos rin ang pagsasamantala. Ngunit habang tinutunggali pa ng bayan ito, walang takot na haharapin ng proletaryo ang ano mang porma ng harasment at atake alang-alang sa makataong pamumuhay, buhay man ay ialay. Kasama ang mga manggagawa, papandayin ng bayan ang bagong tipo. Sa kanilang pamumuno, ang katarungan ay makakamit. [P]

Litrato kuha ni Sonya Castillo
Disenyo ni Gerard Laydia

0 comments on “Pandayin ang bagong tipo

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: