Kinondena rin ng mga jeepney driver ang Public Utility Vehicle Modernization Program na nagbabanta sa kanilang mga hanapbuhay.
Sa gitna ng mahigpit na community quarantine ngayong pandemya, kabilang sa mga higit na apektado ang mga tsuper ng pampublikong transportasyon, na may kinakaharap pang banta ng malawakang tigil-pasada. Bagamat sa ngayon ay mayroong ilang rutang binuksan para makapasada ang jeepney driver, ipinaglalaban pa rin ng mga tsuper ang sandaang porsyentong balik-pasada.
Ani ng transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), ginagamit lamang ng administrasyong Duterte ang pandemya upang isakatuparan ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
“Sa loob po ng isang taon ay ginagamit ng pamahalaan ang [pandemya] para i-phase out o tanggalin ang mga pampublikong transportasyon,” sabi ng tagapangulo ng PISTON na si Ka Mody Floranda sa isang presscon noong ika-28 ng Marso, matapos ang muling pag-impose ng enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) at iba pang karatig probinsya.
(MGA KAUGNAY NA BALITA: Balik-pasada ng jeep, patuloy na pinapanawagan at Cavite, Las Piñas jeepney drivers call for return to roads)
Matapos ang ilan pang linggo ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus, daing ng mga tsuper ng jeepney ang hirap sa pagpasada ngayong pandemya. Sa isang pila ng jeepney sa Sta. Lucia Mall, Cainta, Rizal, kitang-kita ang matumal na bilang ng pasaherong sumasakay sa mga pampasaherong jeep.
“Anong oras na, mga [ala-una na], aalis kami nito mga alas singko na … pinakamabilis na paghihintay namin dito [ay] dalawang oras,” ani ng jeepney driver na si Celedonio Palad, 39 na taong gulang at ama sa apat na magkakapatid.
Dagdag pa niya, matapos ang mahirap na paghihintay ng dalawa hanggang apat na oras sa terminal, pumapalo lang ng lima hanggang sampung pasahero ang sakay niya sa biyahe.
“Bumabyahe kami pero halos maka-boundary lang,” pahayag ni Palad.
Dahil sa hirap ng buhay at mababang kita sa pagpasada na hindi pa hihigit sa P300 sa isang araw, bahagya na niyang masustentuhan ang pang-araw-araw na pagkain ng kanyang pamilya, kaya hindi maiwasang palagi na lamang silang nagtitiis sa gutom. Nang tanungin kung nakatanggap ba ang kanyang pamilya ng ayuda, sagot ni Palad, “hindi rin naman sasapat iyon eh.”
(MGA KAUGNAY NA BALITA: ‘Sa bawas-tao, bawas ang kita’: Mga tsuper ng UP College, hirap dahil sa kawalan ng pasahero at Garaged)
Banta ng malawakang jeepney phaseout
Sa pangunguna ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Land Transportation Office (LTO), isinusulong ang pag-implementa sa PUVMP na may mungkahing palitan ang mga tradisyonal na transportasyon ng bago at modernong mga unit tulad ng “modernized jeep”. Kasabay rin nito ang pagtanggal ng indibidwal na prangkisa upang makapasada ang mga tradisyonal na jeepney, na kalaunan ay maaring magdudulot sa malawakang jeepney phaseout.
Kung matatandaan na noong 2017, batay sa Department Order no. 2017-11 o Omnibus Franchising Guidelines na inilabas ng DOTr, binibigyang prayoridad lamang ang mga bagong unit ng jeepney sa pag-iisyu ng Certificate of Public Convenience (CPC) o ang kinakailangang permit upang makapasada ang mga jeepney driver.
Samantala, sa ilalim naman ng Memorandum Circular no. 2019-013 ng LTFRB, ang mga bagong public utility vehicles (PUVs) na mayroong makina na hindi bababa sa Euro-4 Engines lamang ang kinikilalang authorized units na maaring pumasada, habang iminumungkahi ng ahensya ang One Route-One Operator-One Franchise Scheme kung saan ikokonsolida ang indibidwal na prangkisa ng mga jeepney operators sa ilalim ng isang prangkisa kada ruta, mula sa iisang tagapangasiwa ng pasada o tinatawag na Fleet Management Program.
Samantala, mariin itong tinutulan ng PISTON. Muling ipinahayag ni Floranda sa nasabing presscon na sa ilalim ng PUVMP na gusto lamang tanggalin ng pamahalaan ang karapatan ng mga indibidwal na operator ng jeepney na makapagserbisyo sa publiko.
Aniya, isinusulong lamang ito ng pamahalaan “para pahawakan sa mga malalaking negosyante [at] kapitalista [ang moda ng transportasyon], [kung saan] sila na lamang ang [may hawak sa] moda ng transportasyon sa ating bansa”.
Kuha ni Glen Christian Tacasa
Ani Palad, marami sa mga mahihirap na tsuper ang mawawalan ng hanapbuhay, sapagkat daing nila ang mahal na presyo ng mga modernong jeepney, kaya naman higit na gusto pa rin niyang gamitin ang mga tradisyonal na sasakyan
Base sa Memorandum Circular no. 2019-013 ng LTFRB, isa sa mga requirements na hinihingi ng ahensya sa mga driver-operator na nais mag-apply para sa CPC ay ang Proof of Financial Capability, o katibayan na may pinansyal na kakayanan ang isang driver-operator para sa ipapautang na modernized jeepney.
Nang tanungin si Palad kung makapagpatunay siya na mayroon siyang kakayanang pinansyal para mag-apply ng isang unit ng modernized jeep, ang sagot niya, “Hindi kakayanin, sa ngayon nga boundary nga lang namin 300 [Pesos], hindi pa halos maka-boundary paano kami makakahulog doon [sa modernized jeep].”
Kung itutuloy ng mga ahensya ng pamahalaan ang mungkahi ng PUVMP, ang mga kagaya ni Palad ang mawawalan ng hanapbuhay.
“Wala naman akong ibang hanapbuhay kundi [ang] jeepney driver, 20 years na akong nabiyahe rito, ngayon lang talaga nagkaganito rito,” daing ni Palad.
Katulad ng grupong PISTON, mariin ding tinututulan ni Palad ang PUVMP na maaring magdulot ng malawakang tigil-pasada o jeepney phaseout. Mungkahi niyang pagandahin na lamang ang mga tradisyonal na jeepney, upang hindi sila magdusa sa kawalan ng hanapbuhay.
“Hindi yung papalitan ng bago. Kagaya nga naming maliliit nga paano kami makakakuha no’ng [modernized jeep], kung pangkain nga wala? Ano’ng ihuhulog namin don? Pang-down wala,” daing ni Palad.
Panawagan para sa makatarungang tulong
Noong ika-26 ng Abril, naglunsad ng kilos-protesta ang grupong PISTON sa harap ng opisina ng LTFRB sa East Avenue, Quezon City. Bitbit nila ang panawagang sandaang porsyentong balik pasada, pati ang mungkahing pagbibigay ng sampung libong ayuda upang matulungan ang mga tsuper ngayong pandemya. Kinundena rin ng grupo ang hindi pagkilala ng LTFRB sa pangangailangan ng mga tsuper at operator ng jeepney.

Kuha ni Glen Christian Tacasa
Hirap na hirap sa pagpasada at walang makain at gutom na ang pamilya: ganiyan inilarawan ni Jojo, isang jeepney driver sa rutang MOA-Pasay-Buendia, ang sitwasyon ng mga jeepney driver, kaya ganoon na lamang ang kanilang pagtutol sa panggigipit at pahirap na panukalang PUVMP, kasabay ang mungkahing isulong ang isang daang porsyentong balik-pasada ng mga ruta ng transportasyon sa buong bansa.
Katulad ito ng saloobin ni Ka Elmer, isa sa PISTON 6, na sinabing P80 lamang ang kinikita sa kanyang pasada. “Maawa naman sila, wala na kaming makain,” panawagan niya sa LTFRB (BASAHIN: Amidst phase-out, six jeepney drivers jailed for protesting).
Ayon kay Floranda, malinaw na ginamit ng administrasyong Duterte ang pandemya upang tuluyang tanggalin ang mga tradisyonal na jeepney sa lansangan.
Ito ang naging dahilan ng grupo upang ipagpatuloy ang mga kilos-protesta sa kabila ng kasalukuyang pandemya, upang lalong palakasin ang panawagang tutulan ang jeepney phaseout, at ipaglaban ang malawakang balik-pasada.
Ayon kay Floranda, “Ang [mga] driver ay katuwang ng gobyerno doon sa [muling] pag-angat ng ating ekonomiya, napatunayan ‘yan dahil noong tayo’y pinahinto ay lockdown din at patuloy na bumulusok ‘yung ekonomiya ng ating bansa.”
Sa kasalukuyan, ayon sa PISTON, dahil sa patuloy na paglaban sa malawakang balik-pasada ay may 414 na rutang nabuksan na sa NCR na may umaabot sa 27,970 na mga tradisyonal na jeep ang nakakabyahe, habang 679 naman na ruta ang nabuksan para makapasada ang mga tsuper sa buong bansa.
Ani Floranda “ito ay hindi kusang binigay ng gobyerno kundi ito ay dahil doon sa ating, determinasyon–determinadong pagkilos kaya na-obliga ang gobyerno na muli tayong pabalikin sa hanapbuhay.”
Sa unang araw ng Mayo na kinikilala bilang International Workers’ Day o ang Araw ng Paggawa, ayon sa PISTON, kasama ang pwersa ng mga tsuper sa kilos-protesta ng mga manggagawa, upang mas palakasin ang panawagan ng iba’t ibang labor groups para sa P10,000 na ayuda, P100 emergency wage subsidy, P15,000 production subsidy, at sandaang porsyentong balik-pasada – para lahat ito sa pagpapalawak ng hanay ng masa laban sa panggigipit at pagpapahirap ng estado ngayong pandemya. [P]
Mga litrato kuha ni Glen Christian Tacasa
Disenyo ni Gerard Laydia
Pingback: Life outside the margins: Through the eyes of the Filipino urban poor – UPLB Perspective
Pingback: Academic organization UPLB Sophia Circle holds benefit concert, pledges funds to UPLB jeepney drivers, operators – UPLB Perspective
Pingback: Mga tsuper mula Timog Katagalugan, tutol sa PUJ phaseout, nakiisa sa transport strike – UPLB Perspective
Pingback: Biyaheng #NoToJeepneyPhaseout, patuloy na ipinapasada matapos ang transpo strike – UPLB Perspective