Opinion

Tama ba na may DDS sa isang Community Pantry?

Mga salita ni John Albert Pagunsan

May katanungan sa isang Community Pantry group, nagsu-survey kung sino ang DDS sa loob. Habang may magandang layunin ang tanong – upang maunawaan kung ilan nga ba sa mga kasama sa Community Pantry networks ang sumusuporta sa administrasyon, hindi maiiwasang tanungin din kung akma nga ba ang paglahok ng mga supporters ni Duterte sa proyektong itinayo bilang tugon sa kawalan ng aksyon ng administrasyon. Tama ba na may mga DDS sa isang Community Pantry?

Ayon kay Ana Patricia Non o mas kilala bilang Patreng, nagsimula ng Maginhawa Community Pantry, ang proyekto ay batay sa konsepto ng “mutual aid”. Sa teorya, ang mutual aid ay ang pagbibigayan, pagtutulungan, at pag-agapay ng mga tao sa isa’t isa bilang reaksyon sa kawalan ng paki at aksyon ng mga nagpapatakbo ng sistemang dapat na gumaganap ng tungkulin. Kinikilala sa teorya ang mutual aid bilang politikal na gawain sapagkat ang pagdadamayan ng mga tao ay paghuhubog ng bagong kaisipan at paglikha ng bagong sistema. 

Para sa akin, ang paglahok ninuman sa Community Pantry ay pagkilala na walang malay na may mali sa sistema at sa mga nagpapatakbo nito. Bakit ka nga ba lalahok sa isang proyekto kung alam mo naman sapat ang tulong, serbisyo, at ayuda na ibinibigay ni Duterte? Bagamat hindi malinaw para sa lahat na ang pagsali ay pagkilala sa masalimuot at nakakagalit na kalagayan ng bansa, malinaw para sa lahat na ito’y pagkakataon na kilalanin, unawaan, at tulungan ang isa’t isa. Pagkakataon ito upang mapagningas ang alab na siyang pupukaw sa kamalayan ng mas maraming Pilipino, DDS man o hindi.

 Aktibista ka man o hindi, pagkakataon ito upang mamulat. Nanalo at patuloy na nananalo si Duterte dahil hati ang bansa. Ang tingin ng mga DDS sa mga hindi DDS: kaaway, terorista, at walang moralidad. Sa dami ng nangyayari sa ilalim ng rehimeng ito, binigyan tayo ng iba’t ibang pagkakataon para kilalanin muli ang sarili at ang isa’t isa. Ngunit ipinagkait ni Duterte ang mga pagkakataon na iyon dahil hinulma niya ang bawat isa sa atin bilang mga kaaway gamit ang iba’t-ibang propaganda. 

Binibigyan tayo muli ng pagkakataon ng kasaysayan na kilalanin ang sarili at ang isa’t isa. Sa pagkakataong ito, may nangingibabaw – gutom, kawalan ng trabaho, kakarampot na ayuda, di sapat na testing at bakuna, at lantarang pananakop ng China sa West Philippine Sea. Kahit ang mga DDS kong nakasalamuha sa Community Pantry group na iyon, alam na hindi armado ang kumikilos para may makain ang libu-libong nagugutom at ginugutom na mga Pilipino (Ginugutom ang ginamit ko dahil ginugutom nga sila, tayo.) Tanungin mo ang sinuman na makakasalubong mo sa daan, kung kumusta sila at mga masasalimuot na sagot ang matatanggap mo. Huwag lang natin banggitin ang pangalan ni Duterte, at mauunawaan natin na lahat sila may mga pananaw na pareho sa mga pananaw ng mga mulat. Dapat walang nagugutom, dapat may sapat na trabaho, dapat sapat ang ayuda, dapat libre ang testing at sapat ang bakuna, at dapat ipinaglalaban ang soberanya ng mga bansa laban sa mga mananakop.

Marami tayong dapat maunawaan sa isa’t isa. Ang mga DDS, ilan bang mga aktibista ang kilala nila? Ilan bang mga mulat ang kilala nila? Ilan ba sa mga kakilala nila ang namatay dahil sa War on Drugs at sa Criminal Negligence ni Duterte sa gitna ng pandemya? Kung isasara natin ang isang hapag kainan sa mga taong dapat hamigin at yakapin natin, anong klaseng sistema ang nililikha natin at pag-iisip ang hinuhubog natin? Lipunang inasam ni Duterte – hati at watak-watak batay sa pananaw at pagtingin sa administrasyon.

Iba ang mga supporters ni Duterte sa mga opisyal, mga kaalyado, mga pulis, at mga military. Ano ba ang kapangyarihan ng mga ordinaryong mamamayan laban sa propaganda at fake news ng estado ni Duterte? Ikumpara yan sa kapangyarihan ng mga may posisyon at may armas. Isinasara lang natin ang hapag kainan kung kaligtasan at buhay ng mga lumalahok nito ang nasa panganib dahil sa kakayahan ng mga nasa kapangyarihan na manakot at pumatay. Isinasara lang natin ang hapagkainan kung may oportunista.

Kailangan natin ang isa’t isa para humilom mula sa sugat at sakit na idinulot ng rehimen ni Duterte. Ang Community Pantries ay espasyo upang matuto tayo sa isa’t isa. Maraming mga pag-iisip at kultura ang namana natin sa kultura at sistemang bulok. Paano tayo matututo kung isasara natin ang hapag kainan sa mga masa na gutom at uhaw rin sa impormasyon, kamulatan at kwento mula sa masa? Ginugutom tayo. At ang “katotohanang” ipinapakain sa atin ni Duterte ay puro propaganda, papuri, at fake news.Natuto ang mga mulat dahil lamang naging bukas ang mga espasyo ng pagkatuto – sa loob ng unibersidad, sa gilid ng kalsada, at sa mga komunidad ng mga magsasaka o mangingisda. Kung isasara natin ang hapag kainan sa iilang kailangan mamulat, paano sila mamumulat, at paano tayo mamumulat? Paano natin mababago ang lahat kung ang pagbabagong inaasam natin ay para sa iilan lamang? [P]

Mga litrato kuha ni PNA, PCOO
Disenyo ni Jun Vince Dizon


The UPLB Perspective is accepting opinion articles that touch on relevant issues concerning news, politics, culture, and personal experiences. Send your articles or queries to opinion.uplbperspective@gmail.com

0 comments on “Tama ba na may DDS sa isang Community Pantry?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: