News

11 na aktibista, 1 drayber na patungo sa protesta noong Mayo Uno, iligal na inaresto sa gitna ng patuloy na crackdown sa mga progresibo

Samantala, tatlong aktibista sa Bicol, inaresto at ‘di umano’y tinaniman ng ebidensya.

12 ang inaresto sa Zambales sa unang araw ng Mayo dahil umano sa paglabag sa health protocols at dahil sa mga nakumpiska sa kanila na mga “anti-government slogans” at “protest paraphernalias.”

Para sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa ngayong taon, nagtipon ang mga multi-sektoral na grupo para sa isang malawakang protesta sa Welcome Rotonda sa lungsod ng Quezon.

Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), ito umano ay unang naka-planong isagawa sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, ngunit alas-siyete pa lamang umano ng umaga ay bumuo na ang mga pulis ng isang barikada palibot sa lugar upang pagbawalan ang mga raliyista sa gaganapin na kilos-protesta.

Isinagawa ang mga protesta upang himukin ang gobyerno na mag-abot ng P10,000 halaga ng ayuda para sa lahat sa gitna ng pandemya. Dagdag pa rito ang pagbibigay ng P100 emergency wage subsidy para sa lahat ng mga empleyado sa buong bansa at P15,000 production subsidy para sa sektor ng agrikultura.

Zambales 12

Umaga ng Mayo Uno habang papunta ang mga miyembro ng progresibong grupo ng kabataan ng League of Filipino Students (LFS) Zambales upang sumali sa isang “Pagkilos para sa Ayuda” sa Angeles, Pampanga, nang nabalitaang parahin sila sa Castillejos ng mga unipormadong pulis. 

Ayon sa LFS-Zambales, pagkapara umano sa kanila ay agarang binuksan ang likod ng kanilang sasakyan kung saan kinumpiska ang mga tinatawag umano ng 3rd Mechanized Division ng AFP na “anti-government slogans” at “protest paraphernalias.Dagdag pa ni Deneese Velasco na kabilang sa Zambales 12, isa umano sa mga pulis ay nagsabi ng “ito yun” pagkapara sa kanila, na tila hinihintay silang makarating sa checkpoint. 

Bukod sa pag-aresto ay inihayag ni Velasco ang pag-ugnay ng kapulisan sa Zambales 12 bilang kasapi sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF). Kanila itong itinanggi at sinabing nais lang nilang ihayag ang mga lehitimong panawagan sa pamamagitan ng pakikilahok sa protesta. 

Matapos ay dinala sa Castillejos Police Station bandang 7:30 AM ang 12 indibidwal dahil umano sa paglabag sa mga quarantine protocol at sa mga nakumpiska umano sa kanilang placards na dapat sana’y gagamitin sa protesta. 

Isang driver at 11 aktibista na kasapi ng LFSZambales, College Editors Guild of the Philippines (CEGP) Central Luzon, at The Manila Collegian, ang opisyal estudyanteng pahayag ng UP Manila, ay naaresto ng walang kaakibat na “executive order.” Ayon pa kay Velasco ay kinuhanan umano ng kapulisan ng mga litrato ang kanilang mga placards at ipinost ito na may hashtag na “No To CPP-NPA-NDF”. Isa umano itong panre-redtag sa kanila dahil plano lamang nilang tumungo sa protesta.

Ayon sa UPLB Pre-Law Society, hindi nasunod ng mga kapulisan ang Miranda Rights at inaresto ng walang warrant ang Zambales 12. Pahayag pa ni Velasco na dumating sa punto na pumasok ang isang kapulisan sa shotgun seat ng kanilang van at nagpupumilit na tumungo na sa presinto. 

Hindi pa roon nagtapos ang dinanas ng Zambales 12 sa kamay ng kapulisan. Pagsasalaysay pa ni Velasco na na-delay ang pag-file ng inquest kung kaya’t imbis na tanghali ay inabot sila ng gabi. Dinala rin umano sila sa masikip na kulungan na kumbaga ay kabaligtaran ng social distancing at kung saan sila’y mas maaring magkahawaan ng COVID-19 kung sakali. 

Pati umano ang kanilang mga mugshot na sinabing hindi iu-upload ay nakarating sa kung saang saang page pati na rin sa kanilang mga magulang. Naniniwala si Velasco na “politically-motivated” ang dahilan sa kanilang pag-aresto kahalintulad ng mga nagdaang kaso laban sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao at mamamahayag. 

“Nakasaad sa ating Konstitusyon, Seksyon 2 ng ating Bill of Rights, ang karapatan ng mga tao na maging ligtas sa kanilang mga katauhan at hindi dapat maglagda ng warrant sa pagdakip kung walang malinaw na dahilan na personal na pagpapasyahan ng hukom,” paliwanag ng grupo.

Saklaw naman daw ng Seksyon 4 ng Bill of Rights “ang karapatan na mapayapang magkatipon at ihayag sa pamahalaan ang mga panawagan, na nagpapatunay na walang nilabag na batas ang mga inaresto.”

Parehong araw nang ang mga miyembro ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) ay pinagbawalan din na sumali sa isa pang delegasyon sa Mamatid sa Cabuyao. Ang mga kasong ito ay iilan lamang sa maraming beses na pinagbawalan at inaresto ng mga awtoridad ang mga nagprotesta sa Labor Day sa iba`t ibang bahagi ng Pilipinas.

Dagdag pa ng UPLB Pre-Law Society na upang makalaya ang Zambales 12, ay kinakailangang makalikom ng halagang aabot sa P6,000.00 para sa bawat isang indibidwal na naaresto. Taliwas umano sa unang proseso na magsasagawa lamang ng community service.

Tatlong araw matapos maaresto ay kinumpirma ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) Central Luzon na napalaya na ang Zambales 12 isang oras matapos na mag-isyu ng release order.

Ayon sa LFS-Zambales, ito umano’y matapos maproseso sa San Marcelino Court ang pag-piyansa sa Zambales 12 na umabot sa  P7,060  para sa labing-isang aktibistang mag-aaral at P3,000 para sa driver. Magsasagawa rin sa ika-8 ng Hunyo  ng isang follow-up na pagdinig sa korte upang talakayin ang kaso.

Crackdown sa Bicol

Bandang 4:00 AM, isang araw matapos ang pag-aresto sa Zambales 12 ay sinalakay umano ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tahanan ng second-year student mula sa Bicol University na si Justine Mesias sa Daraga, Albay. Si Mesias ay nagsisilbi ring tagapagsalita ng Youth Act Now Against Tyranny (YANAT) Bicol.

Halos kapareho rin ang kapalarang hinarap ni Pastor Dan Balucio, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Bicol) at Sasah Sta. Rosa, tagapagsalita ng Jovenas Anakbayan.

Si Sta. Rosa ay naaresto sa kanyang tahanan sa Villa Obiedo, Cararayan, sa Naga City, Camarines Sur bandang alas-tres ng madaling araw. 

Ayon sa Anakbayan Naga City ay nasa sampung  armadong miyembro ng SWAT ang sumalakay sa loob ng kanilang bahay. Makalipas ang 40 minuto, lumabas ang mga awtoridad “bitbit ang isang bag na may mga baril, granada, at pulang watawat.”

Taliwas sa pahayag na may baril, granada, at pulang watawat si Sta. Rosa, ipinahayag ng Anakbayan Naga City sa isang Facebook post na hindi ang mga ito ang dala ni Sta Rosa. 

“Mga hinaing ng masang-api, estudyanteng walang pangtuition, mga kababaihang inaapi, mga magsasakang inaagawan ng lupang sakahan, dagat na paglalaotan, mga manggagawa na hinihingi ang mataas na sahod, at ng mga jeepney drivers na aalisan ng kabuhayan. Iyan ang kadalasang bitbit ni Sasah saan man siya pumunta. Hindi mali ang lumaban. May mali kaya lumalaban.”

Si Pastor Dan Balucio rin ay naaresto kung saan isang “Hukom Armes” umano ang nag-isyu ng search warrant. Kapareho ng kay Sta. Rosa, ang mga awtoridad ay iniulat na nagtanim ng baril at granada sa lugar na pinangyarihan at sinira ang kotse nito.

Kinagabihan ng ika-5 ng Mayo, tatlong araw matapos arestuhin sina Sasah Sta. Rosa at Pastor Dan Balucio at maging ang pagkakaroon ng “illegal search” sa dating bahay ni Justine Mesias, nakarating sa  Defend Bicol Stop the Attacks Network na walong search warrant ang nakatakdang ibigay sa ilang progresibong indibidwal sa rehiyon ng Bicol.

Ikinababahala umano ng alyansa na ang kamakailang Bloody Sunday na nangyari sa rehiyon ng Timog Katagalugan ay maaaring mangyari din sa Bicol.

Kung kaya’t nananawagan ang Defend Bicol Stop the Attacks Network sa pulisya at militar na itigil ang mga nasabing operasyon sa Bicol at Timog Katagalugan at tuparin ang kanilang tungkulin na protektahan ang mga tao na dapat nilang paglingkuran.

Nananawagan din sila sa Commission on Human Rights (CHR) ukol sa mga pangyayari sa kanilang rehiyon at suportahan ang mga tagapagtanggol at aktibista ng karapatang pantao.

Pag-atake sa mga Mamamahayag sa Kabila ng World Press Freedom Day

Isang araw bago ang World Press Freedom Day na ipinagdiriwang kada ika-3 ng Mayo, namatay sa pamamaril ang dating kalihim-heneral ng AMBON Panay na si John Heredia. Bago ang kanyang pagkamatay siya ay naging manunulat ng Panay News, at naging dating pinuno ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Capiz.

Ayon sa NUJP, bandang alas-dos ng hapon umano nang pagbabarilin si Heredia ng sinasabing riding-in-tandem bago sumakay sa kanyang sasakyan, sa Brgy. Lawa-an, Roxas City sa Capiz. Idineklara si Heredia na dead-on-arrival sa Capiz Doctors Hospital.

Pagsasaad din ng Anakbayan Calamba na ang asawa ni Heredia na si Atty. Si Crizelda Azarcon-Heredia, na isang abogado ng karapatang pantao at isa ring anti-mining advocate, ay nakaranas ng pag-atake noong 2019.

Bukod pa rito, dalawa umano sa labing-dalawang iligal na inaresto sa Zambales ay mamamahayag. Iilan lamang ang mga ito sa mga naiulat na pag-atake sa mga tagapaghatid ng balita sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng Duterte.

Kung kaya’t mariing kinukundena ng iba’t ibang grupo ang mga iligal na pag-aresto at panre-redtag kung saan napansing “politically motivated” ang panghuhuli sa mga ito. Ayon kay AJ Sanao ng Bahaghari Bicol ay makikita kung gaano kadesperado ang elemento ng estado sa pagsupil sa progresibong boses ng kabataan. Nagkakaisa ang mga progresibong organisasyon sa panawagang agarang pagpapalaya sa kanila.

“The state forces resort to red tagging undermining the legitimacy of peoples’ struggles while justifying the horrors of illegal arrests, planting of firearms and explosive devices,  and worst extrajudicial killing, pahayag ng Youth Act Now Against Tyranny.

Pahayag ni Magello Fenis ng League of Filipino Students na umabot na sa isang milyon ang kaso ng COVID-19 sa bansa ngunit wala pa ring komprehensibong solusyon ang pamahalaan. Dahil umano rito ay dumaranas ang mamamayan ng kagutuman at palala nang palalang krisis sa pangkalusugan at pang-ekonomiya.

Kung kaya’t panawagan nila ay tulong at hindi kulong. Patuloy nilang isusulong ang libre, ligtas, at mabisang bakuna, contract tracing, mass testing at ligtas balik-eskwela.

“The Duterte regime should be prioritizing the actual response in the said health crisis. But this regime is focused on weaponizing the law, criminalizing dissent and furthering the violence against the youth. We urge the government to heed the peoples demand. Medical solutions not militarization.” dagdag ng Youth Act Now Against Tyranny. [P]

Litrato kuha ni Sophia Pugay

3 comments on “11 na aktibista, 1 drayber na patungo sa protesta noong Mayo Uno, iligal na inaresto sa gitna ng patuloy na crackdown sa mga progresibo

  1. Pingback: Central Luzon peasant leader Joseph Canlas dies more than a month after arrest – UPLB Perspective

  2. Pingback: Military ‘abducts’ CamSur farmer, still missing – UPLB Perspective

  3. Pingback: LIST: Human rights watch (July 25 – 31, 2021) – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: