News Southern Tagalog

Panawagan ng mga Tagbanua, ibinasura ng DOT; operasyon ng mga Ayala sa lupain, kanselado

Nakansela man ang operasyon ng Ayala Corporation, patuloy pa rin ang laban para sa mga Tagbanua sa Palawan.

Bigong makuha ng mga katutubong Tagbanua sa bayan ng El Nido, Palawan ang hiling nilang ipa-kansela and ‘license to operate’ ng Ayala Corporation sa katutubong lupain, matapos ibasura ng Department of Tourism (DOT) ang kanilang isinumiteng panawagan. Pagkasira ng kanilang kinalakihang buhay, kultura, mga sagradong lugar ng mga katutubo, at maging sa kalikasan ang pagpapatuloy ng operasyon ng nasabing kompanya sa lupain. 

Ayon sa isinagawang online na panayam ng Perspective kay ‘Vincent,’ karapatan ng mga katutubong huwag payagan ang Ayala Corporation sa balak nitong pagpapatayo ng mga resort sa kanilang lugar dahil sila ang nagmamay-ari nito, tapat sa mismong proteksyon ng batas. 

“Ayon kasi sa Republic Act 8371 Chapter III Section 10, Unauthorized and unlawful intrusion upon, or use of any portion of the ancestral domainshall be punishable under this law. Furthermore, the government shall take measures to prevent non-ICCs/IPs from taking advantage of the ICCs/IPs customs or lack of understanding of laws to secure ownership, possession of land belonging to said ICCs/IPs,” paliwanag niya tungkol sa batas para sa mga indigeous people (IP). 

Dagdag pa ng kinapanayam, hindi marapat na bigyan ng ‘license to operate’ ang kompanya ng mga Ayala na magtayo ng mga proyekto tulad ng Lio Airport (o mas kilala bilang El Nido Airport), the Lio Estate, at ang Miniloc Island Resort dahil ito ay sakop ng ancestral domain ng mga katutubo. 

Kung kaya’t gayon na lamang ang pagka-dismaya ng mga katutubo nang biguin sila ng DOT dahil sa pagkansela sa kanilang panawagan. Ani ng mga naninirahang katutubo sa lugar, laganap at malawakan ang illegal transfer at conversion ng kanilang lupang ninuno.

Nakapanayam din ng Perspective ang dalawang sibilyang papangalanan na lamang bilang “Joy” at “Reese”. Naninirahan ang dalawa sa bayan ng El Nido, Palawan, lugar kung saan malapit ang nangyayaring pagkupkop ng mga Ayala sa lupain ng mga katutubo. 

“Hindi na bago ang [land grabbing] issues na ganito [dito] sa Palawan. Before pa ang isyu ng Ayala at ng mga Tagbanua, marami nang nangyayaring pagkamkam sa lupa ng mga katutubo. Ang nangyayari kasi, kinakawawa ang ibang mga katutubo kasi wala silang titulo ng lupa,” ani ng kinapanayam na itatago na lamang sa pangalang “Joy”. 

“Binibili ni [Jose Alvarez, gobernador ng Palawan] ang mga lupa ng mga katutubo sa murang halaga, tapos ibebenta sa mga malalaking kompanya like Ayala for a higher price,” dagdag pa nito. 

Gaya ng naunang pahayag, sinegundahan naman ni Reese ang pahayag ni Joy patungkol sa ‘di umano’y pagbili ni Alvarez sa mga lupain ng katutubo sa murang halaga. 

“Alam halos ng mga tao dito sa Palawan ‘yung ginagawa ni Gov na binibili niya ‘yung lupa [ng mga katutubo] nang mura tapos kapag binebenta n’ya sa mga malalaking kompanya, mahal na ‘yung price,” aniya.

Bagaman ang mga ito ay alegasyon pa lamang laban sa gobernador, hindi maikakaila ang mga nakikita ng mga residente sa kung ano nga ba ang tunay na nangyayari sa probinsya. 

Sa kabila ng pagsasabasura ng panawagan ng mga katutubo, ipinaliwanag ni Vincent na hindi sakop ng DOT ang pag-iisyu o pagbibigay ng “accreditation” sa mga pribadong kompanya na naglalayong magtayo ng kani-kanilang negosyo sa lupain ng mga katutubo. 

“Kasi hindi naman dapat DOT ang magi-interpret ng RA 8731 [sa mga katutubo], dapat Department of Natural Resources (DENR), Department of Agrarian Reform (DAR), at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). May [sariling] mga lawyer ang mga IP sa NCIP, at sila dapat ang magbigay ng tamang tagubilin at proseso [para sa mga katutubo],” ani Vincent. 

Iginiit din niya na hindi dapat direktang mga katutubo ang humiling na kanselahin ang nasabing ‘license to operate’ na ipinagkaloob sa nasabing kompanya, dahil mayroong mga abogado ang mga katutubo na silang dapat ang magsumite ng panawagang ito sa tamang ahensya ng gobyerno. 

Ayon din sa DOT, sa pamamamagitan ni Engr. Christopher V. Morales, iginiit nya na ang opisina ng DOT ay hindi nagi-issue ng permit, license, or authority to operate dahil tanging local government unit (LGU) lamang ng El Nido, Palawan ang may kakayahang mag-issue nito.

Ang Palawan ay isa sa mga lugar na may pinakamaraming naninirahan na mga katutubong Pilipino, kung saan kabilang ang tribo ng Tagbanua, na isa sa mga pinakamatandang tribo dito sa Pilipinas. Biniyayaan ang tribo ng soberanya sa lupaing tinitirhan nito na may lawak na 49,385.4885 ektarya nito lamang 2018. 

Sa kadahilanang ito, may karapatan ang mga katutubo sa sarili nilang lupain at maaari nilang tanggihan o kasuhan ang sinumang may balak na sirain o kamkamin ang kanilang ancestral land, gaya ng mga malalaking kompanya tulad ng Ayala Corporation. 

Miting ng mga katutubong Tagbanua patungkol sa land dispute.
Mga litarto mula kay Rodel Vicente,

Patuloy na pakikibaka sa sariling lupain

Ayon pa sa kinapanayam, pinapalayas umano ng mga tauhan ng Ayala ang mga katutubong nagtatangkang pumasok sa construction site ng Ayala, gayong lupain naman iyon mismo ng mga katutubo. 

“May mga iilang harassment ang naganap habang ongoing ang land dispute [sa pagitan] ng mga katutubo at ng Ayala […] like pinagbabawalan silang pumasok sa sariling area,” ani ng kinatawan.

Bagaman wala pang naitatalang insidente ng pananakit sa nasabing mga katutubo, hindi pa rin maiiwasan ang agam-agam na kanilang bitbit dahil ang seguridad nila mismo sa sariling lupain ay hindi sigurado.

Sa katunayan, hindi na bago ang paglabag sa karapatang pantao ng mga katutubong naninirahan dito sa Pilipinas, sapagkat marami nang naitalang ulat na lantarang paglapastangan sa kanilang lupang ninuno, gayundin sa kanila mismong mga karapatan bilang mga katutubo.

Bagaman protektado ng RA. 8731 ang mga katutubo, hindi maikakailang marami pa ring paglabag sa batas ang naiuulat. Higit pa rito ay hindi na rin bago ang kompanya ng Ayala sa pangha-harass at mga pagtatangkang pagkupkop ng mga lupang ninuno sa bansa.

Gaya ng pangha-harass na ginagawa ng mga Ayala sa mga katutubo ng Tagbanua, ay siya ring nararanasan ng mga magsasaka ng Hacienda Yulo sa Calamba, Laguna. Mahigit sandaang taon nang nakikipaglaban ang mga magsasaka ng Yulo para sa kanilang lupain, ngunit kamakailan lamang ay naiulat ang pagsunog ng mga armadong tauhan ng Ayala sa ilang kabahayan ng mga magsasaka sa Brgy. Canlubang, Calamba, Laguna. Dulot umano ito ng Yulo-Ayala na nagtatangkang tuluyang maangkin ang lupain ng mga magsasaka para sa kani-kanilang ‘di umano’y interes.

(MGA KAUGNAY NA BALITA: Several Hacienda Yulo homes wrecked, residents fired on by armed men at Dalawang bahay ng mga magsasaka, sinunugan ng mga goons isang araw pagkatapos makipagdiyalogo).

Ngunit dahil sa patuloy na pakikipaglaban ng mga Tagbanua sa kanilang karapatan sa sariling lupain, nagawa nilang mapatigil pansamantala ang pag-operate ng mga itinatayong gusali ng kompanya sa kanilang lugar. Hangga’t hindi pa naiisaayos ng Ayala Corporation ang tamang proseso upang makapag-patayo ng mga establisyemento sa lugar, o hangga’t hindi pa napagkakasunduan ng dalawang partido ang mga maaaring gawin sa lugar ay hindi nito pwedeng ituloy ang operasyon sa lugar. 

Ngunit ayon kay Vincent, desidido ang kampo ng mga katutubo na piliing protektahan ang lupaing naiwan sa kanila ng kanilang mga ninuno, at wala silang balak makipagkasundo kung sakaling makipag-ugnayan ang Ayala sa kanila. Sa lupaing pilit kinakamkam ng mga Ayala unang sumibol ang kanilang payapa, ngunit mayaman sa kulturang uri ng buhay. 

“Kapag nakipagkasundo sila [Ayala Corporation] sa mga katutubo at masunod ang FPIC process, I’m sure makakapag-operate ang company. Pero sa tingin ko, hindi siguro makikipag-kasundo ang mga IP,” aniya. 

Isa pang maituturing na tagumpay ng mga katutubo ang binanggit ng isa sa nakapanayam ng Perspective na si Joy ukol sa pagkapanalo ng isang grupo ng mga katutubo sa lugar din sa Palawan.

“Pagdating sa mga pagkamkam sa lupa ng mga katutubo lalo na kung sila ay may Certificate of Ancestral Domain Title (CADT), hindi talaga mananalo ang mga malalaking kompanya.” pahayag ni Joy nang ilahad n’ya na ang naunang isyung kaniyang ibinanggit. 

Ayon sa kaniya, nagtagumpay ang isang grupo ng mga katutubo sa pagkamit pabalik ng kanilang lupain laban muli sa isang malaking kompanya. 

Nakipag-ugnayan na ang Perspective sa Ayala Corporation at sa Palawan LGU sa pamamagitan ng pagpapadala sa kanila ng e-mail, at hanggang ngayon ay hinihintay pa rin ang tugon ng nasabing kompanya at asabing LGU hinggil sa mga akusasyong ibinabato sa kanila. [P]

Dibuho ni Jermaine Valerio

3 comments on “Panawagan ng mga Tagbanua, ibinasura ng DOT; operasyon ng mga Ayala sa lupain, kanselado

  1. Pingback: Mining the gap: On Brooke’s Point and illegal mining – UPLB Perspective

  2. Pingback: UP student councils hold 51st GASC online, 20 resols for academic rights, heightened pandemic response approved – UPLB Perspective

  3. Pingback: Ikinubli ng Paraiso: Ang mahabang kasaysayan ng land-grabbing sa Palawan – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: