Kulang na nga sa pasahod, kulang pa sa pagpapahalaga.
Mahigit isang taon na noong magsimula ang pagkalat ng COVID-19 sa Pilipinas, patuloy pa rin ang paglobo ng kaso nito sa bansa. Lalo lang lumala ang sitwasyon sa mga ospital bunsod ng mabilis na transmission ng naturang sakit. Wala pa ring nagbago sa paraan ng pagharap ng gobyerno sa krisis pangkalusugang ito, dahil sa simula pa lang, walang malinaw na plano kung paano babalik sa normal ang buhay ng mga Pilipino.
Higit na apektado ng lahat ng kapabayaang ito ang mga medical frontliners — ang mga taong nasa unang linya sa pagtugon sa patuloy na pagdami ng mga pasyente sa mga pagamutan. Lalong nailantad ng pandemyang ito ang kakulangan ng pasilidad sa mga ospital pati na rin ang kawalan ng pagpapahalaga sa mga taong isinasaalang-alang ang pansariling kaligtasan para makapagbigay-kalinga sa mga nangangailangan.
Dati nang nanawagan ang ilang mga medical staff ng Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sa Maynila na bigyan sila ng pagpapahalaga ng gobyerno sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sistematiko at garantisadong Special Risk Allowance (SRA) at Actual Hazard Duty Pay (AHDP).
Ang mababang alokasyon ng pondo na ibinaba ng Department of Health (DOH) ay tinawag ng mga healthcare workers na ilohikal at isang insulto sa dignidad sa kanilang propesyon, ito ay sa kabila ng buwis-buhay nilang serbisyo (BASAHIN: ‘Stop calling us modern heroes’: Health workers demand living wage, safer working conditions).
Ayon sa pangulo ng JRMMC Employees Union–Alliance of Health Workers (JRMMCEU-AHW) Cristy Donguines, kailangan ng pagkilos upang maitaas ang panawagan at maabot ang sapat at dapat na kompensasyon sa kanilang paglilingkod.
“Historically and based on our experience, if we will not protest and assert for our [sic] rights for salary increase, benefits, security of tenure and safe working condition[s], they will not provide it voluntarily,” pahayag ni Donguines.
Mula sa simula
Sa isang panayam na isinagawa ng Perspective, malinaw na naaalala ni Second Opinion PH Host at healthcare welfare advocate Dr. Leonard Javier kung paano nagsimula ang malawakang krisis pangkalusugan, mula sa kung paano nagkaroon ng takot sa lahat, hanggang sa mga naging kakulangan habang lumalaban sa bagong sakit. Ayon kay Dr. Javier, may ilang pagkakataon na sa malayong bayan na nabibili ng kanilang pasyente ang mga medical supplies at gamot na kanilang kailangan sa napaka-dalang na pagdating ng suplay.
“Noong time na ‘yon, halos wala pang [personal protective equipment] PPEs na dumarating everywhere, very scarce kahit ‘yung surgical mask na normal [use], ay sobrang rare lalo na sa mga municipalities na malayo sa cities, so yung mga maliit na [ospital], yung ibang [medical] supplies, kulang,” kuwento ni Javier.
Dagdag pa ng doktor, bago pa man magkaroon ng pandemya ay maraming Pilipino na ang walang kakayahang magpakonsulta o magpagamot sa mga ospital dahil sa matinding kahirapan.
Ayon kay Dr. Javier, anim sa bawat sampung Pilipino ang namamatay nang walang atensyong medikal sa mga panahong pinakakailangan nila. Lalo lang ipinaliwanag ng COVID-19 pandemic ang dilim ng mga problemang ito. Sa apat naman na may kakayahang magpa-konsulta, hindi lahat ay nakapagbabayad ng mga post-consultation expenses tulad ng treatments at mga gamot.
“Mayroon [man] silang access to healthcare, pero hindi rin complete ‘yung access na ‘yon kasi kung ma-check up man namin sila tapos wala din [sic] naman silang pambili ng gamot, ng maintenance [medicine, for example], parang babalik lang din sila at babalik sa amin [para magpakonsulta uli],” punto ni Dr. Javier.
Pinangambahan din ni Dr. Javier ang pagbagal sa pagpapataas ng testing capacity ng bansa sa kabila ng patuloy na pagkalat ng sakit. Dahil sa pagiging bago ng virus, hindi inaasahan ang pagkakaroon ng maraming testing kits sa mga unang araw ng pandemya, ngunit, ilang buwan ang lumipas, wala umanong nagbago sa kakulangang ito. Naging mahirap din para sa ordinaryong mamamayan ang pagpapa-test dahil sa taas ng singil ng isang Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) Test sa kasagsagan ng mga community quarantine (BASAHIN: DOH’s delayed accreditation: How we are losing a race against time).
“Mga three, four months into the pandemic, parang ‘Ah, ito [testing capacity] pa rin ‘yon’, parang dumarami lang yung kaso pero ‘yun pa rin ‘yung capacity natin for testing. What I mean to say is, ‘yung testing, hindi siya available at accessible [sa ating mga mamamayan], at hindi siya free.” obserbasyon ni Javier.
Bilang mga huwarang manggagawa
Ngayong pandemya, lalong nakita ang mababang pagpapahalaga at pasahod sa ating mga medical frontliners. Ayon sa ulat ng Rappler noong Mayo 2020, ang healthcare worker na kanilang nakapanayam mula sa Tacloban, Leyte, ay kumikita lamang ng Php19,000 kada buwan. Ayon pa sa Department of Labor and Employment (DOLE), nasa halos sampung libong piso hanggang Php 13,500 ang buwanang sweldo ng mga nars sa government-operated hospitals, habang ang average rate naman sa mga pampribadong pagamutan ay sampung libong piso lamang.
Batay sa Salary Standardization Law (January 2021, Step 1), ang Nurse I o entry-level nurse position ay pumapailalim sa Salary Grade (SG) 11, katumbas ng P23,877 na sahod kada buwan. Ang Nurse VII naman na nasa SG 24 ay kumikita ng P86,742 bawat buwan. Malayong-malayo ito sa pasahod sa ibang mga bansa.
Base sa ulat ng Organization for Economic Co-operation and Development (OECD) noong 2017, ang average monthly compensation ng mga nars sa United Kingdom ay umaabot sa Php 190,007 bawat buwan, katumbas ng annual salary na P2,280,090. Hindi kataka-taka na maituturing ang bansa bilang pinakamalaking supplier ng mga nars sa buong mundo.
Ayon sa ulat ng IBON Foundation noong Pebrero 2020, ang liveable monthly wage sa National Capital Region (NCR) para sa pamilya na may limang miyembro ay dapat P31,089. Umaabot sa halos P15,000 ang kailangan para sa pagkain, P5,000 para sa renta ng bahay, P3,000 para sa mga utility expenses, at iba pa.
Sa average salary na inihayag ng DOLE (Php 13,500), kulang na kulang ito upang matugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga healthcare workers. Minsan nang itinulak ang dagdag-sahod para sa mga nars, ngunit huli na ang lahat.
Hindi ito patas para sa kanila dahil bukod sa mga COVID-19 patients, mayroon ding mga nangangailangan ng atensyong medikal sa ibang kadahilanan tulad ng konsultasyon ng mga may comorbidities, buntis, at out-patient check-ups. Dahil hindi lang mga pasyente ng virus ang kanilang inaasikaso, dagdag-trabaho rin sa kanila ang magbantay sa mga emergency wards at out-patient rooms. Kwento ni Dr. Javier, hindi malilimutan ang naging shift nila noong kasagsagan ng pandemya.
“Ang shifting namin [noong peak ng COVID-19] ay 11 days straight ng duty. So like, that’s like 11 times 24, do the math, so 264 hours ‘yon ng duties, tapos nagpapalitan lang kami ng mga [doctor] kasi limited nga ‘yung mga doctors doon sa mga municipalities. So imagine, parang lahat ng klase ng patients kailangan namin i-assist, [mula sa] emergency room, out-patient department na clinics, tapos yung sa ward, [mag-]isa ka lang sa nagbabantay sa buong ospital kahit albeit maliit yung ospital, ikaw lang ‘yun,” salaysay ni Dr. Javier.
Bukod sa kakarampot ay hindi pa naibibigay sa tamang oras ang mga special risk allowance (SRA) at actual hazard duty pay (AHDP) ng mga medical frontliners.
Sa isang tweet, ibinahagi ni Mark Raven Dominguez, isang staff nurse, na ngayong Abril lang ibinigay ng DOH ang kanilang SRA na nagkakahalagang P681.82. Sa isa pang hiwalay na tweet, sinabi ng nars na maaaring ang sakop ng SRA na ito ay mula Setyembre hanggang Disyembre ng nakaraang taon, at hindi arawan o per day.
Sa isang hiwalay na panayam kay Dr. Javier, binanggit niya na iba-iba ang paraan ng computation ng bawat healthcare institution sa SRA ng mga medical frontliners. May mga ilang ulat na hindi umaabot ang nasabing kompensasyon sa 1,000 piso.
“Sobrang gross inequity at disservice ‘yun sa mga health workers natin, especially na buwis-buhay literally ‘yung pagpasok sa mga trabaho. Actually, all workers din in general ay kailangan ng hazard pay pero [most] especially [ay dapat mayroon] for our [healthcare workers in the] frontlines,” pahayag ni Dr. Javier sa isang educational discussion noong ikapito ng Mayo.
Iginiit din ni Dr. Javier na hindi sapat ang limandaang pisong hazard pay ng mga healthcare workers na nagta-trabaho ngayong pandemya. Hindi umano akma ang compensation kung ikukumpara sa panganib na idinudulot ng matagalang exposure sa mga pasyenteng may COVID-19.
Ayon pa kay Dr. Javier, magmula nang magluwag ng quarantine restrictions ang gobyerno ay inihinto na rin ang dapat sana’y tuloy-tuloy nilang hazard pay, alinsunod sa Bayanihan to Heal as One Act (Bayanihan I).
“After May [2020], tumataas pa rin naman yung kaso [ng COVID-19] so tumataas pa rin ‘yung hazard, pero wala na yung hazard pay, parang, bakit [tinanggal]? Ang daming question mark doon pero in general, parang hindi talaga worth it [‘yung risks], parang hindi talaga siya compensatory ‘yung bayad sa mga health workers para doon sa amount of risks [ngayong pandemya],” komento ni Dr. Javier.
Dagdag pa niya, may iilang mga kasamahan niya sa propesyon na dahil walang pagkakakitaan ay pilit na tumutuloy sa lubhang mapanganib na trabaho. Dahil sa epekto sa ekonomiya na dulot ng pandemya, pwersadong magtrabaho ang ilan sa kanila sa kabila ng mababang sahod kumpara sa dapat para sa kanila.
“Marami din na [kakilala kong] nurses and staff na pumapasok kasi ‘yun ‘yung trabaho nila at kailangan nila [para] mabuhay. Mayroon pa nga na kung hindi lang nila kailangan gawin ito para mabuhay, baka nag-isip na sila ng ibang trabaho,” pahayag ni Dr. Javier.
Ang nakakalungkot pa rito, kapag ang ating mga medical frontliners na ang tinamaan mismo ng sakit, ipinagkait pa rin ang benepisyong nararapat para sa kanila, katulad ng delayed na P100,000 cash para sa mga medical frontliners na matatamaan ng COVID-19, at P1,000,000 naman para sa mga masasawi, alinsunod sa Bayanihan I Act. Ang iba, kinailangang sagutin ang kanilang sariling pagpapagamot.
“For the most part, parang they had to treat [themselves], they had to spend out [of] their pocket for their treatment [against COVID-19]. Ang gusto sana namin is anything bukod sa mga benefits na ‘yun ay maging maayos ‘yung pagtugon sa pandemic, hindi kalat-kalat at hindi ‘yung sabog na militarisado pa, ginagawa pa siyang tool of oppression [ng pamahalaan],” dagdag ni Dr. Javier.
Nang minsang magtawag ang pamahalaan ng mga vacant job items para sa mga medical health workers, iilan lamang ang tumugon dahil sa kakarampot nitong suweldo. Ang iba pa nga ay ninais na gawing volunteer lamang ang mga ito — nangangahulugang walang bayad ang kanilang pagseserbisyo. Ayon kay Dr. Javier, hindi na nakapagtataka na napagod na ang ating mga doktor at nars dahil sa ganitong pagtrato sa kanila ng pamahalaan.
“Nag-encourage [ang gobyerno] na ‘Oh, mag-stay kayo [healthcare workers] rito, magbubukas kami ng mga items [for public health workers],’ pero ‘pag tinignan mo, sobrang temporary lang ng lahat ng adjustments na ‘yon. In general, underpaid pa rin ang health workers, overworked pa rin [sila], at understaffed pa rin ang kalakhan ng mga ospital,” pahayag ng doktor.
Hindi pa kasama rito ang mga community health workers sa barangay o munisipyo na kung tutuusin ay wala nang kompensasyong nakukuha sa pagtulong sa laban sa pandemya. Lalong lumitaw ang aniya’y bulok na health system ng bansa na tinawag niyang “privatized, elitist, at very fragmented.”
Sa punto-de-vista ng isang medical frontliner
Bilang mga propesyonal na laging isinasaalang-alang ang agham at medisina, rekomendasyon ng mga doktor, kabilang na ni Dr. Javier, na magpabakuna ang lahat. Ayon sa doktor, ang bakuna ay magpapaangat ng immune system panlaban sa virus, ngunit hindi lamang ito ang solusyon sa pagpuksa sa krisis na mahigit isang taon na kinahaharap ng bansa.
“Hindi po ‘end all be all’ ang bakuna, na ‘yun lang ‘yung response natin sa COVID-19 kasi without adequate testing, quarantine, treatment, hindi pa rin po ito mawawala magically, hindi po magic ang bakuna,” payo ni Dr. Javier.
Base sa mga ulat ng DOH noong ika-17 ng Abril, nasa 960,191 healthcare workers na ang nakatanggap ng unang dose ng bakuna sa vaccination rollout ng pamahalaan na nagsimula noong unang araw ng Marso, samantalang 191,982 naman ang fully-vaccinated o nakakumpleto na ng dalawang dose ng bakuna. Kung susumahin, nasa 67% o dalawa sa tatlong medical frontliners pa lang sa ating bansa ang nabakunahan.
Ayon naman sa ulat ng Rappler noong unang araw ng Mayo, mahigit apat na milyong dose ng bakuna mula sa tatlong vaccine manufacturer ang nakarating na sa Pilipinas. Nasa 1,809,801 mga Pilipino na ang sumatotal na nabakunahan, katumbas ng 0.23% ng buong populasyon ng Pilipinas, malayo sa target na 70% ngayong taon. Teorya ni Dr. Javier, hindi maaabot ng gobyerno ang target na ito ngayong 2021 bunsod ng mabagal umanong pagtugon nito sa pandemya, gayundin ang kawalang-tiwala ng mga tao sa bakuna.
“Iyong target natin na 70 million [Filipinos] supposedly to get that herd immunity ay next term possible na maabot natin, by this year definitely and even by next year [ay hindi pa natin maaabot iyon]. Sobrang laki ng gap doon sa pagpapaintindi at bukod pa doon [ay ang mga problema] sa supply chain ng vaccines at sa evidence and other issues with the government dealings, malaking problema din yung kawalan ng maayos na health communication sa mga tao,” ani Dr. Javier.
Tungkol naman sa isyu ng Sinovac, hindi problema ni Dr. Javier ang napabalitang 50.4% efficacy rate ng nasabing bakuna. Mas dapat pagtuunan ng atensyon aniya ay ang “murky waters” o kahina-hinalang motibo ng pamahalaan ng China at Pilipinas sa pagpipilit na gamitin ito sa ating bansa. Ikinumpara rin ito ng doktor sa DengVaxia na naging sanhi ng samu’t saring kontrobersya sa mga isinagawang vaccine procurement ng bansa noong mga nakaraang taon.
“Wala talagang problem per se doon sa vaccines available. Ang kailangan natin ay transparency at accountability doon sa actions nila at syempre kung itong vaccinations na ‘to ay gagamitin lang for political leverage ng China for example sa South China Sea throne natin, sa Spratly Islands [at iba pa], at sa mga business dealings natin,” pahayag ni Dr. Javier.
Tinanong din si Dr. Javier kung ano ang kanyang saloobin ukol sa noo’y napipintong pagpapatupad ng mas mahigpit na lockdown bunsod ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Noong Marso 27, isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal, at Bulacan sa pinakamahigpit na quarantine classification na Enhanced Community Quarantine (ECQ). Makalipas ang dalawang linggo ay inilipat naman sa Modified ECQ ang mga nasabing lugar hanggang sa Mayo 14. Ayon kay Dr. Javier, ang muling pagpapatupad ng lockdown ay walang saysay kung hindi rin naman sasamahan ng mga kinakailangang hakbang, at kung patuloy lamang na lalabag ang mga opisyales ng pamahalaan.
“Halos mahirap actually na sabihin na mag-lockdown lang tayo kasi imposible na magkaroon ng substantial effect ‘yung lockdown without addressing the key issues to this pandemic response na pinapaulit-ulit ko— free mass testing, maayos na contact tracing, adequate health facilities and treatment ng mga may sakit,” pahayag ni Dr. Javier.
Sa kaniyang pananaw, naging mahina ang T3s ng pamahalaan sa pagtugon sa COVID-19: testing, tracing, at treatment. Kung naging maayos lang sana ang naging pamamalakad ng gobyerno mula sa simula, hindi sana aabot sa higit labimpitong libong buhay ang mawawala.
“[Nasa 17,000] mahigit na yung preventable deaths at pinapaulit-ulit ko: preventable deaths po ‘yung mga nangyari [dahil sa COVID-19] kasi had it been a smooth [one] like Vietnam’s prompt response to the pandemic, we shouldn’t have those deaths. Imagine, [more than 17,000] families ‘yun na nagri-grieve because of something na sana ay hindi naman dumating in the first place sa kanila,” ani Dr. Javier.
Dagdag pa ng doktor, bagama’t may ilang pagkakataon na tila kumalma ang sitwasyon sa mga ospital dahil sa pagpapatupad ng ECQ at MECQ, punuan pa rin ang mga ospital sa Laguna at Batangas, dalawa sa mga malalapit na probinsya sa Metro Manila. Nakatulong din aniya ang mga bagong home care guidelines para sa ibang mga pasyente na naka-home quarantine kaya’t hindi gaano dumagsa ang mga natamaan ng COVID-19 sa ospital. Sa kabila nito, nanindigan si Dr. Javier na dapat pa ring isagawa ng gobyerno ang mga nararapat na solusyon para maresolba ang pandemya.
“Iyong lockdown, without aide, without actual testing and tracing on ground, sobrang detriment pa siya doon sa mga tao at sobrang ‘band-aide solution’ lang siya, if you can call it even ‘band-aide’, kasi nakaka-disrupt lang siya sa lives [ng mga Pilipino] without treating the root causes of why we’re still having quarantines in the first place, after one whole year of having quarantined,” komento ni Dr. Javier sa isang educational discussion noong Health Workers’ Day.
Panawagan niya at ng iba pang healthcare workers sa bansa: mataas na sahod, mabilisang pagbabakuna, at higit sa lahat, maayos na pagtugon sa pandemya.
“Sana, hindi gamitin ang pandemya sa paglala pa ng ating sitwasyong politikal na hindi gamitin para sa pagsiil sa karapatang pantao ng mga mamamayan at lalo hindi gawing political leverage itong mga bakuna para sa susunod na halalan dahil the Filipino people deserved so much. Pagod na po kami, bilang health workers and bilang mga Pilipino, pagod na tayo sa administrasyong ito na kumikitil ng buhay ‘di lang sa sakit, sa gutom, kung ‘di sa pagpatay mismo sa mga tao. We must mount resistance by vaccination but we must also mount resistance against the death of our democracy,” pahayag ni Dr. Javier. [P]
Mga larawan mula sa AHW/Facebook
Paglalapat ni Patrick Josh Atayde
Pingback: UP student councils hold 51st GASC online, 20 resols for academic rights, heightened pandemic response approved – UPLB Perspective
Pingback: Ika-49 na anibersaryo ng Martial Law, sinalubong ng kilos-protesta ng mga progresibon sa Timog Katagalugan; pulis, ginambala iilang programa – UPLB Perspective
Pingback: Ika-49 na anibersaryo ng Martial Law, sinalubong ng kilos-protesta ng mga progresibo; pulis, ginambala iilang programa – UPLB Perspective
Pingback: SCs discuss education, national issues in 53rd GASC resolution building – UPLB Perspective