Ang produktibong ingay ng mga manininda at tsuper sa Batangas Pier ay ngayo’y pinapatahimik, kasabay ng pagkawala ng kanilang mga kabuhayan.
Malaking dagok ang sinapit ng mga mamamayang naghahanapbuhay sa Batangas Pier, na ngayo’y hindi na malayang makapagtinda sa “yellow gate” ng nasabing daungan, bunsod ng pagpapasara rito ng mga tauhan ng Philippine Post Authority (PPA) noong ika-7 ng Mayo.
Ang malubhang epekto nito ay idinaing ng mga manininda, mga tsuper ng jeepney at tricycle, at iba pang mga mamamayan na naghahanapbuhay malapit sa piyer. Dahil sa pagsasara ng lagusan, hindi na makadaan ang mga pasahero mula sa Batangas Pier patungo sa pantalang kinapupwestuhan ng mga tindahan at paradahan ng mga jeepney at tricycle, dahilan upang hindi makapaghanapbuhay ang mga manininda at tsuper.
“Naging malaking dagok ito sa kabuhayan ng komunidad,” ani ng Save Batangas Port Users Movement (SBPUM) sa isang Facebook post. “Kahapon, imbes na marinig mo ang karibok ng pasada at panininda ay nakabibinging katahimikan ang tatambad sa iyo.”
Noong ika-9 ng Mayo, mula sa yellow gate ay lumipat naman sa main gate ng piyer ang mga manininda, kung saan doo’y mayroong mga pasahero. Ngunit pagkapwesto pa lamang nila ay agad na silang kinuwestiyon ng mga tauhan ng PPA, at “[um]akmang sasamsamin ang [kanilang] mga paninda”, ayon sa Anakbayan Batangas.
Sa kabila nito, iginiit ng mga manininda ang kanilang karapatan at idinaing ang lubhang “pagkalam ng [kanilang] mga sikmura” dulot ng kawalan ng hanapbuhay, kaya pinayagan silang makapagtinda sa main gate hanggang 5 PM noong araw na iyon. Gayunpaman, iginiit ng PPA na wala nang maaari pang magtinda roon sa kinabukasan.
Litrato mula sa Panday Sining Batangas / Facebook
Sa parehong araw ay naglagay na rin ang mga guwardiya ng mga karatula kung saan nakasulat ang mga katagang “Bawal Magtinda Dito” at “No Vendors Allowed”.
Noong ika-11 ng Mayo, dalawang araw ang nakalipas, tuluyan na ngang hinarang ng mga pulis at guwardiya ang mga manininda, pagkapuwestong-pagkapuwesto pa lamang nila sa main gate ng Batangas Pier. Nilagyan na rin ng PPA ng mga concrete at plastic barrier ang harapan ng pwesto ng mga tindahan.
Samantala, sa parehong araw rin ay naglunsad ng protesta ang mga manininda sa harap ng daungan. Ipinanawagan nila ang karapatan nilang makapaghanapbuhay, habang isinisigaw, “Amin ang piyer!”
Kaunlaran para sa iilan
Ayon sa Panday Sining Batangas (PSB), ang pagpapasara sa lagusan ng Batangas Pier ay pangunahing isinulong upang tuluyang itaboy mula roon ang mga naghahanapbuhay at bigyang-daan ang isang development project.
“Ang insidenteng are ay parte pa rin ng taktika ng malalaking kapitalista upang tuluyan nang mapaalis ang mga mamamayang naghahanapbuhay laang doon sa Pier at maisulong na ang planong pag-de-develop sa Batangas Provincial Livelihood Center (BPLC)!” ani ng PSB sa isang Facebook post.
Dahil sa nasabing proyekto, matagal nang kinakaharap ng mga manininda ang banta ng demolisyon.
Ayon sa isang artikulo ng Rappler, ang BPLC ay isang lumang gusaling hindi na napapakinabangan at ipinapanukala ngayong gawing livelihood and commercial hub. Pinaglaanan ang development project ng P200-milyon, samantalang ang joint venture ay pinangungunahan ni Batangas Gob. Hermilando Mandanas, at ng kompanyang Square Meter Trading and Construction Corporation.
Si Gob. Mandanas din ang tagapamahala ng Regional Development Council (RDC) na nangangasiwa sa flagship projects sa ilalim ng Build! Build! Build! (BBB) Program sa Timog Katagalugan (TK). Kinikilala ng maraming kritiko ang BBB bilang isang proyektong isinasa-peligro ang kalikasan at ang kapakanan ng mga katutubo at maralita, samantalang binibigyang-prayoridad lamang ang mga mayayamang kapitalista (BASAHIN: What the Build! Build! Build! Program truly destroys).
Kuha ng BAYAN-TK / Facebook
Noong Oktubre 2020, nagsagawa ng kilos protesta ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) TK bilang suporta sa mga manininda sa Batangas Pier. Kasabay noon ang panawagan din nila para sa paninindigan para sa karapatan sa kabuhayan, lalo na sa gitna ng pandemya.
“Dismayado ang mga manininda ng [Brgy.] Santa Clara sapagkat makalipas ang ilang serye ng mga diyalogo sa tanggapan ng pamprobinsyang pamahalaan ay hindi pa rin ipinatutupad ang mga napagkasunduan sa hapag,” ani noon ng BAYAN-TK.
Kinundena rin nila ang mas pagbibigay ng prayoridad ng lokal na pamahalaan sa pagsasapribado ng piyer, kaysa sa pagsasaalang-alang ng kapakanan ng mga mamamayang naghahanapbuhay.
Pagpapahalaga sa kabuhayan
Ang Batangas Pier sa Brgy. Santa Clara, Batangas City, na kilala rin bilang Batangas International Port, ay matagal nang lokasyon ng hanapbuhay ng mga manininda at tsuper, kung saan pangunahing mamimili nila ang mga pasaherong bagong dating sa daungan.
Ayon sa SBPUM, ang nasabing piyer ay nasa puso na ng paghahanapbuhay ng mga mamamayan ng Brgy. Santa Clara matapos pa ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ilang pagkakataon na rin nilang napagtagumpayan ang mga banta ng demolisyon at ligal na laban kontra sa malalaking korporasyong nagtatangkang itaboy ang masa palayo sa pamuhatan ng kanilang hanapbuhay.
“Bumibilad sa init ang ating mga manininda para lamang makapaghanapbuhay […] Ganito po kalala ang epekto [ng sapilitang pagpapaalis] sa mga mamamayang naghahanapbuhay,” paliwanag ng SBPUM sa mga larawang inilabas nila sa Facebook.
Ani ng grupo, dahil sa patuloy na pag-atake ng mga naglalakihang kompanya ay tama lamang na patuloy silang makibaka para sa kanilang mga karapatan.
Kaya naman ganoon na lamang ang pagkondena ng maraming organisasyon sa kamakailang sapilitang pagpapaalis ng PPA sa mga mamamayan. Ayon sa PSB, mas dapat na kilalanin ang hirap na makapaghanapbuhay lalo na sa gitna ng isang pangkalusugan at pang-ekonomikong krisis.
“Sa gitna nareng pandemya, ‘di hamak na mas bulnerable sa banta ng sakit at mga dalang krisis nare ang mga ordinaryong mamamayan na naghahanapbuhay sa Pier. Subalit, sa halip na abutan sila ng ayuda’t tulong pinansyal ay nagagawa pa ng lokal na pamahalaan ng Batangas na magbulag-bulagan sa ginagawang panggigipit ng mga kapitalista sa mga mamamayang naghahanapbuhay sa Pier!” daing ng grupo.
Samantala, ipinanawagan naman ng Anakbayan Batangas na mas bigyang prayoridad ang hanapbuhay ng mga mamamayang malapit sa piyer, kaysa bigyang-daan ang interes ng mga kapitalista.
“Mariin naming kinukundena ang matinding panggigipit ng lokal na pamahalaan ng Batangas sa mga mamamayan ng Santa Clara para laang pagsilbihan ang interes ng mga kapitalistang ganid!” ani ng grupo sa isang Facebook post. Kasabay ng suporta ng mga nasabing grupo, patuloy ang panawagan ng mga manininda para sa muling pagbubukas ng yellow gate ng Batangas Pier, bilang suporta sa malaya nilang paghahanapbuhay. [P]
Litrato mula sa Panday Sining Batangas / Facebook
Pingback: Kilos-protesta para sa Araw ni Bonifacio, inilunsad ng mga progresibo sa kabila ng panghaharas ng estado – UPLB Perspective
Pingback: Ang laban ng Batangas para sa makataong pamamahala – UPLB Perspective