News Southern Tagalog

Resort owners, managers, ipinanawagan ang muling pagbubukas ng mga resort sa Brgy. Pansol, Calamba

UPDATE (May 28, 2021): Presidential Spokesperson Harry Roque, in a Facebook live, announced that resorts and other DOT-accredited accommodation establishments are now allowed to operate up to 30% of their capacity.


Idinadaing din ng mga manininda ang mga paghihirap sa pagkawala ng pangunahin nilang kabuhayan sa gitna ng isang malalang krisis.

Sa tuwing sasapit ang kapistahan sa Brgy. Pansol, Calamba City, Laguna, inaabangan ang “Tubig-ang Pansol Festival” na isang pagtatampok sa pangunahing hanapbuhay ng mga mamamayan ng tinaguriang hotspring resort capital of the Philippines.

Ngunit ngayong nalalapit na naman ang kapistahan sa barangay sa darating na katapusan ng Mayo, ang dating kasiyahan sa pagtatampisaw sa mga hotspring resort ay hindi pa muling mabalikan, dulot ng patuloy na mahigpit na quarantine protocol sa gitna ng pandemya.

Sa mga Facebook post, ipinahayag ng ilang mga mamamayan ang kanilang mga hinaing at panawagan para sa muling pagbubukas ng mga resort sa Pansol.

Resort buksan na! Pansol gutom na,” nakapinta sa isang banner na makikita sa serye ng mga larawang in-upload ng netizen na si Vinie Gaela Ramiro.

Sa gitna ng general community quarantine (GCQ) sa “NCR+” ay nananatiling mayroong “heightened restrictions sa rehiyon, at mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagbubukas ng mga resort. Malakas ang panawagan ng mga mamamayan para sa muling pagbabalik ng pangunahin nilang pinagkukunan ng kabuhayan.

“Baka po pwede na! Resort ay buksan na! Brgy. Pansol ay gutom na,” panawagang nakasulat sa mga ipinaskil na papel na makikita sa mga larawan sa Facebook. “Owner ubos na! Operator lugi na! Caretaker gutom na! Ahente gapang na! Kaya dapat buksan na!”

Sa katunayan, halos hindi pa tuluyang nakaka-recover ang barangay matapos ang pinsalang dulot ng Bagyong Ulysses noong Nobyembre ng nakaraang taon. Ilang linggo matapos ang pananalasa ng bagyo ay nanatiling lubog sa baha ang kalakhan ng Pansol (BASAHIN: Ulysses storms Southern Tagalog).

Noon pa man ay halos 400 na hotspring resorts na ang naapektuhan, kasabay ng iba pang mga kaugnay na hanapbuhay.

“Malaki ho talaga ang naging problema namin dito dahil pangunahing pinagkakitaan ng tao namin dito ay yung aming mga resort,” ani noong Nobyembre ni barangay captain Joel Martinez.

“Yung mga nagtitinda ng salbabida at mga nagtitinda ng buko pie, halos wala na rin hong kita.”

Ilang buwan matapos ang bagyo, idinadaing ng ilang residente na hindi pa man sila tuluyang nakakabangon mula sa trahedya ay sinundan na agad ng pagpapatigil ng operasyon ng kanilang mga hanapbuhay, dahilan upang higit na lumubha ang hirap na kanilang dinaranas.

Panawagan ng isang may-ari ng resort sa Pansol.
Litrato mula kay Dominic Pantan.

Malalang epekto sa kabuhayan

Sa isang panayam na isinagawa ng Perspective kasama si Dominic Pantan, isang resort manager mula sa Pansol, ibinahagi rin niya ang hirap na dinaranas ng mga may-ari at empleyado ng mga resort dulot ng pagpapasara sa mga ito. Dumagdag lamang ang kawalan ng hanapbuhay sa sari-saring krisis na kinakaharap ng mga residente sa gitna ng pandemya.

“Dito po sa Pansol, mayro’n po kaming mahigit [isang] libo na resort na nago-operate po. Sa [isang] libo po na resort na yun, may caretakers at staff. Bawat staff po ay may mga pamilyang binubuhay … Lahat po kami ay apektado, kasi wala po kaming ibang inaasahan kundi kapag nago-operate din yung mga resort po namin,” bahagi niya.

Aniya pa, lubhang naapektuhan din ang mga manininda ng mga pasalubong at salbabida, at mga pool agent na nagsisilbing mga “tourist guide” para sa mga resort sa barangay.

Gayunpaman, maliban sa personal na adhikain nilang muling pagbubukas ng kanilang mga kabuhayan, upang nang sa gayon ay matustusan nga ang kanilang mga pangangailangan, binanggit din ni Pantan ang kahalagahan ng kaligayahang kanilang natatamo sa tuwing nabibigyan nila ng serbisyo ang kanilang mga guest.

“Hindi lang po dahil sa kumikita kami o natutulungan kami ng mga kliyente namin, kasama na rin po [sa dahilan ng aming panawagan] ang kaligayahan o yung fulfilment … na somebody is enjoying yung place namin, nabibigyan namin ng tamang serbisyo, at nabibigyan po namin ng lugar na maganda para sa hinahanap nilang bakasyon,” bahagi pa ni Pantan.

Katiyakan para sa kaligtasan sa mga resort

Karagdagan pa sa mahihigpit na health protocols, matindi rin ang pagkabahala ng maraming tao na magbalik sa mga resort dulot ng banta sa kalusugan ng lubhang nakahahawang COVID-19 virus.

Noong ika-9 ng Mayo, humigit-kumulang 300 guests ang nagtungo sa isang resort sa Caloocan. Ang mga guest na nadawit sa tinaguriang “super spreader gathering” ay kinailangang mag-quarantine, samantalang sinampahan naman ng kaso ang may-ari ng resort na agad ding isinailalim sa shut down. Ayon din sa Department of Tourism, hindi naman accredited ng nasabing ahensya ang resort na nag-operate sa Caloocan.

Sa kabila ng pangamba ng maraming bakasyonista, tiniyak ni Pantan ang kaligtasan para sa mga guest kung sakaling muli nang payagang magbubukas ang mga resort, at ipinangakong susunod sila sa mga ipinapataw na regulasyon.

“Syempre po, katulad ng ipinapangako namin sa DOT, IATF [Inter-Agency Task Force], at sa government, na susunod naman po kami sa ibinibigay nilang guidelines,” pahayag niya.

Noong nakaraang taon pa man daw ay binigyan na ng DOT ang mga resort owner ng guidelines kaugnay ng pagsasagawa ng kanilang operasyon. Ani Pantan, ipinagbabawal na noon pa man ang operasyon ng mga resort na walang security to operate at business permit, pati na rin ang mga hindi napasailalim sa pag-inspeksyon ng DOT.

Tiniyak ni Pantan na sinusunod ng mga resort owner ang guidelines, kasama pa ang paghingi nila ng health declaration form mula sa mga guest. Dati pa man ay nagpapatupad na rin sila ng mahigpit na health protocols, katulad ng pagtanggap ng mga guest na sapat lamang para sa kapasidad ng resort. Inihahanda na rin ng mga manager at caretaker sa lugar ang mga hand sanitizer para sa disinfection, at isinasagawa rin ang pagkuha ng temperatura ng mga guest.

“Lahat po ng mga bagay na ‘yon ay nako-comply po namin dito, pati po yung guidelines na nagbabawal sa 18 [years old] and below at 65 [years old] and above [sa loob ng resort],” pahayag ni Pantan.

Aniya pa, dati ay mayroong itinatalaga ang mismong lokal na pamahalaan ng barangay na mga “magbabantay” sa checkpoint kung saan dumaraan ang mga guest, upang matiyak ang kanilang kaligtasan mula sa sakit. Dahil doon, hindi rin tumatanggap ang mga resort ng mga walk-in customers, at bagkus ay pinapapasok lamang ang mga nakapagsagawa ng advanced booking.

Idinagdag pa ni Pantan na “point-to-point” ang sistema na kanilang ipinapatupad, na kaniyang ipinaliwanag, “Once na makapasok na po ang customer, bawal na po’ng lumabas.”

Panawagan para sa hanapbuhay

Upang pansamantalang matustusan ang kanilang pangangailangan sa gitna ng kawalan ng kabuhayan, ipinahayag ni Pantan na sa gitna ng kahirapan, kahit papaano ay nakapagpapaabot ng tulong para sa kanila ang lokal na pamahalaan.

“Dito po ay hindi naman natin maide-deny na talagang tumutulong naman po yung LGU [local government unit] po namin, especially yung barangay captain namin. Hindi po siya tumitigil sa paghahanap ng tulong para sa mga mas nangangailangan talaga rito,” sabi ni Pantan.

Gayunpaman, bagamat ilan sa mga residente ay nakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan, ibinahagi ni Pantan na “hindi lahat ay nabibigyan”, samantalang kulang na kulang pa rin ang tulong na ipinagkaloob, “dahil sa sobrang hirap [tustusan] ang buhay ngayon”.

Sa kasalukuyan, umaasa rin ang staff ng mga resort sa tulong na ibinabahagi sa kanila ng mga may-ari ng negosyo.

“Yung resort owner po namin, even po sarado yung mga resort namin, kahit papaano ay nagbibigay po siya ng tulong sa mga caretaker namin. Nagbibigay pa po sila ng pabigas at allowance,” aniya. 

Gayunpaman, inamin ni Pantan na bagamat napaaabutan sila ng tulong ay patuloy pa rin silang kinakapos sa pagsustento sa kanilang mga pangangailangan.

“May hangganan pa rin po yung naibibigay nating tulong,” pahayag niya. “Gustong-gusto rin po naming tumulong talaga nang naaayon, pero limitado rin po dahil mayro’n din kaming sari-sariling pamilya na iniisip at tinutulungan.”

Sa isang Facebook post ni Martinez noong ika-18 ng Mayo, ibinahagi niyang nagtungo siya sa Office of the Mayor ng Calamba City upang ipaglaban ang hiling ng mga owner, caretaker, at ahente para sa muling pagbubukas ng mga resort.

Gayunpaman, ipinagbigay-alam ng Calamba City Public Order and Safety Office (POSO) na matapos umapila ni Calamba City Mayor Justin Marc Chipeco sa DOT Region IV-A ay hindi pa rin napagbigyan ang kahilingan para sa pagbubukas ng mga resort, alinsunod sa guidelines ng IATF.

Sa kasalukuyan, kasabay ng patuloy na panawagan ng mga resort owner, caretaker, at agents sa social media, upang maipaabot ang kanilang mga hinaing sa kinauukulan, patuloy rin ang kanilang pangangalampag sa pamahalaan para makonsidera ang muling pagbabalik ng kanilang mga kabuhayan.

“Yung mga resort owner po, patuloy po ang kanilang campaign para sa pagbubukas nga po ng mga resort namin. Lagi silang naga-update sa ating mayor po, at sa ating barangay captain,” bahagi ni Pantan.

Hiling niyang makita ng mga kinauukulan ang tunay na kahirapan ng sitwasyon sa kanilang lugar, kung saan maraming residente ang patuloy na naghihirap.

“Sa mga humahawak po sa industriya namin, sana po ay mabigyan kami ng pagkakataon na makapaghanapbuhay muli … lalo [para] sa mga maliliit na pamilya, mga hikahos po talaga sa kanilang sitwasyon, yung sobrang nahihirapan po dahil tanging industriya ng turismo ang pinagkukunan po nila ng kanilang ikinabubuhay,” panawagan ni Pantan. [P]

Litrato mula kay Dominic Pantan

0 comments on “Resort owners, managers, ipinanawagan ang muling pagbubukas ng mga resort sa Brgy. Pansol, Calamba

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: