News Southern Tagalog

Canyon Cove, ‘di umano’y binakuran ang dagat – mga lokal sa Sitio Ibayo, Batangas, pinagbawalang maghanapbuhay

Ulat nina Claire Denise Sibucao at Carla Isabelle Dela Cruz

Noong ika-22 ng Mayo, ilang kapulisan ang lumusob sa Sitio Ibayo, Brgy. Wawa sa Nasugbu, Batangas, upang mang-intimida ng mga residenteng hindi sang-ayon sa pambabakod ng pamunuan ng Canyon Cove sa lagusan tungo sa pampublikong baybayin o tinatawag na “Interlink”. 

Ayon sa Panday Sining Batangas, noong mismong araw umano ay nakaantabay na ang mga tauhan ng residential beach resort na Canyon Cove, dala-dala ang mga kagamitan sa pagsasara ng lagusan na dinaraanan ng mga turista at residente ng Sitio Ibayo.

Sa kabila umano nito ay hindi nagpasindak ang mga taga-Sitio Ibayo dahil matagal na umanong lagusan ng mga residente ang daang ito, upang malayang makapag-hanapbuhay bago pa man itinayo ang Canyon Cove sa nasabing lugar. 

Hindi umano ito ang unang pagkakataon na sila ay sinubukang guluhin ng mga tauhan ng resort. Ayon sa Anakbayan Ibayo, isang progresibong grupo, Pebrero ngayong taon nang maglagay ng harang ang pamunuan ng Canyon Cove sa pampang at sa mismong dagat na nagsisilbing boundary sa pagitan ng resort at ng Sitio Ibayo. 

Dahil sa ginawang pagtatayo ng sementadong pader ng mga tauhan ng Canyon Cove sa lugar, patuloy ang pangamba ng mga naninirahan sa komunidad na tuluyang agawin ang daanan pati ang dagat. Maging ang mga mangingisda ay hindi umano makadaan upang pumalaot at mangisda, bilang iyon ang kanilang pangunahin pa ring hanapbuhay sa kasagsagan ng pandemya.

Dulot ng pangkalusugang krisis ay bumagsak ang lokal na ekonomiya ng Nasugbu, kaya naisipan ng mga residente ng Sitio Ibayo na magtayo ng mga kubong maaaring rentahan o “community resort” sa may dalampasigan para sa mga turista, upang makatulong sa kanilang mga gastusin ngayong pandemya.

“Buong sipag na itinayo areng mga cottage upang magkaroon ng kita dahil walang tulong na ayuda at tulong-pinansyal ang gobyerno! Ngayong kami’y kanilang ginugutom at pinahihirapan na, ninanakawan pa kami ng kabuhayan!” pagsasaad ng Anakbayan Ibayo sa isa sa kanilang mga Twitter post.

Panghaharas ng militar

Matapos ang pambabakod noong Pebrero ay siyam na sundalo naman umano ang nagtungo sa nasabing community resort noong ika-12 ng Marso. Kanilang pinaghahanap ang isang mangingisda dahil umano sa pagpapatuloy nito ng “bisita” sa komunidad. 

Nang hindi mahanap ng mga sundalo ang nasabing mangingisda ay kanila namang kinunan ng litrato ang mga residente at ang kanilang mga tahanan.

Limang araw matapos ang pagbisita ng mga sundalo, tatlong militar umano ang muling bumalik sa komunidad upang hanapin ang parehong mangingisda.

Namataan pa umano ng mga residente ang mga umano’y “intelligence officers” na nagpanggap na naglalako ng paninda sa Sitio Ibayo. May isang kaso pa umanong sapilitang pumasok sa isang bahay ang “naglalako” matapos tanggihan ang inaalok nitong paninda.

Bukod pa rito, ayon sa mga residente ay mayroon umanong mga nagmamanman sa kanilang mga kabahayan tuwing gabi.

Dagdag pa ng Anakbayan Ibayo, noong ika-19 ng Marso, sapilitang pinapirma umano sa isang kasunduan ang mga lider-mangingisda, ng pinagsamang pwersa ng punong barangay ng Wawa na si Vincent John Atienza at ng pamunuan ng Canyon Cove. Ayon sa grupo, nakasaad sa kasunduan na gigibain ang kanilang mga pinarerentahang cottage sa loob ng tatlong araw.

Ayon sa pakikipanayam ng Panday Sining Batangas sa isang lider-mangingisda na nakiusap para sa kompidensiyalidad, sinabi umano ng kapitan na hindi sila papayagang umalis hangga’t hindi sila nakakapirma.

Alam umano ng lider-mangingisda na hindi na nito mapipigilan ang nagbabadyang paggiba sa mga kubo kahit pumirma man ito o hindi, kaya inaya na nito ang kanyang kasama na umalis. Ngunit nang tumaas ang boses ng kapitan at pinagpilitan na hindi sila makakaalis nang hindi nakakapirma, napilitan ang mga mangingisda pumirma na lang.

Dagdag din nito na ayaw umanong papasukin ang iba nilang kasamahan at dalawa lang silang pinapasok sa opisina ng kapitan. Nangako rin umano ang kapitan na kapag giniba ang cottage ay pupunta ito, ngunit naghintay nang naghintay ang mga mangingisda ay hindi pa rin sumipot ang kapitan.

“Bago sila dumating sa amin, saan ba sila nadaan? Saan sila nanggagaling? Diba sa taas? Sa taas sila muna dumaan, ibig sabihin imposible naman na ikaw dadaan sa taas, hindi kayo mag-uusap muna bago ka bababa,” ani ng mangingisda, na naghihinalang magkasabwat ang barangay at pamunuan ng Canyon Cove. Hinala pa ng mga residente, sa pamunuan humihingi ng tulong ang barangay sa paparating na eleksyon.

Makalipas ang tatlong araw, tinangka na ng pwersa ng security guards ng Canyon Cove at mga opisyales ng Brgy. Wawa na pinamunuan ni Atienza ang paggiba sa mga kubong itinayo ng mga residente sa Sitio Ibayo.

Bandang alas-9 ng umaga noong ika-22 ng Marso, tumungo umano ang tatlong guwardiya ng Canyon Cove sa kabahayan ng mga residente ng Sitio Ibayo para pagbawalan ang mga ito na dumaan sa dagat, ang lugar kung saan nakatayo ang mga pinarerentahan nilang cottage

Ngunit hindi pa roon natapos ang kalbaryo ng mga taga-Sitio Ibayo. Ayon sa ulat ng Panday Sining Batangas noong ika-26 ng Marso, iligal na inaresto at pinagbubugbog ang lider-mangingisda na si Jefrey Bauso Andadya  o “Ka Jefrey” ng isang pulis na nagngangalang Ehron Recapuente, matapos siyang taniman ng iligal na droga. 

Si Ka Jefrey ang nagsisilbi ring tagapamahala ng mga kubo sa community resort. Samantala, inaresto naman si Recapuente, at nakilala rin ito bilang isa sa mga pulis na naghahanap sa mga lider-mangingisda ng komunidad.

Ang laban ng Sitio Ibayo

Ang kahabaan ng Nasugbu ay tinaguriang dalampasigan ng mga “makapangyarihan at mayayaman” dahil sa mga naglalakihang bahay rito na ginagawang bahay bakasyunan. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami ay patuloy ang marahas na pagpapaalis sa mga lokal na nakatira sa mga sitio malapit sa dalampasigan.

Heograpikal na katangian ng Sitio Ibayo

1. Ilog palabas pasok ng Sitio Ibayo

2. Residential na bahagi ng Canyon Cove, kung saan may konkretong pagitan sa komunidad

3. Community resort ng Sitio Ibayo

Community Resort ng Sitio Ibayo

Katabi ng Sitio Ibayo ang Canyon Cove, isang residential beach resort na dinarayo ng mga turista upang pasyalan ang tanyag na Nasugbu beach.

Pagmamay-ari ng Canyon Estates, isang real estate at holding company ang Canyon Cove. Isa sa mga subsidiary nito ay ang Tagaytay Grassland Company Inc., na isang joint venture kasama ang United Coconut Planters Bank (UCPB).

Ang UCPB ay pinaggamitan umano ng bilyun-bilyong Coco Levy Funds, na umano’y bunga ng korapsyon ng diktador na Marcos at Danding Cojuangco sa mga magsasaka ng niyog sa bansa (BASAHIN: The land plunderer: Harrowing ghost of Danding Cojuangco).

Ang Canyon Estates at Tagaytay Grassland Company Inc. ay hawak ng G2 Global Inc., isang kompanyang nag-iimport ng construction materials, na pagmamay-ari ng mag-asawang George at Terry Go.

Ang pagpapalawak pagpapalawak ng Canyon Cove ang dahilan umano ng pagpapaalis sa mga taga-Sitio Ibayo. Sa kadahilanang walang titulo ang mga residente dahil sila mismo ang nag-tambak ng lupang matitirhan, humigit kumulang limang-daang pamilyang naninirahan sa Sitio Ibayo ang apektado ng marahas na pang-aangkin ng Canyon Cove.

Ang barangay ay nangako ng relokasyon na kung tawagin ng mga lokal ay “Basa”, ngunit malayo umano ito sa dagat na pangunahing pinagkakakitaan ng mga mamamayan ng Sitio Ibayo. Ayon pa sa mga residente, sa 500 pamilya sa Sitio Ibayo ay 60 pamilya lang ang maaaring makalipat sa nasabing relocation site

Patuloy na banta ng land-grabbing 

“Kahit kami mahirap, kahit hindi man kami nakatapos sa pag-aaral, natural na nasasaktan din kami sa mga salita nila. Wala namang pinagkaiba, mayaman lang sila. Eh, parehas lang naman tayong tao, diba?” pahayag ng isang residente mula sa Sitio Ibayo.

Karamihan ng mga sitio at mga barangay sa Nasugbu ay nakararanas ng pangangamkam ng lupa mula sa mga ‘land developers’.

Ang Sitio Limbones, Brgy. Papaya ay patuloy na nakakaranas ng sunod-sunod na atake mula sa mga armadong personnel galing sa Manila Southcoast Development Corporation’s (MSDC), na pagmamay- ari ng pamilya Sy. (BASAHIN: Nasugbu fishers’ homes ‘trashed’ by Henry Sy-linked company men

Sa Maragondon, Cavite na kilala bilang “patungan” ay isa sa mga naapektuhan ng pagpapalawak ng Pico de loro resort na parte ng ecotourism project ng mga Sy. 

Ilan lamang ang mga nabanggit sa mga apektadong lugar kung saan patuloy na pinapaalis ang mga magsasaka at mangingisda.

Tahasang kinundena at tinututulan ng Panday Sining Batangas ang ginagawang panggigipit ng barangay at pamunuan ng Canyon Cove sa mga mamamayan sa Sitio Ibayo. 

“Aba’y sa halip na ayudahan ang mga taga-Ibayo, mas inuuna pa ng lokal na pamahalaan ang nakawan sila ng kabuhayan sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa Canyon Cove!,” aniya ng Panday Sining Batangas.

Sinubukang hingan ng UPLB Perspective ang panig ng Canyon Estates ukol sa mga naiulat na pagbabanta ng mga tauhan ng Canyon Cove sa mga residente ng Sitio-Ibayo, ngunit hindi sila tumugon sa mensaheng ipinadala. [P]

Litrato mula sa Panday Sining Batangas/Facebook

2 comments on “Canyon Cove, ‘di umano’y binakuran ang dagat – mga lokal sa Sitio Ibayo, Batangas, pinagbawalang maghanapbuhay

  1. Pingback: LIST: Human rights watch (May 28 – June 4, 2021) – UPLB Perspective

  2. Pingback: Mga Nakakubling Usapin sa Likod ng SONA 2022 – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: