Samantala, hinarass naman ng mga pulis ang isang humanitarian team na nais sanang kamustahin ang apat.
Noong ika-8 ng Hunyo ay nakaranas ng panghaharas mula sa kapulisan ang humanitarian team na binubuo ng church volunteers at kaanak ng apat na mangingisdang inaresto sa Sibale Island, Romblon.
Ika-3 ng Hunyo nang ang mga mangingisdang pumalaot mula sa Mindoro papuntang Marinduque ay inaresto sa Concepcion, Sibale Island, Romblon dahil sa kasong “illegal possession of firearms and explosives” at paglabag umano sa quarantine protocols. Iniugnay din ang apat na mangingisda na kabilang sa armadong rebolusyonaryong grupo ng New People’s Army (NPA) dahil umano sa mga “nakumpiskang” logo ng Bagong Hukbong Bayan at ng NPA mula sa kanila.
Itinanggi naman ito ng mga mangingisda at iginiit na dumaong ang grupo sa kalapit na barangay at lumipat sa Brgy. Poblacion noong lumakas ang ulan at alon dala ng Bagyong Dante. Doon sila ay pinuntahan ng mga pulis para umano dalhin sa Rural Health Unit at mabigyan ng tulong.
Pagsapit ng ika-4 ng Hunyo ay lumapit para humingi ng tulong ang kapatid ni Marlon Torres, isa sa mga nakulong na mangingisda, sa United Church of Christ in the Philippines (UCCP) na samahan itong bisitahin ang kanyang kapatid sa Romblon at bigyan ito ng “humanitarian and legal assistance” dahil sa kasong “illegal possession of firearms” na isinampa sa kanyang kapatid at mga kasamahan nito.
Bumiyahe ang humanitarian team na binuo ng anim na katao noong ika-7 ng Hunyo at nakarating sa Romblon noong madaling araw ng ika-8 ng Hunyo kung saan inabot ng walo hanggang siyam na oras ang pag-byahe mula Batangas port papuntang Odiongan port sa Romblon.
Bago umano umalis ang grupo ay sumailalim sila sa lahat ng kinakailangang proseso ayon sa Inter-Agency Task Force (IATF) protocols tulad ng antigen at saliva tests. Kumpleto rin umano ang kanilang travel documents at mission order mula UCCP.
Nakipag-ugnayan din ang grupo sa lokal na pamahalaan ng Romblon dahil bago umano makasakay ng barko ay kinakailangang kumpleto ang travel documents at aprubado ang kanilang pag-rehistro sa S-PaSS isang sistemang pang-byahe para sa mga Pilipino na binuo ng Department of Science and Technology (DOST).
Ninais umano nilang magsagawa ng courtesy call kasama ang alkalde ng Romblon City at gobernador ng Romblon ngunit hindi ito natuloy. Gayunpaman, sila ay may liham mula sa barangay na pinapayagan ang kanilang pagbisita dahil ang kanilang pagpunta ay itinuturing na isang humanitarian mission.
Alas-tres ng hapon noong ika-8 ng Hunyo nang pinuntahan sila ng mga tauhan ng Romblon municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) na pinamunuan ni Cesar Malaya at ipinaalam na sila ay may nilabag umanong quarantine protocols.
Samantalang ang kumakatawan sa municipal Inter-Agency Task Force (IATF) na si Ariel Mendoza ay inabisuhan ang grupo na umuwi nang walang katiyakang maaaring makausap ng kaanak ang kanyang naarestong kapatid.
Iginiit ng humanitarian team na sila ay walang nilabag dahil aprubado ang kanilang mga dokumento.
“Hindi naman makakarating yung team diyan kung sa travel pa lang walang documents. Kasi before ka makasakay ng barko, before ka makatawid papunta sa isla kahit anong isla pa yan ng Pilipinas, hihingan ka na ng travel documents.” paliwanag ni Defend Southern Tagalog spokesperson Charmane Maranan
Ramdam umano ng grupo ang takot at paglala ng mga pangyayari nang hingin ng kapulisan ang kanilang mga ID at sila ay kinuhanan ng litrato. Sila rin ay inilipat sa isang quarantine facility sa isang pampublikong paaralan at binantayan ng hindi bababa sa dalawampung armadong pulis ng lugar.
Hindi umano malinaw kung ano ang sunod na hakbang para sa kanila dahil ang sinasabi ay kinakailangan nilang sumailalim sa 14-day quarantine o di kaya’y dapat pauwiin na lang. Kaduda-duda rin umano ang kapulisan na puro armado kahit na ang humanitarian team na binubuo ng church volunteers at kaanak ng apat na mangingisda ang kausap nila.
Sa pamamagitan ng pakikipag-negosasyon ng grupo na nais lang nilang bisitahin ang kaanak ay pinayagan din silang bumisita. Ngunit sa anim na miyembro ng grupo ay dalawang miyembro lang ang pinayagan na bumisita sa Romblon Municipal Police Station upang suriin ang kalagayan ng kamag-anak at tatlo pa nitong kasama.
Sa umpisa ay ang kapatid lang umano ni Marlon Torres ang pinayagan sumama ngunit natakot umano ito pumunta mag-isa dahil sa mga armadong kapulisan kung kaya’t kanilang iginiit na samahan ito ng isa pang miyembro ng UCCP para bumisita.
Habang ang dalawa ay sinamahan ng kapulisan papuntang presinto, ang natirang apat na miyembro ng humanitarian team ay inihatid na kaagad sa pier. Sinabihan din umano ang dalawa na panandalian lang nilang maaaring kausapin ang kaanak sa presinto dahil paalis na ang barko.
Wala pa umanong limang minuto nang nakabalik ang dalawa at sinabihang umuwi na. Nang nakasakay na sila ay wala pang isang minuto nang umandar ang barko.
Pinaghalong gulat at galit ang naramdaman ng grupo dahil sa kabila ng kanilang pagsisikap na bumiyahe ng napakalayo sa loob ng ilang oras ay halos hindi nila nakausap ng masinsinan ang kanilang kaanak.
Dagdag pa umano rito na hindi nabigyan ng sariling oras si Marlon Torres na makausap ang kapatid dahil sa pagbisita nito ay may nakabantay pa ring pulis na nagsasabing madaliin lang ang pag-uusap dahil paalis na umano ang barko.
Ayon kay Maranan, kung kinakailangan ay magsasampa sila ng reklamo dahil sa hindi makatarungang paggamit ng kapulisan sa IATF protocol violation sa kabila ng pagdaan sa tamang proseso ng humanitarian team.
“Kung saan man dapat makapag-complain, then we would be exploring those things. For now syempre yung isa ring concern namin ay yung well-being syempre nung apat na mangingisda na ikinulong at pinaratang na naman ng kung anu-ano.” pahayag ni Maranan
Pangunahing pinag-aaala ng mga kaanak ang kalagayan ng apat na mangingisda na magpa-hanggang ngayon ay nakakulong sa Romblon City Jail matapos igiit ng Philippine National Police (PNP) na sila ay may kaugnayan sa NPA.
Matatandaang hindi nalalayo ang naging karanasan ng Cabuyao 11 kung saan sila ay iligal na inaresto at nakaranas ng hindi makatarungang pagtrato sa kulungan. Samantalang inakusahan ding kasapi ng NPA ang Baras 5 na pawang mga manggagawa sa manggahan kung saan nauwi sa pagkamatay ang kanilang engkwentro sa pagitan ng PNP.
(MGA UGNAY NA BALITA: Cabuyao 11 released from incarceration, protesters recalled treatment on prison, Labi ng isa sa Baras 5, binigay na sa pamilya matapos hinostage ng 3 linggo)
Inihayag ni Maranan na ang mga naaresto ay pawang mga mangingisda at wala rin umanong kaugnayan sa kahit na anong progresibong grupo na maaaring ginagamit ng kapulisan upang sila ay igiit.
Dagdag pa rito ang inilabas ni National Democratic Front of the Philippines (NDFP) chief political consultant Jose Maria Sison at pinakita ng Kodao Productions noong 2018 na mapa ng mga lugar sa Pilipinas kung saan matatagpuan ang presensya ng NPA.
Ayon kay Sison, ang mapa ay mula sa Philippine Revolution Web Collective at NDFP kung saan sa loob ng 81 na probinsya sa Pilipinas ay hindi bababa sa 73 dito ang may presensya ng NPA.
Ang mga lugar na hindi lang umano kabilang sa mga ito ay Batanes, Bataan, Biliran, Cebu, Marinduque, Siquijor, Guimaras, Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), at maging Romblon. Taliwas sa akusasyon ng kapulisan sa mga mangingisda sa Romblon na may kaugnayan ang mga ito sa armadong rebolusyonaryong grupo na NPA.
Nananawagan ang Defend Southern Tagalog na ibasura ang patong-patong na kaso laban sa mga inosenteng indibidwal at itigil ang paglabag sa mga karapatang pantao. Nanindigan sila na na ang mga karapatan sa pagdalaw ng mga pamilya ay dapat igalang sa lahat ng oras at tiyakin ang kanilang kaligtasan at kapakanan. [P]
0 comments on “Humanitarian team para sa mga bilanggo sa Romblon, hinaras ng kapulisan; mga kamag-anak, pinagbawalang bumisita”