News

Ibunyag ang mga itinago ng pasistang estado

Sa ilalim ng balabal ng “kaunlaran” at “kapayapaan”, mahilig magtago ang rehimeng Duterte ng maraming mga katotohanan.

Simulan natin sa national budget, kung saan pinanggagastusan ng pamahalaan ang mga huwad at hindi nakatutulong na programa kontra-insurhensya. Habang libo-libong tao at mga tagabigay ng serbisyong panlipunan ang nangagailangan ng pondo, nagpasya ang Kongreso at si Duterte na i-apruba ang kwestyonableng P16.4-bilyong badyet para sa National Task Force to End Local Communist and Armed Conflict (NTF-ELCAC). Ayon sa pamahalaan, ang perang ito ay gagamitin bilang insentibo para sa mga barangay na “nagtagumpay sa pagsugpo” ng mga pwersa ng rebolusyon sa kanayunan.

Ngunit malinaw ang layunin ng estado, partikular ng mga teroristang militar, na gamitin ang pondong ito para sa korapsyon. Maalala noong Disyembre 2019 na minanipula ng militar ang isang imahe upang ipalabas na may grupo ng 306 rebelde ang sumuko sa mga awtoridad, ngunit halatang halata na gawa-gawa lamang ang imaheng iyon. Tinukoy ng alyansa ng mga pahayagan na College Editors Guild of the Philippines na ang motibasyon ng militar pag-imbento ng mga kaso ng pagsuko ay ang pagsasamantala ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), kung saan P65,000 ang binibigay ng pamahalaan sa mga “rebeldeng sumuko”.

Dagdag pa rito, mismong ang Commission on Audit (COA) ay hirap suriin ang intelligence funds na pinaggagastos ng gobyerno. 2021 na ngayon, ngunit nagpapatuloy pa rin ang audit para sa perang ito.

Tinatago rin ng rehimen ang kanilang mga makinarya ng pamamaslang. Ayon sa Karapatan, isang alyansang pinaglalaban ang karapatang pantao, humigi’t kumulang 30,000 katao na ang pinaslang sa ilalim ng giyera kontra-droga. Itong bilang ay labas pa sa mga kasong hindi kaugnay sa droga, katulad ng mga pagpatay ng mga magsasaka at pambansang minorya sa kanayunan, sa mga militanteng lider-unyon sa kalunsuran.

Nakatutok na ang mga mata ng International Criminal Court (ICC) sa mga kriminal na aksyon ng rehimen. Ang tugon ni Duterte? Hindi siya makikipag-tulungan sa imbestigasyon. Marahil ay takot siya harapin ang mga kahihinatnan na maaaring ipatupad ng ICC, o kung ‘di man iyon ang kaso, sadyang wala s’yang interes na bigyan ng kahit konting hustisya ang lahat ng naging biktima ng kanyang giyera kontra-droga.

Higit sa lahat, mahilig ang rehimen magtago ng mga progresibong tao. Ngayong araw ang ika-15 anibersaryo ng pagkawala nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno, mga lider-aktibista na dinakip noong panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) sa Hagonoy, Bulacan. Ayon sa saksing si Raymond Manalo, tinortyur nina Palparan at ng kanyang mga kasamahan ang dalawa, ngunit buhay pa rin sila. Inaasahan pa rin ng kanilang mga magulang, sina Nanay Linda Cadapan at Concepcion Empeno, na ililitaw ng mga pwersa ng estado ang kanilang mga anak.

Nangyari man ito noong panahon ni GMA, at kahit sinentensyahan na ang mamamatay-taong si Palparan, wala pa ring nakakaalam sa kinaroroonan nina Karen at Sherlyn. Hindi nakakagulat, lalo na’t kampante si Duterte sa pag-abuso sa karapatang pantao.

Ngayon, hindi na lang sina Sherlyn at Karen ang nawawala. Kamakailan lang ay dinukot ng pinagsanib-pwersang 202nd Infantry Brigade ng Philippine Army, ng Philippine National Police (PNP) Special Action Force (SAF), at ng Police Regional Office (PRO) 4A si Kemuel Ian “KI” Cometa, isang alumnus ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños at dating tagapag-ugnay ng Kabataan Party-list Southern Tagalog.

Si KI ay ang ikaapat na kaswalti sa reyd na isinagawa ng AFP-PNP sa Brgy. Macabling, Sta. Rosa, Laguna noong ika-21 ng Mayo. Sa tinaguriang “Sta. Rosa Massacre”, kinumpirma ng Karapatan Timog Katagalugan (TK) na pinatay ng pulis at militar ang tatlong kasamahan ni KI, samantalang siya naman ay dinukot at itinago. Lagpas isang buwan na ang lumipas, ngunit katulad nina Karen at Sherlyn, ay wala pa rin nakakaalam sa kinaroroonan niya.

Dahil sa madugong rekord ng estado, nag-aalala ang pamilya at mga kaibigan ni KI ang kanyang kasalukuyang kondisyon.

Subukan man ng estado itago ang maraming bagay, hindi nito maitatago ang tunay na kalagayan ng lipunan na araw-araw nararanasan ng mga ordinaryong mamamayan. Si Cometa bilang isang community organizer, sina Karen at She bilang mga aktibista, ay iilan sa mga taong tumutulong upang imulat at magbalikwas ang masa mula sa pambubusabos ng naghaharing-uri. Sila ay nawawala dahil sila ay banta sa pulitikal na kapangyarihan ng nang-aapi.

Habang nawawala sina Karen, She, at KI, hindi titigil ang kanilang mga pamilya at kaibigan upang hanapin sila. Sisingilin ng bayan ang rehimen para sa bawat oras na pinagkait nila sa kalayaan ng mga desaparecidos.
Ilitaw sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan! Ilitaw si KI Cometa! [P]

Photos from UNTV, Surface Ki Cometa Movement

1 comment on “Ibunyag ang mga itinago ng pasistang estado

  1. Pingback: Lean Alejandro: Honor in the line of fire – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: