Features

Byaheng Kalbaryo: Gaano na kalayo ang narating ng ating mga tsuper?

Mga salita ni Marl Ollave

“Napakahirap ng biyahe ngayon. Walang pasahero, talagang tatakbo ka ng walang laman.” Ito ang mga katagang binitawan ni Rolly Perez patungkol sa hirap na dinaranas ng mga tsuper bunsod ng pandemya.

Eksklusibong nakapanayam ng Perspective si Mang Rolly Perez, ang presidente ng samahan ng mga tsuper ng El Danda-Forestry-Junction Operators Drivers Assoc. Inc. (ELF-JODAI) na matatagpuan sa Los Baños, Laguna; isa siya sa mga tsuper na humina ang kita dahil sa kasalukuyang pangkalusugang krisis. Hindi pa man nangyayari ang krisis na kinakaharap natin ngayon, binabagtas na nila ang mga kalsada ng Laguna. 

Humigit isang taon na ang nakalipas nang magarahe at tila mabalahaw ang mga manggagawa sa sektor ng transportasyon. Ang dati nang hindi sapat na kita’y pinalala pa nang kawalan ng pasahero dulot ng pisikal na limitasyon sa ating mga pampublikong transportasyon.

Isang taong diperensya, ngunit iisang hinaing pa rin ang pilit na sinisigaw ng mga tsuper, ang makabalik sa kalsada upang makapag hanapbuhay at maibsan ang pang araw-araw nilang kalbaryo. (Basahin: Garaged

Lubak na daan 

Bago mangyari ang krisis, tinatahak na ni Mang Rolly at ng kanyang dyip ang kahabaan ng Calamba hanggang sa kampus ng UP Los Baños. Kumikita siya ng P500 kada araw. Ngunit bumaba ang kita sa pasada nang lumaganap ang COVID-19; ang dating limandaang pisong naiuuwi sa pamilya ay naging P100 na lamang. 

“Sa akin kasi, mahirap para doon sa mga miyembro mo na nakikita mo na walang biyahe.” wika ni Mang Rolly.

Ayon kay Mang Rolly, napakahirap para sa kanya bilang presidente ng kanilang asosasyon na makitang naghihirap ang kanyang mga kabaro. Dagdag pa niya, sa 147 na tsuper, walo lamang ang pinapayagang bumiyahe. 50 sa 147 na mga indibidwal na ito ay mga senior citizen na umaasa lamang sa kanilang kinikita sa pamamasada.

Sa datos lamang mula sa Metro Manila, halos 98% ng mga jeepney ang tumigil sa operasyon noong mga unang buwan ng pandemya; ito ay humigit kumulang 70,000 tsuper na umaasa sa kanilang pang araw-araw na pasada. Hindi pa kasama dito ang mga tsuper mula sa probinsya gaya ng Los Baños. 

“Hindi talaga kami nakaka-boundary,” aniya. Sa kabila ng pagpayag sa iilan, tila lugi pa ang mga ito dahil sa gastos sa gasolina. Hindi sapat ang 100 pisong kita upang paandarin nang matagal ang isang dyip. 

Sa hirap ng sitwasyon ng mga tsuper sa El Danda, nagsusulat na sila ng mga liham upang makatanggap ng tulong at ayuda. Samu’t-saring mga progresibong organisasyon naman ang bukas sa pagtulong gaya ng Anakbayan, Samahan ng Kabataan para sa Bayan (SAKBAYAN), at Bayan Muna.

Bunsod ng mga lokal na inesyatiba ng iba’t-ibang organisasyon at samahan, nakatanggap na rin sina Mang Rolly ng ayuda. Noong Hunyo 3, 2020 ay pinasinayaan ng Serve the People Brigade Task Force Community Unit Response (STPB TF CURE), isang relief organization na nakabase sa UP Los Baños, ang isang donation drive na naglalayong tulungan ang mga nabakanteng tsuper sa pamamagitan ng pamimigay ng relief packs; ito ay pinangalanang “Drive for Elbi Drivers.” Dumagsa rin ang tulong mula sa iba pang mga asosasyon gaya ng mga nagtulong-tulong na mga alumni ng Philippine Science High School System (PSHS) na naglunsad naman ng programang ‘TAHAKin 19: Tulong at Ayuda para sa HAri ng Kalsada’, para sa mga naghihikahos na drayber.

Banta ng modernisasyon 

“Hanggang ngayon, napakalaking dagok pa rin ng modernisasyon sa hanay ng transport.” pahayag ni Mang Rolly.

Humina ang hanay ng transportasyon dahil sa mga limitasyon tulad ng pagsasara ng mga rota. Bukod sa hirap na dulot ng pandemya, isang malaking banta pa rin ang modernisasyon at ang napipintong pag-phaseout sa mga lumang modelo ng dyip. (Basahin: ‘Sa bawas-tao, bawas ang kita’: Mga tsuper ng UP College, hirap dahil sa kawalan ng pasahero

Dagdag pa niya, ang modernisasyon ay magmimistulang kooperatiba na kukunan lamang sila ng pera. Tila ba ito’y magiging negosyo dahil sa mga gastos na kailangan nilang punan gaya ng mga loan at iba pang singilin. 

Sa pahayag ng ELF-JODAI, noon pa man ay hindi na sila sang-ayon sa panukala ng modernisasyon ng mga PUV, dahil imbis na makaahon sila sa kanilang mga bayarin, ito mismo ang lulubog sa kanila sa utang. 

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), magtatayo ng isang loan program na maglalaan ng P1.5 bilyon upang tustusan ang mga pangangailangan ng mga jeepney driver sa nalalapit na modernisasyon. Ngunit tutol pa rin ang mga kagaya ni Mang Rolly dahil pinupwersa nito sa mga tsuper ang isang sistemang sila rin ang maaagrabyado sa huli.

“Walang mangyayari sa modernisasyon, iilan lang ang kikita diyan.” dagdag pa ni Mang Rolly.

Taliwas ang modernisasyon sa minumungkahi nila Mang Rolly na “Public Utility Vehicle Modernization,” na kung saan gagamitin na lamang ang pondo para sa pagsasaayos ng mga parte ng dyip at sa pagpapaganda nito dahil hindi tiyak ang kalidad ng mga gagamiting materyales sa bagong bihis ng dyip. 

Ayon sa nakaraang panayam ng Perspective sa grupo nila Mang Rolly, “Sa nipis ng lapat non, sa nipis ng paggawa. Inayos lang yon, maganda tingnan kasi bago, bagong pintura. Sa tingin namin hindi rin tatagal ang ganung klaseng sasakyan.” wika nila. Bilang naging pangalawang tahanan na nila ang kalsada sa nagdaang mga taon, gamay na ng mga tsuper ang tamang kalidad ng materyales na nararapat para rito. 

Nangangamba ang mga miyembro ng ELF-JODAI dahil sa modernisasyon at phaseout na magdudulot ng kawalan nila ng pangunahing pinagkukunan ng hanapbuhay. “Daang-libo ang mawawalan ng trabaho sa modernisasyon.” Ang kawalan nila ng trabaho’y magbubunsod ng mga pinansyal na balakid; karagdagang hirap sa kanilang antas ng pamumuhay. Libo-libong  mga pamilya ang umaasa sa kinikita ng mga nagrorotondang tsuper. Gaya na lamang ni Mang Rolly na dahil sa pamamasada’y napagtapos niya ang kanyang dalawang anak.

Maganda man sa paningin ng karamihan ang “modern jeep” ngunit hindi ito makamasa ayon sa ibang mga tsuper. Kung sa mga ordinaryong dyip ay maaaring magsakay ng mga pagkain na masasangsang na amoy gaya ng karne, isda, atbp, mukhang hindi papaburan ng modernong dyip ang mga ordinaryong Pilipino na namamalengke dahil sa likas na anyo nito. Ayon sa DOTr, bukod sa mayroong libreng internet ay magkakaroon din ito ng maayos na air-conditioning. Ito ang nakikitang problema ng mga kagaya ni Mang Rolly na minsa’y naging pasahero rin. 

Salungat sa mga probisyon na ang PUV modernization ay para sa mga mahihirap, ang air-conditioning ay maaaring magdulot ng pagkalat nang masangsang na amoy. Nakikita ng mga tsuper na hindi pasasakayin ang mga ordinaryong namamalengke na may bitbit na karne at isda na kadalasa’y malansa. 

Tinig ng busina 

Nakikiisa ang UPLB Perspective sa panawagang sapat na ayuda pati na rin na ang lahat ng mga tsuper ay makabalik sa pasada.

Ang mga tulad ni Mang Rolly ay nasa edad na kailangan ng proteksyon dahil sila ay nakikipagsapalaran rin sa maraming tao kahit tayo’y nasa gitna ng pangkalusugang krisis. Noong una’y duda pa ang samahan sa pagbabakuna dahil sa paniniwalang may bayad ito, ngunit handa naman silang magpabakuna kung kinakailangan talaga kahit na dagdag pa ito sa kanilang gastos. Handa naman magpabakuna ang mga tsuper dahil ito ay makakatulong upang bigyan sila ng proteksyon laban sa banta ng COVID-19. 

Nararapat bigyan ng prayoridad ang hanay ng pampublikong transportasyon sa pagbabakuna dahil ang kalusugan nila ay nasa bingit din ng panganib; mga peligrong posible nilang makuha dahil sa patuloy na pagsisilbi sa mga mamamayan.

Sa listahan ng Department of Health (DOH) tungkol sa vaccine guidelines, kasama sa A4 Category ang mga tsuper dahil kabilang sila sa mga commuter transport (land, air, and sea).  

“Tiis pa tayo, matatapos din.” wika ni Mang Rolly sa kanyang mga kasamahan, sa kabila ng matinding pagdurusa. Bilang mga bayani ng ating kalsada, hindi kailanman sila dapat pagtiisin sa hirap dahil sila ang tulay ng mga Pilipino upang makapunta sa kanilang mga patutunguhan. (Basahin: Limited public transport holds back PH economy from full recovery

Ang pagsasantabi sa hinaing ng mga tsuper ay nangangahulugan din nang pagbabalewala sa masang Pilipino. Karamihan sa mga Pilipino ay umaasa sa pampublikong transportasyon. 

Gaya na lamang ng pasakit na dinanas ng maraming Pilipino noong mga unang buwan ng pandemya. Noong Hunyo 1, 2020, napilitan ang daan-daang mamamayan na maglakad o maghanap ng alternatibong paraan upang makauwi sa kanilang mga tahanan. Ayon sa PISTON, isang samahan ng mga miyembro ng pampublikong transportasyon, ang krisis na kinakaharap ng mga ito sa pandemya, dagdag pa ng mga pasakit na polisiya ng gobyerno ay mas lalong nagpapahirap sa kanila.

Sa nagdaang isang taon ay mistulang nakatirik pa rin sa putik ng pandemya ang mga sasakyan ng mga tsuper; sasakyan na kanilang pag-asa upang mabuhay nang disente.

Nararapat lamang na singilin natin ang gobyerno para sa sapat na tulong pinansyal. Kalampagin natin ang Kagawaran ng Transportasyon na magplano, bumuo, at magpatupad ng mga polisiya na naggagarantiya ng ligtas na balik pasada na nangangalaga sa kapakanan hindi lamang ng mga tsuper, kundi pati na rin sa kaligtasan ng mga pasaherong mamamayan.  

Isang taon na ang nakalipas pero tila’y bingi pa rin ang mga nakaupo sa pwesto sa busina ng mga manggagawang nais nang bumalik sa kalsada upang mabuhay ang kanilang mga pamilya. Panahon na upang tanggalin ang preno, at paarangkadahin na ang mga aksyon na nararapat tugunan ng kasalukuyang administrasyon. [P]

Paglalapat ni Patrick Josh Atayde

0 comments on “Byaheng Kalbaryo: Gaano na kalayo ang narating ng ating mga tsuper?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: