News

PNP: Panira ng Pride, Puro na lang Pagnanakaw

Bilang paggunita sa Pride Month, nagdaos ng programa ngayong araw, ika-28 ng Hunyo, 2021, ang iba’t ibang organisasyon at mga indibidwal ng Timog Katagalugan upang mapalakas ang kanilang mga panawagan para sa pagpapalaya ng LGBTQIA+ community at ng iba’t ibang mga sektor mula sa mapang-aping sistema.

Ngunit bago pa man masimulan ang nasabing programa, hinarang ng mga opisyales ng Brgy. Batong Malake, University Police Force (UPF), at ng Philippine National Police (PNP) Los Baños ang mga dumalo. Maliban pa rito, pinasok ng sasakyan ng PNP ang kampus. Ito ay isang malinaw na paglabag sa UP-DND agreement, na ipinagbabawal ang presensya ng kapulisan at mga militar sa loob ng kampus nang walang paalam sa administrasyon. Ito ay upang maprotektahan ang academic freedom nga mga mag-aaral at propesor ng institusyon.

Bago tuluyang payagan ang delegasyon na makapasok sa kampus, isang pulis na naka-pangsibilyan sakay ang rumorondang sasakyan ng PNP Los Baños, na may plakang AO P625, ang nagtangkang hablutin ang kamera ng aming photojournalist na si DY Sanchez. Ngunit katulad ng kanilang pagtatangkang pigilan ang programa, siya ay nabigo.

Kinukundena sa pinakamataas na antas ng UPLB Perspective ang pagtatangkang ito ng pulisya — isang institusyong may mahabang kasaysayan ng harassment, pagpatay, at panunupil sa mga batayang karapatang pantao — na busalan ang aming kritikal at militanteng pamamahayag laban sa mga abusadong makapangyarihang indibidwal at institusyon. Isa itong desperadong atake mula sa PNP upang hindi masiwalat ang kanilang kasahulan at ilegal na presensya sa kampus.

Hindi lamang ito ang pagkakataon na may pulis na nang-haras sa aming mga peryodista. Maaalala noong ika-30 ng Hunyo, 2020, isang pulis din ang tinangka ring hablutin ang kamera ng aming photojournalist na si James Jericho Bajar sa isang mobilisasyon sa Crossing, Calamba hinggil sa ngayo’y isinabatas na Anti-Terror Law.

Bilang mga miyembro ng midyang pang-kampus, ang pagtataguyod sa aming karapatan at seguridad bilang mga mamamahayag ang dapat inaatupag ng PNP LB. Pero sa halip na pagbibigay ng proteksyon, inilagay sa alanganin ng pulisya ang seguridad at karapatan ng aming photojournalist at ng mga indibidwal na dumalo sa nasabing protesta.

Walang lugar ang pasistang kapulisan sa Pride!

Ipagpapatuloy ng masa ang militanteng kasaysayan ng Stonewall, kung kailan ipinaglaban ng LGBTQIA+ ang kanilang mga karapatan habang mismong mga pulis ay inaabuso ang mga miyembro ng komunidad. Walang karapatan ang PNP na hablutin ang kamera ng aming photojournalist, na ginagawa lamang ang trabaho niya na magpahayag at kumilatis ng mga nangyayari sa lipunan.

Mabuti pa na ginagawa ng midya nang maayos ang trabaho nila. Ang PNP, anti-estudyante, anti-peryodista, anti-LGBTQIA+, at magnanakaw pa. Kailan kaya nila tunay na ipagtatanggol at paglilingkuran ang sambayanan? [P]

Kuha ni DY Sanchez
Disenyo ni Dayniele Loren

3 comments on “PNP: Panira ng Pride, Puro na lang Pagnanakaw

  1. Pingback: LB police try and fail to halt ST pride, also fails to snatch [P] camera – UPLB Perspective

  2. Pingback: LB police try and fail to halt ST pride, also fail to snatch [P] camera – UPLB Perspective

  3. Pingback: Beyond claiming queer spaces: Why pride remains a key for genuine emancipation – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: