Culture

Victims of ‘Love’: Kung paano nananamantala ng buhay ang bulok na ‘pagmamahal’ ng administrasyon

Mga salita ni Shane Rachel del Rosario

Anila, love makes the world go ’round. Totoo nga ito — dahil sa Pilipinas, ginagamit ng mga pulitiko ang animo’y ‘pagmamahal’ kuno upang paikutin at pagsamantalahan ang mga mamamayan para sa kanilang pansariling interes.

Upang maisakatuparan ito, minamanipula ng administrasyon ang mga Pilipino gamit ang konsepto ng Gaslighting, isang uri ng psychological abuse kung saan ang isang indibidwal ay “nagtatangka na bigyan ng kontrol ang mga damdamin, saloobin at gawain ng iba pa.” Unang ginamit sa isang 1938 play na pinamagatang Gaslight, nakasalalay ito sa pagkukumbinsi sa biktima na ang konsepto niya ng katotohanan ay mali, kung kaya’y unti-unti na siyang nawawala sa katinuan (Dorpat, 1996). 

Gamit ito, mapapaniwala ng mga pulitiko na ginagawa lang nila ang lahat dahil sa kanilang pagmamahal sa bayan. Inaabuso rin nila ang konsepto ng utang na loob tuwing nangangampanya. Harap-harapan nilang pinagsasamantalahan ang mga mamamayan habang ipinakikita ang kanila umanong mga ‘love languages’. 

Quality Time

Sa bisa ng Bayanihan To Heal As One Act, tuwing Lunes ay trabaho ng pangulong magpasa at ihayag ang kanyang weekly report hinggil sa mga aksyon ng gobyerno laban sa pandemya. Dahil sa ipinataw na special powers kay Duterte, naglaan ng oras ang mga netizens habang umaasang makaririnig sila ng konkretong plano na siyang tutugon sa krisis na kinahaharap sa kasalukuyan. 

Ngunit napaasa at napaghintay na naman si Juan sa wala. Noong Marso 30, 2020, ang dapat na 4:00 pm pre-recorded address ni Duterte ay napanood na dakong alas onse ng gabi. Buhat ng pagkadismaya ng mga mamamayan, nag-trending ang #DuterteStandardTime. Hindi na rin kasi ito ang unang beses na sinayang niya ang oras ng mga Pilipino. Nariyan pa ang kanyang Marso 20, 2020 address na ipinalabas na dakong ala-una nang madaling araw at ang kanyang 2019 State of the Nation Address na nakaranas ng 1-hour delay. 

Words of Affirmation

Tuwing nagsasalita ang pangulo, hindi mawawala ang kanyang mga pahayag kung saan nababanaag ang kanyang mababang pagtingin sa mga kababaihan. Bagamat tinataguriang ‘Ama ng Bansa’ dahil sa kanyang trabaho, siya pa mismo ang animo’y pasimuno ng mga pag-atake at sekswal na pambabastos sa naturan. 

Isa sa mga biktima nito ay si Vice President Leni Robredo na kamakailan lang ay pinuna niya at sinabihang kailanma’y hindi umano ito magiging kwalipikado sa posisyon ng pagka-presidente matapos itong umaksyon at rumesponde noong kasagsagan ng Typhoon Rolly at Ulysses. Tinawag niya rin itong ‘sinungaling’ matapos umano nitong hanapin at palabasin na wala siyang ginagawa para sa mga naapektuhan ng naturang sakuna. Kalaunan, nilinaw at napag-alamang hindi naglabas ng anumang komento si Robredo hinggil sa pangulo. 

Bukod pa rito, kaugnay ng mga usap-usapan hinggil sa kandidatura ni Davao City Mayor Sara Duterte para sa 2022, sinabi ni Duterte na hindi umano nababagay sa mga kababaihan ang pagkapangulo. Habang itinatago ang naturang opinyon sa imahen ng isang ama na gusto lang protektahan ang kanyang anak, malinaw niyang ikinakahon at sinasakal ang mga kababaihan sa mga idiniktang dapat na kalagyan ng naturan sa isang lipunang pinaiikot ng kaisipang 

macho-pyudal at patriyarkal. 

Habang nagaganap din ang post-Typhoon Ulysses briefing noong Nobyembre 15, 2020, naisingit pa ni Duterte at ng ilang mga politiko ang kanilang mga sex jokes. Malinaw nilang ipinakikita ang kanilang malabnaw na pananaw sa mga kababaihan bilang mga pagmamay-ari at batayan ng kakisigan ng isang lalaki. Nariyan ang word play na ‘undersexed’ at ang kumento ni Duterte na women-deprived umano ang isang opisyales sa Camarines Norte. 

Sa kabila ng mga ito, patuloy na nagmimistulang mga tuta ang kanyang mga opisyales na nagsabing paraan lang ito ni Duterte upang makatakas sa stress dulot ng sunod-sunod na sakunang nararanasan ng bansa. Ani Presidential Spokesperson Harry Roque, balewalain at hayaan na lang raw ang naturang mga kumento, na para bang hindi dapat seryosohin ang anumang mga salita at opinyon na lumalabas sa bibig ng pangulo. 

Patuloy ring sinusubukang pagsamantalahan at manipulahin ng mga opisyales ang mga Pilipino sa pamamagitan ng mga salitang naglalayong magbigay-puri at pataasin kuno ang self-esteem ng huli. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang gasgas na ‘Filipino Resiliency’ at ang pag-romanticize ng kamatayan ng mga healthcare frontliners dulot ng COVID-19. Marso 2020 nang nagpahayag si Duterte na ‘swerte’ umano kung maituturing ang mga ito dahil binawian sila ng buhay habang tumutulong sa kapwa. Pinilit rin ni Duterte na patahimikin ang mga medical frontliners matapos itong magpahayag ng ‘timeout’ at maglabas ng petisyon at mga suhestyon hinggil sa pagtugon sa pandemya noong Agosto 2020. Aniya, hindi umano dapat magtawag at mag-organisa ng rebolusyon ang mga ito dahil ginagawa ng administrasyon ang abot nitong makakaya. 

Upang maitago ang totoong problema sa likod ng naturang mga sitwasyon, pinaiiral ng gobyerno ang anila’y ‘pagmamahal sa bayan’ na nababanaag lang sa salita at kulang na kulang sa gawa. 

Physical Touch

Kilala ang administrasyon sa animo’y kamay na bakal, o, ani ng ibang mga kasapi nito, ‘tough love’. Kitang-kita ito, dahil sa tuwing niyayakap at kinakalinga kuno nito ang mga mamamayan, laging dumadanak ang dugo. 

Ayon sa Global Witness noong 2019, ang Pilipinas ang ‘deadliest country for land and environmental defenders’ sa Asya. Tinatayang nasa 43 na mga aktibista umano ang pinatay sa bansa, kung saan karamihan ay nasa Mindanao at Negros. 

Ginawa pang oportunidad ang panahon ng krisis upang mas lalong maghasik ng lagim ang mga halang ang bituka. Sa huling tala ng #RealNumbersPH noong unang apat na buwan ng lockdown sa bansa, tinatayang nasa 39 ang monthly average ng ‘drug war’ killings bawat buwan. Mas mataas ito nang 50 porsyento sa naunang tala na 26, mula Disyembre hanggang Marso 2020.  

Noong Marso 7, ay siyamang naitalang patay habang anim na indibidwal ang naaresto sa Bloody Sunday sa Southern Tagalog. Kabilang rito ang ilang mga labor organizer at lider-aktibista sa naturang rehiyon gaya ni Manny Asuncion ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Cavite. Ito rin ay matapos ang utos ni Duterte na patayin umano ang mga rebeldeng komunista

Bukod pa rito, matatandaang December 30 noong nakaraang taon ay siyam na katutubong kasapi ng Panay-Tumandok ang napatay habang 17 ang ilegal na inaresto sa isang police at military operation sa Panay Island. Ayon sa mga awtoridad, ‘nanlaban’ umano ang mga nasawi. Kalaunan, napag-alamang sila pala’y mga recognized community leaders at mga sibilyan, hindi mga armadong kombatante.  

Patuloy pa ang pagkawala ng buhay. Habang isinusulat ang artikulong ito, tinatayang nasa 800,000 na ang bilang ng mga COVID cases sa bansa. Dahil rin sa kapalpakan at kawalan ng konkretong plano ng administrasyon, maituturing na record-high ang pagtaas ng mga kaso.  Pahirapan na kung makahanap ng ospital na tatanggap sa mga pasyente. Sa kasamaang palad, ang iba sa kanila’y binawian ng buhay, walang nagawa kung hindi tanggapin ang katotohanang ito na ang magiging hangganan nila —- mga biktima ng sistema at ng gobyernong pabaya na bandang huli’y ibinubunton ang sisi sa pagiging pasaway kuno nila. 

Gifts

Upang mapagtakpan at mapaamo ang mga mamamayan, sinubukang idaan ng administrasyon sa isang bagay na anila’y, kaya ring paikutin ang mundo —- ang salapi. 

Dahil sa krisis dulot ng pandemya, noong Enero 2021 ay pumalo na ang bilang ng mga unemployed sa bansa sa apat na milyon. Mas mataas ito sa bilang noong Oktubre 2020 na 3.8 milyon. Bunsod nito at ng muling pagsasailalim ng ilang mga bahagi ng bansa sa Enhanced Community Quarantine, muling nagpamagi ng ayuda na nagbibigay magbahagi ng P1,000 hanggang P4,000 na cash subsidy sa mga tinaguriang low-income families. 

Labis ang pasasalamat nila kay Duterte at sa administrasyon buhat rin ng mga nauna pang pagpapamahagi ng ayuda. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman, minanipula sila at sinuhulan, upang mapagtakpan ang mga problemang kung agaran lang ang naging aksyon ng gobyerno sa pandemya, hindi sana nila nararanasan ito sa kasalukuyan. Napilitan ang mga mamamayan na magbanggaan at mag-agawan sa kakarampot lamang kung tutuusin na bilang ng pera, matustusan lamang ang mga pamilya. Patuloy ang naging paglason hanggang sa makalimutan ng mga mamamayang hindi ito galing sa bulsa ng naturang lider, kundi sa kaban mismo ng bayan. 

Matatatandaang 2019 din nang ipagtanggol ni Duterte ang pagtataaas sa sweldo ng mga nasa militar. At bagamat isang krisis pangkalusugan ang COVID-19, mas pinili ng administrasyon na ilabas at pagdiinan ang disiplina ng mga mamamayan bilang dahilan ng patuloy na pagkalat nito. Sa isang pahayag noong Marso 24, iginiit rin niyang hindi umano kailangang mga doktor ang mangunguna sa pagtugon sa pandemya. Giit niya, maihahalintulad niya raw kasi ito sa mga ‘business transaction’ at hindi isang isyu na kailangan ng ‘medical science’

Sa kabilang banda, para sa mga nasa larangan ng medisina o mga maituturing na frontliners, higit pa sa mga pasasalamat, palakpak, paghanga, at papuri ang kailangan nila. Imbes na sa larangan ng medisina ilaan ang pondo para sa taong 2021, mas pinagtuunan ng pasin ng administrasyon ang programang Build, Build, Build. Naglaan rin ng P695.7 bilyon ang gobyerno sa Department of Public Works and Highways habang ang Department of Health ay mayroong P210.2 bilyon. 

Sa kabila ng pahayag na sapat umano ang pondo para sa mga bakuna laban COVID-19, sinabi ni Duterte na wala pa umanong nabibili ang gobyerno. Lahat kasi ng mga ito ay galing sa mga donasyon. Ang pinangako ring bagong dating ng mga bakuna noong ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. noong Marso 29 ay naantala muli dahil prayoridad ng mga bansang gumagawa nito na mabigyan ang sarili nilang mga mamamayan. 

Ngunit hindi lang ito, ang unang pagkakataon ng mga delay na kinaharap ng mga COVID-19 vaccines. Noong Pebrero ay mas nauna pa ang Bangladesh, isa ring developing country,  na magsimula ng kanilang mass inoculation. Ito ay matapos magkaroon ng problema sa indemnity agreement sa pagitan ng COVAX at ng Pilipinas. 

Pinakita rin ng mga politiko at mga kasapi ng gobyerno ang kanilang pagkaganid at buwaya sa bakuna. Noong Disyembre 2020 ay kauna-unahang nabakunahan ang mga miyembro ng presidential security group. Giit ni AFP Spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo, nararapat lang umano ito dahil kailangan nilang protektahan ang presidente. Mayroon ring mga lokal na opisyal na nakipag-unahan pa sa mga medical frontliners. Ilan sa kanila ay sina Mayor Alfred Romualdez at Mayor Dibu Tuan na kamakailan lang ay pinatatawag ni Duterte at pinagpapaliwanag. 

Acts of Service 

Kakambal rin ng pagkitil ng buhay ay ang pagpapatahimik sa sinumang pinipiling pumalag sa mga inhustisya at pagiging opresibo ng naturang mga lider. Biktima ang mga nasawi ng red tagging at mga akusasyon na kasapi umano sila ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army. Mas lalong nanganganib ang kanilang mga buhay matapos maisabatas ang kontrobersyal na Anti-terrorism law. 

Bukod pa rito, itinatago ni Duterte sa imahen ng isang mapagkalinga at striktong ama ang ‘pagdisiplina’ kuno at pananamantala sa mga estudyante at mga katutubo partikular na ang mga Lumad. Taong 2017 nang magsalita at akusahan niya ang mga paaralang Lumad na pawang pagrerebelde umano ang itinuturo. Pinagbantaan niya ring bombahin ang mga ito. Ayon sa Save Our Schools Network, tinatayang nasa 176 eskuwelahan na ang napasara ng gobyerno. 

Hindi lang dito natatapos ang tangkang pagpapatahimik. Maging ang santuwaryo ng mga Lumad ay pinasok at binulabog ng mga pulis. Noong Pebrero 15 ay nagkaroon ng raid sa University of San Carlos sa Cebu kung saan inaresto ang 26 estudyante, katutubong lider, at guro. Giit ng mga pulis, isa raw itong ‘rescue operation’ bagamat tahasang pinasama ang mga menor de edad nang walang impormasyong binibigay kay USC President Fr. Narciso A. Cellan. 

Ito rin ang argumento hinggil sa pagbasura ng Department of National Defense sa UP-DND accord. Anila, nararapat lang raw na pasukin ang UP ng mga pulis dahil ‘pugad’ umano ito ng mga komunista. Sa kabila ng mga testamento ng mga dating at kasalukuyang estudyante, malinaw na ipinakikita ng gobyerno ang takot nito sa mga kabataang nakikibaka laban sa maling pamamalakad ng mga administrasyon at isinusulong ang mga panawagan ng masang-api.

Matapos rin ang bagyong Ulysses, ginawang palusot ni Duterte ang hindi umano pagpayag ng mga sundalo na ‘makilangoy’ siya sa mga biktima ng baha. Ayon pa kay Harry Roque, hindi raw dapat tanungin kung nasaan ang pangulo habang nangyayari ang naturang sakuna dahil patuloy raw ang pagmomonitor nito.

Sa usapin ng COVID-19, patuloy na ipinapasa ng gobyerno sa mga tao ang sisi. Sa kabila ng bakuna na inakalang magiging hudyat ng pagbangon laban sa kinahaharap na pandemya, tila umuulit na lang ang kinaharap mula noong nakaraang taon. Nakasailalim na muli sa Enhanced Community Quarantine ang ilang mga bahagi ng bansa na tinaguriang ‘NCR plus’. Pinalawig ito hanggang Abril 11, bilang tugon umano sa tumataas na kaso ng mga apektado ng naturang virus. Wala pa ring nagbabago, walang konkretong plano habang napipilitang pumili ang mga mamamayan kung ano nga ba ang dapat na unahin —- ang virus, o ang kumakalam na sikmura.

Hindi rin maikakailang mas inuuna pa ng gobyerno ang liderato. Marso 21 nang mamataan ang ilang mga tarpaulin hinggil sa kampanyang ‘Run, Sara, Run’ sa Los Banos. Napag-alaman ring napupusuan ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagka-presidente. Bagamat tinanggi ng dalawa ito, hindi maikakailang dito rin nagsimula ang pagtakbo ni Go bilang senador, at ang ama ni Sara sa pagkapresidente. 

Huwad na Pagmamahal at ang Masa bilang Mesiyas 


Malinaw na huwad ang pagmamahal ng gobyerno sa bayan at masa. Sa nagagawa nitong paulit-ulit na pagpapatahimik at pagkitil ng buhay ng sinumang unti-unting nakakikita ng tunay nilang intensyon at imahen, ang tunay na gusto lang protektahan ng administrasyon ay ang kanilang posisyon at mga sarili. Patuloy nilang ikinakahon ang mga mamamayan at pinagkakaitan ng katotohanan, habang unti-unti nitong makalimutang ang tunay na kapangyarihan ay nasa mga tao mismong lumuklok sa kanila, hindi sa mga nakaupo at may posisyon na mismo sa gobyerno. 

Ang usapin hinggil sa tunay na kalaban ng estado ay muling umuusbong. Sino nga ba ang dapat na ituring na terorista? Ang buwayang nasa posisyon ngunit mapanamantala at walang ibang prayoridad kundi ang kumitil ng buhay at patahimikin ang sinumang magtatangkang magsalita laban rito o ang mga mamamayang tumitindig matapos unti-unting madiskubre ang katotohanan sa likod ng ‘kamay na bakal’ umanong pag-ibig?  

Lahat tayo, kung maituturing, ay biktima lang. Hindi natin dapat na sukuan ang mga kasama nating malinaw na nabulag lang sa gawi ng mga naghaharing-uri upang tayo ay mahati sa iba’t ibang mga ‘kulay’ at paniniwala. Huwag sana natin silang sukuan na maisali sa diskurso dahil sa huli, higit pa ring mananaig at kinakailangan sa kasalukuyan ang kolektibong boses at militanteng aksyon ng masa. 

Pagmamahal na Mapagpalaya

Sa pelikula at play na Gaslight, nagapi lang ng karakter ang kanyang mapanamantalang asawa nang magkaroon siya ng lakas ng loob na lumabas ng bahay at mas makita ang katotohanan ng mundo. Kaya rin natin ito, dahil hindi tayo kailanman dapat na ikahon at ikulong. Ayon nga kay Ditto Sarmiento, dating editor-in-chief ng Philippine Collegian at estudyante ng UP, “Kung di tayo kikibo, sinong kikibo? Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa?” 

Tayo ang may hawak ng kahihinatnan ng bansa, hindi silang mga opresibong lider. Tumindig tayo at panagutin ang mga pasistang walang ibang ginawa kundi ang hatiin ang bayan at sisihin ang masa para sa mga bagay na sila naman ang tunay na may kasalanan. Hindi kailanman magiging lengguwahe ng pagmamahal ang mga ipinakita ng gobyerno dahil ang tunay na pagmamahal ay mapagpalaya. [P] 

Dibuho ni Ralph Caneos

0 comments on “Victims of ‘Love’: Kung paano nananamantala ng buhay ang bulok na ‘pagmamahal’ ng administrasyon

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: