Mga salita ni Vince Villanueva
Itanggi man natin o sa hindi, malaking parte ng ating kasalukuyang talino ay buhat ng mga nabasa nating children’s books o comic books na kinapulutan natin ng mga gintong aral. Ilan lamang iyan sa mga librong pwedeng matagpuan sa mga silid-aklatan o library sa ating lokal na komunidad o sa paaralan.
Ngayong panahon ng pandemya, inorganisa ang mga community pantries sa bansa na naglalayong maghandog ng libreng pagkain. Samu’t sari ring pagkilos ang umusbong tulad ng community pantries para sa mga komunidad pati na rin sa mga alagang hayop, at ngayon, tanyag ang tinatawag na community libraries para makapagbigay ng karunungang pangliterasiya na bukas para sa lahat.
Sa pangunguna ng UP Internet Freedom Network, naisakatuparan ang isang open discussion na pinamagatang “Community Libraries and Other Possibilities” na dinaluhan ng mga iba’t ibang mag-aaral at mga tagapagsalita na nagtayo ng iba’t ibang community libraries para sa kanilang komunidad. Layunin nilang ipagpatuloy ang pagtuturo at pagpasa ng karunungan sa kabataan, sa gitna man ng pandemya.
Alfredo F. Tadiar Library Council, Inc: Serbisyong publiko
Ang Tadiar Library ay matatagpuan sa San Fernando, La Union na nirepresenta ni Ms. Thea Tadiar, anak ni Ginoong Alfredo Tadiar, at isa na rin sa mga nangungunang aklatan sa hilagang bahagi ng bansa. Ang konsepto ng kanilang community library ay hindi na rin bago sapagkat matagal nang nagbibigay serbisyo sa publiko ang nasabing aklatan. Noon pa man, pinagdarausan na ang aklatan ng iba’t ibang cultural and arts events at nagbigay espasyo sa mga naghahanap ng kaligayahan at saya sa pagkatuto.
Ilan lamang sa mga matagumpay na serbisyong pampubliko ng aklatan ay ang pagbibigay donasyon ng mga libro, pagkakaroon ng Film Festival and Documentaries at mga writing workshop na bukas sa mga mag-aral at kabataan. Naging lugar din ang aklatan para sa mga kabataang may puso sa larangan ng sining. May bahagi sa Tadiar Library kung saan tinatampok nila ang iba’t ibang cultural activities at exhibits gaya ng ceramic art making, mural painting, photo exhibits, zine-making workshops, at marami pang iba.
Sa katunayan, kung may isa pang natatangi sa aklatang ito, iyon ay ang pagiging bukas nila sa pagtalakay ng mga isyung panlipunan. Nariyan ang pagdaraos ng Community Discussions na nilalahukan ng mga kabataan. Ngayong pandemya, patuloy pa rin ang pamamahagi ng aklatan ng mga libro, comics at coloring books sa mga kabataan, at patuloy na bumubuo ng paraan upang makapagsagawa ng mga seminar at aktibidad onlayn para sa komunidad.
Temporary UNRELEARNING (URL) Academy: Onlayn Shadow Library
Ayon kay Czar Kristoff, isa sa mga tagapamahala, ang Temporary URL Academy ay isang parallel art school na walang permanenteng mga tauhan at lugar. Layunin nilang matugunan ang pangangailangan ng komunidad sa konsepto ng tinatawag na “Online Shadow Library”. Sa konseptong ito, mas nagiging bukas ang library sa masa sa pamamagitan ng internet at pagkakaroon ng online website. Ang Academy ay nagtuturo na rin noong 2018 ng iba’t ibang workshop tulad ng photography at kung papaano gumawa ng self-publishing books.
Sa katunayan, dahil sa pagbawal ng face to face interaction, ang internet din ang patuloy nilang ginagamit upang makapagbigay karunungan. Naglalagak sila ng iba’t ibang uri ng libro sa isang Google Drive upang maging bukas sa mga kabataang naghahanap ng libro na maaaring makatulong sa kanila. Ilan sa mga makikitang libro ay ang Feminist Theory, mga cultural and literary books, Theories of Race and Racism at iba pa. Nabuo ang konseptong ito mula sa diskusyon ng grupo at sa mga inspirasyon tulad ng Bibliotecha na isa online library, at ang Artists, Architects and Activists Reading Group (AAARG) na isang online text repository na kasalukuyang may 50,000 na libro at teksto.
Safehouse Infoshop: Partisipasyong pampubliko
Samantala, tulad ng Tadiar Library, ang Safehouse Infoshop ay hindi na rin bago sa pagbibigay serbisyo sapagkat samu’t saring mga pampublikong proyekto ang kanilang isinagawa. Isa na rito ang proyektong “Food Not Bombs”, isang feeding program sa ilang lugar sa bansa tulad ng Baliwag, Bulacan at sa Dasmarinas, Cavite. Idagdag pa ang bago nilang proyekto na “Library Without Walls” at “Libre Lahat Market”. Nagkakaroon din sila ng iba’t ibang workshop patungkol sa mental health at organic information at nakikipag-ugnayan din sa iba’t ibang organisasyon at kilos-protesta.
Isa sa mga paunahing ginagawa ng Infoshop ay ang paggawa ng zines – na galing sa salitang magazines. Ang zines ay maliliit na magasin na madalas ay self-published ng mga artista’t manunulat. Madalas nakaprinta ang iba’t ibang imahe na tumatalakay sa mga isyung panlipunan at nagbibigay din ng mga solusyon sa kasalukuyang mga problema sa nayon. Ilan sa mga gawa nila ay walang espesipikong bayad at sa katunayan, ilan sa mga nilalagay nila sa kanilang booth tuwing February Fair ay ang katagang “Pay As You Love” kung saan maaari kang magbayad ng kahit anong halaga, maliit man o malaki. Gayundin, dahil sa pandemya, mas naging bukas ang Safehouse Infoshop sa kanilang social media at naglalabas ng digital na kopya ng kanilang mga pamagat.
Bukas na kaalaman laban sa opresyon at inhustisya
Sa katunayan, kung ang layunin ng community pantries ay para magbigay ng pagkain, ang community libraries naman ay naghahandog ng impormasyon at kaalaman. Dahil sa patuloy na paglaganap ng disinpormasyon at kawalan ng kakayahan ng mga ordinaryong mamamayan na malaman ang mga patuloy na pananamamantala at inhustisya sa bansa, ito ang mga pangunahing tinutugunan ng mga grupo upang magbuo ng community libraries. Makapa’t magbukas ng kaalaman sa mga simpleng mamamayan sa samu’t saring paraan.
Pinatutunayan ng iba’t ibang community library na hindi hadlang ang pandemya upang makapagbigay serbisyo at karunungan sa publiko. Nagsilbi rin ang kanya-kanyang aklatan upang mapalago ang kultura at sining ng mga kabataan, pagkakaroon ng sari-sariling adbokasiya, at magsilbing pag-asa para sa karamihan, lalo na sa kani-kanilang komunidad.
Sa puntong ito, ang mga community libraries ay nagpapakita ng iba’t ibang konsepto kung paano nila madadala sa publiko ang karunungan sa panahon ng pandemya. Ang kanilang mga hakbang para makatulong ay posibleng magbigay din ng inspirasyon sa mga iba pang aklatan sa bansa sapagkat sa huli, ang pusong totoong nagseserbisyo at handang magbigay ng pag-asa’t pagbabago ay hindi mahahadlangan panahon ng pandemya at pasismo. [P]
Litrato mula sa UP Internet Freedom Network
Disenyo ni Patrick Josh Atayde
0 comments on “Community Libraries: Karunungan para sa lahat”