Editorial Opinion

Estado ng nasyon: Kahirapan, kagutuman, kamatayan

Sa huling taon at SONA ni Duterte, tayo’y magbalik-tanaw sa tunay na legasiya ng kaniyang rehimen: ang kahirapan, kagutuman, kamatayan.

Ang noong mababa na na kalidad ng buhay ng masang Pilipino ay lalong bumagsak sa ilalim ng pamumuno ni Duterte. Noong Nobyembre ng nakaraang taon, 62% ng mga Pilipino ang nagsabi na bumaba ang kanilang kalidad ng buhay, ayon sa sarbey na inilabas ng Social Weather Stations (SWS). Hindi ito kasurpre-surpresa, lalo na’t hanggang ngayon, wala pa ring solusyon ang rehimeng Duterte sa paglulutas sa krisis pangkalusugan na nararanasan natin ngayon.

Higit na pinahihirapan tayo ng pandemyang COVID-19, ngunit padalus-dalos pa ang rehimen tungo sa pag-unlad ng ating sitwasyon. Sa lumalalang pandemya ay hindi pa rin iniimplementa nang maayos ang matagal nang ipinagpapanawagang mass testing, at sa halip ng magkaroon ng mabilis na pagbili at pagpapamahagi ng mga bakuna para abutin ang herd immunity, mas inuuna ng gobyerno ang mga pangmaiksiang solusyon tulad ng pagbubukas ng ekonomiya.

Kahit ilang beses pa nilang buksan ang mga pagawaan at iba pang lugar na pinagtratrabahuan, naranasan pa rin natin ang ilan sa mga pinakamalalang inflation rate, unemployment rate, at GDP growth rate sa kasaysayan ng Pilipinas. Noong Pebrero, naranasan natin ang sampal ng matataas na presyo ng gulay at karne na naging dahilan upang maabot ang 4.7% na inflation, ang pinakamataas sa dalawang taon na nakaraan.

Bagamat bumaba naman ng 0.8 percentage points ang unemployment rate, bumaba rin ang bilang ng mga sumasahod na manggagawa sa mga pribadong establisyimento, mga may-ari ng negosyong pampamilya, at tumaas naman ang bilang ng mga hindi sumasahod na manggagawang pampamilya. Sa ilalim din ni Duterte natin nararanasan ang pinakamatinding pagbulusok ng ekonomiya, kung saan umabot ng -9.5% ang real GDP growth rate — mas malala pa sa recession na nangyari noong panahon ni Marcos. Ilang buwan na lang din ay maaabot natin muli ang rekord ng dating diktadura na siyam na sangkapat ng magkakasunod na resesyon.

Ngunit, sa gitna nitong lahat, kahit may nakalaan nang badyet sa Bayanihan 1, Post-Bayanihan 1, at Bayanihan 2 ay hindi pa rin nagawa ng gobyerno gamitin ang pondo para sa mga serbisyong panlipunan na kailangan ng mga mamamayan sa panahon ngayon. Sa tatlong pagkalaan na nabanggit, ayon sa mga kalkulasyon ng IBON Foundation, P111.3 bilyon ang hindi nagastos ng gobyerno – isang malaking halaga na nagamit sanang panggastos sa bakuna ng mahigit 87 milyong Pilipino, o sa iba pang mga programang makakatulong pampaahon mula sa pandemya tulad ng P10,000 ayuda at mga batayang serbisyong panlipunan.

Naging makasaysayan ang pagbulusok ng ekonomiya sa ilalim ni Duterte. Habang ang ibang mga bansa ay may estratehiya na upang sugpuin ang COVID-19 at buksan muli ang ekonomiya, ang Pilipinas ay nahuhuli pa rin ngunit pilit na binubuksan ang mga pabrika at iba pang mga negosyo sa ngalan ng muling pagkabuhay ng ekonomiya.

Grabe rin ang pahirap ni Duterte sa mga mag-aaral sa panahon ngayon. Habang walang kasiguraduhan na ligtas na makakapagkondukta ng limited face-to-face classes, mahigit isang taon nang nasa remote learning set-up ang mga paaralan ngayon. Sa 788,839 na mga guro at empleyado ng mga paaralan na pwedeng makatanggap ng bakuna, 37.91% pa lamang ang nabakunahan. Napakabagal na paggalaw, lalo na’t kinakailangan ng kabataang estudyante ang mga pisikal na pasilidad upang matamasa nang buo ang karanasan ng disenteng pag-aaral.

Sa pagpapatuloy ng online class, parehong guro at estudyante ang sapilitang bumabawas sa sariling ipon para sa mga gadyet, module, at iba pang kinakailangan pag-gastusan sa online learning gawa ng kulang-kulang na badyet na inilaan para sa edukasyon. Patuloy na pinagpapanawagan ng taumbayan ang ligtas na balik eskwela gawa ng kahirapan sa remote learning. Hindi makatarungan para sa sektor ng edukasyon ang ngayo’y ginagawa ng rehimen na pagbubukas ng commercial establishment, ngunit nananatiling sarado ang mga paaralan.

Higit pa sa pahirap na krisis sa ekonomiya at edukasyon, buong pwersang iniimplementa ng rehimeng Duterte ang mga neoliberal na polisiya, na higit na pinapalala ang kagutuman na nararanasan ng bayan ngayon. Sa isang sarbey ng SWS noong Setyembre 2020, nalaman na umabot ang bilang ng mga pamilyang nakaranas ng matinding taggutom sa 2.2 milyon, ang pinakamataas na bilang mula noong nagsimulang mangalap ng datos ang SWS hinggil sa kagutuman. Ngayong 2021 naman, bagamat bumaba na ang bilang na ito sa 674,000, 3.6 milyong Pilipino pa rin ang nakararanas ng moderate hunger sa nakaraang tatlong buwan mula sa Mayo.

Ngunit kahit ganito ang kaso, sa panahon na kinakailangan ng pamahalaan ng pinagkukunan ng pondo, nagawa ng administrasyon na ipasa ang Comprehensive Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Law, kung saan bibigyan ang mga korporasyon ng bilyon-bilyong tax cut.

Nariyan din ang Rice Liberalization Law, na patuloy na pinahihirapan ang mga magsasaka dahil sa pag-pabor ng pamahalaan para sa mumurahing rice imports, na nagiging dahilan upang bumaba ang demand para lokal na palay; at ang pagpapatayo ng mga imprastraktura sa ilalim ng Build Build Build kung saan hindi naman makikinabang ang ordinaryong mga mamamayan dito.

Lahat ng ito ay manhid na galawan ng administrasyon, lalo na’t maraming aspeto ng pandemya ang nangangailangan pa ng mas malaking paglalaan ng badyet, katulad ng pagbili ng mga bakuna, mass testing, contact tracing, at pagbibigay ng ayuda. Bagamat mahalaga ang ekonomiya, primaryang dapat tinututukan ng pamahalaan dapat ngayon ang COVID-19.

Higit sa lahat, malubha ang naging kalagayan ng karapatang pantao sa mga nakaraang taon ni Duterte. Sa mga lumipas na taon ay buong pwersang inimplementa ng gobyerno ang mga kontra-insurhensyang mga polisiya tulad ng Executive Order 70, Memorandum Order 32, at Anti-Terrorism Law na ginagamit upang patahimikin ang mga mamamayan, lalo na ang mga kritiko g administrasyon. Ito ang naging prayoridad ni Duterte, hindi ang COVID-19, hindi ang kawalan ng ayuda. Nag-aasta ang gobyerno na tila bang walang pandemya ngayon.

Sa mga nakaraang buwan ay naging sunod-sunod ang tirada ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa panreredtag ng mga progresibong grupo at indibidwal. Nilalagay ng ahensyang ito sa peligro ang buhay ng mga tao sa kanilang pag-uugnay ng mga inosenteng tao sa mga rebolusyonaryong pwersa ng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Madugo ang mga maaaring kahihinatnan sa red-tagging. Noong Marso ay nasaksihan ng mga mamamayan ang walang habas na pagpaslang sa siyam na lider-aktibista sa Timog Katagalugan sa binansagang Bloody Sunday massacre, kung saan nagkaroon ng magkaugnay na operasyon ang AFP-PNP upang isagawa ang isa sa mga pinakamadugong crackdown sa mga aktibista sa kasaysayan. Ilang linggo matapos nito, pinaslang din si Pang Dandy Miguel, bise-tagapangulo ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (PAMANTIK-KMU) at kilalang unyonista sa rehiyon. Ngayon, tiyak na tuloy-tuloy pa rin ang paniniktik sa mga aktibista. At paniguradong hindi matatapos ang pamamaslang habang nananatili sa pwesto ang diktador na si Duterte.

Kahit isang taon na lang ang natitira para kay Duterte, huwag tayong panghinaan ng loob. Sapagkat malapit na matapos ang kanyang termino, ay maraming maaaring mangyari sa loob ng isang taon.
Higit na kailangan na tumindig sa panahon ngayon ng sobra-sobrang pagpapahirap sa masang Pilipino. Panatilihin nating matibay ang hanay sa pakikibaka para sa tunay na demokrasya habang pinapalakas ang ang pagpapaingay, pag-oorganisa, at pagkakasa ng kilusang talsik. [P]

0 comments on “Estado ng nasyon: Kahirapan, kagutuman, kamatayan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: