Editorial

Paglingkuran ang Sambayanan

NOTE: This is an archived story originally published on UPLB Perspective Editorial Vol 43 Issue 11, on August 2017.

Noong June 24, 017 ay nasaksihan natin ang pagtatapos ng 2,462 na estudyante ng UPLB. Malakas ang hamon ng  mga estudyante na lumahok sa grad rally sa kanilang mga kapwa nagsipagtapos na paglingkuran ang sambayanan. Sa kabila ng  kasalukuyang oryentasyon ng edukasyon at patuloy na mga reporma dito tulad ng GE reform at K-12, nararapat lamang na panatiliin natin ang ating kritikal, makabayan, at service-oriented spirit kung saan kilala ang mga UP graduates.

Ang Revitalized General Education Program (RGEP) o mas kilala bilang GE na tatak ng liberal na oryentasyon ng UP education, na itinatag noong 1958 sa termino ni UP President Vicente Cinco ay naglalayon na panatilihin ang makabayan na katangian ng UP at tiyakin ang holistic learning ng mga estudyante ng unibersidad. 

Sa orihinal na GE program ay nangangailangan ng 45 units ng GE courses ang isang estudyante, kung saan 9 units dito ay required depende sa iyong kurso habang malayang pumili ang estudyante  para sa natitirang units. Ngunit noong March 20, 2017 ay naisakatuparan na ang GE reform framework sa lahat ng UP units nang aprubahan ng University Council ng UP Diliman, ang huling UP unit na nagpatupad ng GE reform, ang nasabing reporma sa GE kung saan ibinababa ang bilang ng kinakailangang GE subjects mula 45 units sa 21 units.

Sa pagbabawas ng GE subjects ay mababawasan din ng pagkakataon ang mga Iskolar ng Bayan na kumuha ng mga kurso na nakabatay sa ating nasyonal na kalagayan, hindi rin maisasakatuparan ang holistic learning na tatak ng UP education dahil sa pagbabawas ng GE subjects ay mas tututok na ang mga estudyante sa kani-kanilang espesyalisasyon.

Isa sa mga dahilan na ibinigay ng UP admin sa pagsasatupad ng GE reform ay isa raw itong tugon sa K-12 dahil ilan sa mga GE subjects ay makukuha na sa senior high school at iniiwasan ang pagiging redundant. Ngunit itong GE reform, K-12 at iba pang reporma sa UP at sa pangkalahatang edukasyon sa Pilipinas ay manipestasyon ng paglalayon ng estado na gawing tugma sa pangangailangan ng pandaigdigang pamilihan ang mga graduates ng mga unibersidad.

 Ang mga opisyal na mismo ng gobyerno ang nagsabi na ang kasalukuyang 10-taong basic education na mayroon tayo ay magiging hadlang para sa mga Pilipino na nagnanais magtrabaho sa ibang bansa. Ang pagpapatupad di umano ng K-12 sa bansa ay pag-aayon sa global standards bilang isa ang Pilipinas sa mga bansang nanatili sa 10-year basic curriculum.

Nakita natin ang agaran na pagpapatupad ng K-12 sa bansa sa kabila ng mga hindi pa nasosolusyunang problema sa sektor ng edukasyon. Bukod sa pag tugma sa global standards, ang K-12 ay naglalayon na lumikha ng export quality graduates. Ang pinakamurang sahod sa paggawa ay matatatagpuan sa Timog-Silangang Asya, kaya naman napaka-estratehikong lokasyon ito para sa mga malalaking multi-national companies at nakikita nila ang Pilipinas at mga kalapit na bansa bilang pagmumulan ng puwersang paggawa.

Sa kabila ng mga reporma sa edukasyon, unti-unti nang nawawala ang totoong diwa ng UP education, sa halip na paglikha ng mga Iskolar ng Bayan na magbibigay serbisyo sa sambayanang Pilipino, patuloy na inaakma ang oryenstasyon ng edukasyon para pagsilbihan ang dayuhang interes.

 Kasabay ang patuloy na pagkokomersysalisa ng basic services tulad ng edukasyon kung saan kabi-kabila ang mga school fees na hindi naman natin nakikita kung saan napupunta at patuloy na pagtutulak  sa mga state universities and colleges (SUCs) para maging self-sufficient. Kaya naman patuloy na tinututualan ang mga reporma sa edukasyon at mga polisiya na nagtutulak sa pagiging komersyalisado at kolonyal ng edukasyon. Kasabay nito ang paggigiit na ang edukasyon ay ating karapatan, kaya’t ang panawagan para sa libre, dekalidad, at aksesibong edukasyin at ating patuloy na papalakasin.

Bilang mga Iskolar ng Bayan, nasa sa atin ang mandato na gamitin ang mga natutunan sa loob ng pamantasan sa ikauunlad ng ating bansa. Ngunit ang mga reporma sa edukasyon ay tila patuloy tayong nilalayo rito. Ngunit sa huli’t huli, nasa atin pa rin ang desisyon na dalhin ang kritikal, makabayan, at service oriented spirit kung saan kilala ang mga UP students at piliin na paglingkuran ang sambayanan. [P]

UPLB Perspective is the official student publication of the University of the Philippines Los Baños, established in 1973. It is the first campus publication established under Martial Law in the Philippines.

0 comments on “Paglingkuran ang Sambayanan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: