Isang mapagpalayang pagbati sa lahat ng mga Iskolar ng Bayan, guro, kawani, mga mahal sa buhay at kaibigan! Ating mataas na pagpugayan ang bawat Iskolar ng Bayan na sa buong tapang, dangal at husay ay nagsipagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños!
Sa huling araw ng pagiging estudyante natin sa pamantasan, kilalanin din natin ang lahat ng tulong na ibinigay ng ating mga magulang, mga kaibigan, at ng ating mga guro, na kahit mahirap, ay hindi tumigil sa pagsuporta sa atin upang marating ang ating kinalalagyan.
Mga kapwa ko Iskolar ng Bayan, tayo ay namumuhay sa isang kakaibang panahon – sa gitna ng isang pandemya, na kung hindi dahil sa kapabayaan ng administrasyong Duterte – ay magkakasama sana tayong lahat sa ating pinakainaabangang seremonya sa Freedom Park kasama ng ating mga magulang, kaibigan at guro.
Sa kabila ng matinding krisis pangkalusugan ay nagawa nating makapagtapos ng pag-aaral dito sa ating pamantasan. Hindi naging madali ang mga huling buwan ng pananatili natin dito dahil sa isa’t kalahating taon ng anti-estudyanteng ‘remote learning’ setup kung saan sa mga unang buwan ng implementasyon nito, ay sinabi mismo ng UP na lagpas limang-libong estudyante ang nangangailangan ng kagamitan para sa ganitong tipo ng pag aaral, ngunit pinilit pa rin ng unibersidad kasama ng Commission on Higher Education na buksan ang academic year kahit marami pa ang nangangailangan ng tulong.
Ngayon, bagamat nagkaroon na ng iba’t ibang porma ng suporta, ay hindi ito nakakarating agad sa mga nangangailangan at hindi pa din sasapat. Ang kabagalan ng tulong mula sa UP at kawalan ng ayuda mula sa pamahalaan ay nagtutulak sa mga estudyante na i-kompromiso ang kanilang pag-aaral, pati na rin ang kanilang kalagayan.
Batid natin na napakaraming mga iskola ng bayan ang hindi makapag patuloy sa kanilang pag-aaral dahil sa kakulangan ng suporta at ayuda. Kaya’t kagyat na tungkulin natin ang patuloy na paggiit para sa ligtas, dekalidad, demokratiko, at abot-kayang edukasyon kasabay ng ligtas na pagbubukas ng mga paaralan.
Habang ipinaglalaban natin ang Ligtas Na Balik Eskwela, magbalik-tanaw tayo sa ating kolektibong tagumpay sa nakaraang dalawang taon, na bagamat hindi pisikal na magkakasama ngayon, ay nagawa pa ring tumindig at magsama-sama sa iba’t ibang kampanya para sa mga demokratikong karapatan natin sa edukasyon.
Noong Setyembre, nagawa nating tuluyan nang tanggalin ang dating tsanselor na si Fernando Sanchez Jr. upang wakasan ang kanyang kontra-estudyante na pamumuno sa ating pamantasan. Kasabay nito, matagumpay nating napaaprubahan ang mga nakabinbing MRR at Readmission cases at muli na makakabalik sa pag-aaral ang mga kapwa natin Iskolar. Nariyan rin ang opisyal na pagsasaapruba ng administrasyon sa ‘Student-Crafted Organization Registration Guidelines’ kasabay ng pagpapabasura sa ‘Freshman Recruitment Ban’ upang mas mabigyan ng kalayaan ang mga estudyante na mag-organisa. Iilan lamang ito sa mga tagumpay na ibinunga ng ating kolektibong aksyon. Hinahamon tayo ngayon ng panahon na tuloy-tuloy na kumilos at magpakilos upang maprotektahan ang karapatan at kapakanan ng mga Iskolar ng Bayan at mga mamamayang Pilipino.
Inaasahan pa rin ang patuloy nating pagkilos dahil nariyan pa rin ang patuloy na atake sa ating demokratikong karapatan na mag-organisa at magpahayag. Nitong Enero, pinawalang bisa ng Department of National Defense ang UP-DND Accords na siyang nagpoprotekta sa pamantasan laban sa paniniktik, panghaharas, at iba pang pamamaraan ng paglabag sa karapatang pantao mula sa mga pwersa ng pamahalaan. Nilalagay nito sa peligro ang buhay at kaligtasan ng libo-libong mga mag-aaral, guro, at kawani ng pamantasan. Bagama’t mayroong signipikanteng pagabante sa ating kampanya nang maipasa sa UPLB University Committee ang Safe Haven Resolution, hindi makakaila na sa labas ng ating pamantasan, sunod-sunod ang pamamaslang at pagsampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga mamamayan ng Timog Katagalugan. Hindi natin makakalimutan ang mga martir na mga biktima ng Bloody Sunday killings.
Kung susuriin natin, si Duterte, hindi ang krisis pangkalusugan, ang pangunahing hadlang sa malayang paggalaw, pagtitipon-tipon, at pag-organisa. Lagpas isang taon na ang nakalipas mula noong unang ipinatupad ng gobyerno ang hindi makataong militaristang lockdown. Hanggang ngayon, pinapabayaan tayo ni Duterte na malagay sa lugmok na sitwasyon, magkasakit, at mamatay.
Huwag na huwag nating kalilimutan ang mga binitawan niyang salita noong unang mga linggo ng Enhanced Community Quarantine. Sinabi ni Duterte na magtiis tayo sa hirap at gutom! Sinabi ni Duterte na wala syang pakialam sa mga taong apektado ng pandemya. Mga kapwa kong magsisipagtapos, at sa lahat ng ibang nakikinig, sa darating na eleksyon sa susunod na taon ay wag nating payagan na mahalal muli sa pwesto ang mga taong gutom sa kapangyarihan, mga komprador ng pandayuhang interes, at mga magnanakaw na araw-araw winawasak ang buhay ng napakaraming Pilipino!
At sa mga panahong nagsimula nang angkinin muli ng mga mamamayan ang lansangan, patuloy tayong titindig upang isulong ang pambansa, syentipiko, at maka-masang edukasyon para sa nakararami. Gawin nating inspirasyon ang inialay na buhay nila Rona Jane Manalo, Carlo Alberto, Mark Velasco, Ian Maderazo, Rizalina Ilagan, Jessica Sales, at iba pang bayani ng sambayanan.
Mga Iskolar ng Bayan, tumungo sa kanayunan!
Paglingkuran ang sambayanan!
Iskolar ng bayan, ngayon ay lumalaban!
JAINNO BONGON
BS NUTRITION CLASS 2021
FORMER USC CHAIRPERSON
0 comments on “Former USC chair Bongon calls on graduates to serve the people”