May mga partikular na tungkulin na inaasahan mula sa mga magulang.
Bilang tagapangalaga, ang mga magulang ay may obligasyon na bigyan ng mga pangangailangan ang kanilang mga anak. Sila ang tagadala ng pagkain sa hapag-kainan, ang tagabigay ng damit. Sila ay responsable sa pagbibigay ng mga batayang pangangailangan ng kanilang mga anak.
Bilang tagapagtanggol, sila ay responsable sa pagbibigay ng seguridad sa pamamagitan ng isang ligtas na espasyo, partikular sa kanilang mga tahanan. Higit sa lahat, sila ay tagapag-aruga ng kapakanan ng kanilang mga anak.
Itong lahat ay pinagkait kay Alicia Lucena noong nalaman ng kanyang pamilya na sya ay isang aktibista.
Noong Agosto 16, sa isang public post sa Facebook, natuklasan natin kung paano si Alicia Lucena – miyembro ng progresibong grupong Anakbayan – inabuso mismo ng kanyang pamilya matapos syang dakipin noong Abril 19. Nagawa nyang makatakas mula sa kustodiya ng kanyang pamilya kamakailan lamang.
Ayon kay Alicia, sya raw ay dinetina sa ika-4 na palapag ng kanyang bahay. Hindi sya pinalalabas sa kwarto basta-basta. Hindi sya pinapayagang makipag-usap sa kanyang kapatid. Hindi man lang sya pinapagamit ng inidoro upang makaihi. Maraming bagay ang ipinagbawal kay Alicia na mistula sya ay nasa presinto talaga. Kung tutuusin, mas malala pa ito sa presinto, dahil mismong ang kanyang pamilya ang pasimuno ng pang-aabuso.
Halang ang kaluluwa ng mga magulang na ganito ang pinararanas sa kanilang sariling anak. Biruin mo, mas makikinig pa sila sa Armed Forces of the Philippines at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict kaysa sa anak na matagal na nilang inaalagaan at kinakasama?
Kita natin sa kaso ng mga Lucena ang epekto ng pyudal at pasistang mga relasyon sa institusyon ng pamilya. Sahol at baluktot ang pagtanaw na karapat-dapat ang pagdikta ng mga magulang kung paano mabuhay ang kanilang mga anak.
Ang papel dapat ng magulang sa ganitong konteksto ay isang gabay. Sila dapat ay mapag-intindi sa mga karanasan, nararamdaman, at pananaw ng kanilang mga anak. Hindi wastong estilo ang mala-diktador na pag-astang kokontrolin ang bawat aspeto ng kanilang mga buhay, lalo sa mga katulad ni Alicia na hindi lang anak ng kanyang mga magulang – kundi anak ng bayan. Hindi ito atake sa mga magulang, kundi isang pagsusuri sa kasulukuyang lumalaganap na moda ng mga relasyon sa loob ng isang pamilya.
May karapatan si Alicia na gawin ang mga kagustuhan nya, taliwas man ito sa kanyang mga magulang. Walang masama sa kanyang kagustuhan na paglingkuran ang sambayanan.
Sa pag-usbong ng lipunang pinaglalaban ng mga anak ng bayan, asahan natin na matutunggali ang ganitong tipong pakikipagtungo sa pamilya. Walang anak ang dapat pa makaranas ng ganitong pang-aabuso.
Tama na ang pambubusal. Pagsalitain nyo si Alicia Lucena. [P]
0 comments on “Internal ang mapagpasya”