News Southern Tagalog

Mga residente ng Block 25, Sta Rosa, Laguna, hinaharas ng pastor; sinisingil para makapasok sa sarili nilang tahanan

Nabigong makuha ni Pastor Albert Malaza ang panig ng korte kaugnay ng pag-angkin sa lupa, dahil mga “pekeng dokumento” umano ang iniharap nito.

Ulat nina Marilou Lorzano at Carla Isabelle Dela Cruz

Isang pastor na nagngangalang Albert Malaza ang kasalukuyan ‘di umanong nanggigipit ng mga residente ng Phase 1, Block 25 sa San Lorenzo South sa Brgy. Malitlit, Sta. Rosa, Laguna. Pinipilit ng pastor ang mga residente na kumuha ng ID sa halagang P320, samantalang nagpatayo siya ng harang sa mga hindi makakapagbayad para sa ID na kanyang hinihingi. 

Batay sa mga ulat na nakalap ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Laguna mula mismo sa mga residente ng lugar, ang dating singil sa kanila ni Malaza para sa “ID system” na pilit nitong ipinatupad ay P150 lamang, kaya ganoon na lamang ang laki ng gulat ng mga residente nang ito ay itinaas at ginawang P320. 

Nagsimulang umaray ang mga residente sa nasabing implementasyon ni Malaza kaya nagpasya silang magreklamo laban sa pastor, na sinasabing balak sanang bumuo ng sariling subdivision na nakapangalan sa kanya.

Ayon din sa ulat ng mga residente, tinatangka umanong magtayo ni Malaza ng isang subdivision na ipapangalan sa kanya.

Isang malaking katanungan para sa mga residente ang panggigipit na ginagawa sa kanila ng Christian leader, gayong hindi naman siya ang tunay na may-ari ng lugar. 

Pilit umanong iginigiit ni Malaza ang hawak nitong ebidensya na “absolute deed of sale” ng lupa.

Subalit ayon sa pahayag na inilabas ng BAYAN Laguna, kabaliktaran nito ang lumabas sa pagsusuri noong taong 2019 kung kailan unang beses umanong nanggulo sa lugar si Malaza. Ayon sa alyansa, hindi umano nakapangalan sa kanya ang titulo sa lupa at wala siyang karapatan sa nasabing lugar na kanyang kinakamkam. 

“Malinaw ang walang habas na panggugulo ni Albert Malaza sa komunidad ng Phase 1 Block 25 sa San Lorenzo. Bagaman nag-iinit ang ulo ng kleriko-pasistang ito, nagkakaisa ang mamamayan sa naturang lugar na hindi pahintulutan ang panggigipit ni Malaza,” pahayag naman ng Anakbayan Laguna sa isang Facebook post hinggil sa panggigipit na ginagawa ng pastor sa mga residente. 

Ang Special Power of Attorney na iginawad sa kania ni Victoria Canog, anak ni Emerencia Dia, pangalang may hawak sa mother title ng lupa.
Litrato mula kay “Lily”

Pag-angkin sa lupa ng iba

Sa isang panayam sa Perspective, ipinaliwanag ni Lily (hindi niya totoong pangalan) ng GABRIELA Laguna na si Malaza ay dati rin lamang ordinaryong residente ng nasabing lugar. Napagpasiyahan nitong umalis patungong Surigao nang nagsimulang dumagsa ang rally ang mga residente, ngunit nang makabalik ay bigla nitong inangkin ang lugar at sinabing nabili niya ito mula sa taong nagngangalang “Rodriguez.”

Tax declaration na nakapangalan kay Emerencia Dia na hawak na ngayon ni Darwin dela Cruz.
Litrato mula kay “Lily”

Dagdag pa nito, si Darwin Dela Cruz, apo ng sinasabing tunay na may-ari na si Victoria Canog, ang siyang ginawaran ng Special Power of Attorney bilang administrator ng Block 25. 

Bilang katibayan sa iginawad sa kanyang Special Power of Attorney, ibinahagi ni Lily ang mga dokumentong nagsasabi na si Dela Cruz nga ang tunay na may karapatang mamahala ng lugar.

Nagawang magharap nina Dela Cruz at Malaza sa korte bunsod ng pang-aangking ginawa ni Malaza sa lugar. Ngunit ayon kay Lily, mga pekeng dokumento ang hinarap ng pastor sa korte at ang mga ito ay hindi nagtutugma, samantalang nagawa namang maipakita ni Dela Cruz ang titulo ng lupa, kasama ang tax declaration at ang amilyar na binayaran. 

Bunsod nito, nabigong makuha ni Malaza ang panig ng korte na malinaw na nagpapaliwanag na hindi kanya ang ari-arian. 

Ayon kay Lily, matatandaan din noong 2018 na nagbigay ng notice to vacate si Dela Cruz sa mga residente. Ngunit sa tulong ng GABRIELA Laguna, nagawa nilang mapakiusapan ang dating punong-bayan na si Dan Fernandez na siya na ngayong Congressman ng lalawigan sa kasalukuyan. 

Napagkasunduan ng dalawang partido na hangga’t walang tiyak na lugar na malilipatan ang mga residente maaari muna silang manatili sa kanilang tirahan. 

Amilyar na hawak ni Darwin Dela Cruz. 
Litrato mula kay “Lily”

Mahabang kasaysayan ng panggigipit

Hindi ito ang unang beses ng kaso ng sinasabing panghaharas na ginawa ng pastor. Bukod sa sapilitang pagpapatayo nito ng tarangkahan, walang awa ‘di umano na pinutulan ni Malaza ng kuryente ang isang kasapi ng nasabing organisasyon, samantalang “tinadtad” umano ng pastor ang linya ng kuryente ng nasabing kasapi ng GABRIELA Laguna. 

Kanya ring ipinatanggal ang pitsel na nakalagay sa poso ng Block 25 upang hindi makapag-igib ang mga residente. 

Noong ika-1 ng Agosto ng kasalukuyang taon, nagpatupad ng “ID System” sa lugar ang pastor at pinilit ang mga residente dito na magbayad ng P150 na kalauna’y ginawang P320 sa kadahilanang kailangan umanong “ipa-notaryo” ang kanilang mga ID. Sa pareho ring araw, pinatayuan ng harang ng pastor ang Block 25 at hindi pinahintulutang lumabas sa lugar hangga’t sila ay walang hawak na ID. 

Bunsod dito, labis na naapektuhan ang pang-araw-araw na buhay ng mga residente dahil maging ang pagbili ng pagkain sa labas at pagpasok sa trabaho ay natigil dahil lamang sa hindi nila pagsunod sa “ID system” na ipinatupad ni Malaza. 

Ang sinasabing “pekeng titulong” na pinakita ni Pasto Albert Malaza sa korte.
Litrato mula kay “Lily”

Pagkalipas ng ilang mga araw, noong ika-8 ng Agosto, muling kinandado ng pastor ang tarangkahang kanyang itinayo at tinangka pa nitong pagbantaan ang mga residente na sasampahan ng kaso dahil sa perwisyong dinulot nila umano sa kanya. 

Makalipas ang dalawang araw, muling pinagbantaan ni Malaza ang mga residenteng pilit na nagrereklamo laban sa kanya at sinabing bubuwagin niya umano ang “grupong” nagpapakilos sa mga residente ayon sa ipang miyembro ng GABRIELA na naninirahan sa mismong lugar.

Nang makarating sa iba’t ibang progresibong organisasyon ang panggigipit na nangyayari sa mga nakatira sa Block 25, agad nilang mariing kinondena ang hindi makataong kilos ng naturingan pang pastor.

“Hindi kasi makatarungan ang ginagawa niya. Pinaghirapan ng GABRIELA-Laguna kung bakit sa loob ng 3 taon ay walang binabayarang upa ang mga nakatira doon, dahil ipinaglaban nila ‘yun. Kailan lang din nangupahan ang Pastor sa lugar pero ang lakas ng loob niyang gipitin ang mga tao sa Block 25 at angkinin ang lugar na hindi naman sa kanya.” pahayag ni Lily ukol sa hindi makataong panggigipit na ginagawa ng pastor sa mga tao sa Block 25. 

“Malinaw na ang panggigipit sa mamamayan ang siyang nagtulak sa kanila upang gibain ang gate. Hindi ito panggugulo kung hindi simpleng paggigiit ng kanilang karapatan na makapasok sa kanilang sariling tirahan.

“Kaisa ang GABRIELA Laguna sa laban ng mga mamamayan sa Phase 1 Block 25 San Lorenzo! Makatarungan ang paglaban sa karapatan sa panirikan at pagtindig sa panggigipit sa mga maralita!” ani ng GABRIELA Laguna sa isang Facebook post
Sa ngayon, hinihintay pa rin ng publikasyon ang mga komento ni Malaza ukol sa mga insidente.

Sa ngayon, hinihintay pa rin ng publikasyon ang mga komento ni Malaza ukol sa mga insidente. Sa kasalukuyan ay wala pang nagaganap na bagong insidente sa komunidad. [P]

Mga litrato mula sa GABRIELA Laguna / Facebook

Paglalapat ni Patrick Josh Atayde

0 comments on “Mga residente ng Block 25, Sta Rosa, Laguna, hinaharas ng pastor; sinisingil para makapasok sa sarili nilang tahanan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: