Noon pa mang mga nakalipas na buwan, walang tigil na ang pananakot ng mga pulis at NTF-ELCAC laban sa WPPWU.
Sa Pandaigdigang Araw ng Pagkilos para sa Karapatan ng Manggagawa noong ika-15 ng Setyembre, pinangunahan ng labor center Kilusang Mayo Uno (KMU) kasama ang iba’t ibang sektor ang isang kilos-protesta sa harap ng Department of Interior and Local Government (DILG) Central Office upang ipagpanwagang tigilan ang mga atake sa Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU).
“Mariin naming kinukundena ang DILG, ang Philippine National Police (PNP) sa mga ganitong pong ginagawa [nilang pagpapatahimik sa amin],” ani Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU, matapos siksikin ng mga pulis ang nagpoprotesta at ang midya gamit ang riot shields.
Habang patuloy na tinutulak ng pulis ang mga tao palayo sa DILG entrance, patuloy ang sigaw ng mga nagpoprotesta para sa “Sahod, trabaho, edukasyon, at karapatan, ipaglaban!” Kabilang din sa kanilang mga panawagan ang tuluyang pagbubuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
“Hindi po tayo papayag na palaging ganito; ang mga manggagawa po nagugutom, ang mga estudyante hindi makapasok sa paaralan, marami pong tumataas na COVID [cases] araw-araw! Marami ang gutom, marami ang namamatay. Sino ang may kasalanan nito? Si Duterte. Tapos tayo, naghahayag sa publiko ng ating makatwiran at makatarungang panawagan; ano sagot sa’tin? Dahas, pasismo, at paulit-ulit na dahas,” dagdag pa ni Adonis.
Isang araw bago inilunsad ang kilos-protesta, ipinresenta ng NTF-ELCAC at 202 Brigade ang mga manggagawa ng WPPWU at Aichi Forge Philippines Employees Union bilang mga fake surrenderee.
“Ang ganitong iskema ng harassment at pananakot ay patunay lamang na walang ibang hangarin ang NTF-ELCAC at ang gubyernong Duterte na pabutihin ang buhay ng mga manggagawa!” sabi ng Alyansa ng Manggagawa sa Probinsya ng Laguna sa isang alert sa kanilang Facebook page.
Bidyo mula kay Sonya Castillo.
Mahabang kasaysayan ng panghaharas
Dinokumento ng WPPWU ang walang tigil na atake at pananakot ng mga pulis at ahente ng NTF-ELCAC sa unyon noong mga nakaraang buwan (BASAHIN: Mga manggagawa ng Wyeth, nakaranas ng patuloy na pananakot mula sa NTF-ELCAC).
Ayon sa ulat ng unyon ay noong Disyembre 2020, nagpanggap bilang Lalamove rider ang isang ahente ng NTF-ELCAC upang bisitahin ang pabrika ng Wyeth. Tinanong ng ‘di umano’y rider ang mga manggagawa kung may ugnayan sa Drug-Food and Allied Workers Federation – Kilusang Mayo Uno (DFA-KMU) ang unyon, at kung sino ang mga opisyales nito.
Matapos puntahan ang pabrika ng Wyeth ay binisita naman ng NTF-ELCAC ang bahay ng isang opisyal ng WPPWU noong ika-16 ng Pebrero upang humingi ng “kooperasyon” na putulin ang ugnayan ng unyon sa DFA-KMU. Ayon sa WPPWU, napilitang mag-resign ang nasabing opisyal pagkatapos ng sunud-sunod na panghaharas na natanggap ng kanyang pamilya.
Matapos ang panghaharas na naranasan ng humigit-kumulang sampung miyembro ng unyon sa buwan ng Marso, pumunta ang WPPWU sa Commission on Human Rights (CHR) upang ireklamo ang mga atake. Dinala rin ng unyon ang reklamo sa Department of Labor and Employment (DOLE) noong Abril, kung saan sinabihan silang kakausapin ang DOLE regional office sa Region 4A upang simulan ang imbestigasyon.
Sa kabila noon, hindi pa rin tumigil ang pagbisita ng mga ahente sa mga opisyal ng unyon mula Mayo hanggang Hunyo. Umabot pa sa punto noong Hunyo na 30 ahente o higit pa mula sa NTF-ELCAC ang pumunta sa mga unyonista, bitbit ang kanilang kampanyang i-disaffiliate ang WPPWU sa DFA-KMU. Ito ay habang inaasikaso ng mga manggagawa ang paghahanda para sa eleksyon.
Nitong nakaraang Agosto at Setyembre ang huling nadokumentong panggigipit at pagdalaw ng ahente ng estado sa isang opisyal ng unyon. Pinagbantaan ang opisyal na makakasuhan ng paglabag sa Anti-Terrorism Act kung hindi niya gagawan ng resolusyon ang pagtiwalag ng WPPWU sa DFA-KMU.
Bidyo mula kay Sonya Castillo.
Mga tagumpay na nakaangkla sa pagkakaisa
Sa patuloy na pag-oorganisa ay pinagtagumpayan ng WPPWU ang ilang mga benepisyo at kampanya para sa mga manggagawa ng Wyeth. Kabilang dito ang mga collective bargaining agreement (CBA) mula 2009 hanggang 2022; pagtaas ng sahod; at pagdagdag sa healthcare plan limit.
Habang nasa lockdown dulot ng pandemya, ipinaglaban ng unyon ang mga polisiya para sa kaligtasan at kabuhayan ng mga manggagawa ng Wyeth katulad ng free meals at libreng pagsakay sa mga papasok habang lockdown. Ipinaglaban din ng grupo ang karapatan para sa libreng testing at 14-day sick leave sa mga magpopositibo sa COVID-19; programa sa libreng bakuna; at libreng pangangailangang medikal tulad ng face masks.
Kinikilala ng iba’t ibang sektor ang mga tagumpay ng WPPWU at nakiisa sila sa mga manggagawa ng Wyeth sa mobilisasyon na naganap noong Miyerkules.
“[The Student Christian Movement of the Philippines (SCMP)] and the broader progressive Filipino youth link arms with the workers of Wyeth against harassment done by NTF-ELCAC against its goal to eliminate genuine, militant, and patriotic unionism that legitimately advances the rights of Filipino workers,” sabi ni Kej Andres, pambansang tagapagsalita ng SCMP.
[Ang SCMP kasama ang hanay ng progresibong kabataan ay nakikiisa sa mga manggagawa ng Wyeth laban sa panghaharas na ginagawa ng NTF-ELCAC na lumalaban sa tunay, militante, at makabayang unyonismong sumusulong sa karapatan ng mga manggagawa.]
Inilunsad din ng Youth Act Now Against Tyranny (YANAT), isang organisasyon ng progresibong kabataan, ang isang online petition bilang pakikiisa sa mga manggagawa ng Wyeth laban sa atake sa kanilang mga karapatan. [P]
Photo by Sonya Castillo
Pingback: LIST: Human rights watch (September 12-18, 2021) – UPLB Perspective
Pingback: LIST: Human rights watch (September 26 -October 2, 2021) – UPLB Perspective
Pingback: 21 Wyeth unionists illegally dismissed after being lured to ‘team building activity;’ labor groups call for immediate reinstatement – UPLB Perspective
Pingback: 21 Wyeth unionists illegally dismissed after being lured to ‘team building activity;’ labor groups call for immediate reinstatement – UPLB Perspective
Pingback: 3 former RAM members sentenced to reclusion perpetua after the 1986 murders of unionists Rolando Olalia, Leonor Alay-ay – UPLB Perspective
Pingback: 3 former RAM members sentenced to reclusion perpetua after the 1986 murders of labor leaders Rolando Olalia, Leonor Alay-ay – UPLB Perspective
Pingback: Peasant month protests; Cristina Magistrado arrest – UPLB Perspective
Pingback: UP budget increased by P2.89 billion, but Hospital Services Program suffers cut in 2022 national budget – UPLB Perspective