News Southern Tagalog

Ika-49 na anibersaryo ng Martial Law, sinalubong ng kilos-protesta ng mga progresibo; pulis, ginambala iilang programa

Patuloy na nanawagan ang mga progresibo na huwag kalimutan ang mga krimen ng pamilyang Marcos sa harap ng panghaharas.

Tumungo sa lansangan ang iba’t ibang progresibong grupo sa Timog Katagalugan (TK) kasabay ng ika-49 na anibersaryo ng pagdeklara ng Batas Militar ngayong ika-21 ng Setyembre. Tangan nila sa mga karatula at tarpaulin ang ilang mga panawagan katulad ng Never Again at Marcos Not a Hero.

Patuloy na ipinaglalaban ng mga progresibo ang pagtutol sa historical revisionism ng pamilya Marcos; pagbabalik sa mga ninakaw ng rehimen; at gayundin ang maayos na pasweldo sa mga manggagawa sa panahon ng pandemya.

Binigyang-diin din na makalipas ang ilang dekada, tila pareho pa rin ang kasalukuyang sitwasyon sa panahon ng diktadurya. Sa ilalim ng administrasyong Duterte, libo-libo ang pinatay, bilyon-bilyon ang ninakaw, habang iilan lang ang nakinabang, lalo na sa panahon ng pandemya (BASAHIN: September 21: In Memory of a Paper Tiger).

Samantala, bantay-sarado ng mga puwersa ng estado ang pagsasagawa ng mga kilos-protesta, bilang pag-iingat umano sa patuloy na pagkalat ng COVID-19 na bumabagabag sa mga Pilipino makalipas ang isa’t kalahating taon (BASAHIN: ‘Pagod na kami’: Mga medical frontliners, hangad ang maayos na pagtugon sa pandemya, makatarungang benepisyo, at maagap na pagbabakuna).

Kabi-kabilang pagbabanta ang natanggap ng mga progresibong ipinaglalaban lang ang mga panawagan ng masa. Nagtangka ang pulisya na pigilan ang mga programa, samantalang umabot pa ang insidente sa ilang mga pag-aresto.

Sapilitang pagkumpiska ng mga pulis sa speaker set ng mga progresibo sa Trece Martires, Cavite.
Litrato mula sa YAPJUST-UPLB.

Patuloy na pasismo

Sa isang kilos protesta sa lungsod ng Trece Martires, Cavite, tatlong indibidwal ang pinalibutan ng limang police mobile at pilit na pinasama sa istasyon ng pulis. Sapilitan ding kinumpiska ng mga pulis ang speaker set at iba pang gamit ng grupo.

Ayon pa sa Youth Advocates for Peace with Justice-UPLB (YAPJUST-UPLB), isang miyembro ng alyansang magsasaka ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) at ilang mga magsasaka sa Lupang Kapdula ang hinuli at dinala sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Dasmariñas, Cavite (BASAHIN: Armed company guards fenced Lupang Kapdula farm ground, destroyed crops; Dasmariñas LGU remain mum).

“Malinaw na manipestasyon ito ng umiiral na de facto martial law sa ilalim ng administrasyong Duterte kung saan halos walang laya ang mga mamamayan na ipahayag ang kanilang mga lehitimong panawagan,” pahayag ng YAPJUST-UPLB.

Dagdag din ng YAPJUST-UPLB na walang pagkakaiba ang insidente sa mga naganap sa panahon ng Martial Law.

“Bagamat walang ligal na batayan, marahas ang panghaharang ng pulisya ngayong mismong araw ng komemorasyon ng batas militar na naging sanhi rin ng libo-libong paglabag sa karapatang pantao sa pamumuno ng dikator na si Ferdinand Marcos,” ani ng grupo.

Pag-hold sa labing-apat na aktibista sa Sto. Tomas, Batangas.
Larawan mula sa BAYAN-TK / Facebook

Samantala, inulat naman ng BAYAN-TK kahapon na 14 na aktibista sa Sto. Tomas, Batangas ang iligal na pinigilang umalis ng mga pulis matapos ang programa sa nasabing bayan. Iginiit ng mga pulis na lumalabag umano ang mga ito sa General Community Quarantine (GCQ) guidelines, ngunit sa katunayan, sumusunod ang mga aktibista sa minimum public health standards tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield gayundin ang social distancing.

“Naninindigan ang napakalawak na hanay ng kabataang Batangueño ngunit ang nangyari sa amin ay pinatigil kami ng mga opisyal ng gobyerno – itong mga pulis ng Sto. Tomas, pinatigil nila kami. Kailangan nating itatak din at isadiwa kung bakit ba natin ‘to ginagawa […] Kailangan nating magsama-sama at ipanawagan kung ano yung tunay na solusyon na dapat para sa krisis na ito,” pahayag ng isang kinatawan ng Anakbayan Batangas.

Nakauwi rin kalaunan ang 14 na aktibista. Pinaliwanag ng tagapagsalita ng GABRIELA Southern Tagalog (ST) na si “Eya” (hindi niya totoong pangalan) na hiningi pa rin ang kanilang mga personal na impormasyon, kabilang dito ang kanilang mga tirahan at mga pangalan.

Pagpapalakas ng mga panawagan

Sapagkat sunod-sunod ang panggigipit ng mga pulis, nagtagumpay naman ang mga progresibo sa pagkikilos protesta.

Sa pagtitipon ng mga progresibo sa Calamba, Laguna, inihayag ang mga suliraning kasalukuyang kinahaharap ng bansa na may pagkakapareho sa mga karanasan noong panahon ni Marcos. 

Ayon sa multi-sectoral na alyansa ng Bagong Alyansang Makabayan Timog Katagalugan (BAYAN-TK), ilan sa mga dapat na bantayan ang pagkamkam ng lupa ng mga kapitalista sa Hacienda Yulo at ang kakulangan ng angkop na edukasyon ng mga kabataan.

“Ninakaw ang lupa[ng sakahan] sa Hacienda Yulo ng mga Ayala at sa Barangay Mamatid upang itayo ang PNR [Philippine National Railway]. Salat pa rin ang kabataan sa edukasyon, walang tirahan ang mga maralita at magsasaka,” ayon sa BAYAN-TK. (BASAHIN: More Hacienda Yulo homes ransacked, residents harassed by ‘hired goons’ as farmers hold ground against onslaughts; Mga kabataan sa Hacienda Yulo, nananawagan para sa ligtas, de-kalidad na edukasyon sa gitna ng patuloy na panghaharass)

Pinuna naman ng GABRIELA ST at ng grupong manggagawa ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) ang palpak na pagtugon ng kasalukuyang administrasyon sa pandemya na nagdulot ng kawalan ng trabaho sa mga manggagawa.

“Patuloy ang paghihigpit at [panggigipit] sa mga manggagawa ng mga dambuhalang kapitalista [na] hanggang ngayon ay walang hazard pay, lalo na sa mga natamaan ng COVID-19,” pahayag ng PAMANTIK-KMU.

Kinatawan ng PAMANTIK-KMU na nagpapahayag sa mobilisasyon sa Calamba.
Litrato kuha ni Gabriel Dolot

Ipinapanawagan naman ng Free Laguna 5 Network at Youth Movement Against Tyranny-Southern Tagalog (YMAT-ST) ang paglaya ng mga progresibong inaresto sa ilalim ng mga gawa-gawang kaso, gaya ng Laguna 5 at nanawagan ng hustisya para sa Southern Tagalog 10.

Ang huling nabanggit na grupo ay ang mga progresibong nakabasa sa Timog Katagalugan, na napatay noong ika-8 ng Marso nitong taon. Ang Laguna 5 naman ay tumutukoy sa limang lider-manggagawa na inaresto sa nabanggit na araw, bukod lamang kina Arnedo Lagunias, dating opisyal ng Lakas ng Manggagawang Nagkakaisa sa Honda (LMNH-OLALIA-KMU), at Ramir Corcolon, pangkalahatang kalihim ng Water System Employees Response, na inaresto noong ika-3 ng Marso. 
“Ang kabataan ay hindi ligtas sa mga atake ng estado. Inaalala natin ang [mga bilanggong politikal] at iba pang kabataan na nagbuwis ng kanilang buhay sa ngalan ng demokrasya,” pahayag ng YMAT-ST (BASAHIN: Families, friends reiterate demand for justice a month after COPLAN ASVAL’s Bloody Sunday).

Ang naganap na kilos protesta sa Calamba, Laguna noong Martes, Setyembre 21.
Litrato kuha ni Gabriel Dolot

Kahalagahan ng kamalayan

Naging dahilan ng lalong paglaganap ng disinformation ang pagpapalabas ng kontrobersyal na panayam ng aktres na si Toni Gonzaga kay Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. Naging tampulan ng batikos ang nasabing panayam ni Gonzaga na napag-alamang inaanak ni Bongbong at lantaran pa itong ikinampanya noong Halalan 2016.

Samu’t saring pahayag ang inilabas ng mga netizen sa naging vlog, na naunang ipalabas ang mga pigura ng oposisyon gaya ni Bise-Presidente Leni Robredo upang ipakita ang “neutrality” umano ng nasabing TV host. Bagama’t may ibang personalidad na sinabing hindi naman mamamahayag si Gonzaga, iginiit ng GMA News Anchor at Founder ng FYT Media Atom Araullo na ang pagiging neutral o impartial ay hindi ang pangunahing prinsipyo ng pamamahayag.

The final result [of journalism] is never impartial nor neutral because there is only one objective truth and the truth is never neutral [Ang huling resulta [ng pamamahayag] ay may kinikilingan o pinapanigan, dahil may isa lamang obhetibong katotohanan at ang katotohanan ay laging may pinapanigan]pahayag ni Araullo.

Ayon naman kay Atty. Rae Reposar, ang pagiging isang sikat na personalidad sa telebisyon at pelikula ay may kaakibat na responsibilidad. Kinakailangan na ang mga istoryang ilalathala sa social media ay magtaglay ng naratibong nakabatay sa katotohanan.

It is imperative that celebrities [and influencers] like Toni [Gonzaga], actively make that choice to only produce narratives that are factual, and narratives that do not further any social damage, which includes historical revisionism, or humanizing an evil dictator [Mahalaga na ang mga celebrity [at influencers] tulad ni Toni [Gonzaga], ay aktibong pinipili ang pagbuo ng mga naratibong makatotohanan, at mga naratibong na hindi nagdudulot ng sosyal na pinsala, tulad ng historical revisionism, o ang pagbibigay plataporma sa isang masamang diktador]” saad ni Atty. Reposar.

Magkahalintulad na estilo

Sa kilos-protesta sa Maynila, inilahad ni Atty. Neri Colmenares, isa sa mga biktima sa ilalim ng Batas Militar, ang mga pagkakapareho ng rehimeng Marcos at Duterte, kabilang na ang ‘nakaambang plano’ ng pagsanib-puwersa ni Bongbong Marcos at Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Halalan 2022.

“Isang bangungot para sa atin ang karanasan noong panahon ng Martial Law, bangungot din sa atin ang ating nararanasan sa ilalim ni Duterte,” ayon kay Atty. Colmenares.

Pambukas na mensahe ni Atty. Neri Colmenares sa kilos protesta sa Liwasang Bonifacio, Maynila.
Litrato kuha ni Sonya Castillo

Sa pahayag ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA), isang grupo ng martial law survivors, sinabi nilang hindi maaaring makabalik ang isang Marcos sa Malacañang na nagdala ng madilim na yugto sa kasaysayan ng bansa.

We refuse to let our country plummet to a deeper abyss of terror, deceit and incompetence. We cannot allow the monstrous troika of a despicable son [Bongbong Marcos] of an ousted dictator and the cold-blooded fascist Dutertes to rule the nation [Hindi namin pababayaan na ang ating bansa’y bumagsak sa kailaliman ng takot, kasinungalingan, at kawalan ng kakayahan. Hindi dapat natin papayagan na ang halimaw na troika ng isang salbaheng anak ng isang pinatanggal na diktador at ang mga walang damdamin na Duterte upang mamuno sa bansa],” pahayag ng SELDA. 

Ayon sa mga tala, mahigit 70,000 ang naaresto, 34,000 na nakaranas ng torture, at 3,000 na namatay, hindi pa kasama rito ang mahigit pitong daang desaparecidos na naglaho noong panahon ng Batas Militar. 

Base sa ulat ng Amnesty International, sa unang anim na buwan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 2016 hanggang Enero 2017, mahigit 7,000 indibidwal ang namatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga, na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos at nasasilalim pa sa kontrobersiya. Nasa mahigit 37,000 naman ang nasawi dulot ng COVID-19 sa ilalim ng kanyang pamamahala.

Katulad ng pagpapatupad ni Marcos ng Martial Law, pinirmahan naman ni Duterte noong Hulyo 2020 ang Anti-Terrorism Law na nagbibigay-kapangyarihan sa pamahalaan na supilin ang sinumang tumututol sa pamamalakad nito. 

Pahayag ng chairperson ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) Antonio Flores, hindi nalalayo ang sitwasyon noong 1972 sa sitwasyon ng mga magsasaka ngayon. 

Rural militarization, union-busting, baseless arrests, extra-judicial killings—these serve the same purpose under Duterte as they did under Marcos: to keep the peasant majority landless [Ang mga militarisasyon sa kanayunan, pag-atake sa mga unyon, walang-bisang pag-aresto, malawakang pagpatay– nagpapakita ito ng magkaparehong layunin sa panahon ni Duterte katulad ng nangyari sa panahon ni Marcos: manatiling walang sariling lupang sakahan ang karamihan sa mga magsasaka],” saad ni Flores.

Ayon naman kay UMA Vice-Chairperson Ariel Casilao, ang lupang para sana sa pakinabang ng mga magsasaka at ng mga Pilipino ay napupunta lang sa mga makapangyarihang burgis at ginagamit lang sa kanilang pansariling kita.

By suppressing the demand for genuine agrarian reform, both Marcos and Duterte let big landlords and corporations do with Philippine soil as they pleased [Sa pananahimik ng demanda para sa tunay na agraryong reporma, pinayagan nina Marcos at Duterte ang mga panginoong maylupa at mga korporasyon para gawin ano man ang gusto nila sa lupaing Pilipino],” pahayag ni Casilao. [P]

Litrato mula sa YAPJUST – UPLB / Facebook

Paglalapat ni PJ Atayde

1 comment on “Ika-49 na anibersaryo ng Martial Law, sinalubong ng kilos-protesta ng mga progresibo; pulis, ginambala iilang programa

  1. Pingback: LIST: Human rights watch (September 19-25, 2021) – UPLB Perspective

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: