Editorial Editorial Cartoons

Biguin ang diktadura

Mahalaga lalo na sa panahon ngayon ng panlilinlang ng rehimen ang pag-alala ng ating kasaysayan. Habang apura ang sambayanan sa pagwawakas ng pandemyang COVID-19, tuloy pa rin ang pananamantala at taktikang sikolohikal ng naghaharing-uri – ang pagbabago ng kasaysayan – upang muling ibalik ang mga Marcos sa pwesto.

“Tiger Economy” ang isa sa mga pinagmamalaki ng rehimen ni Marcos, kung saan ang naging basehan nito ay ang pagkakatatag ng mga imprastrakturang tulad ng walang katapusang San Juanico Bridge. Ngunit kahit gaano pa ka-world class ang mga gusali at tulay na ipinatayo ng diktador ay tila bang ayos lang isuko ang karapatang pantao para lamang sa mga proyekto. Isa ito sa mga dahilan na bukod pa sa lokal na utang, ay nadagdagan pa ang bayarin ng sambayanang Pilipinong naghihirap na.

Ang gaya-gayang buwaya namang si Duterte ay sumunod sa mga yapak ng diktadurang Marcos sa pamamagitan ng Build! Build! Build! at nangutang sa mga ibang nasyon pati transnational economic institution tulad ng World Bank. Ang utang na sana nabayaran na sa taong 2025 ay lumobo na sa P11.6 trilyon noong dulo ng Hulyo ngayong taon.

Maraming mga komunidad ng maralitang panglungsod ang pinalayas gawa ng mga proyektong ito. Sa panahon din ni Marcos nagsimula ang labor export policy, isang band-aid solution sa bilyong utang na siya rin ang may kasalanan. Hanggang ngayon ay tuloy na iniimplementa ang polisiyang ito sa ilalim ni Duterte, na may pinakamalaking bilang ng deployment ng mga OFW. 

Mas masahol pa, ngayong nasa ilalim ng pandemya, walang natanggap na ayuda ang mga migranteng manggagawa pagkatapos silang mawalan ng trabaho. Inuuna ng administrasyon ang pananamantala. Wala silang pakialam sa kaligtasan at kasiguraduhan sa mapayapang buhay para sa manggagawa.

Bukod pa rito, ay parehong tuta rin sina Marcos at Duterte ng mga imperyalistang bansa dahil pareho silang umaasa sa pagpopondo ng US para sa kagamitang pang-giyera. Halata na hangga’t nagpapayaman ang pamilya at kroni nina Marcos at Duterte, ay uunahin nila ang interes ng mga dayuhan.

Hinayaan noon ni Marcos na pumwesto ang mga US military bases sa Pilipinas bilang pagsuporta sa mga Amerikano noong Vietnam War. At ngayon naman sa ilalim ni Duterte, ay tinuloy ang Visiting Forces Agreement (VFA) na kung tutuusin ay nagbibigay ng kapangyarihan sa mga kriminal tulad ni Joseph Pemberton

Extrajudicial killings, walang pakundangang pag-aresto, at mga sapilitang pagkawala ang dinanas ng mga aktibista at mamamayan sa panahon ng batas militar ng rehimeng US-Marcos. Partikular sa Timog Katagalugan, nasaksihan ng mga mamamayan ang pinakamatinding kaso ng pagdadampot ng mga aktibista sa loob lamang ng isang araw – ang pagkawala ng Southern Tagalog 10.

Hindi naiiba rito ang ginawa ng rehimen ni Duterte. Kalahating taon na ang nakalipas magmula noong isinagawa ng estado ang COPLAN ASVAL na nagresulta sa tinatawag na Bloody Sunday Massacre; 10 na lider-aktibista mula sa rehiyon ang pinatay at anim naman ang inaresto. Ang dapat na tugon para sa pandemya ay ginamit laban sa mga lider-aktibista mula sa iba’t ibang sektor na nagnanais lamang ng pagbabago.

Sa halip ng kataksilan ng mga kauri nina Marcos at Duterte, ay malakas din ang pagtindig ng masang-api. Hindi basta-basta lumilipas at binabalot sa limot ang mga kasalanan ng kanilang mga administrasyon. Noon hanggang ngayon, ay buhay ang diwa ng pakikibaka. Laging nagkakaisa ang malawak na hanay ng sambayanan upang dalhin ang kanilang panawagan sa lansangan.

Kaya hangga’t umaalingawngaw pa rin ang boses ng mga tao sa lansangan, hangga’t nananatili pa rin ang hustisya at pananamantala, nagkakaisa ang bayan upang biguin ang diktadura.
IBAGSAK ANG PASISTANG REHIMEN NI DUTERTE! DUTERTE PATALSIKIN! [P]

Dibuho ni Aubrey Beatrice Carnaje

0 comments on “Biguin ang diktadura

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: