Mga salita ni Rolando Santos
Limang taon ako nang ideklara ni Marcos ang batas militar.
Akala ko, masaya.
Sa eskwelahan, kailangan naming kumanta ng “Martsa ng Bagong Lipunan,” ‘yung “May bagong silang, may bago nang buhay / Bagong bansa, bagong galaw, sa Bagong Lipunannnnn!” tapos susundan naman ng “Panatang Makabayan.” Parang nakakapuno ng pag-asa ang kanta at panatang ‘yon. Tapos, pag-recess, may nutribun pa!
Pinag-aralan din namin sa Araling Panlipunan ang Green Revolution. Pero pag-uwi, pinapipila ako ni Mommy sa trak para bumili ng rasyong bigas na may halong mais, tsaka konting powdered skim milk. Masaya, kasi nakikita ko sa pila ang crush ko.
May negosyong patahian sina Mommy kaya hinihintay kong maubos ‘yung mahabang kartong karete ng tela. Kasi, minsan, may mga kabataang dumaraan sa lugar namin sa Bagong Bantay, may dala silang mga plakard at sumisigaw laban sa gobyerno, doon sa kanto ng Congressional Avenue at Abra Street, sa paradahan ng maiikling jeep. May byahe pang pa-UP noon doon. Kanugnog ng Bagong Bantay ang Bagong Barrio sa norte at Bagong Pag-asa sa timog-silangan. Hindi ko lang sigurado kung talagang “bago” nga ang mga lugar na ito noong “bago” ang lipunan.
Kapag magmamartsa na ang mga kabataan mula sa kanto paraan sa Abra Street at iba pang kalsada ng Bagong Bantay, aakyat ako sa kwarto at isusungaw sa pagitan ng bintanang jalousie na gawa sa kahoy ang mahabang kartong karete at sa pamamagitan n’yon ay sisigaw ako nang sisigaw ng “peace men, peace men” kasabay ng “Diktadurang Marcos, Ibagsak!” ng mga demonstrador. ‘Yung “peace men, peace men” kasi ang pauso ng mga mas nakatatanda sa aming kalalakihan sa compound ng tinitirhan naming apartment. Sa driveway ng compound, punumpuno ng graffiti ng peace symbol at mga “Ibagsak” at mga “Imperyalismo.” Hindi ko naiintindihan noon ang ibig sabihin ng mga nababasa kong ito sa dingding ng driveway kung saan kami madalas naglalaro ng palmo.
Parang masaya.
Noong una.
Tapos…
… unti-unti, napansin naming magkakaibigan na umuunti yata ang channel sa TV. Hanggang sa bandang huli, Voltes V na lang ang nagpapasaya sa hapon namin pagkatapos ng klase sa elementarya. Tapos, parang umuunti na rin ang pagkain namin sa mesa.
Binibisita na namin ang isa kong ate na aktibista sa UP na may asawa ring aktibistang teacher doon sa iba’t ibang lugar na pinagtataguan nila dahil pinaghahanap na ng militar ni Marcos. Pero okey lang, kasi sa isang pagbisita, doon ako unang nakainom ng konting gin na may Rose Lime Juice. (Palagi na lang kasing tirang Mompo na inuumit ng kaklase naming sakristan ang naiinom naming alak sa paaralan na tinaguriang “Puti” dahil sa kinalburo nitong mga pader.)
Para palutangin ang kapatid ko’t bayaw, ginamit naman ng militar ang Daddy ko. Noon, may masiglang hanapbuhay si Daddy sa Navotas sa pangingisda. Namimigay pa nga siya ng sobrang huli sa mga kapitbahay kaysa bumili ng yelo para ibanyera ito at maibenta pa kinabukasan. Nawala ito. Nag-imbento ng kaso ang Philippine Coast Guard na ginagamit daw ang lantsa ni Daddy ng mga NPA, pati na sa Oplan Karagatan kung saan nasabat ng militar ang mga bala’t baril sa Palanan, Isabela. Kinasuhan si Daddy at ikinulong, kinumpiska ng militar ang aming kabuhayan—lantsa, bangka, mga gamit-pangisda, pati ang serbis naming Combi. Ikinulong s’ya at tinortyur. Si Mommy ay ‘di nakakatulog noon sa nangyayari kay Daddy sa Crame at humingi ng tulong kay Heneral Espino ng Pangasinan na kilala ni Daddy. Dahil sa pagsisikap ni Mommy na ilantad ang totoo, “pinawalan” si Daddy—hinulog siya ng isang owner jeep sa EDSA at umuwing mag-isa, puno ng paso ng sigarilyo ang mga braso’t katawan.
Hindi naglaon, nahuli rin ang kapatid ko’t bayaw. Ang bayaw ko ay hinuli sa ospital habang naka-confine. Hindi nila hinintay na siya’y umigi, tinanggal ang mga tubong nakakabit at dinala sa Bicutan. Ang ate ko ay sa Crame naman dinala, doon tinortyur at pinagsamantalahan.
‘Di kalaunan, napunta rin ako sa UP at namulat. Kaharap ang totoong mukha ng batas militar, namulat ako at tumimo sa dibdib ang paghihiganti. Sa panulat ko ibinuhos ang sama ng loob sa sistemang umiiral. Naging aktibista rin ako. Laban kay Marcos. Laban sa batas militar. Laban sa pambubusabos ng diktadura’t Imperyalismong US.
Sa pitong-daang salita, ito ang alaala sa akin ng batas militar.
—
Rolando Santos is a [P] alumnus and has served as Managing editor from 1985 to 1989.
The UPLB Perspective is accepting opinion articles that touch on relevant issues concerning news, politics, culture, and personal experiences. Send your articles or queries to opinion.uplbperspective@gmail.com
Pingback: Beyond EDSA – UPLB Perspective